Smashing Four Review

Ang Smashing Four ay isang PvP (players vs players) multiplayer na ginawa ng game developer na Geewa. Ito ay isang turn-based strategy game kung saan pinaglalaban ang mga hero upang makakuha ng orbs at trophies na naglalaman ng iba’t ibang rewards kagaya na lamang ng gold at hero cards. Makakakuha ng panibagong mga hero sa tuwing mananalo sa arena at sa pag-upgrade ng mga nakolektang cards, gems, at gold. Bawat hero ay may kakaibang abilidad na magagamit upang mas maging epektibo sa digmaan at skillshots. Maraming iba’t ibang kombinasyon ang pwedeng gawin sa pagbuo ng isang team na may apat na miyembro kaya nasa iyo na kung anong diskarte ang iyong gagawin. Basahin hanggang dulo ng artikulong ito ng Laro Reviews upang mas maging maalam sa Smashing Four! 

Features ng Smashing Four

Arena – Habang dumarami ang bilang ng iyong trophies, mag-iiba rin ang iyong arena. Bawat arena ay kinakailangan ng ibayong diskarte upang mapagtagumpayan. Kapag mas mataas ang arena, mas magarbo ang awards na matatanggap. Dagdag pa rito, maaari pang makakuha ng panibagong heroes sa ilang mga arena. 

Smashing Four - Laro Reviews

Smashing Four – Laro Reviews

Spheres System – Mayroong limang uri ng spheres na maaari mong makuha sa battle. Binubuo ang Spheres ng hero cards at golds. Kapag mas malaki ang hugis ng sphere, mas matagal ito bago magbukas. Ang mga sphere na nakuha mula sa mas komplikadong arena ay mayroong mas maraming cards at golds. Subalit, pwede ring bilhin sa store ang tatlong pinakamagagandang sphere na mayroon sa laro. Hindi lang ito, wala ng waiting time at mabubuksan na ito agad-agad. Narito ang limang uri ng spheres: 

  1. Regular Sphere – Mabubuksan matapos ang tatlong oras. Tanging ordinaryong cards lang ang makukuha rito. 
  2. Rare Sphere – Mabubuksan matapos ang walong oras. Naglalaman ito ng regular at rare cards. 
  3. Royal Sphere – Mabubuksan matapos ang 10 oras. Sa sphere na ito, makikitang sagana ang common at rare cards. 
  4. Epic Sphere – Mabubuksan matapos ang 12 oras. Maaaring maglaman ng ordinary, epic, at rare cards. 
  5. Unique Sphere – Mabubuksan lamang matapos ang isang araw o 24 oras. Bulto ang matatanggap na epic, ordinary, at rare cards. 

Friendly Battles – Maaaring makipaglaro sa iyong mga kaibigan gamit ang feature na ito. Ngunit tandaang walang anumang rewards ang matatanggap dito. Hindi lang ito, lahat ng heroes na gagamitin ay mananatiling nasa iisang level – panlimang level para sa ordinary heroes, pangatlong level sa rare, at unang level naman para sa mga epic. Layunin ng levelling na ito na maging patas ang labanan kahit iba’t ibang hero man ang gamitin. 

Clan System – Sa pagiging kasapi ng isang clan, maaaring makipaglaban sa ibang miyembro din ng clan. Bukod dito, pwedeng humingi ng regular o rare cards as ibang kasamahan sa clan. Dumarami ang bilang ng cards na maaaring mong hingiin habang tumataas ang iyong level. Isang beses lamang sa loob ng pitong oras maaaring humingi. 

Ano nga ba ang mga Hero? 

Ang Smashing Four ay isang larong punong-puno ng heroes. Gamit ang iyong matalinong pag-iisip, bumuo ng estratehiya upang manalo sa labanan. 

Katangian ng heroes

Bawat hero ay mayroong dalawang level, ang damage at health. Maaaring mapataas ang kanilang stats sa pagkolekta ng mga cards at golds. Dagdag pa rito, ang mga karakter ay may bigat, liksi, at laki na hindi nagbabago sa kabuuan ng laro. Ang mga ito ang indikasyon sa posibleng maging gawi at reaksyon ng mga hero oras na mabunggo sa ibang mga bagay. 

Kakayahan ng heroes 

Sa usapin naman ng kakayahan, bawat hero ay may unique na abilidad na nagiging available sa partikular na level. Pang-lima para sa mga ordinaryong hero, pangatlo naman para sa mga rare, at pinakaunang level para sa mga epic heroes. Ang halimbawa ng mga abilidad na ito ay maaaring acceleration, dagdag na damage, o kaya naman ay healing. Upang malaman ang detalyadong impormasyon, tingnan lang sa personal card ng bawat hero. 

Abilidad na spell

Kaunti lamang sa mga hero ang maaaring gumamit ng spell na makakasama o makakabuti para sa iyo. Ang ilan sa kanila ay kailangan pang hawakan o magkaroon ng contact sa ibang hero upang magamit ang spell. Samantalang ang iba naman ay kayang gawin ito kahit nasa malayong distansya. Oras na ang hero mo ay na-bewitch, mababalot ito ng isang espesyal at kakaibang aura. Bawat hero ay maaaring ma-bewitch gamit ang isang spell lang. Maka-cancel ang naunang spell kapag naglagay ng panibagong spell. 

Smashing Four - Laro Reviews

Smashing Four – Laro Reviews

Saan Pwedeng I-download ang Smashing Four?

Alamin kung paano mula sa Laro Reviews! Pumunta sa Google Play Store para sa mga Android user at App Store naman para sa mga iOS user. I-type sa search bar ang Smashing Four at pindutin ang icon ng app. Dahil free-to-play (F2P) ang larong ito, hindi mo na kailangang magbayad para makapagsimula. I-click lang ang install o get button at hintaying ma-download. Pagkatapos nito, pindutin ang app, kumpletuhin ang sign-in details, at simulan nang maglaro! 

Narito ang mga link kung saan pwedeng ma-download ang laro: 

Download Smashing Four on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.geewa.smashingfour

Download Smashing Four on iOS https://apps.apple.com/us/app/smashing-four-pvp-smash-hit/id1230892664

Tips at Tricks sa Paglalaro 

Bago magsimula, tiyaking sigurado na sa nickname na gagamitin dahil isang beses lamang ito pwedeng baguhin. Ang susunod na kailangan mong pagtuunan ng pansin ay ang pagbuo ng isang balanseng team. Ito ang isa sa pinakamahalagang desisyong kailangan gawin habang naglalaro ng Smashing Four. Bagamat masasabing sapat lang ang bilang ng heroes na mayroon sa laro, hindi nangangahulugang magiging madali ang pagsasaayos ng team. Mas mainam kung ikaw ay makakakuha ng heroes na may mataas na rarity. Dahil kapag mas mataas ang kanilang rarity, mas maganda ang kanilang stats. Agaran ding makukuha ang kanilang special skills. 

Kailangan lamang i-tap ang iyong screen, i-drag depende sa nais na lakas, at sabay bitaw sa hero tungo sa arena. Ganito ang pundasyon para umatake ang isang hero. Tuwing nakikipaglaban, siguraduhing hindi matatamaan ang hero na pinakamalapit sa iyo. Mainam kung mag-focus sa isang hero na gustong patumbahin. Epektibong diskarte upang manalo ay unahin ang mga hero na may mataas na damage kagaya na lamang ni Assassin. Mahina ang depensa ng mga ganitong uri ng hero kaya madali lamang silang magapi. Kapag sinuswerte, maaari mo pa silang mapatay bago mabigyan ng pagkakataong tumira. Hindi ko rin mairerekomendang unahing atakihin ang tanks o ang mga hero na may mataas na defense stat dahil mabibigyan lamang nito ang mga kalaban ng oportunidad para mag-counterattack. Ang pangunahing layunin ng ganitong teknik ay mabilisang mabawasan ang bilang ng kalaban. Kapag mas mababa ang tsansa na umatake ang kalaban, mas mataas ang porsyento na mabubuhay ng buo ang iyong team. 

Related Posts:

Frontier Justice – Return to the Wild West Review

Art of War 3: RTS Strategy Game Review

Isa pang mahalagang trick na magandang matutunan ay kung paano mapapupunta ang kalabang hero tungo sa iyong ibang mga karakter. Karaniwang magagawa ito kung itututok ang atake sa kanilang gilid, sa halip na direkta sa kanila. Halimbawa, kung ang iyong ibang karakter ay makikita sa kanang bahagi ng arena, dapat itututok ang iyong atake sa kaliwang bahagi. Mula rito, tatalbog ang kalaban papunta sa kanan at pagkakataon na ito upang magkaroon ng dagdag na damage ang kalabang hero. Isa pang trick ay kung may pagkakataong tumalbog sila papunta sa iyo para makaatake kang muli. Ngunit magagawa lamang ito kapag ang kalabang hero ay malapit sa gilid ng arena. 

Maging masinop din sa paggamit ng iyong gems dahil ito ang premium currency sa Smashing Four. Napakahirap nitong makuha at kananiwa’y isang gem lamang ang makukuha sa bawat orb na matatanggap. Ipunin ito at siguraduhing gagamitin lamang ito sa pagbili ng orbs sa shops. Mayroong tatlong available na orbs sa shop. Ito ay ang epic, royal, at ultimate. Inirerekomenda kong mag-ipon hanggang maging sapat ang bilang ng gems para makabili ng epic orb. Pinakamura man ang royal orb, ang guaranteed lang dito ay ang mga rare card. Gayunman, sa epic orb ay may garantyang dalawa hanggang tatlong epic cards at 16 hanggang 22 na rare cards. Nakatitiyak akong malayo ang mararating nito sa pagbuo ng team. 

Smashing Four - Laro Reviews

Smashing Four – Laro Reviews

Pros at Cons ng Smashing Four 

Kahanga-hanga ang kabuuang ideyang ginamit sa laro. Nakakatuwa at nakakaaliw ang gameplay nito. Masasabing maayos din ang pacing ng laro, hindi masyadong maiksi ngunit hindi rin naman ganoon kahaba. Chill lang din ang diskarteng gagamitin pero may hamon pa rin na kailangan maging matalino sa pagplano ng mga susunod na hakbang. Tunay ngang nakakaadik ang konsepto na tipong gugustuhin mong maglaro nang maglaro habang papataas ang level ng cards at nakabubuo ng sariling deck. 

Isa ang pagbuo ng estratehiya sa pinaka-nagustuhan ko sa laro. Sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng diskarte at maagang pagpaplano, siguradong makakakuha ng trophies, maipapanalo maging ang mga mababang heroes, at matutukoy ang sunod na galaw ng iyong kalaro matapos tumira. Tamang-tama ang pagiging balanse ng laro dahil pwede itong maging casual para sa mga saktuhan lang kung maglaro ngunit maaari din itong magbigay ng hamon sa mga advanced na manlalaro. Dagdag pa sa mga nabanggit, maganda rin ang graphics at visual ng laro. Ang kamakailang update sa UI ay mas nagbigay dagdag aliw sa karanasan habang naglalaro. 

Ngunit sa kabila ng mga positibong aspetong nabanggit sa Smashing Four, may mga cons din ito. Hindi ito free-to-play friendly dahil habang nagpoprogreso sa laro, mapapansing mapipilitan talaga ang mga manlalaro na bumili ng in-app purchases. Maliban na lang kung handa kang mag-grind ng ilang taon para lamang ma-max ang isang deck, posible naman. Ngunit sino nga ba ang may pasensya upang gawin iyon ng gano’n katagal? 

Hindi rin nakikinig ang game developer sa mga suhestiyon at hinaing ng kanilang mga manlalaro. Sa mahabang panahon may mga hero na inirereklamo at nangako ang Geewa na tutugunan nila ito. Halimbawa na lamang ay sina Shaman at Enchantress na maraming tumutol dahil mababawasan ang kanilang percentage base dahil hindi umano nag-i-scale ang mga ito sa iba pang mga card anuman ang mangyari. Nagbago ba? Hindi, dahil may epic cards naman na inilalabas. Ano ang pamamaraan upang ang mga ito ay mapa-level up? Paggamit ng totoong pera. 

Mapapansin din na mas pabor ang mga desisyon ng Geewa sa mga baguhang manlalaro habang napag-iiwanan na ang mga matagal ng manlalaro. Halimbawa noong Bagong Taon, ang kanilang rewards na binigay ay 15 laro at 1000 gold. Kung susuriin, kinakailangan ng 50,000 gold upang mag-level up ng isang hero. Hindi pa ito max level kung tutuusin. Hindi lang ito, makukuha mo rin ang 1,000 gold oras na manalo ng 15 beses. 

Konklusyon

Malaki ang potensyal ng Smashing Four kung pag-iibayuhin ng Geewa ang oportunidad na mayroon silang gawing kapaki-pakinabang ang laro hindi lang para sa game developer, kundi maging sa matagal ng manlalaro. Mainam kung tataasan nila ang rewards upang patuloy na mahikayat ang mga free-to-play players. Hindi lang ito, bigyan din sana nila kahit ng maliit na tyansa ang lahat ng cards sa lahat ng orbs. Nang sa gayon, manatili pa rin ang mga manlalaro dahil alam natin kung gaano kahirap mag-level up sa larong ito. Bilang panghuli, makinig at sundin ng Geewa ang community tungkol sa mga bug at bigyan ng karampatang aksyon upang maisaayos ito. Ito ang susi para patuloy na mapaunlad ang kabuuang Smashing Four. 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...