
Talaga nga namang kahanga-hanga ang larong ito na siguradong magiging patok sa panlasa ng kahit sino. Ang Snake.io ay isang snake blasting game na maaaring laruin online at offline. Ito ay gawa ng Kooapps Games para sa mga taong nais lamang magsaya at magrelax habang naglalaro. Kung ikaw ay isa sa mga taong ito, mangyaring basahin ang susunod na mga detalye sa artikulong ito upang malaman ang mga tampok at iba pang kaabang-abang sa laro hatid ng Laro Reviews.
Contents
Mga Tampok ng Laro
Dahil mainam na stress reliever ang Snake.io, hindi mahirap intindihin ang mekaniks nito dahil napakasimple lamang nito. Kailangan mo lang pakainin nang pakainin ang iyong snake hanggang sa lumaki ito. Ang pagkaing tinutukoy ay ang mga maliliit na bola na nasa paligid. Makikita ang mga ito sa lahat ng sulok ng laro kung kaya ay madali lamang ang pagkain. Habang patuloy ang iyong snake sa pagkain, mapapansin na ito ay unti-unting lumalaki. Upang mas mapadali pa ang pagpapalaki rito, maaari mong kainin ang iba pang snakes. Ngunit, dito nagiging mapanlinlang ang laro dahil hindi dapat basta-bastang susugod ang iyong snake sa iba dahil ito ang mamatay. Nangangailangan na ikaw mismo ang babangga ng ibang mga snakes upang sila ang mamatay at makain. Mas maraming snakes na nakakain, mas mabilis ang paglaki ng iyong snake at ang pag-akyat ng iyong score sa leaderboard.
Bukod pa rito, tampok din ang cute na skins na maaari mong gamitin upang mas mapaganda ang iyong snake. Habang nagpapatuloy sa laro ay parami rin nang parami ang skins na maaaring magamit. Hindi dito natatapos ang listahan ng mga tampok sa laro. Alam mo ba na may kakayahan kang makapaglaro kasama ang iyong mga kaibigan? Ito ang isa sa mga feature na tampok sa bagong upgrade ng Snake.io. Nakakatuwa hindi ba? Tiyak na magugustuhan ng marami ang larong ito.
Paano i-download ang Snake.io:Fun Snake.io Games?
Madali lamang i-access ang Snake.io sa kahit anong gadget na mayroon ka lalong-lalo na sa iyong mobile phone. Sundin lamang ang mga gabay ng pag-download nito. Kung ikaw ay gumagamit ng Android, maaari mong hanapin ang Snake.io: Fun Snake.io Games sa Google Play Store at i-click ang install. Para naman sa iOS, pumunta lamang sa App Store at gawin ang proseso na katulad sa Android. Para naman sa PC o Laptop, i-download muna ang BlueStacks emulator at hanapin ang pangalan ng laro. Siguraduhing tama ang larong iyong pinili sa pamamagitan ng pagsuri kung ito ba ay gawa ng Kooapps Games. Para sa mas madaling pag-download, i-click lamang ang mga link sa ibaba.
Download Snake.io: Fun Snake.io Games on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.amelosinteractive.snake
Download Snake.io: Fun Snake.io Games on iOS https://apps.apple.com/us/app/snake-io-fun-online-slither/id1104692136
Download Snake.io: Fun Snake.io Games on PC https://www.bluestacks.com/apps/action/snake-io-on-pc.html
Tips at Tricks Para sa mga Baguhan
Walang tiyak o saktong estratehiya sa larong ito dahil wala itong levels na kailangang makamit. Ngunit, may mga paraan naman upang mas mapadali ang paglaki ng iyong snake sa bawat paglaro mo ng Snake.io. Heto ang ilan sa mga tip at trick na ibabahagi ng Laro Reviews na maaaring makatulong sa iyo. Mapapansin na sa unang subok mo sa laro ay maliit pa lamang ang sukat ng iyong snake kung kaya ay nakakatakot makipagsabayan sa mas malalaking snakes. Huwag mabahala dahil maaari mong gamitin ang mga bolang maliliit na nakapaligid sa iyo. Kainin lamang ang mga bolang makakasalubong mo dahil ito ang unang tutulong sayo upang lumaki ang iyong snake. Sa pagkain ng mga ito, mas lalaki ang iyong snake kahit wala pa itong nakakain na mga katulad niya. Kapag napansin mo na kaya na nitong makipagtunggali sa ibang snakes, iyan na ang tamang oras upang lumapit sa kanila.
Palagi lamang tatandaan na ibang snakes ang dapat na bumangga sa iyo upang sila ay mamatay at madissolve bilang pagkain. Kung ikaw naman ay natatakot na basta na lamang lumapit sa iba, may solusyon ang Laro Reviews para riyan. Lahat ng snakes sa iyong paligid ay may katulad na layunin sa iyo kung kaya ay mapapansin ang minsang paglapit nila sa iyo at sa iba pa upang makakain. Dahil dito, malaki ang tsansa na may ibang snakes na mamamatay habang ikaw ay kumakain lamang ng bolang maliliit. Kapag nangyari ito, maaari kang sumali sa pagkain ng na-dissolve na snake dahil mananatili lamang ang mga ito sa laro upang makain. Oo, maaaring hindi mangyari ito o nakakayamot maghintay ng ganito ngunit tandaan na maaari ka pa rin namang kumain ng mga maliliit na bola kung sa tingin mo ay malabo ang kaganapang ito.
Kalamangan at Kahinaan
Maganda ang kabuuang konsepto ng laro at talaga namang maganda ang pagkakagawa nito. Hindi malabong mangyari na ito ay papatok sa mga tao kahit anumang edad. Maganda ang graphics dahil sa makukulay na skins ng snake na makikita tuwing naglalaro. Swabe rin ang paggalaw ng iyong snake sa laro dahil madali lamang ang pag-kontrol nito gamit ang buttons. Isa pa sa maganda rito, maaari mong ilagay ang move button sa kaliwa o kanan depende kung anong dominanteng kamay ang iyong gamit.
May feature rin itong speed kung saan mas nagiging mabilis ang iyong paggalaw sa laro. Mainam itong gamitin kapag ikaw ay nakikipag-agawan ng makakain. Tampok rin ang iba’t-ibang uri ng skins na maaari mong gamitin ng walang bayad. Kaaya-aya ito sa paningin dahil mga soft tones ang kulay na ginamit.
Dagdag pa rito, marami ring skins na ibinibigay kung ikaw ay maglalaro kung kaya ay malaya kang makapag-palit-palit ng skins kung kailan mo gusto. Isa pa sa mga magagandang tampok ng larong ito ay ang leaderboard na makikita sa gilid habang ikaw ay naglalaro. Dito mamo-monitor kung sinong snake ang pinakamalaki at may pinakamataas na scores. Kapag naman ikaw ay nasali sa leaderboards, iilaw ang iyong pangalan dito. May feature rin na maaaring gamitin upang ikaw ay magsimula sa laro ng malaki na. Nangangailangan lamang panoorin ang ads na lalabas dito. Mapapansin lamang sa laro na kapag ikaw ay mamamatay, kailangan munang manood ng ads upang makapaglaro ulit. May nakalagay namang exit sa ads na ito ngunit may ads pa ring kailangang panoorin kasunod nito. Bukod sa mga kahinaang ito, masaya at relaxing pa rin naman ang paglalaro ng Snake.io.
Konklusyon
Sa pangkalahatan, nakakuha ng 4.4 na ratings ang larong ito sa Google Play Store at 4.5 naman sa App Store. Masasabi na puro matataas na marka at magagandang reviews ang nakuha ng larong ito. Hindi na rin nakapagtataka ang resultang ito dahil na rin sa simpleng gameplay at kahanga-hangang features. Ito rin ay patok sa mga taong gusto ang hindi kumplikadong laro ngunit masaya. Kaya kung gusto mo ng bagong kagigiliwang laro na swak sa iyong trip, huwag nang magpatumpik-tumpik pa at i-download na ang Snake.io!
- 0 Comment
- Casual Game Apps, Reviews
- June 13, 2022