Solitaire Fun Tripeaks – My Restaurant Stories Review

Kung hindi ka pa nakakakita ng larong higit sa isa ang pokus, hindi mo na kailangan pang maghanap dahil iyan ang itatampok namin sa review na ito. Ito ang Solitaire Fun Tripeaks – My Restaurant Stories na nilikha ng Higgs Studio. Sa Google Play ay ipinakilala ang larong ito bilang isang classical card game ngunit kung bubuksan mo ang laman nito, malalaman mong marami ka pa palang ibang bagay na magagawa rito. Ito ang klase ng card game na tuturuan ka rin kung paano mag-disenyo ng isang restaurant. Exciting, hindi ba?

Ang Solitaire Fun Tripeaks – My Restaurant Stories ay mayroong hinandang gameplay kung saan ikaw ay binibigyan ng pagkakataong i-renovate ang isang restaurant. Kailangan mong makapag-earn ng star upang makabili ng bawat materyales na nais mong ilagay dito. Upang magawa ito ay kailangan mong maglaro ng solitaire at tapusin ang mga iyon sa abot ng iyong makakaya. Tunay na hindi ka lamang maaaliw sa pagpa-puzzle ng mga baraha dahil matutuwa ka rin sa pagdidisenyo. 

Features ng Solitaire Fun Tripeaks – My Restaurant Stories

Sa simula pa lang ng laro ay bubungad na agad sayo ang iba’t ibang klase ng restaurant. Bawat isa sa mga ito ay may kalakip na kwento na maaaring subaybayan ng bawat manlalaro. Dahil trabaho mo sa larong ito ang mag-renovate ng building, naglagay ang Higgs Studio ng iba’t ibang klase nito na talaga namang mae-enjoy mo. Ito ay ang mga sumusunod; Cuban Pizzer, Donut Shop, Open-air Grill, Mr. Burger, Cafe, Garden Restaurant, Lake Restaurant, Eden Dreams, Urban Oasis at Sea View Restaurant. Ilan sa mga ito ang nangangailangan pa ng pag-unlock at iyon ay sa pamamagitan ng pagkumpleto sa mga task na nakapaloob sa bawat restaurant. Walang eksaktong bilang ang bawat task na nakapaloob sa bawat restaurant dahil nakadepende ito sa kailangang irenovate sa loob nito.

Upang ma-renovate ang mga nasabing restaurant, kailangan mo munang makapag-earn ng mga star upang ipambili ng mga materyales. Dito pumapasok ang pinaka-challenge ng laro kung saan kailangan mong maglaro ng mga baraha, i-a-arrange ang mga ito base sa pagkakasunod-sunod ng bilang nito. Sa loob ng mismong laro, makikita ang iba’t ibang klase ng booster na iyong magagamit upang mapabilis ang pag-a-arrange mo ng mga baraha. May 4 na bilang nito at minsan ikaw ang pipili kung alin dito ang maaari mong dalhin at gamitin sa laro. Makikita mo rin dito ang ilang mga button kung saan maaari mong ibalik ang baraha sa iyong deck kung may nakalimutan kang kuning numero. Mayroon din ditong tinatawag na Wildcard kung saan maaari mo itong gamitin kung ayaw mong bawasan ang mga baraha na nasa iyong deck. 

Iisa lamang ang currency ng laro at ito ay sa pamamagitan ng coins. Maaari kang magkaroon ng dagdag bilang ng cards para sa extra move at makatapos sa laro. Bukod pa rito, ginagamit din ito pambili ng mga booster na siyang maaari mo rin namang gamitin upang makalagpas sa bawat level. Hindi madamot magbigay ang laro ng coins ngunit kung mangyari man na maubusan ka nito ay meron namang Free Coins button ang laro na maaari mong gamitin. Dito ay maaari kang manood ng iba’t bang klase ng ads kapalit ang malaking halaga. Kung hindi naman ito ang nais mong gawin ay meron din namang store ang laro kung saan maaari kang bumili ng iba pang item ng laro bukod sa coins sa halagang PhP343 hanggang PhP5,000. Maaari mo rin namang hintayin ang reward mula sa Daily Quest kung saan agad na nilang pinapakita sayo ang iyong maaaring matanggap kung sakaling matapos mo ang isang task.

Saan maaaring i-download ang Solitaire Fun Tripeaks – My Restaurant Stories?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 131MB sa Google Play Store. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba.

Download Solitaire Fun Tripeaks – My Restaurant Stories on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.boke_miniplay.beauty_chef

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Solitaire Fun Tripeaks – My Restaurant Stories

Kung mayroon mang tip para sa paglalaro ng Solitaire Fun Tripeaks – My Restaurant Stories, iyon ang subukan lang laging i-explore ang bawat features nito. Iilan lang kasi ang pinapakita ng laro partikular na sa lobby nito. Para bang makikita mo na lang ang iba sa mga iyon kung may interes kang kalikutin ang laman ng laro. Kung nasa mismong loob ka ng restaurant, iisipin mong ang kalakalan ng laro ay mag-earn ng paisa-isang star at pagkatapos ay mag-renovate din ng paunti-unti. Ngunit maaari naman magtuloy-tuloy ang paglalaro mo kung pipindutin mo lang lagi ang star icon ng laro. Sa ganito ay tuloy-tuloy kang makakapaglaro ng solitaire. Mainam din ito dahil naiipon mo muna ang mga star para sunod-sunod din ang pag-avail ng iba’t ibang materyales sa pagre-renovate.

Gaya ng palaging payo sa bawat card game, sikapin na palaging pinag-iisipan ang bawat gagawing kilos. Mainam na palaging ineensayo ang utak na mag-isip at hindi na lang basta nagre-rely sa mga item ng laro gaya ng booster at Wild Card. Huwag itong sayangin at gamitin lamang ito sa pagkakataon kung saan talagang wala ka ng ibang pagpipilian pa. Samantala, kung ililibot ang paningin sa aktwal na pinangyayarihan ng laro, makikita mo sa bandang taas ang para bang may pinupunan. Nagkakaroon ng laman ang mga ito sa tuwing naka-combo ka o sunod-sunod na pag-arrange ng mga baraha. Mainam itong gawin kung sakaling maubusan ka ng Wild Card o card sayong deck.

Pros at Cons ng Solitaire Fun Tripeaks – My Restaurant Stories

Saktong pagpasok mo pa lamang dito, isang magandang aura na ang ibibigay sayo ng laro. Sobrang soft tingnan ng graphics nito dahil sa magandang art na ginamit dito, mula sa mga tauhan hanggang sa ilang mga disenyo na ginawa para sa bawat klase ng restaurant. Hindi rin gaanong mabigat tingnan ang kulay nito dahil mapusyaw ang mga ito habang ang iba ay animo’y pastel. Nagustuhan din ng Laro Reviews kung paano binubusog ng larong ito ang kanilang mga manlalaro sa pamamagitan ng paglalagay dito ng simple ngunit nakakatuwang istorya at pagbibigay sa mga ito ng pagkakataong ilabas ang pagiging artistic para mapaganda ang loob ng bawat restaurant. Ito ang tipo ng larong talagang hindi mo bibitawan dahil tunay kang masasabik sa magiging final look ng iyong nire-renovate. Bukod pa rito, nakakatuwang pwede mo ring palitan ang disenyo nito, kahit kailan mo gusto.

Isang bagay lang na masasabing disadbentahe sa larong ito ay ang level of difficulty ng Solitaire. May pagkakataon na para kang nasa loob ng isang tutorial dahil simple lamang ang bawat level na narito. Para bang isinusubo na sayo ng laro ang dapat mong pindutin at gawin, ngunguyain mo na lamang. Walang gaanong thrill at para bang hindi ito ang pinakapokus ng laro dahil sa sobrang dali nito. Mainam sana kung mayroon ding kalayaan ang bawat manlalaro na mamili kung gaano lamang kadali o kahirap ang bawat puzzle upang tunay na masubok ang talino ng bawat manlalaro.

Konklusyon

Para sa kabuuang komento ng Laro Reviews sa larong ito, masasabi pa rin namang mahusay ang pagkakagawa dito ng Higgs Studio dahil nagawa nitong ipagsama ang designing, storytelling at card game sa iisang laro lamang. Sulit na rin maituturing at maaari nang gawing libangan hindi lamang tulad ng mga nahihilig sa mga nabanggit sa itaas kundi pati na rin sa mga bata. Kung nais mo ring maranasan ang ilan sa mga ito, subukan na itong i-download at laruin.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...