Solitaire Tripeaks: Adventure Journey Review

Ang Solitaire Tripeaks: Adventure Journey ay isang exciting na larong punung-puno ng mga hamong kailangan mong mapagtagumpayan. Sa iyong paglalakbay, kalasin ang mga trap, i-activate ang mga booster, at makipagkumpitensya para manalo ng mga nakatagong cards. Hindi lamang sa wikang Ingles, mayroon pa itong walong ibang pang pamimiliang mga lenggwahe! Ang mga ito ay Italyano, Turkish, Deutsch, Portuguese, Chinese, French, Espanyol, at Korean. Kaya siguraduhing basahin hanggang dulo ang artikulong ito ng Laro Reviews para malaman ang tips, tricks, pros, cons, at kabuuang verdict!

Gameplay ng Solitaire Tripeaks: Adventure Journey

Taliwas sa tipikal na kinagisnan nating gameplay ng Solitaire, mas simple ang game mechanics ng Solitaire Tripeaks: Adventure Journey. Ngunit mapapansing nananatili pa rin ang pundasyon ng classic game na ating kinagiliwan. 

Makikita ang stack ng cards na nakakalat sa iyong screen. Ang ilan ay nakataob samantalang ang iba naman ay nakatihaya. Upang makita ang mga nakataob na cards, kailangang mapili at matanggal muna ang cards na nakapatong dito. Sunod naman na mapapansin ay ang deck of cards na nasa ibabang bahagi ng iyong screen at isang card na nakabukod. Dito nakabase kung anong card ang iyong pipiliin mula sa stacks ng card. Ang patakaran sa larong ito ay piliin ang card na mas mataas o mas mababa ng isa sa na-draw na card. Halimbawa, 3 ang naka-draw na card. Ang maaari mo lamang piliing card mula sa stacks ay 2 o 4. Isa pang halimbawa ay kung King ang na-draw mong card, ang maaari mong itambal dito ay Queen o Alas. 

Ang pangunahing layunin ng laro ay maubos ang stack ng cards sa gamit ang pinakakaunting move. Kung wala ka ng pwedeng mapili mula sa mga nakalatag na cards, ang susunod mong hakbang ay mag-draw ng panibagong card. Sa pamamagitan nito, mapapalitan ang kasalukuyan mong card. Dahil diyan, magkakaroon ka ng panibagong pagkakataon para makapili ng ibang card. Bawat card na iyong natanggal mula sa stack ay may katumbas na gold coins. Ito ang currency na ginagamit sa laro. May dagdag bonus point din kung marami pang natitirang card mula sa iyong deck. Nangangahulugan lamang na kapag hindi ka masyadong nag-draw, mas efficient na ang iyong moves at makakakuha ng mas mataas na rewards. 

Saan pwedeng i-download ang Solitaire Tripeaks: Adventure Journey?

Dahil hindi ito available sa iOS users at PC, pumunta sa Google Play Store para sa mga Android user. I-type sa search bar ang Solitaire Tripeaks: Adventure Journey at pindutin ang icon ng app. Dahil free-to-play (F2P) ang larong ito, hindi mo na kailangang magbayad para makapagsimula. I-click lang ang install o get button at hintaying ma-download. Pagkatapos nito, pindutin ang app, kumpletuhin ang sign-in details, at simulan na ang paglalaro! 

Narito ang mga link kung saan pwedeng ma-download ang laro:

Download Solitaire Tripeaks: Adventure Journey on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.cherrypickgames.solitaire.farm

Tips at Tricks sa Paglalaro

Mahalagang makabuo ng combo sa pamamagitan ng sunud-sunod na pagpili ng cards mula sa stack. Bukod sa swerte, kinakailangan itong gamitan ng diskarte kung ano ang magiging susunod na hakbang. Kung pipiliin ba ang card na mas mababa sa na-draw na card o uunahin ang mas mataas. Ito ang palaisipang madalas babagabag sa isip ng mga manlalaro. Kapag nakikita mong karamihan ng mga card na nakatihaya ay nasa mababang range, mainam kung pipiliin ang mababang numero muna para maubos ang mga ito. Mas maganda ring unahin ang card na mas marami ang tinatabunang nakataob na card para mabuksan ito kapag iyong pinili. Nang sa gayon, malalaman mo na kung anong numero ang nakakubli sa mga ito.

Kapag napuno mo ang unang Streak Meter, makakakuha ka ng dagdag na golden coins. May dalawang kondisyon upang maabot ito. Una kung sunud-sunod ang iyong pagtira at pagpili ng cards mula sa stack. Ikalawa, kung hindi ka magdo-draw mula sa deck ng mga card. Mas pinahirap nang bahagya ang ikalawang round ng Streak Meter dahil bukod sa mga naunang kondisyon, kinakailangan ding magkakapareho ang kulay ng mga card na na-combo. May dalawang kulay ang makikita sa laro, itim at pula. Ang spade at clover ay itim samantalang pula naman para sa heart at diamond. Gayunpaman, mas malaki naman ang reward na matatanggap oras na magawa mo ito. Makukuha mo ang Wild Card na kung saan wala itong espisipikong halaga. Mahalaga ang magiging ambag nito sa mga pagkakataong wala ka ng ibang maitira. Random ang paglagay nito sa iyong deck kaya tiyakin kung kailan ito ido-draw. Ginto ang kulay ng card kaya madali itong matukoy. 

Sikapin ding matapos ang mga level nang makapunta sa mga excavation spots. Ito ang bonus round ng laro. Pumili ng tatlong palakol mula sa pagpipiliang mga spot para makuha ang prizes. Maaaring makakuha ng gold coins, cards, at marami pang iba. Swertihan lang talaga dito. 

Pros at Cons ng Solitaire Tripeaks: Adventure Journey

Isa sa kagandahan ng Solitaire Tripeaks: Adventure Journey ay ang kawalan ng ads na madalas ay nakakasagabal sa gameplay ng manlalaro. Sunud-sunod na makapaglalaro ng mga level nang walang biglang susulpot na video ads. Ikaw na ang magsasawa dahil sa dami ng levels na kailangan mong mapagtagumpayan. Bagama’t masasabing madali lamang ang game mechanics nito, may tamang timpla pa rin ng hamon kaya binabalik-balikan ng mga manlalaro. Hindi ito ang pangkaraniwang laro na kung saan kailangang laruin araw-araw dahil may daily goals na dapat gawin o kaya naman ay gumugol ng maraming oras sa pagga-grind. Ang larong ito ay sapat lang sa mga panahong kailangan mo ng panandaliang break, kapag nababagot, o nais mong magpalipas ng oras. Cute din ang graphics na ginamit sa laro. 

 

Gayunpaman, sa kabila ng mga magagandang bagay na taglay ng larong ito, may mga kailangan din itong pag-ibayuhin. Gaya na lamang ng kawalan ng access sa Solitaire Tripeaks: Adventure Journey ng mga iOS user dahil hindi ito available sa App Store. Bukod pa rito, may mga teknikal na isyu ring kinakaharap ang ibang manlalaro tulad ng mabagal na pag-load sa pagitan ng mga level. 

Konklusyon 

Kung pamilyar ka sa larong Solitaire, nakatitiyak akong magdudulot ang Solitaire Tripeaks: Adventure Journey ng nostalgia sa iyo! Bagama’t iba ang kabuuang game mechanics sa kinagisnan nating laro, masasabing nakakaaliw pa rin ito. Dahil simple lang ang gameplay, pwede itong laruin ng kahit sino,  anuman ang iyong edad. Mabilis din ang progreso ng laro kahit hindi ka maglabas ng aktwal na pera kumpara sa ibang mga laro na may kaparehong tema. 

Sa pangkalahatan, isinalaysay rin ng Laro Reviews pati ang mga negatibong aspeto ng laro. Gayunpaman hindi ito alintana ng ilan dahil mas nananaig ang kasiyahang dulot nito. Kaya kung ikaw ay naghahanap ng isang simple ngunit nakakaadik na laro, i-download na ang Solitaire Tripeaks: Adventure Journey ngayon! 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...