Solitaire Tripeaks: Farm and Family Review

Kung madalas ka sa social media, nakatitiyak akong nakakita ka na ng mga video ad na nagsasabing sila ay nakakuha ng ganitong halaga sa paglalaro lamang sa loob ng sampung araw. Makikitang hawak-hawak ang dolyar sa kanilang mga kamay at mapapansin ang galak sa kanilang mga mukha. Ngunit gaano nga ba ito katotoo? Ang Solitaire Tripeaks: Farm and Family ay isa sa mga halimbawa ng larong ito. Dinevelop ito ng Tuyoo Games, isang game developer na kumpanya mula sa Tsina. Ayon sa kanila, may posibilidad na manalo ng aktwal na salapi gamit ang paglalaro. Narito ang Laro Reviews para himayin nang maigi ang mga detalye ng larong ito. 

Gameplay ng Solitaire Tripeaks: Farm and Family

Kagaya ng game mechanics ng Solitaire Tripeaks, ginamit ang classic game na Solitaire bilang pinaka pundasyon ng larong ito. Kaya kung pamilyar ka na rito, magiging madali na lamang para sa iyo ang paglalaro ng Solitaire Tripeaks: Farm and Family. Ngunit kung hindi pa, huwag mag-alala dahil nandito ang Laro Reviews para ipaliwanag ito sa iyo kung paano. 

Kapag nagsimula ka na sa isang partikular na level, makikita ang cards na nakakalat sa iyong screen. Ang iba rito ay nakataob, samantalang ang iba naman ay nakatihaya. Mapapapansin din ang deck of cards at isang card na nakabukod dito. Ito ang card na pagbabasehan mo kung anong pipiliin mula sa bulto ng cards. Maaari mo lamang piliin ang mas mababa o mas mataas ng isang halaga mula sa nabunot na card. Upang mas madali itong maintindihan, sabihin na nating 5 of hearts ang na-draw na card. Mula rito, ang pwede mo lang piliin ay 4 or 6. Huwag mag-alala sa suit na taglay ng card kasi hindi ito nagma-matter. Kung King naman ang drawn card, ang maaari mong piliin ay Alas at Queen. I-tap lamang gamit ang iyong daliri ang card na nais piliin. May puntos na katumbas ang bawat card oras na ito ay iyong matanggal. 

Makikita naman ang iyong combo meter sa itaas na kaliwang bahagi ng iyong screen. Makakatanggap ng dagdag na bonus points kapag sunud-sunod ang iyong tira. Dito rin papasok ang silbi ng suit na taglay ng iyong card. Nakakategorya ito sa dalawang kulay, itim at pula. Kabilang ang Heart at Diamond sa pulang kulay samantalang itim naman para sa Clover at Spade. Makakakuha ng mas malaking reward kapag magkakaparehas ang kulay na iyong na-combo. Apat na streak ang kailangan mong bunuin bago makumpleto ang buong combo. Dagdag na card sa deck at golden coins ang makukuhang premyo. 

Kung wala nang pwedeng itambal sa na-draw na card, palitan lamang ito sa pamamagitan ng pag-click sa deck. Nakadepende rin ang kabuuang golden coins na makukuha sa level kung marami pang natirang cards sa iyong deck. Nangangahulugan lamang itong napagsama-sama mo ang mga card sa pinakamaliit na moves na posible. 

Play to Win ng Solitaire Tripeaks: Farm and Family

Paano nga ba manalo ng aktwal na pera sa Solitaire Tripeaks: Farm and Family? Habang ikaw ay naglalaro, makikita ang mga card na may nakakabit na pera. Ito ang mga card na ‘di umano’y nagkakahalaga ng pera. Oras na i-click mo ang mga ito, automatic nang kikitain ang pera. Halimbawa, kung 7 ang drawn card, at pinindot mo ang 6 na may perang kasama, agaran na itong masasama sa total na iyong kinita. Makikita ang mga nalikom na pera sa itaas na bahagi ng iyong screen. May posibilidad itong madagdagan sa tuwing napagtatagumpayan ang mga nakatakdang level. 

Maiipon ito nang maiipon sa bawat panalong natatamo. Pwede itong i-cash out gamit ang iyong Paypal account o kaya naman ay ipalit bilang gift card sa Amazon. Subalit kinakailangan munang makalikom ng hanggang $150 bago ito matanggap. Ito ang cash-out standard na itinakda ng laro.

Saan pwedeng i-download ang Solitaire Tripeaks: Farm and Family?

Hindi ito maaaring laruin gamit ang iyong PC o anumang Apple device. Kaya para lamang ito sa mga Android user. Gamit ang iyong Android device, pumunta sa Google Play Store. Ilagay ang Solitaire Tripeaks: Farm and Family sa search bar. Dahil wala itong bayad, diretso mo nang maida-download ang laro. Pagkatapos i-download ay kumpletuhin lang ang sign-in details para simulan ang laro.

Narito ang link kung saan pwedeng i-download ang laro: 

Download Solitaire Tripeaks: Farm and Family on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=net.solitaireff.tripeaks

Tips at Tricks sa Paglalaro

Habang naglalaro, tingnan munang mabuti ang mga card na nakatihaya. Planuhin ang posibilidad na tirang gagawin dahil mas malaki ang reward na matatanggap kung mas mabilis ang combo na gagawin. Kaya kasama na rin nito ang mabilisang pagdedesisyon sa tuwing may tumitihayang card. Dahil may posibilidad na lumabas ang card na karugtong ng ginawang combo, i-click ito agad para hindi masira ang streak. 

Kung makakakita ng dalawang magkaparehong cards, mas maganda kung uunahin mo ang card na nakapatong sa iba pang card. Mula rito, malalaman mo kung anong card ang nakataob at mas magkakaroon ka ng tsansang matuluy-tuloy ang ginagawang combo. Mas mapabibilis din ang pag-ubos ng bulto ng card. Dagdag pa sa mga nabanggit, isa pang tip na makakatulong sa iyo ay ang unahin ang mga card na may katumbas na pera. Dahil isa sa mga pangunahing layunin ng laro ay ang mapuno ang binubuong cash-out standard, iprayoridad na maitambal ito sa na-draw na card. 

Pros at Cons ng Solitaire Tripeaks: Farm and Family

Totoo nga bang may posibilidad na kumita ang mga manlalaro sa simpleng paglalaro lamang ng Solitaire Tripeaks: Farm and Family? Kung titingnan sa opisyal na website ng Tuyoo Games, nakasaad dito na, “Virtual currency can never be redeemed for real money, goods, or any other item of monetary value from TUYOO ONLINE or any other party”. Sa madaling salita, tahasang binanggit na hindi pwedeng kumita ng totoong pera sa paglalaro lamang ng Solitaire Tripeaks: Farm and Family. Bilang resulta, kahit ilang buwan pa itong laruin, hindi maaabot ang cash-out standard na idinidikta ng laro. Isang malaking ilusyon lamang ang pagkamit ng $150. Habang papalapit nang papalapit ang halagang nalilikom sa $150, paliit nang paliit ang kinikita kada level. Kung sa umpisa ay kaya mong kumita ng $10 sa isang laro, oras na tumuntong ka sa mas mataas na level ay nasa $0.08 na lang ang maaaring makuha.

Bukod pa rito, isa ring inaangal ng mga manlalaro ay ang ads na matatagpuan sa laro. Sa umpisa’y iginagalang ng laro ang desisyon kung nais bang manood ng video ads. Option lamang ito para sa mga gustong doblehin ang premyong natatanggap bawat level o kung gustong ma-refill ang kanilang deck ng dagdag na cards. Ngunit kinalauna’y magkakaroon na ng pop-up ads habang ikaw ay naglalaro. Tolerable pa ito sa umpisa dahil madalang lang naman itong lumabas. Ang pinakanakakadismayang pagkakataon lamang ay kung nais mong mag-level up sa pamamagitan ng panonood ng ads, may lalabas na prompt na “no ads available”. Pero ang matindi ay kahit na kakabanggit lang ito, may biglang susulpot na video ads. Nagpapatunay lamang itong ayaw talaga ng game developers na makatanggap ang sinuman ng $150.

Konklusyon 

Bagamat nakaka-enganyo ang game mechanics ng laro at disente rin naman ang graphics na ginamit, mas nanaig pa rin ang pagkadismayang mararamdaman lalo na’t ito ang pambenta ng Tuyoo Games para mahikayat ang mga taong i-download ang kanilang laro. Scam ba ang Solitaire Tripeaks: Farm and Family? Masasabi nating hindi, dahil hindi ka naman maglalabas ng anumang pera. Subalit ang pagbibigay ng ilusyon at pagpapaniwalang makukuha ang inaasam na pera sa pamamagitan ng paglalaro sa mahabang panahon? Aba’y hindi na ito tama. Isa na itong uri ng panloloko. Kaya kung lalaruin ito dahil lang sa inaasahang pera, huwag mo nang simulan. Ngunit kung ang kasiyahan naman ng buong laro ang iyong habol, pwede naman itong i-download. Nagkakatalo lang talaga sa inisyal na intensyon ng manlalaro bago simulan ang paglalaro ng Solitaire Tripeaks: Farm and Family.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...