Solitaire TriPeaks & Klondike Review

Ang Solitaire TriPeaks & Klondike ay isang solitaire card at puzzle game na nilikha ng game developer na AoFun Games Studio. Kapansin-pansin ang pagiging TriPeaks at Klondike ng gameplay nito kaya hindi mahirap maintindihan ang mechanics ng laro. Hindi lang nakasentro ang laro sa solitaire, sapagkat kasama rin dito ang pagdisenyo ng sariling aquarium. Hindi rin limitado sa iisang aquarium ang maaaring pagandahin ng manlalaro dahil napakarami pang ibang aquariums ang naghihintay na ma-unlock. Patuloy na basahin ang sasabihin ng Laro Reviews sa article tungkol sa features, tips, tricks, pros, at cons ng laro.

Features ng Solitaire TriPeaks & Klondike

TriPeaks & Klondike Solitaires – Ang larong ito ay kumbinasyon ng TriPeaks at Klondike, parehong klase ng solitaire card game. Handog nito ang panibagong dating sa mobile card games. Bagaman pamilyar na ang mechanics nito, nagbibigay pa rin ito ng kakaibang karanasan. Narito ang detalye ng bawat gameplay:

  • TriPeaks Solitaire – Kailangang pindutin ang card na may isang numero na mas mataas o mababa sa iyong active card para matanggal ito sa table. Akyatin hanggang sa peaks nito sa pamamagitan ng paglilinis ng cards na nasa table.
  • Klondike Solitaire – Dapat ay mailipat ang lahat ng cards sa apat na suits papunta sa Foundations, kung saan nakaayos sila mula Aces hanggang King at magkakasama ang magkakaparehong suit.

Multiple Aquariums – Iba’t ibang aquariums ang maaari mong makuha sa paglalaro. Kailangan lang maabot ang kinakailangang beauty points para ma-unlock ito. Kabilang dito ang Tropical Seabed, Sunken Ship, Aquatic Relic, Lost Civilization, Underwater Paradise, Forest Adventure, Desolation Castle, at Prehistoric Mystery. Ang bawat isa ay mayroong kakaibang temang iyong lalagyan ng sari-saring disenyo kapag na-unlock mo na ang mga ito. Bukod dito, tuwing bibili ka ng pandekorasyon sa aquarium, makakatanggap ka ng beauty points na magagamit mo para ma-unlock ang ibang aquariums.

Decorate Your Aquarium – Bigyang buhay ang itsura ng iyong aquarium sa pamamagitan ng pagdidisenyo nito. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng paglalagay ng iba’t ibang klase ng isda at palamuti. Bago mo ito mabili, kailangan munang ma-unlock ang bawat isa rito. Ang gagamitin mo sa pagbili ng mga ito ay Diamonds na makukuha mo sa laro. 

Card Skin – Hindi lang aquarium ang pwede mong i-design! Maging ang iyong cards ay maaari mong bilhan ng skin! Iba-iba ang disenyong pagpipilian ng mga manlalaro kaya tiyak na mayroon sa mga ito ang makakapasa sa kanilang kagustuhan. May pagkakataon kang pagandahin, lalo na ang harap at likod ng gagamitin mong cards.

Saan pwedeng i-download ang Solitaire TriPeaks & Klondike?

Sa seksyong ito ng article itururo kung saan at paano i-download ang Solitaire TriPeaks & Klondike. Kasalukuyang available lamang ang laro sa Android users, kaya hindi pa ito pwedeng mai-download sa iOS at PC. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store at ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito sa search results, pindutin ang Install button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Kapag natapos ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Solitaire TriPeaks & Klondike on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.aofun.game.solitairetripeaks

Tips at Tricks sa Paglalaro

Madaling maintindihan ang mechanics nito dahil ang kailangan lang ay pindutin ang card na mas mataas o mababa ng isang numero sa card na nasa iyong handle para mai-eliminate ito. Kapag wala nang ibang desk cards ang pwede mong itira, pindutin lang ang bagong hand card para palitan ang nasa handle. 

Ang tip ko sa iyo ay i-maximize ang pagpuno ng streak meter para makatanggap ng iba’t ibang bonuses. Dapat tuluy-tuloy ang pagtira mo ng cards batay sa dami ng kahong makikita rito. Makikita mo rin kung anong bonus ang makukuha mo kapag nabuo mo ang streak meter. Para magawa ito, pwede kang gumamit ng boosters para makatulong na hindi maputol ang iyong sunud-sunod na tira. Kabilang dito ang Masked Joker, Cyclone, Face Up, Ticket, Wild Card, at Back Off. Magagamit ang Masked Joker sa kahit anong card na may parehong suit nito. Samantalang ang Cyclone ay para i-eliminate ang tatlong random na cards. Sa Face Up naman, may pagkakataon kang i-flip ang lahat ng common cards sa table. Kapag may Ticket ka, makakapaglaro ka kahit walang ibinabayad na coins. Pagdating naman sa Wild Card, magagamit ito bilang card na may kahit anong numero at suit. Panghuli ay ang Back Off kung saan magagawa mong ibalik ang huling tira. Nakakatulong ito kapag may nakaligtaan kang playable card. Ang lahat ng ito ay may iba’t ibang presyo para iyong mabili, ngunit may mga pagkakataong makuha ang iba rito nang libre tulad na lang ng Lucky Wheel at Daily Reward.

Importante ang gamit ng coins para makapaglaro ng bawat level kaya mainam na palaging tignan ang aquarium reward kung tapos na ang countdown nito. Kung tapos na nga, siguraduhing pindutin ito para makuha ang rewards galing dito. Huwag ding kalimutang puntahan ang Daily Reward araw-araw sa pagbukas mo ng laro para makuha ang rewards dito. Dagdag pa rito, gamitin din ang pagkakataon para makapag-spin sa Lucky Wheel. Anuman ang makuha mo rito, makakatulong pa rin ito sa iyong paglalaro.

Pagdating sa pipiliing card, huwag basta-basta lang ang pagpili ng ititirang card. Mainam na magkaroon ng estratehiya dahil labis na makakatulong ito para palaging makabuo ng streak meter. Kung mayroong mahigit sa isa na mga card ang pwede mong pindutin, ang tip ko sa iyo ay piliin ang may mas maraming cards na nasa ilalim para iba-ibang cards ang maipakikita pagkatapos. Nang sa gayon ay mas maraming cards ang magiging opsyon mo sa susunod na tira.

Mainam ding maging pamilyar sa features ng laro. Kabilang dito ang Basic Elimination, Combo Reward, Add N Card, Coin Card, Connection Card, Time Bomb, Step Bomb, Large Card, Small Card, Variable Number, Obstacle Card, Key and Lock, Lock and Cloud, Balloon And Scissors, at Random Card. Makikita ang deskripsyon ng bawat isa kapag pinindot ang question mark button na katabi ng Select Boosters bago makapaglaro ng panibagong level. Nasa How To Play ang listahan ng mga ito. 

Pros at Cons ng Solitaire TriPeaks & Klondike

Sa paglalaro, hinahasa nito ang kaisipan ng manlalaro sa paglalaro ng parehong classic at special na solitaire gameplay. Bagaman simple ang mechanics, nagiging challenging pa rin ang paglalaro dahil dinagdagan ito ng iba’t ibang twists sa laro. Sakto rin ito para sa mga manlalarong nais maglaro ng card games sa kanilang mobile phones. Hindi rin problema ang pagiging F2P na manlalaro dahil maraming ibang paraan sa laro para makakuha ng coins at boosters. Nakamamangha rin ang graphics ng laro, kasama na rito ang maaliwalas at malinaw na itsura ng app at maging ang mga backgrounds nito. Bukod pa rito, mayroon itong offline mode kaya hindi na kailangan ng internet connection sa larong ito. Malalaro mo pa rin ito kahit walang Wi-Fi o mobile data lalo na sa tuwing naghihintay sa pila anumang oras at saan mang lugar.

Bagaman maganda ang laro, may ilan pa rin itong cons tulad ng pagiging limitado na mga manlalarong mai-dadownload ito. Inirerekomenda ko sa game developer na gawing available din ang laro sa iOS at PC users. Dagdag pa rito, may kaso rin ng bugs ang laro kung saan nakakain o nawawala ang coins na naipon mo sa paglalaro.

Konklusyon

Kung ang nais mo ay mga larong may simple ngunit challenging na solitaire card game, tiyak na papasa sa iyong kagustuhan ang Solitaire TriPeaks & Klondike. Nakaka-enjoy itong laruin at nakakarelax dahil hindi ganun kakumplikado ang gameplay. Kaya naman mairerekomenda ito ng Laro Reviews na i-download at laruin sa mobile phones dahil bukod sa masaya itong laruin, mayroon din itong offline mode kaya magagamit ito kahit nasaan ka man. Mas mainam nga lang kung magiging available din ito sa iOS at PC users.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...