Special Forces Group 2 Review

Ang Special Forces Group 2 na gawa ng ForgeGames ay isang 3D first-person shooting game. Noong Hulyo 2016 inilabas ang unang bersyon nito na para sa mga Android devices lamang. Makaraan ang halos tatlong buwan, noong Oktubre 2016, inilabas naman ang bersyon na para sa iOS users. Naging matagumpay ang larong ito sa paghakot ng daan-daang atensyon mula sa mga manlalaro sa buong mundo. Nakakaadik naman kasi talaga ang maaksyong gameplay nito at talagang kaaya-aya sa paningin ang makatotohanang graphics. Syempre, hindi rin magpapahuli ang kakaiba nitong mga tampok. 

Ang mga manlalaro ay magiging isang karakter sa isang lugar na puno ng labanan. Sa bawat game mode, sila ay kinakailangang makipaglaban sa mga kaaway. Bukod sa pagiging agresibo upang matalo ang mga kalaban, kailangan din ng matinding diskarte upang manatiling buhay.  Kung ikaw ay masugid na tagahanga ng shooting games, dapat mo itong subukan. Mae-enjoy mo rin ito dahil sa mga yugtong nakakatensyon at mga hamong di mo inaasahan. 

Upang simulan ang iyong nakaka-excite at nakakakabang pakikipagsapalaran, i-download ang larong ito sa iyong Android o iOS devices. Hanapin lamang ito sa Play Store o App Store. Maaari mo ring gamitin ang iyong laptop o desktop para maglaro. Siguraduhin lamang na maglaro sa mga lehitimong gaming site. Pwede mo din itong i-download sa iyong kompyuter sa pamamagitan ng emulator. Para hindi ka na mahirapan pang maghanap, i-click lamang ang link sa ibaba upang makapag-download. 

  • Download Special Forces 2 on iOS https://apps.apple.com/us/app/special-forces-group-2/id1158672336
  • Download Special Forces 2 on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.ForgeGames.SpecialForcesGroup2
  • Download Special Forces 2 on PC https://www.bluestacks.com/apps/action/special-forces-group-2-on-pc.html
Special Forces Group 2

Special Forces Group 2

Mga Tips at Gabay para sa mga Baguhan

Sa unang paggamit mo ng Special Forces app ay kailangan mong magparehistro para makagawa ng bagong account. Maraming paraan upang gumawa ng account dito. Una ay ang paggamit ng iyong PlayPark ID, kung sakali mang mayroon ka nito. Pwede ka ring gumawa ng PlayPark ID gamit lang ang iyong phone number o email para sa kumpirmasyon. Pangalawa ay ang paggamit ng iyong Facebook o Google account. I-link lamang ang laro sa alinman sa mga ito at i-verify. 

Kailangan na gumawa ka ng isang kakaibang alyas o username. Pagkatapos ay pipili ka ng iyong sasalihang unit o grupo at ng unang armas na gagamitin mo. Upang mas painitin pa ang iyong paglalaro, lahat ng mga baguhan ay makakatanggap ng beginner’s package pagkatapos magparehistro. Hindi lang iyan, asahan din ang pagdating ng iba pang mga eksklusibong bonus at rewards. Tandaan, huwag agad-agad na gamitin ang mga ito. Mas makakabuting gamitin ang mga ito para kung kailan talagang kailangan. Maging wais pagdating sa mga ganitong bagay sa laro.

Upang maging pamilyar ka sa aktwal na laro ay nararapat lang na kilalanin mo kung paano gumagana ang mga features at gameplay ng Special Forces Group 2. Hayaan mong matulungan kita dito. Ang kasalukuyang bersyon ay mayroong 45 na armas at 32 na mga mapa na magagamit ng mga manlalaro. Maaaring maglaro gamit ang single player o multiplayer mode. Hindi nagbabago ang pangunahing mithiin dito. Maliban pa sa saga, ito ay may siyam na game modes na pwede mong laruin nang mag-isa o kasama ang ibang mga manlalaro.

Ang mga sumusunod naman ay ang iba’t ibang game modes na pwedeng pagpilian.

  • May Classic mode na itinuturing bilang pangunahing mode nito. Dito ay kailangang talunin ng mga manlalaro ang kalaban na kapwa manlalaro rin. Hindi pwedeng makapag-respawn dito. Sa kadahilanang ito ay dapat mong pahalagahan ang iyong buhay at matalo ang iyong mga kalaban sa parehong oras.
  • Halos kapareho naman ng Classic mode ang Resurrection mode maliban lang sa kakayahang mag-respawn ng mga manlalaro. Ang kabuuang bilang ng napatay at pagkamatay mo sa laro ang ginagawang batayan ng idedeklarang panalo.
  • Ang mithiin naman ng mga manlalaro sa Capture the Flag mode ay ibang iba sa dalawang nabanggit. Ang bawat grupo ay dedepensahan ang kanilang watawat habang kakailanganin din nilang kunin ang watawat ng kalabang koponan.
  • Ang tema naman ng Zombie mode ay undead apocalypse. Ang mga manlalaro ay makikipaglaban sa mga zombies upang mabuhay.
  • Hindi naman pwedeng mag-respawn ang mga manlalaro sa Bomb mode. Sa mode na ito ang mga manlalaro ay pipigilan ang pagsabog ng bombang itinanim ng mga terrorista.
  • Tanging kutsilyo lang naman ang magagamit na armas sa Knives mode. Dito masusukat ang kakayahan pagdating sa close-range combat.
  • Sa Deathmatch mode naman ay magpaparamihan ng mapapatay ang mga manlalaro sa loob ng limitadong oras. Lahat ng manlalaro dito ay magkakalaban. Pwede rin silang mag-respawn kung sakali mang mapatay.
  • Sa Arms Race naman ay awtomatikong nag-iiba ang armas ng mga manlalaro. Kapag sila ay nag-respawn, ang huling armas na kanilang ginamit ay hindi magbabago.
  • Ang Sniper mode na yata ang may malaking pagkakatulad sa Classic mode ngunit limitado ang mga armas na magagamit tulad ng rifles, pistols, mga kutsilyo at iba pa.
Special Forces Group 2

Special Forces Group 2

Pangkalahatang Reviews ng Larong Special Forces Group 2

Mahalaga rin na magkaroon ka ng kaalaman kung paano ba talaga aktwal na gumagana ang Special Forces Group 2. Dito natin tatalakayin ang mga kalakasan at kahinaan ng laro. Umpisahan natin sa mga magagandang aspeto ng laro. Una, nakatanggap ito ng magandang rating sa parehong Play Store at App Store. Mayroon itong 4.4 average star rating sa mahigit 3 milyong reviews sa Play Store. Sa App Store naman ay mayroon itong 4.3 star rating galing sa mahigit 10,000 reviews. Maaari rin itong malaro kahit saan at kahit kailan dahil pwede ito mapa-offline o online man. Libre lamang ang pag-download at paglalaro nito pero kung gusto mo namang gumastos sa mga in-app purchases ay pwedeng-pwede. 

Related Posts:

Magic Jump: EDM Ball Dancing Review

Specimen Zero – Online Horror Review

Sa kabilang banda, hindi rin mawawala ang mga isyung nakakaapekto sa paglalaro. Maganda ang graphics at animation nito ngunit kung ikukumpara sa ibang mas sikat na shooting games tulad ng Call of Duty, marami pang dapat pagandahin dito. Kung gusto ng mga manlalaro ng mas bongga at bagong skins, mapipilitan talaga silang gumastos sa laro. Puno din ito ng mga nakaka-distract na ads, pati na mga panaka-nakang crashes, bugs at glitches. 

Special Forces Group 2

Special Forces Group 2

Konklusyon

Mahalagang tandaan na mahigpit na ipinagbabawal ang  pagmumura at paggamit ng mga hindi mabuting salita sa laro. Ang mga ito ay may mga negatibong epekto sa lahat ng mga manlalaro. Kung naghahanap ka ng isang laro na puno ng aksyon at nakasentro sa pakikipagbakbakan, magandang opsyon ang Special Forces Group 2. Bagama’t may mga isyu pa itong dapat masolusyunan, nararapat pa rin itong mapabilang sa listahan ng mga larong hindi mo pagsisisihang subukan. Ihanda ang iyong sarili sa kapanabik-nabik na labanan at barilan sa larong  ito.

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...