Stickman Fight Multicraft Review

Ang Stickman Fight Multicraft ay larong nilikha ng Synt Studio na may pangunahing layuning manalo sa isang mala-battle royale na labanan. Binubuo ng apat na manlalaro ang kada round at kailangang manalo sa isa’t isa upang tanghaling lider ng grupo. Gamit ang iba’t ibang armas tulad ng espada, granada, at baril, patayin ang iyong mga kalaban. Ang matitirang manlalaro matapos ang 30 segundo ang tatanghaling panalo. Kapag may dalawa o higit pang manlalaro ang natira matapos ang itinakdang oras, uuliting muli ang naturang round. Basahin hanggang dulo ang artikulong ito ng Laro Reviews upang malaman ang features, downloadable links, tips at tricks, pros at cons, at kabuuang verdict para sa Stickman Fight Multicraft. 

Features ng Stickman Fight Multicraft

Dalawa lang iyan para sa graphics na ginamit sa laro: magugustuhan mo o hindi. Para sa mga fan ng Minecraft, Revived Witch, at Chrono Trigger, makikitang kahalintulad ng mga larong nabanggit ang pagiging pixelated ng Stickman Fight Multicraft. Ngunit masasabing hindi ito kasing ganda ng mga naunang laro dahil mas malawak ang tanawin sa mga larong ito kumpara sa Stickman Fight Multicraft na isang landscape lang ang makikita bawat level. 

Stickman Fight Multicraft - Laro Reviews

Stickman Fight Multicraft – Laro Reviews

Bukod sa pixelated graphics, gumamit din ang laro ng ragdoll physics upang ipakita at pagarbuhin ang pagkamatay ng mga nakitil na kalaban. Ang ragdoll physics ay isang uring ng procedural type animation na nagpapakita ng paggalaw kung paano namatay ang isang karakter kumpara sa tipikal na nakapirming pagkamatay. Halimbawa, oras na tamaan ng espada ang kalaban, mapapansing ang galaw nito ay tila realistic dahil sumusunod ang kilos ng kanilang katawan sa direksyon ng iyong armas bilang epekto ng iyong pag-atake. Karaniwan itong makikita sa mga animated film at video game. 

Maaari ding laruin ang Stickman Fight Multicraft kahit walang mobile data o internet connection. Mas mainam itong laruin ng offline dahil walang biglang susulpot na ads matapos ang bawat round. 

Saan Pwedeng I-download ang Stickman Fight Multicraft? 

Handa ka na bang subukin ang iyong kakayahan? Gamit ang iyong smartphone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para sa iOS users, at ilagay sa search bar ang Stickman Fight Multicraft. Wala itong bayad kaya diretso mo nang maida-download ang laro. Matapos i-download, pindutin ang icon ng app at simulan na ang paglalaro.

Narito ang mga link na inihanda ng Laro Reviews kung saan pwedeng i-download ang laro:

Stickman Fight Multicraft - Laro Reviews

Stickman Fight Multicraft – Laro Reviews

Download Stickman Fight Multicraft on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.bo4.block.game.stickman.fight.multicraft&showAllReviews=true

Download Stickman Fight Multicraft on iOS https://apps.apple.com/ph/app/stickman-fight-multicraft/id1592220814

Tips at Tricks sa Paglalaro

Piliin ang kulay na nais taglayin ng iyong stickman character. Maaaring pumili sa pula, bughaw, dilaw, at berde. Ibahin din ang pangalan ng iyong karakter. Mahalaga ang mga ito dahil ito ang tutukoy sa iyong nilalarong karakter oras na pumasok sa battle arena. Pwede rin manood ng isang video ad upang matanggap ang reward na makukuha sa gift box. 

Related Posts:

Teacher Simulator Review

Three Kingdoms: Heroes of Legend Review

Kapag pumasok ka sa arena battle, pindutin ang attack button upang magapi ang mga katunggali. Binubuo ng apat na manlalaro ang bawat round na tatagal ng 30 segundo. Mainam kung uunahin ang mga kalabang malapit sa iyo. I-monitor ang iyong HP at ng iyong target upang malaman kung anong sunod na estratehiya ang gagawin. Siguraduhing kunin ang mga nalalaglag na armas at puso dahil ito ang magiging susi sa iyong pagkapanalo. Ang armas na makukuha ay ang papapilit sa iyong pag-atake. Sa halip na hand-to-hand combat style ang gagamiting pamamaraan ng pag-atake, magiging ibang istilo na ito. Ilan sa mga bumabagsak na armas ay espada, granada, at baril. Kung baril ang iyong madarampot, gamitin ang advantage nito sa long-range attacks at barilin ang kalabang matatagpuan sa kabilang dulo ng iyong screen. Mid-range attacks naman ang pinakamainam sa granada, at melee combat ang para sa espada. 

Makikita ang dalawang arrows sa kaliwang parte ng iyong screen. Ito ang iyong gagamitin upang mapakilos ang iyong stickman. Samantalang makikita naman ang jump at attack button sa kanang bahagi ng screen. Isa sa magandang combo na gawin ay ang jump plus attack button. Saktuhan ang timing kapag papalapit na para umatake ang kalaban, pindutin ang jump button upang makaiwas sa nakaambang atake. Sunod na pindutin ang attack button nang sa gayon ay mapuruhan ang kalaban sa kanyang weak area at mahirapan itong mag-counter attack. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay gagana ito kaya maging matalino rin sa pagtantya kung kailan mainam itong gawin. 

Magandang gamitin din ang kabuuang terrain at istruktura ng kapaligiran sa iyong kapakinabangan. Pumuwesto sa ibabaw ng elevated platform at gamitin ang iyong granada at isabotahe ang mga kalabang nakikipagtunggali sa isa’t isa. Siguraduhin lang na wala silang baril na gamit, ngunit bukod dito, nakatitiyak akong mapapabilis nito ang iyong pagkapanalo. 

Stickman Fight Multicraft - Laro Reviews

Stickman Fight Multicraft – Laro Reviews

Pros at Cons ng Stickman Fight Multicraft

Pagaganahin nito ang iyong pagiging competitive sa ibang manlalaro dahil ang layunin ng laro ay tanghaling panalo sa mga round. Kailangang gamitan ng diskarte at bilis ng reflexes para matalo ang mga kalaban sa loob ng 30 segundo. Gayunpaman, hindi komplikado ang gameplay kaya hindi mahihirapang mag-adjust ang mga bagong manlalaro. Pixelated ang istilong ginamit kaya depende na ito sa panlasa ng manlalaro kung matitipuhan ang ganitong graphic style ngunit hindi rin masasabing ito ang may pinakamagandang visual kumpara sa ibang mga larong may kahalintulad na istilo.

Para naman sa mga kailangang pag-ibayuhin sa laro, makikitang may kakulangan sa content ang laro. Bukod sa pangunahing layunin sa battle arena, wala nang ibang mini quest o iba pang maaaring gawin sa Stickman Fight Multicraft kundi ang makipaglaban sa ibang mga manlalaro. May kahirapan din sa touch gameplay at kailangang pindutin ng ilang beses ang buttons para mapagalaw at mapatalon ang iyong stickman. Bukod pa sa mga nabanggit, napakarami ring ads na makikita sa laro. Sa tuwing natatapos ang kada level, may susulpot na ads na tumatagal ng ilang segundo. Tolerable man ito kumpara sa ibang laro, nakakasira pa rin ng momentum at pagkamasigasig sa paglalaro. 

Konklusyon

Bilang pagbubuod, masasabing sakto lang ang Stickman Fight Multicraft. Dalawa lang iyan, maaaring magustuhan ang istilo ng graphics o hindi. Ngunit ang dalawang bagay na kailangang pag-ibayuhin ng mga game developer ay ang touch gameplay at dami ng ads sa laro. Mas maganda kung bibigyan ng option ang mga manlalaro kung nais ba nilang manood ng video ads o hindi. Mairerekomenda ko ang larong ito para sa mga taong mahilig makipagkumpitensya sa iba dahil mala-battle royale ang larong ito – literal na matira matibay. 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...