Stone Grass – Mowing Simulator Review

Isa ka ba sa mga klase ng taong mahilig maglinis at mag-ayos ng mga bagay? Tila ba may kakaibang kasiyahan kapag nakikita mong nakasaayos ang paligid. Kung gayon, tamang-tama para sa‘yo ang larong tatalakayin ng Laro Reviews!

Ang Stone Grass – Mowing Simulator ay isang 3D cutting at lawnmower na laro. Pangatlo ito sa listahan ng mga simulation game sa App Store. Layunin nitong putulin ang mga damo upang mapaganda ang lawn. Ang tanging mahalaga sa laro ay ang manlalaro, ang malinis na lawn, at ang damo. Habang sakay-sakay ang manlalaro ng kanyang lawnmower, pinuputol nito ang mga damong dinadaanan. Hindi lang ito, maibebenta mo rin ang mga dayaming kinolekta mo at kumita sa pamamagitan nito.

Features ng Stone Grass – Mowing Simulator

Explore Different Lands – Maraming mga nangangailangan ng magtatabas ng kanilang lawn. Puntahan ang bawat isa sa kanila at libutin ang iba’t ibang mga isla. Kaya naman may pagkakataon kang magtabas ng panibago matapos ang isang field. Ikaw ang magkokontrol sa iyong lawn mower upang masigurong walang ni isang hibla ng damo ang matitira.

Tycoon Game – Hindi lang basta grass-cutting game ito dahil kasama rito ang pagtayo ng iba pang establisyemento tulad ng factory, shop, at farm. Maaari mong ma-unlock ang mga ito kapag patuloy ang iyong paglalaro at naabot ang kinakailangang levels. Nasa kamay mo ang iyong kapalarang manguna sa larangan ng harvest business sa kasaysayan! 

Upgrade Your Equipment – May pagkakataon din ang manlalarong i-upgrade ang kanyang mga equipment. Sa pamamagitan nito, mapapataas ang speed at capacity nito. Kaya mas magiging madali at mabilis ang gawain lalo na sa mga damong mahirap itabas. Napakaimportanteng patuloy na nag-iimprove ang skills at stats ng manlalaro sa ganitong klase ng laro. Patuloy lang ang pagtatabas ng mga damo para makalikom ng sapat ng perang gagamitin sa pag-upgrade. 

Saan pwedeng i-download ang Stone Grass – Mowing Simulator?

Sa seksyon na ito ng artikulo itururo kung saan at paano i-download ang Stone Grass – Mowing Simulator. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para sa iOS users, tsaka ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito sa search bar, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ng lahat ng ito, pwede mo na simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Stone Grass – Mowing Simulator on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.frph.stonegrass

Download Stone Grass – Mowing Simulator on iOS https://apps.apple.com/us/app/stone-grass-lawn-mower-game/id1606739002

Download Stone Grass – Mowing Simulator on PC https://www.bluestacks.com/apps/arcade/stone-grass-mowing-simulator-on-pc.html

Kung sa PC mo napiling maglaro ng Stone Grass – Mowing Simulator, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Bagaman simulation game ito, may pagkakaiba pa rin ang laro sa tunay na buhay. Walang epekto sa lupa kung paulit-ulit mo itong dadaanan kaya hindi mahalaga kung anumang paraan o direksyon ang gamitin mo gamit ang iyong lawn mower. Basta ang importante ay gamitin mo ang paraang pinaka-epektibo sa iyo. Mairerekomenda kong subukan ang pinakamadaling paraan na pwede mong gawin. Simulan ang pagtabas mula sa gilid ng field at trabahuhin pati ang mga sulok nito. Ikutin ang field na pa-clockwise. Pagkatapos, suriin kung alin ang mas mabisa sa iyong paraan – paikot, pahilera, o random man ang direksyon. 

Importanteng i-upgrade ang iyong equipment para mas maging madali at mabilis ang pagdaan ng lawn mower sa damuhan. Lalo na kapag iba-iba na ang kulay ng mga damo, mas mahirap na itong daanan kumpara kung dilaw ang kulay nito. Kapag ganito, makakatulong ang pag-upgrade ng saw, partikular na ang pagdagdag ng saw blades. Mapapansin mong magiging smooth na ang pagpapatakbo ng lawn mower pagkatapos.

Kung may sapat na pera ka ng nalikom, mairerekomenda kong i-upgrade din ang iyong truck. Dagdagan ang car capacity para hindi agad mapupuno ang pinaglalagyan ng mga tinanggal na damo, nang sa gayon ay mababawasan ang pabalik-balik mong punta sa bentahan ng damo. Dagdag pa rito, mainam ding lagyan ng karagdagang gulong ang truck upang bumilis ang takbo nito. Samantala, kung marami-rami na iyong pera, pwede ka ring bumili ng trolley. Tatanggalin nito ang pagod sa pabalik-balik na pagpunta sa bentahan ng nakolektang damo. Sa pamamagitan ng trolley, ilalagay mo na rito ang mga damo at kusa itong maghahatid sa bentahan. Hindi ka na maaabala pang tumigil sa paggapas ng damo at pumunta sa malayo dahil mas madaling mapuntahan ang trolley sapagkat nasa gitna ito ng field. Kapag nagkaroon ka na ng ekstrang pera, pwede mo rin naman itong i-upgrade para bumilis at dumami ang bilang na kaya nitong dalhin.

Higit na makakatulong din ang paggamit ng boosters, tulad ng Wide Grinder, Infinite Capacity, at Magnet. Sa Wide Grinder, dahil lalapad ang saw blade, mas lalaki ang sakop nito kaya mas dadami rin ang damong makukuha mo habang dumadaan. Pagdating naman sa Infinite Capacity, magkakaroon ka ng pagkakataong mangolekta ng napakaraming damo nang hindi nagpapabalik-balik sa bentahan nito dahil hindi limitado ang capacity ng truck. Samantalang sa Magnet, padadaliin nito ang iyong trabaho sapagkat hindi mo na kailangang balikan ang mga dayaming nasa sahig at sadyaing daanan ito para lang makuha ng truck. Dahil sa pamamagitan ng booster na ito, didikit ang mga dayami sa truck kahit na nasa medyo kalayuan. Maaaring makuha ang mga boosters kapag bumili ng in-app purchases pero posible pa rin ito makuha ng panandalian ng mga F2P na manlalaro sa pamamagitan ng panonood ng ads.

Pros at Cons ng Stone Grass – Mowing Simulator

Kakaiba ang mechanics ng laro dahil mararanasan mong maggapas ng damo gamit ang iyong lawn mower. Maganda rin ang pagkasimple ng graphics nito na sinamahan pa ng maaliwalas na mga kulay. Mapapansin na kapag dinadaanan ang mga damo, gumagalaw at nag-iiba ang direksyon ng mga nasa paligid nito. Dagdag pa rito, maituturing na nakaka-relax ang gameplay nito sapagkat hindi nakaka-pressure at nakaka-stress ang paglalaro, kundi makakaramdam ka ng pagkaka-relax habang dinadaanan at nililinis ang lawns. Hindi rin komplikado ang controls at hindi mahirap ang kumita. Patuloy lang na i-drag ang daliri gamit ang joystick para gumalaw ang lawn mower at madaanan ang parte kung saan mayroong damo. 

Sa kabilang banda, maraming ads ang lumalabas habang naglalaro. Bagaman magagamit mo ang panonood nito para makuha ang boosters o gawing triple ang matatanggap na gems, nakakasagabal dahil bigla na lang lalabas ang ads habang naglalaro at kailangan mo pang maghintay ng ilang segundo o minuto para matapos ito. Dahil sa dami ng ads, hindi mo tunay na ma-eenjoy ang laro. Wala rin naman itong offline mode kaya hindi ka pwedeng maglaro nang walang internet connection kaya walang ibang paraan para mawala ang ads kundi magbayad ng aktwal na pera. Mayroon ding isyu ng bugs ang app at may pagkakataon kung saan kahit nagbayad ng package ang manlalaro, nakakaranas naman siya ng pag-crash at pag-reset ng laro. Bukod pa rito, may pagkakataong nagloloko ang laro kung saan hindi natatanggal ang mga damo kahit anong daan ang ginagawa ko rito. 

Konklusyon

Ano ang masasabi ng Laro Reviews sa Stone Grass – Mowing Simulator? Maganda ang pagkasimple ng graphics ng laro at nakaka-enjoy rin naman itong laruin. Ngunit hindi ko ito mairerekomenda sa mga manlalaro dahil sa napakaraming ads na lumalabas sa kalagitnaan ng paglalaro, pwera na lang kung handa kang magbayad ng aktwal na pera upang matanggal ang ads. Kung nais mo itong laruin, maging handa lamang sa posibleng bugs na mararanasan dito. Gayunpaman, nakakalibang ang gameplay nito at huwag kalilimutan ang tips at tricks na nabanggit sa artikulo para makatulong sa iyong paglalaro. 

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...