Tales of Grimm Review

Hindi ito ang pangkaraniwang fairy tale na alam o nabasa mo na noon. Sa halip, taliwas ito dito dahil ang matutunghayan mo sa larong ito ay dark fairy tales. Ang Tales of Grimm ay isang idle turn-based role-playing game (RPG) na nilikha ng game developer na Tapplus. Magsisimula ang laro sa iyo, na isang dreamer, habang tuluy-tuloy ang adventures kasama ang iba pang heroes para mailathala ang nakatagong sikreto ng Oz sa dilim.

Sa simula ng laro, ikinukwento ang nangyari sa istorya ng laro sa pamamagitan ng narration at animation. Umiikot ang istorya sa Land of Oz kung saan nanirahan nang masagana ang kanilang mga dating kaibigan. Matatagpuan sa gitna nito ang isang napakataas na tower kung saan matatagpuan dito ang labis na ipinagbabawal na mirror. Bagaman itinuturing itong taboo sa lugar, mayroong isang taong sumira nito at naging sanhi ng nakakapangilabot na kapahamakan sa lupain at maging sa mga nakatira rito. Tuluyang nasira ang mapayapang komunidad at ang lahat ay nag-ibang anyo sa pagiging demonyo. Naging punung-puno sila ng kasamaan at tuluyang nabalutan ng kadiliman ang Oz. Sa kabila nito, may natitira pa ring kaisa-isang pag-asa at ‘yun ay walang iba kundi ikaw, Dreamer! Matapos kang i-summon ng Magic Mirror, ikaw lang ang maaari nilang maasahang magsasalba sa kanila.

Features ng Tales of Grimm

Turn-based Idle Game – Hindi mo na kailangang pindutin at i-slide ang screen para sa controls ng laro. Sapagkat dito ay maaari kang makapaglaro kahit hindi hinahawakan ang phone, dahil automatic at patuloy lang na maglalaban ang heroes sa isa’t isa. Ang kailangan lang ay i-set ang hero formation at hihintayin na lang ang resulta ng battle. Bukod pa rito, kahit ikaw ay offline, patuloy pa rin ang paglikom mo ng resources sa pamamagitan ng idle reward system ng laro. 

Numerous Heroes – Mayroong 150 heroes ang maaaring kolektahin ng manlalaro! Isa sa kakaibang features ng laro ay mayroong itong RPG element sa isang gacha game. Nahahati ang heroes sa iba’t ibang kategorya batay sa kanilang abilities. Narito ang mga katangian ng bawat kategorya:

  • Guardians – Binubuo ng characters na mayroong mataas na defense at guarding abilities. Malaki ang tulong ng Guardians sa pagiging shield at mayroong silang mataas na endurance sa critical attacks.
  • Warriors – Kilalang mabisa sa pagiging defense. Magaling na attackers ang Warriors kung saan mayroon silang mataas na damage-dealing abilities at may kakayahang mag-deal ng malaking damage sa bawat attack. Mas mataas ang kanilang attacks kumpara sa iba nilang abilities.
  • Mage – Kilala rin bilang Wizard. Sila ay wide-range attacker na ang gamit lamang bilang weapon sa offense at defense ay magic. Mababa ang kanilang defense ngunit matuturing pa ring magaling, hindi nga lang kasing galing ng warriors pagdating sa offense. Sila rin ay long-range damage dealers na nangangailangan ng backup para makapag-survive.
  • Support – Kabilang dito ang backup characters katulad ng healers at medics. Mahalaga ang kanilang papel sa battle dahil nagiging crucial sa pagkakapanalo ang revival at healing. Ang healers ay may kakayahang mag-restore ng HP ng ibang characters.

Game Modes – Maraming mga sikretong nakakubli sa Land of Oz kaya siguraduhing malaro ang iba’t ibang game modes rito. Sa pamamagitan nito, unti-unti mong matutuklasan ang mga istorya ng mga naninirahan dito. Mayroong Adventure at Arena battles na maaari mong pagpilian. 

Saan pwedeng i-download ang Tales of Grimm?

Kasalukuyang available ang Tales of Grimm sa Android, iOS, at PC. Sa seksyong ito ituturo ng Laro Reviews kung saan at paano ito i-download sa mobile phones. Kung sa mobile phone mo ito napiling i-download, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at App Store para sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro at kapag nahanap na ito sa search results, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos nito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Tales of Grimm on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.tapplus.tog.gp

Download Tales of Grimm on iOS https://apps.apple.com/us/app/tales-of-grimm/id1589387322

Kung sa PC mo napiling maglaro ng Tales of Grimm, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Tulad ng nabanggit kanina tungkol sa istorya ng laro, mahalagang matutunan ito upang malaman kung ano ang pupuntahan ng istorya. Ang kailangan mong gawin ay maibalik ang kapayapaan sa lugar at ang liwanag sa Land of Oz. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa battles. Kaya ang unang tip ko sa iyo ay piliin ang character na babagay sa iyong playstyle. Dahil isa itong gacha RPG game, ibig sabihin ay dapat mayroon kang sapat na kaalaman sa iyong characters at ang kanilang abilities bago sumabak sa battle. Sobrang mahalagang maging pamilyar ka rito dahil nagiging batayan din ito sa pagkapanalo mo. Tulad ng nabanggit sa features section, mayroong apat na klase ng characters – ang Guardians, Warriors, Mage, at Supporter.

Siguraduhing i-train ang iyong character upang tiyaking napapanatili itong malakas sa lababan. Dahil kung hindi, malaki ang tsansang tuluyang mapapadalas ang pagkatalo. Bukod pa rito, ang pagsasailalim ng character sa training ay nagpapataas ng pagiging epektibo ng kanyang attacks at nagdaragdag ng abilities para mas mapabilis ang pagkapanalo sa battles. Huwag ding kalilimutang i-upgrade ang iyong character. Magsisimula ka muna sa rank na Wanderer at habang patuloy na nakakakumpleto ka ng tasks, makakatanggap ka ng Dream Medals. Ito ang nagpapataas ng rank ng isang Dreamer. Hindi lamang ito, sapagkat makakakuha ka rin ng Rank Up rewards, tulad ng libreng characters. Kasabay rin ng pagtaas ng Dream Rank ay ang ATK at HP stat bonuses na matatanggap ng lahat ng iyong heroes. 

Maraming mga sikretong nakakubli sa tagong areas ang kailangan mong hanapin kaya tiyaking malaro ang bawat game mode nito. Sapagkat habang mas marami kang nae-explore sa laro, mas maraming mga istorya at lihim ang natutuklasan mo. Hindi lamang ito, makakatanggap ka rin ng sari-saring rewards sa pagkumpleto ng bawat mission, katulad na lang ng XP points. 

Pros at Cons ng Tales of Grimm

Mapapansing maraming magbigay ng diamonds at rewards ang laro, ngunit hindi gaano pagdating sa hero summons. Maganda ring wala kang makikitang pop-up ads sa kalagitnaan ng paglalaro. Disente naman ang graphics at character designs nito kung saan mayroon itong kaunting animations. Pero ang kapansin-pansin dito ay ang consistent na kumbinasyon ng mga kulay na makikita sa laro. Dahil ang laro ay naglalarawan ng dark fairy tales, talagang nakikita ang madilim na atmospera nito. Bukod pa rito, kahit na i-exit mo ang Adventure sa kalagitnaan ng battle at pumunta sa iba, automatic na mase-save ang iyong progreso sa laro. Kaya sa oras na balikan mo ang Adventure battle, mapupunta ka sa mismong parteng huli mong natunghayan bago umalis. Kabilang din sa features nito ang guild system kaya may pagkakataon ang manlalarong sumali ng guild at bumuo ng alyansa kasama ang iba pang manlalaro. Gayunpaman, marami nga lang isyu ng bugs ang mismong app. Kabilang dito ang mabagal na paglo-load sa laro, madalas na paglitaw ng network error kahit na wala namang problema sa internet connection, at lagging na animations sa battle. 

Konklusyon

Ano ang final verdict ng Laro Reviews sa larong ito? Nakakaengganyo na malawak ang pwedeng ma-explore ng mga manlalaro dahil sa napakaraming nakatagong mga lihim na nasa pinakasulok ng Land of Oz. Iba-iba rin ang game modes na maaaring laruin para isa-isang matuklasan ang mga istorya ng natives sa Oz. Ngunit mapapansing maraming isyu ng bugs ang laro dahil sa madalas na pag-lag at paglitaw ng network error nito. Gayunpaman, mairerekomenda kong laruin ito ng mambabasa lalo na kung hilig mo ang idle turn-based games kung saan hindi ito nangangailangan ng labis na pokus at atensyon sa paglalaro. 

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...