Temple Run Review

Ano ang Temple Run?

Ang Temple Run ay isang 3D endless running game para sa mga iOS at Android mobile users. Ito ay ginawa ng Imangi Studios. Una itong inilabas sa App Store noong Agosto 4, 2011 para sa mga iOS device, at pagkatapos ng ilang buwan ay inilabas din ito sa Google Play Store noong Marso 27, 2012 para naman sa Android devices. Ang Temple Run 1.19.3, ang pinakabagong bersyon nito, ay opisyal na inilabas noong Nobyembre 25, 2021. Ang larong ito ay may rating na 4.3 star mula sa 4,975,011 reviews, at may mahigit sa 500 milyong downloads. Sa larong ito, ninakaw ng iyong karakter ang cursed idol mula sa ancient temple, at ngayon ay kailangan mong tumakbo ng walang katapusan para sa iyong buhay upang makatakas mula sa mga kawan ng evil demon monkeys na humahabol sa iyo sa kagubatan. Ang tanging pag-asa mo ay itodo ang bilis ng pagtakbo at manalangin na hindi ka matisod sa ugat ng puno, masunog sa apoy na bakod, mahulog sa bangin, o makain ng evil demon monkeys. Ang larong ito ay nagtagumpay at nakakuha pa ng mga positibong review mula sa mga kritiko nito. Ang tagumpay ng laro ay humantong sa sequel nito na Temple Run 2. Tumulong din ang Disney para lumikha ng Temple Run: Brave at Temple Run: Oz. Bukod pa rito, nagkaroon ang larong ito ng ikatlong spin-off na pinamagatang Temple Run: Treasure Hunters bilang isang match-three video game. Naitampok din ang Temple Run sa mga activity books at board games sa tulong ng Warner Bros. Ang larong ito ay maaaring i-download dito:

Download Temple Run on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.imangi.templerun

Download Temple Run on iOS https://apps.apple.com/us/app/temple-run/id420009108

Temple Run Beginner’s Guide

Temple Run - Laro Reviews

Temple Run – Laro Reviews

Susubukin ng Temple Run ang iyong reflexes habang tumatakbo ka sa mga pader ng ancient temple at sa tabi ng mga matataas na bangin. Hindi mo makokontrol ang iyong bilis. Ang tanging magagawa mo ay umiwas sa mga harang sa daan. Mag-swipe sa screen para lumiko, tumalon at mag-slide upang maiwasan ang obstacles, mangolekta ng coins at bumili ng power-ups. Mag-unlock ng mga bagong character, at tingnan kung gaano kalayo ang maaari mong itakbo. Mayroon itong apat na pangunahing paggalaw: lumiko pakaliwa, lumiko pakanan, tumalon at mag-slide. Maaari mo ring i-tilt ang iyong tablet upang baguhin ang iyong posisyon sa track.

Minsan mabibigo ka at mamamatay, madadapa ka sa ugat ng puno, masusunog sa bakod ng apoy, mahuhulog sa mga bangin, o makakain ng evil demon monkeys at kailangan mong simulan muli ang laro. Gayunpaman, makakakuha ka ng mga achievement at coin rewards sa pamamagitan ng pagtawid sa mga milestone, kasama na ang distansya na iyong tinakbo at ang kabuuan ng nakolektang coins sa daan. Mayroong tatlong uri ng mga coin na makikita habang tumatakbo ang iyong karakter: Gold, Red, at Blue. Ang Gold coins ay magdaragdag lamang ng isang coin sa kabuuang bilang ng mga coin ng manlalaro. Ang Red coins ay nagkakahalaga ng dalawang coins, habang ang Blue coins ay nagkakahalaga ng tatlong coins. Maaaring gamitin ang mga coin na ito para bumili o mag-upgrade ng power-ups at iba pang characters. Ang mga coin ay maaari ring bilhin ng manlalaro sa pamamagitan ng in-app purchases kung saan magbabayad sila ng totoong pera.

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Temple Run

  • Manatiling kalmado

Manatiling kalmado sa lahat ng pagkakataon. Panatilihin ang hinahon habang nagsisimula pa lang uminit ang aksyon. Mas maliit ang posibilidad na magkamali ka kung mananatili kang kalmado. Huwag maghintay hanggang sa huling segundo upang i-swipe ang iyong device pakaliwa o pakanan kung ikaw ay pupunta sa isang direksyon. I-swipe ang iyong screen ng mabilis bago ka lumiko upang matiyak na talagang makakarating ka sa oras.

Temple Run - Laro Reviews

Temple Run – Laro Reviews

  • Maging maparaan

Kung ikaw ay tumatakbo na ng medyo mabilis, maaari mong pabagalin ang iyong sarili sa pamamagitan ng sadyang pagdapa sa isang balakid. Minsan, ang pinakamadaling paraan upang makamit ito ay ang pagtakbo nang diretso sa mga ugat ng puno upang mapabagal ang iyong pagtakbo. Kapag mas nagagawa mo ito sa buong laro nang hindi nahuhuli, mas maraming puntos ang maiipon mo at mas maraming character ang magagawa mong i-unlock.

  • Gumamit ng mga power-up

Tumutok ka muna sa pag-upgrade ng power-ups na ‘coin magnet’ at ‘coin value’, na parehong magkakapagbigay ng mas maraming coins sa tuwing maglaro ka. Ang invisibility power-up ay sulit ding pagkagastusan. Ang Boost power-up ay karapat-dapat din na pagtuunan ng pansin. Kaya nitong gawing auto-pilot ang  Temple Run. Ibig sabihin, tanging ang pagti-tilt ng iyong device ang iyong aalalahanin upang makapangolekta ng coins.

  • Ipambili ang coins

Gastusin ang lahat ng naipon mong coins pera sa utility na Angel Wings, na magbibigay sa iyo ng pangalawang pagkakataong mabuhay kung hindi mo sinasadyang mamatay sa laro. Maaari mong gamitin ng maraming beses ang Angel Wings sa isang pagtakbo, ngunit magagamit mo lang ang susunod na Angel Wings kapag nalampasan mo ang 1,000-meter mark.

Dapat Ka Bang Maglaro ng Temple Run?

Ang Temple Run ay maraming mga makabago at natatanging tampok na hindi makikita sa iba pang laro na kagaya nito. Ang thrill na makukuha mo kapag may biglaang pagbabago sa environment ay magbibigay sa iyo ng kakaiba at kapana-panabik na karanasan sa paglalaro! Maaari kang magkaroon ng maraming adventure sa larong ito. Marami ring cool features sa larong ito tulad ng mga booster at mga character na maaari mong i-unlock.

Temple Run - Laro Reviews

Temple Run – Laro Reviews

Ang visuals ng laro na naglalarawan ng isang cinematic na palabas na tulad ng “Indiana Jones” na madalas makakuha ng interes sa mga manlalaro, kahit anuman ang edad. Ang likhang sining sa environment at mga karakter ng laro ay maaaring ituring na top class! Iyon ang dahilan kung bakit parami ng parami ang mga manlalaro na na-hook dito. Bukod pa riyan, ang mga hadlang na nararanasan mo habang tumatakbo ka ay napaka-challenging ngunit kapana-panabik. Kahit na ang obstacle course ay medyo paulit-ulit, hindi ka magsasawa sa laro dahil ang mga lokasyon ng mga power-up, coins at obstacles ay random na ibinibigay. Dagdag pa dito, maraming mapagpipiliang likuan sa mapa kaya magkakaroon ka ng panibagong karanasan sa bawat oras na lalaruin mo ito.

Related Posts:

Beat Slash: Blade & Saber

Solar Smash Review

Ang isa pang bagay na gusto ng mga manlalaro tungkol sa larong ito ay ang konsepto ng kumpetisyon. Maipagmamalaki ng bawat manlalaro ang kanilang tagumpay sa leaderboard. Halimbawa, ang distansya na kanilang tinakbo, ang coins na kanilang nakolekta at ang pinakamataas na marka na kanilang naabot ay maaaring i-share at ihambing sa ibang manlalaro. Ang pagiging pinakamahusay sa Temple Run ay maituturing na tagumpay para sa mga manlalaro. Gayunpaman, ang pagiging pinakamahusay sa buong mundo ay isang mas malaking tagumpay. Ibang level!

Ligtas na laruin ang Temple Run para sa mga teenagers, gayunpaman, kailangan pa rin ang patnubay ng magulang dahil nagtatampok ang larong ito ng ilang detalyeng may bahagyang karahasan. Sa kasalukuyan, walang ginagawang pag-verify ng edad kapag dina-download ang app. Dahil sa itinatampok na mild lamang maituturing na karahasan sa laro, dapat malinaw at alam ng mga manlalaro na ang mga gawaing ito ay hindi dapat gawin o tularan sa totoong buhay at ginagawa lamang ito sa laro para sa layunin ng entertainment. Kung nag-aalala ka na maaaring masyadong seryosohin ng iyong anak ang mga ipinapakita sa laro, maaari mo silang pigilan sa paglalaro nito, o magkaroon ng seryosong pag-uusap kasama sila tungkol sa pagkakaiba ng mga pangyayari sa video games at reyalidad. Tulad ng lahat ng mga video game, mahalagang tiyakin na katamtaman lamang o may moderasyon sa paggamit ng mga bata ng app. Siguraduhing magtakda ng mga limitasyon kung gaano kadalas sila pinapayagang maglaro bawat linggo, at sabihin din sa kanila ang mga panganib ng pagkaadik sa teknolohiya.

Konklusyon

Ang Temple Run ay kumpleto ng features upang lumikha ng kasiyahan para sa mga manlalaro! Ito ay nakakahumaling, madaling laruin, at walang katapusan ang obstacle course dito. Ang laro ay na-optimize para sa mga gumagamit ng tablet dahil sa high-resolution graphics na pwede nilang gamitin. Nangangahulugan lamang ito na mas masisiyahan ka sa paglalaro Temple Run sa mas malaking screen. Kung hindi mo pa nasubukan ang Temple Run, huwag ka nang magpahuli at i-download na ito ngayon! Kung naghahanap ka naman ng panibagong karanasan sa Temple Run, subukan mong i-download ang Temple Run 2!

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...