The Superhero League Review

Maging isang ganap na superhero sa larong ito na nilikha ng Lion Studios, ang The Superhero League. Ito ay isang uri ng puzzle game kung saan talagang susukatin ang iyong talino pagdating sa paggamit ng limitadong resources na mayroon sa larong ito upang matalo ang iyong kalaban. Narito na ang grupo ng mga superhero na ang misyon ay ang isalba ang mundo mula sa mga kaaway. Malaya mo ring magagamit ang kanilang mga kapangyarihan, ang tangi mo na lang dapat gawin ay maging parte ng tinatawag nilang Superhero League.

Oras na pasukin mo ang larong ito, tuturuan ka na kaagad pagdating sa pagbuhat ng ilang mga bagay, pag-slice sa kalaban, paggamit ng bomba, baril at ng iba’t ibang klase ng kapangyarihan. Gamitin din ang talino pagdating sa pag-solve ng bawat puzzle kung nais mong manalo sa mga villain na makikita rito na naka-suit. Masusukat din ang iyong talino upang labanan ang kapwa mo superhero na napasailalim sa iyong mga kalaban. Immune sila sa iyong mga kapangyarihan kaya isang malaking challenge sa iyo kung paano siya tatalunin. Sikapin ding iligtas ang mga hostage dito. Huwag silang hayaang masaktan dahil kung mangyari iyon, iyon na rin ang ikatatalo mo sa laro.

The Superhero League - Laro Reviews

The Superhero League – Laro Reviews

Kung naghahanap ka ng isang hardcore na puzzle game, pwedeng-pwede ang larong ito para sayo dahil hitik ang larong ito ng iba’t ibang quest at mission na talagang pipigain ang iyong utak para lamang masagot o sa madaling salita ay mapatay ang kalaban. Subukan nating gamitin ang larong ito upang sukatin ang iyong talino sa pakikipaglaban. Handa ka na ba? Kung oo, halina’t simulan na natin ang labanan sa larong ito!

Features ng The Superhero League

Sa larong ito, agad ng pupukawin ang iyong atensyon ng iba’t ibang klase ng superhero na maaari mong magamit sa larong ito. Bawat isa sa kanila ay may kanya-kanyang bilang ng mga quest kung saan malaya kang magagamit ang kanilang mga ability. Kung baguhan ka pa lamang ay hindi mo agad magagamit ang lahat ng mga ito dahil kailangan mo munang lampasan ang lahat ng quest na mayroon sa isang superhero bago mo magamit ang isa pa. 

Kung sa tingin mo ay madali ang mga quest na narito, maaari kang magtungo sa Mission section kung saan naglalaman ang mga ito ng iba’t ibang challenges na di hamak na mas mahirap kaysa sa mga quest na nakalaan para ma-unlock ang mga superhero. Marami rin ito at talagang susukatin ang iyong talino sa pag-iisip para lamang makalampas dito. Kung sakaling pumalya kang magawa ang bawat quest, mayroon namang option sa laro kung saan may kalayaan kang ulitin ito nang paulit-ulit hanggang sa malagpasan mo ito. Kung ayaw mo naman itong gamitin, si Mr. Bullet ang bahala sayo dahil kaya niyang ubusin ang iyong kalaban gamit ang kanyang sniper. Dalawang beses mo lamang siyang maaaring gamitin. Kung maubos ay pwedeng manood ng ads para muling magamit.

Ang mga superhero na narito ay may iba’t ibang pangalan na naka-angkla sa kanya-kanya nilang abilidad gaya na lamang ni Super Psychic na kayang buhatin o pagalawin ang mga bagay o kalaban sa tulong ng kanyang mental powers, si Super Sharp naman na kayang hatiin at hiwa-hiwain ang kalaban, si Super Portal naman kung saan gumagamit ng iba’t ibang portal upang dalhin sa ibang lugar ang kalaban, si Super Boom na gumagamit ng bomba, si Super Spirit na may kakayahang gumuhit ng daluyan ng atake kahit nasa ibang lugar para lamang mapatay ang kalaban, si Super Ninja na gumagamit ng blade, at si Super Brush na gumuguhit ng object o armas bilang pamatay sa kalaban. Bukod dito, mayroon din ang mga iba’t ibang skin na maaari mong i-customize para sa kanila.

The Superhero League - Laro Reviews

The Superhero League – Laro Reviews

Siyempre, kung may superhero, mayroon ding mga villain. Mapapansin mo sa larong ito na kalimitang mga kalaban ay yung mga nakasuot ng suit habang ang iba naman ay kapwa superheroes na nasa panig ng kalaban. Sila ang mga dapat mong paslangin sa larong ito. Mayroon din ditong civilian na dapat mong protektahan upang hindi ka matalo sa laro.

Bawat quest at mission na iyong malalagpasan ay mayroong karampatang reward na iyong matatanggap gaya ng coins na maaaring dumoble, triple o higit pa kung manonood ka ng ads, costume para sa iyong superhero, sniper para kay Mr. Bullet. Mayroon ding option dito kung saan maaari mong bilhin gamit ang tunay na pera tulad ng item na no ads upang walang maging sagabal sa iyong paglalaro. 

Saan maaaring i-download ang The Superhero League?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 60MB sa Google Play para ma-install habang 111.4MB naman pagdating sa App Store. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang mga link sa ibaba depende sa device na iyong gamit. 

Download The Superhero League on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.onebutton.mrsuper

Download The Superhero League on iOS https://apps.apple.com/us/app/the-superhero-league/id1562322785

Tips at Tricks sa Paglalaro ng The Superhero League

Sa larong ito, talagang tuturuan kang mag-isip ng maigi para lamang malampasan ang bawat level. Talagang ina-assess nito kung hanggang saan ang kaya ng iyong utak na gawin sa mga limited resources na makikita rito upang mapatay lamang ang kalaban. Kaya naman, hindi na kataka-takang posibleng dumating ang pagkakataon na ma-stuck ka sa isang level at malito sa kung ano ang dapat mong gawin. Kung sakaling mangyari ito sayo, palagi lamang isipin ang kung anong magagawa mo sa loob ng level na naroon ka ngayon. Isipin mo agad kung alin sa mga item ang pwedeng gamitin, kung saan pwedeng dalhin ang mga kalaban para mapatay o kaya naman saan muna pwedeng dalhin ang hostage bago patayin ang mga kalaban. Hindi ka naman minamadali ng laro kaya mainam na pag-isipan ang mga ito bago ang gagawing pag-atake. Mas mainam ring mag-eksperimento kung kinakailangan. Wala namang problema rito dahil kung magkamali ka naman ay pwede mo itong ulit-ulitin kahit ilan beses pa ang gusto mo. 

Related Posts:

Bestie Breakup – Run for Love Review

Poppy Rope Squid Playtime Review

The Superhero League - Laro Reviews

The Superhero League – Laro Reviews

Pros at Cons ng larong The Superhero League

May pagkakahawig ang graphics nito sa larong Dumb Ways to Die sa parte kung saan tumatagas ang dugo ng mga pinatay na kalaban at kahit mismo sa paligid ng laro at character na makikita rito. Para sa Laro Reviews, sapat ang gameplay nito upang masabing talagang nakakaaliw ang larong ito, maging sa kung paano mo kokontrolin ang mga bagay na makikita mo rito para lamang mapatay ang kalaban. Bagaman wala itong tutorial, narito naman si Mr. Bullet upang bigyan ka ng tip sa kung ano ang dapat mong gawin. Mayroon ding option kung saan maaari mong ulitin ang laro kung sakaling natalo ka sa unang subok. Wala rin namang gaanong problema ang laro pagdating sa sound nito, may ilan lang pagkakataon na para bang ang sakit sa tengang pakinggan ng mga villain kapag namamatay.

Kung may masasabi naman na disadbentahe sa larong ito, iyon marahil ay ang pagkakaroon ng kalaban na naka-suit. Oo, alam kong wala namang problema rito at talagang binanggit na iyon sa description ng laro na kalaban iyon ngunit naka-formal attire. Sa oras kasi na simulan mo na ang laro, iisipin mong pumapatay ng tao ang superhero. Bukod pa rito, superhero rin ang itinuturing na villain na para bang takot ang larong ito na gumawa ng iba pang villain na mukha talagang villain. Isa pang maituturing na disadbentahe rin ng laro ay ang malimit na pag-lag ng laro at pagkakaroon nito ng maraming ads. Simple, creative, nakaka-relax at nakakaaliw ang laro na ito ngunit dahil sa mga problemang ito na iyong mararanasan bilang manlalaro, mapipilitan ka talagang magbayad kapalit ng ikaliliwalas ng laro o hindi kaya naman ay i-uninstall na lamang ito.

Konklusyon

Sa kabila ng mga disadbentahe nito, hindi pa rin maitatangging maganda naman ang larong ito lalo na sa parte kung saan talagang pinag-iisip ka para lamang makausad sa laro. Madadali ang mga challenges sa umpisa pero kung magpapatuloy ay pabigat na ito ng pabigat. Hindi ito yung tipo ng larong maaari lang gawing libangan bagkus maaari ring gamitin kung may pagkakataong nais mong ma-exercise ang iyong utak pagdating sa pag-iisip ng strategy o kung ano pa man. Kaya naman, para sa Laro Reviews, malinaw na masisiyahan ka sa larong ito sa oras na ito’y iyong subukan.

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...