Troll Pencil: Brain Challenge Review

Palaging may nakakubling kwento sa bawat litrato. Iyan ang isang bagay na siyang ituturo sayo ng larong ito na pinangalanang Troll Pencil: Brain Challenge. Ito ay isang puzzle game na inilabas ng Great Casual Games kung saan tunay kang susubukin nito pagdating sa pag-iisip kung papaano mo sasagutan ang ilang mga puzzle challenges, makita lamang ang iba pang mga pangyayari sa likod ng bawat senaryong nakapaloob dito. Simple lamang ang gameplay ng laro dahil kailangan mo lang naman hanapin o ibigay ang mga bagay na kailangan ng bawat karakter sa bawat challenges. Dahil may kinalaman ang lapis dito, maaari kang gumuhit dito o kaya burahin ang maaaring burahin sa laro. Hindi mo kailangang maging magaling sa pagguhit dahil ang laro na ang bahala sayo basta’t gamitin lamang ang iyong kamay at utak pagdating sa pag-iisip ng ilang mga paraan kung paano mo masasagot ang bawat challenge dito.

Features ng Troll Pencil: Brain Challenge

Dahil sa simpleng gameplay nito, hindi malabong simple at iilan lamang din ang makikitang features dito sa Troll Pencil: Brain Challenge. Sa bungad pa nga lamang ng laro ay makikita mo kaagad ang kabuuang bilang ng level na kailangan mong lagpasan. Sa kabuuan ay mayroon ang larong ito na 340 na level. Bawat isa sa mga ito ay may kanya-kanyang level ng difficulty na talaga namang pipigain ang iyong utak pagdating sa pag-iisip ng iba’t ibang klase ng paraan kung paano makakalagpas dito. Bagaman nakikita mo na kung gaano karami ang levels na mayroon ang laro, hindi mo pa rin ito mabubuksan nang Random dahil kailangan mo pa ring matapos ang unang level bago mo mabuksan ang mga susunod pang level.

Sa loob naman ng mismong laro makikita ang bida ng laro na lapis. Nahahati ang katawan nito, ang pangguhit at pambura, at ikaw ang bahala kung saan mo isasampay ang katawan nito upang magawa mo ang misyon mo sa bawat level. Sa bandang taas naman makikita ang karakter na may itsurang pambura. Siya ang nagsasabi sayo kung ano ang konteksto ng bawat litrato. Maaari mo rin siyang gamiting guide kung medyo naguguluhan ka sa bawat level. Tandaan na kung pumalya kang gawin ang task sa isang level ay maaari mo pa rin itong ulit ulitin kung kailan mo gusto.

Sa bandang ibaba makikita ang bawat button kung saan maaari mong gamitin kung nais mong masagutan ng mabilis ang isang level o kung nais mo itong laktawan. Una na sa mga button na ito ay ang Hint button kung saan mabilis na ituturo sayo nito kung ano ang kailangan mong gawin. Maaari mo itong gamitin kung talagang nahihirapan ka nang i-solve ang bawat puzzle. Magagamit mo lamang ito kung manonood ka ng ads dito. Pangalawa sa button ay ang may itsurang tatlong line o menu kung saan ilalabas ka nito sa laro upang makapili na lang ng ibang level. 

Kasama rin sa mga button na ito ang No Ads na item kung saan maaari mo itong magamit o mabili gamit ang tunay na pera kung ayaw mong may sumusulpot na ads sa paglalaro mo nito. Panghuli ay ang fast forward na icon kung saan agad ka na nitong ililipat sa panibagong level kahit pa hindi mo pa nalalagpasan ang kasalukuyan mong level. Upang magamit ito ay kailangan mo lang din munang manood ng ads.

Saan maaaring i-download ang Troll Pencil: Brain Challenge?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 155MB sa Google Play Store habang 328.5MB naman pagdating sa App Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng NoxPlayer para naman sayong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Troll Pencil: Brain Challenge on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=troll.pencil.brain.challenge.puzzle

Download Troll Pencil: Brain Challenge on iOS https://apps.apple.com/us/app/troll-pencil-brain-challenge/id1603811238

Download Troll Pencil: Brain Challenge on PC https://www.bignox.com/appcenter/troll-pencil-brain-challenge-puzzle-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Troll Pencil: Brain Challenge

Kung titingnan ay madali lang naman ang gameplay ng laro dahil isa lamang ang maaaring gamitin bilang game control dito at iyon ay ang katawan ng lapis; mapa-pangguhit man o pambura. Sadyang nagiging mahirap lamang talaga ito pagdating sa parte kung saan talagang susubukin ka ng laro kung paano mo ito gagamitin ng wasto at hindi naaapektuhan ang bawat karakter na tampok sa isang specific na level. Kaya naman, narito ang simpleng tips para sayo mula sa Laro Reviews.

Sa oras na makapasok ka na sa isang level, isang magandang unang gawin ay ang i-scan muna ng maigi ang bawat paligid nito. Iyon ay upang malaman mo kung saan maaaring dumaan ang mala-latigong katawan ng iyong lapis. Humanap palagi ng maaaring sabitan nito at siguraduhing hindi ito tatama sa kahit na sino. Kung mayroon mang mga number na makikita rito ay mainam na iyon ang maging gabay mo kung saan mo lang maaaring idaan ang iyong lapis. Totoong Trial and Error ang maaaring maging kahinatnan mo sa bawat level at walang problema roon. Sumubok lang nang sumubok. Gamitin ang bawat pagkakamaling nagawa mo bilang gabay upang hindi na muling gawin iyon sa susunod. I-explore mo lang ang bawat paligid nito. Kahit halaman o balat ng saging ay posible mong daanan ng iyong lapis. Hindi iyon imposible.

Mayroong hint na makikita sa ibabang parte ng laro ngunit kung nais mong mahasa ang iyong talino ay gamitin lamang ito sa pagkakataon na wala ka ng ibang pagpipilian. Nagkalat din ang iba’t ibang gameplay videos na makikita sa youtube ngunit mainam na huwag itong silipin dahil talagang ipapakita na nito sayo kung paano sino-solve ang bawat level. Dahil dito, maaaring mawala na ang thrill mo sa paglalaro nito. Bukod pa rito, mayroon ding button kung saan maaari mong laktawan ang kasalukuyang level patungo sa panibagong level. Wala namang problema rito ngunit mas mae-enjoy mo ang laro kung pipiliin mong tapusin muna ang level kung nasaan ka bago ka mag-proceed sa susunod. 

Pros at Cons ng Troll Pencil: Brain Challenge

Ayon sa mismong description nito sa Google Play Store, ang Troll Pencil: Brain Challenge ay isang uri ng puzzle game kung saan talagang hahasain nito ang iyong talino pagdating sa pagso-solve ng bawat puzzle na nasa loob nito. Hindi naman nagkamali ang laro sa parteng ito dahil nang sinubukan ito ng Laro Reviews, may mga pagkakataon talaga na madaling lagpasan ang bawat level habang mayroon din namang aabutin ka ng ilang attempt bago mo ito tuluyang malagpasan. Tunay na itutulak ka ng laro sa pag-iisip ng iba’t ibang klase ng paraan, makita mo lamang ang kwento sa likod ng bawat litrato.

Nakakaaliw man at tunay na unpredictable ang bawat task dahil sa kakaibang twist na makikita sa tuwing naso-solve ang bawat puzzle, hindi pa rin maitatanggi na may mga parte sa larong ito na masasabing hindi maganda ang maaaring ituro sa bawat manlalaro lalo na kung nasa murang edad pa lamang. May ilang mga level kasi sa larong ito na nagpapakita ng pagiging sekswal, brutal at bayolente na tunay na hindi angkop sa lahat ng manlalaro. Dahil dito, isa ito sa mapapansing disadbentahe sa larong ito at dapat na bigyang aksyon o alisin ng developer nito kung nais pa nilang tangkilikin ng mga manlalaro ang kanilang laro. Bukod pa riyan ay isa rin sa maituturing na disadbentahe sa larong ito ay ads na kada-tapos ng task ay sulpot din naman nang sulpot.

Konklusyon

Ang Troll Pencil: Brain Challenge ay tunay na may sapat na gameplay na talagang aaliwin ka. Maganda rin ang napiling graphics at sound para sa larong ito upang magkaroon ng kakaibang dating ang paglalaro nito. Gayunpaman, sa kabila ng ilang kalamangan ng larong ito, hindi rin naman nawawala ang ilang mga features nito na maituturing na kabawasan dito. Hindi ito nirerekomenda ng Laro Reviews para sa mga batang manlalaro dahil sa ilang explicit na nilalaman nito. Gayundin sa mga manlalarong mabiis mag-init ang ulo dahil tunay na uulanin ka ng ads ng larong ito at posibleng imbis na maaliw ka rito ay kainisan mo pa ang larong ito dahil sa mga ads nito.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...