Truck Wars Review

Tama. Hindi ka nagkakamali sa nabasa mo. Ang tanging paraan lamang upang makausad sa larong ito ay ang ilabas ang pagiging malikhain ng bawat manlalarong magtatangkang pasukin ang larong ito. Ito ang larong pinangalanang Truck Wars, isang casual arcade game na inilabas ng Hoopsly FCE kung saan ang bawat manlalaro ay binibigyan ng pagkakataong disenyuhan ang kanilang mga truck ayon sa kanilang nanaising itsura nito. Nangangailangan ang larong ito ng pagiging malikhain dahil limitado lamang ang iyong gagamiting materyales. Kaya naman kailangan mong ilabas ang iyong talento pagdating sa paglikha Pagandahin ang iyong truck ngunit mayroon pa rin dapat ito na kakayahan na matalo ang iyong bawat makakalaban. Simulan na natin ang pagdidisenyo ng iyong truck, talunin ang lahat ng iyong mga kalaban at manatiling buhay hanggang sa huli upang makakuha ng ilan pang mga parte na siyang maaaring idagdag pa sayong truck. 

Features ng Truck Wars

Dito sa Truck Wars ay mayroong sinusunod na grid ang bawat manlalaro. Ito ang nagsisilbing guide ng mga ito upang malaman kung ilan pa ang weapons na maaaring ikabit sa kanilang truck. Hindi maaaring lumampas dito ang bawat ikakabit sa truck kaya naman isang pagsubok na agad na maituturing ang pag-iisip ng paraan para magawa ito. Ngunit, may pagkakataon din naman na maaari mong mapalaki ang grid na ito at iyon ay sa pamamagitan ng panonood mo ng ads.

Mayroong iba’t ibang klase ng weapons at ilang mga parts na maaaring ikabit sa iyong truck gaya ng block, dalawang klase ng gulong at shield, laser, gun, fire gun, spear, excavator, short at long saw. Lahat ng ito ay nasa basic pa lamang na type at maaaring ma-upgrade mula sa Iron, Gold at Diamond. Kung nais mo itong ma-upgrade ay maaari mong gamitin ang iyong coins para rito o kaya naman ay sa pamamagitan din ng panonood ng ads.

Bawat manlalaro ay mayroon ng nakahandang truck na maaari nilang magamit hanggang sa matapos nila ang laro. Gayunpaman, kung nais nila itong i-customize ay maaari pa rin naman. Sa Shop makikita ang anim na klase ng pilot, na siyang nagpapaandar ng truck, na maaari mo namang pagpilian. Mayroong soldier, cat, ilang karakter ng Korean series na Squid Game, si Poppy at Santa. Sa Skin section naman matatagpuan ang iba’t ibang klase ng kulay gaya ng Blue, Orange at Purple o kaya naman ang mga tema na pang-Christmas, army, at repair. Lahat ng item na ito ay maaari mong mabili gamit ang coins habang ang iba naman ay maaaring ma-claim sa pamamagitan ng panonood ng ads.

Mayroon ding sinusunod na mapa ang Truck Wars. Kung bibilangin ay mayroon itong laman na 90 na levels kung saan habang tumatagal ay padagdag ng padagdag din ang level of difficulty. Bawat level ay mayroong nakatagong mga reward na maaari mo namang matanggap sa oras na malagpasan mo iyon. Hindi tiyak ng Laro Reviews kung madadagdagan pa ba ang bilang ng levels sa oras na makumpleto mo ang 90 na kabuuang bilang nito ngunit kahit ganun ay masasabi pa ring may kahabaan na ang larong ito dahil kada level ay mayroong iba’t ibang klase ng kalaban kung saan bitbit ang iba’t ibang klase ng weapon na maaari mo ring matanggap sa oras na matalo mo ang mga ito.

Saan maaaring i-download ang Truck Wars?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 57MB sa Google Play Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng MEmu Play para naman sayong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Truck Wars on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.CoolBears.TruckWars

Download Truck Wars on iOS https://apps.apple.com/sz/app/truck-wars/id1614065922

Download Truck Wars on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-com.CoolBears.TruckWars-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Truck Wars

Sa larong ito, tunay na malaki ang posibilidad ng pag-usad mo sa laro kung gagamitin mo ang iyong pagiging malikhain para lamang madisenyuhan ang iyong truck. Ngunit hindi lamang ito tungkol sa pagdidisenyo kundi sa pagiging madiskarte rin kung paano matatalo ang iyong kalaban. Kaya naman, narito pa rin ang Laro Reviews para sayo upang ibigay ang ilang mga tip na maaari mong magamit kung susubukan mong laruin ang Truck Wars.

Isang mainam na feature sa laro na nakikita mo na kaagad sa parteng itaas ng iyong screen ang iyong makakalaban. Dahil dito, may pagkakataon kang paghandaan ang bawat laban sa pamamagitan ng paglalagay sa iyong truck ng kahit na anong weapon. Kung titingnan ay mahirap at tunay na nakakaubos ng creative juices ang paulit-ulit na pag-iisip ng panibagong paraan upang matalo ang kalaban. Ngunit mainam pa rin naman kung susubukan mong mag-stick sa nakasanayan mong disenyo. Hindi mo na kailangan pang mag-isip ulit ng iba pa kung naging epektibo na ang ang iyong unang ginawa sa mga nauna mong laban. Mainam kung dadagdagan na lamang ito base sa kung ano ang bagong bitbit ng iyong kalaban.

Bilang tip naman sa pagdidisenyo, huwag lamang i-prioritize ang harapang parte ng iyong truck kundi pati na rin ang likod. May pagkakataon kasing napupunta rin ang kalaban sa iyong likod at maaaring iyon ang maging oportunidad ng kalaban upang mapuruhan ka. Ngunit kung maglalagay ka rin ng weapon sa iyong likod, magagawa mo pa ring umatake kahit pa pagbalik-baliktarin ka pa ng iyong kalaban. Kung mangyari mang hindi mo ito naisip at nakapasok ka na sa mismong battlefield, itulak mo lamang ng itulak ang kalaban gamit ang iyong likod patungo sa dingding upang bumaliktad ito at bumalik sa iyong harapan. 

Pros at Cons ng Truck Wars

Kung titignan ang kabuuang itsura ng laro, agad na papasok sa isip mo na isa ang Truck Wars sa mga larong aasahan mong experimental, puno ng flaws at talagang hindi mo pag-aaksayahan ng oras na laruin dahil sa gameplay nitong paulit-ulit at nakakainip. Ngunit nang sinimulan na itong laruin ng Laro Reviews, doon namin napagtanto na may ibubuga pa rin naman ang larong ito dahil bagaman simple ay kaya ka pa rin nitong aliwin. Kaya nitong paganahin ang iyong utak pagdating sa kung paano mo ayusin ang iyong truck depende sa itsura na nais mo. May hawig ito sa nakasanayan nating laro noong kabataan gaya ng Lego o ng kung ano pang larong may kinalaman sa mga maliliit na piraso na kailangang pagdikit-dikitin upang makabuo ng isang magandang obra. 

Ang malimit lamang na sinasabing problema sa larong ito ay ang ads na makikita rito na talaga namang sumusulpot kahit pa sa parte kung saan nagdidisenyo ka pa lamang ng iyong truck. Gaya ng ibang laro ay marami rin ito at mahahaba rin kaya hindi mo maiaalis sa tao na mainis dahil dito. Kung nais mo mang subukang laruin ito nang nakapatay ang iyong internet connection ay hindi mo naman mararanasang ma-upgrade ang iyong mga gamit sa pakikipaglaban. Ads ang bumubuhay sayo sa laro, ads din ang makakatulong sayo upang makaabante sa laro kaya wala kang ibang pamimilian kundi ang tiisin ang lahat ng ito.

Konklusyon

Bagaman isang maituturing na malaking disadbentahe sa larong ito ang pagkakaroon ng sandamakmak na ads, hindi pa rin naman maiaalis ng Truck Wars ang posibilidad na kagigiliwan ito ng bawat manlalaro. Tunay na malilibang kang laruin ito kahit pa may pagkakataong maiinis ka talaga dahil sa mga nagsusulputang mandatory ads. Maganda na ang laro ngunit mas mapapaganda pa ito kung pakikinggan ng developer nito ang hinaing ng bawat manlalaro nito. Bukod pa rito, mas mainam din siguro kung mayroon ding multiplayer mode ang laro upang magkaroon ng oportunidad ang bawat manlalaro na makalaro ang iba pang manlalaro.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...