Truth Runner Review

Truth Runner – Masasabi mo na bang kilala mo nang lubusan ang iyong sarili? Karaniwan ang pagsagot sa mga personality test sa tuwing nag-a-apply ng bagong trabaho. Mula rito, tinitingnan ng HR Officer kung akma ba ang iyong personalidad sa kabuuang synergy ng kanilang kompanya. Isa sa mga sikat na personality test ay ang Myers-Briggs na kung saan ikaw ay sasagot ng mga katananungan upang tukuyin ang iyong tipo, kalakasan, kahinaan, at kagustuhan. Kung kaya’t hindi na katakataka kung may mga mabubuong larong halaw sa pag-alam at pagsuri sa personalidad ng isang tao. 

Ang Truth Runner ay isang hyper-casual parkour game na ginawa ng TapTek. Idinisenyo ang larong ito upang maging patok sa popular na kultura at maging meme-worthy. Dahil sa ganitong estratehiya, may posibilidad na makabuo ng malaking traffic upang i-download ang kanilang laro. Ang partikular na target audience nito ay ang mga kababaihang mahilig sa dress-up at malaman ang sariling pagkakakilanlan.

Hindi rin mahirap maunawaan ang kabuuang laro dahil simple at direkta ang gameplay nito. Kailangan lang gabayan ang babaeng karakter at pumili base sa mga nakahaing pagpipilian. Kaya kung gusto mo pang mas makilala ang larong ito, siguraduhing basahin hanggang dulo ang artikulong ito mula sa Laro Reviews. 

Truth Runner - Laro Reviews

Truth Runner – Laro Reviews

Features ng Truth Runner

Hyper-casual Parkour Game – Simple at madaling matutunan ang laro. Makikitang gumamit din ito ng minimalistic interface. Gamit ang iyong daliri, gabayan ang babaeng karakter habang naglalakad sa kahabaan ng runway hanggang sa makarating sa destinasyon. 

Wardrobe Change – Nagbabago ang kasuotan ng iyong karakter batay sa iyong mga napili. Halimbawa na lang ay kung pinili mo ang libro kumpara sa lipstick, magkakaroon ka ng salamin bilang simbolo na ikaw ay mahilig magbasa. Kapag pinili naman ang cocktail drinks, makikitang nakasuot na ang iyong karakter ng palda at sleeveless bilang ito ang tipikal na sinusuot tuwing may parties. Sa huling parte ng runway makikita ang final look na tutukoy kung ano nga ba ang iyong posibleng panlasa batay sa choices na iyong pinili.

Build Your Dream House – Gamit ang diamonds na iyong nakuha bawat level, bumili ng iba’t ibang equipment at tools na bubuo sa iyong dream house. Nahahati ito sa pitong silid at maaaring ma-unlock ang mga ito sa tuwing natatapos ang espisipikong level. Ang gym ay ang unang maa-unlock kapag nakumpleto ang level 3. Sunod naman ang study room sa level 6, art room sa level 9, dance practice room sa level 12, living room sa level 15, bedroom sa level 18, at gaming room naman sa level 21. Maaaring maglagay ng hanggang tatlong equipment at tools sa bawat silid. 

Saan Pwedeng I-download ang Truth Runner?

Gamit ang iyong smartphone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para sa iOS users. Ilagay sa search bar ang Truth Runner. Dahil walang bayad ang laro, diretso mo na itong maida-download. Pindutin lang ang icon ng app at simulan na ang paglalaro.

Truth Runner - Laro Reviews

Truth Runner – Laro Reviews

Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Truth Runner on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.model.wing.queen.run&showAllReviews=true

Download Truth Runner on iOS https://apps.apple.com/us/app/truth-runner/id1583581426

Tips at Tricks sa Paglalaro

Walang espisipikong estratehiyang kailangang buuin dahil napaka simple ng gameplay nito. Gabayan lamang ang naglalakad na babaeng karakter sa mga ipinapakitang pagpipilian. Nasa iyong mga kamay kung alin sa mga option ang nais piliin. Makikita ring magbabago ang kasuotan at itsura ng babae batay sa iyong mga pinili. 

Kung gustong mapabilis ang dami ng iyong diamonds na matatanggap, mainam kung kukunin ang lahat ng mga item na maaaring makuha sa runway. Ang diamonds ay ang currency ng laro upang makabili ng mga tools at equipment na ilalagay sa iyong bahay. 

Related Posts:

FNF Music Battle Beat Fire Review

Blue Monster: Stretch Game Review

Truth Runner - Laro Reviews

Truth Runner – Laro Reviews

Pros at Cons ng Truth Runner

Ang larong ito ay tutukoy diumano sa iyong personalidad at kapalaran base sa mga desisyong tinahak sa mga nakahaing pagpipilian. Halimbawa na lamang ng isang level sa laro kung saan ay malalaman kung gaano ka-”girly” ang isang babae. Tila ba ang tumutukoy sa pagkababae ng isang tao ay ang kanyang pamamaraang manamit. Hindi lamang ito, may partikular na level ding magsasabi kung ikaw ba ay gamer o party queen. Isa sa mga pagpipilian sa runway ay kung ano ang iyong mas gusto, games o lipstick. Delikado ang mga ganitong pag-iisip dahil kinakahon nito ang mga kababaihan sa dalawang sistemang hindi naman umiiral. Hindi alintanang mayroong mga kababaihang mahilig sa games at lipstick o kaya naman ay may ibang babae na mas komportable sa pinagsamang estilo ng “pambabae” at “panlalaking” kasuotan – at ayos lang iyon! 

Sa usaping graphics naman, masasabing sakto lang ito. Wala masyadong espesyal ngunit mapapansing makulay ang estilo ng visuals na ginamit. Maging sa kantang inilagay, upbeat ito ngunit hindi rin masyadong kakaiba. Marahil ang isa sa mga pinakanakakadismayang parte sa Truth Runner ay ang sandamukal nitong ads. Upang mapataas ang bilang ng diamonds na matatanggap kada level, may option kang manood ng ads o hindi. Ngunit, kahit piliin ang close button, bigla-bigla pa ring lalabas ang mga ito. Pinasasawalang-bahala nito ang desisyon ng mga manlalarong umayaw sa panonood ng ads. Bukod pa rito, maging nasa kalagitnaan ng paglalaro ay may susulpot pa rin na ads. Mas mahaba pa ang oras na gugugulin sa panonood nito kaysa sa aktwal na paglalaro. Hindi rin mainam na ipalaro ito sa mga bata sapagkat may video ads na nangangailangan ng mahigpit na patnubay ng magulang. May tema ng sekswalidad at karahasan ang ilan sa mga ad na lumalabas. 

Konklusyon

Sa kabuuan, bagamat pabiro ang dating ng mga larong kagaya ng Truth Runner na hindi kailangang seryosohin, delikado ang mga ganitong pag-iisip dahil bahagya nitong kinukulong at inilalagay sa stereotype ang mga kababaihan. Hindi ito mainam na ipalaro sa mga batang hindi pa marunong tumukoy ng tama sa mali dahil may posibilidad na mahulma ang kanilang pag-iisip na nahahati ang personalidad ng babae batay sa dalawang uri. Bukod pa rito, ang pinakanakakadismayang bahagi ng laro ay ang ads na laging sumusulpot. Kahit may option pa na i-skip ang mga ito, patuloy pa rin sa pag-play ang mga video. Mas mahaba pa ang oras na gugugulin sa panonood ng mga ad kaysa sa aktwal na paglalaro. Nakakasagabal ito dahil kahit ikaw ay nasa runway at aktong pipili na sa choices, biglang may lalabas pa rin na ads. Maganda kung ipaprayoridad ng game developers ang kabuuang content ng laro sa halip na i-focus ang atensyon sa ads. May potensyal sana ang ganitong uri ng laro kung kanilang iibahin ang ilang mga pagpipilian sa runway. Nawa’y marami kang natutunan patungkol sa Truth Runner sa artikulong ito ng Laro Reviews. 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...