Unsolved: Hidden Mystery Games Review

Maglibang kasama itong kalipunan ng hindi lang dalawa, hindi lang lima, hindi lang sampu kundi higit pang mga hidden object games! Hamunin ang katalinuhan gamit ang Unsolved: Hidden Mystery Games sa paghahanap ng mga ebidensya at clues. Kabilang ang iba pang napakaraming kahanga-hangang puzzle games, handog ito ng Artifex Mundi upang makapagbibigay pa sa mga manlalaro ng panibagong adventure. Simulan na ang imbestigasyon, lutasin ang mga criminal cases at tuklasin ang mga sinaunang hiwaga. Handa ka na bang lumusong sa mundo ng mga di malimot-limot na mga misteryo? Alamin sa pagbabasa nitong artikulong inihanda ng Laro Reviews.

Mga Tampok ng Laro 

Sa larong ito ay mapupuntahan mo ang mga kabigha-bighaning pook at lokasyon sa malawak na mapagpipilian na mga laro. Maaaring mapunta ka sa makakabalaghang asyenda o sa makipot na eskinita ng lunsod, sa tagong hotel o sa madilim na bartolina. Bahagi ng mga lokasyong ito ay ang napakahusay na graphics na naiparis sa komplementaryong music background at sound effects. Sa adventure mo sa laro ay makakasabay ka sa nakapanghihimok na kwento na puno ng mga kahali-halinang mga tauhan, kakampi man o mapanganib. Maaaring ito ay kwento ng di maipaliwanag na pagkawala, misteryosong pagpatay o isang madilim na lihim na pampamilya. Makikita mo ang mga seryeng ito sa Home Screen ng laro na sumasaklaw mula sa mga klasikong Enigmatis, Grim Legends, Noir Chronicles at iba pang mga series.

Sa paglalaro nito, gagalugarin mo ang bawat lokasyon para makapaghanap ng mga clues at mga kagamitan upang umunlad ang progress mo sa laro. Sasaliksikin mo ang bawat madetalyeng mga eksena na napupuno ng mga hidden object. Ito ay magagawa sa pag-interact ng mga bagay na nasa game screen sa pamamagitan ng pagpindot nito. Siyasatin ang mga pangyayari at buuin ang imbestigasyon gamit ang mga nakalap na ebidensya at mga item na nasa inventory. Ito ay makikita sa bandang ibaba ng game screen. Lutasin ang mga puzzles na madadaanan mo habang naghahanap ng kasagutan sa misteryo. Panghuli, i-konekta ang bawat kaganapan ng malutas na ang misteryo. Kapag naipit naman sa isang bahagi ng puzzle ay pwede kang gumamit ng hints kapalit ang game energy.

Paano I-download ang Unsolved: Hidden Mystery Games?

Napakadaling i-download ng larong ito. Ang kailangan mo lang gawin ay sundin itong mga hakbang. Kung ikaw ay Android user, maaari mo itong i-download sa Google Play Store. Buksan lang ang nasabing app, hanapin ang larong ito at i-click ang install. Para sa iOS, pareho lamang ang proseso ngunit sa halip na Google Play Store, i-download ito sa App Store. Maaari mo ring i-download ang larong ito sa PC. Para sa mas mabilis na pag-access, maaari mong i-click ang mga link sa ibaba.

Download Unsolved: Hidden Mystery Games on Android here.

Download Unsolved: Hidden Mystery Games on iOS here.

Download Unsolved: Hidden Mystery Games on PC here.

Tips at Tricks para sa mga Baguhan 

Maraming rason kung bakit nakakatuwang laruin ang mga hidden object games, ngunit sa mga kadahilanang ito ay nangingibabaw ang katotohanang kakailanganin mo ang mahabang pasensya, mainam na focus at matalas na pag-iisip upang madali kang umusad sa laro. Isa sa mga tips ay dapat pagmasdang maigi ang kaligiran ng eksena. Kadalasan, sumasaglit lamang ang manlalaro sa isang bahagi ng laro na hindi napagtatanto na mayroon pang mga mahahalagang bagay at item sa nadaanang eksena na maaaring makatulong nang malaki sa imbestigasyon. Kaya mahalagang maging mapanuri sa bawat detalye na makikita sa game screen at paglaanan ito ng panahon sapagkat ang challenge sa larong ito ay hindi ang oras, kundi ang kagalingang magsiyasat sa imbestigasyon.

Mahalagang alam mo ang layunin ng iyong misyon at kung ano ang iyong hinahanap sa partikular na eksena. Mainam na pakinggan ang mga diyalogo ng mga tauhan sa laro dahil nakapagbibigay ito ng clue sa iyong misyon. Bigyang pansin ang bawat nakikita at nababasa rito at sa pamamagitan ng mga ito ay gumawa ng konklusyon na maaaring sumagot sa puzzle. May mga pagkakataong bubuo ka ng salaysay mula sa mga nakalap mong ebidensya, kaya upang matagumpay na magampanan mo ito dapat ay maging atentibo sa bawat detalye na nakokolekta mo. Sa paghahanap naman ng item at iba pang object, pansinin ang mga interconnected items na nasa iyong inventory at ng mga nasa labas nito. Maaaring mapagana mo ang mga bagay na ito upang makabuo pa ng kasagutan sa misteryo. At, kung nagigipit ka man sa isang bahagi ng puzzle ay pwede kang gumamit ng hints. Makikita mo ito sa ibaba ng game screen, sa bandang kanan. Ngunit, dapat na maging masinop sa paggamit nito sapagkat malaki ang nababawas nito sa game energy. Gamitin lamang ito sa angkop na mga pagkakataon.

Kalamangan at Kahinaan 

Tanyag sa larong ito dahil sa sari-saring mga laro at game series na pwede mong mapagpipilian. Maaaring ito ay isang kasuklam-suklam na krimen o nakakapanindig-balahibong kababalaghan, delikadong paglalakbay o napakahirap na pagtakas. Kapanapanabik ang kwento nitong mga laro na mas pinaganda pa sa tulong ng mga kawili-wiling mga tauhan at napakahusay na graphics. Ang music background naman ay atmospheric at nakapagbibigay ng karamdamang naaangkop sa bawat kwento. Sari-sari rin ang uri ng puzzles at mini-games na nakapaloob sa larong ito. Di tulad ng iba na tinatapos lang sa pagki-click, sa larong ito ay hahanapin mo rin ang mga interaksyon ng mga items at iba pang mga bagay na makikita sa game screen. May extrang adventure din na maaari mong tapusin na nagsisilbing karugtong sa istorya ng main game. Mayroon ding mga achievement na pwede mong i-unlock, gayundin ang mga collectibles na pwede mong hanapin.

Libre mo itong ma-download at wala itong mga patalastas, ngunit may iilang laro o series dito na kailangan mong i-unlock ang kasunod na bahagi upang matapos mo ang isang partikular na laro o series. Ito ay ang pagbili ng full access nito. Isa pa, kapuna-puna ang sistema ng paggamit at pag-refill ng game energy. Mabilis itong nauubos at nababawasan sa bawat aksyon na isinagawa ng di nakikita ang nagiging deduction nito sa game energy. Apat at kalahating minuto ang hihintayin upang mapuno ulit ang isang game energy. Ito ay halos isang buong araw upang mapuno ang game energy level.

Konklusyon 

Mula sa mahusay nitong graphics, sari-saring mga laro, nakaka-aliw na istorya at mahihirap na mga puzzle at mini-games ay 4.2/5 ang maibibigay na puntos ng Laro Reviews para sa larong ito. Bukod sa entertainment na dala nito ay nasusubok din ang kagalingan mo sa pagsisiyasat at paggawa ng konklusyon, pati na ang pagbuo ng mga pagpapasyang pang-imbestigasyon. Napakaayos ng pagkakatahi ng mga istorya nito at ito rin ay kapanapanabik. Bawat detalye ay intrikado at mahusay na binuo upang malikha ang namumukod-tanging puzzle game na ito. Kaya pumasok na sa mga misteryosong lokasyong binubuo ng mga mahiwaga at kataka-takang mga istorya. Buuin ang pinagtagpi-tagping piraso ng mga lihim. I-download na ang Unsolved: Hidden Mystery Games ngayon!

Leave a Comment

Login
Loading...
Sign Up
Loading...