Vacuum Killer Review

Vacuum Killer – Sikat na sikat ang mga superhero mula pa noon hanggang ngayon. Nakakaengganyo kasing tingnan ang kanilang galaw upang ipagtanggol ang mga naaapi laban sa mga masasamang loob. Nakakaaliw ding pagmasdan ang kanilang superpowers at kung paano nila ito i-execute lalo na sa oras ng kagipitan. Ang iba sa kanila ay kayang pagalawin ang mga elemento batay sa kanilang ninanais, samantalang ang iba naman ay may kakayahang kontrolin ang oras at gayahin ang ibang katangian ng mga hayop o insekto. Ngunit sumagi na ba sa iyong isipan kung ang superhero ay isang… vacuum? 

Ang Vacuum Killer ay isang action game na ginawa ng Rollic Games na kung saan gamit ang isang vacuum, pupuksain nito ang mga masasamang loob. May mga level din na kung saan kailangang mailigtas ang mga naging bihag ng kaaway. Dahil likas na ginagamit ang vacuum bilang panlinis, matapos kitilin ang buhay ng mga kalaban ay hihigupin ang pira-pirasong katawan at lilinisin mo ang paligid. Bukod pa rito, maaaring dugtungan ang iyong vacuum ng iba’t ibang armas upang mas lalong mapadali ang layuning mapatay ang kalaban at boss. 

Bagamat simple ang gameplay ng laro, hindi pa rin ito mainam na laruin ng mga bata. May pagka-dark ang humor nito dahil matapos magapi ang kalaban, nahihiwa ang katawan nito sa maliliit na parte at matapos ay hihigupin ng vacuum upang linisin. Dito nagmumula ang pera na matatanggap bilang premyo at stars upang tumukoy kung gaano karaming bonus points ang matatanggap kada level. Dahil dito, mairerekomenda ko lang ito para sa mga manlalarong may ganitong tipo ng kasiyahan. Basahin hanggang dulo ng artikulong ito mula sa Laro Reviews kung dapat nga bang laruin ito o hindi. 

Vacuum Killer - Laro Reviews

Vacuum Killer – Laro Reviews

Features ng Vacuum Killer

Customizable Vacuum – Maaaring baguhin ang itsura ng iyong vacuum base sa iyong kagustuhan. Pwedeng ibahin ang emosyon na nakapaloob at kulay nito upang mas mabigyang buhay ang karanasan sa paglalaro. 

Drawable Vacuum – Gamit ang feature na ito, ipakita ang iyong angking galing sa pagguhit at bigyang disenyo ang iyong vacuum. Maaaring mag-drawing ng masaya, malungkot, o galit na emosyon depende sa iyong ninanais. 

Levelling System – Lagpasan ang bawat level gamit ang iyong kakayahang tapusin ang mga masasamang loob. Iligtas din ang kanilang mga bihag mula sa pagkakadakip. Gamit ang iyong armas, labanan at linisin sila matapos. May mga boss ding kailangan gapiin para makakuha ng mga bagong armas.

Saan Pwedeng I-download ang Vacuum Killer?

Gamit ang iyong smartphone, pumunta lang sa Google Play Store para sa mga Android user at App Store naman para sa mga iOS user. I-type sa search bar ang Vacuum Killer at pindutin ang laro na makikita sa search results. Dahil libre ang laro, hindi na kailangan magbayad bago magsimula. Hintaying ma-download ang app at maaari mo nang simulan ang laro. 

Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Vacuum Killer on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.fubugames.killerroomba

Download Vacuum Killer on iOS https://apps.apple.com/ph/app/vacuum-killer/id1555373995

Vacuum Killer - Laro Reviews

Vacuum Killer – Laro Reviews

Tips at Tricks sa Paglalaro

Simple lang ang gameplay nito. Gamit ang iyong daliri, gawin itong gabay kung saan nais dalhin ang vacuum. Ang pangunahing layunin ng laro ay kitilin at linisin ang hati-hating katawan ng mga masasamang loob. May dalawang mode ang iyong vacuum, isang clean mode at attack mode. Sa clean mode, gamitin ito upang linisin ang anumang duming makikita sa paligid. Maganda kung susubukang daanan ang lahat ng gamit na makikita upang matukoy kung maaari ba itong mahigop ng iyong vacuum o hindi. Kapag mas maraming dumi ang nalinis, mas mataas ang perang matatanggap bilang gantimpala. Sa kabilang banda, ang attack mode naman ay ginagamit upang atakihin ang kalaban. Hindi rin kailangan maging maingat na matamaan ang hostages sapagkat wala naman itong magiging epekto sa kanila. Oras na tamaan ang kaaway, maghihiwa-hiwalay ang kanilang katawan na kung saan kailangan i-switch agad sa clean mode upang linisin ang kanilang naiwang bakas. 

Related Posts:

Build Heroes: Idle Adventure Review

DOP 4: Draw One Part Review

Bukod sa attack mode na naka-set up sa simula pa lang ng laro, maaaring bumili ng ibang armas upang magamit sa kalaban. Halimbawa, pwedeng bumili ng baril gamit ang perang nakuha sa pagtatapos ng mga level. Mainam na gamitin ang baril kung gusto ng mabilisang pagpatay sa kalaban. Angkop din ito kung malayo pa lang ay nais nang magapi ang mga masasamang loob. Nasa iyo na kung anong option ng armas ang nais gamitin. 

Maaari ding mapabilis ang pagkilos at pag-heal ng iyong vacuum gamit ang iyong pera. Kung bibili nito, maganda kung ilalaan ito sa level na kung saan kakaharapin ang boss dahil mas matagal at mas mailap sila bago tuluyang mamatay. Makikita ang listahan ng mga boss at kanilang itsura matapos magtagumpay sa unang boss level.

Pros at Cons ng Vacuum Killer

Vacuum Killer - Laro Reviews

Vacuum Killer – Laro Reviews

Kung unang beses lalaruin ang Vacuum Killer, wala masyadong adjustment na magaganap dahil direkta at madaling maintindihan ang gameplay nito. Makikitang simple rin ang graphics na ginamit. Masasabing wala ring masyadong impact ang tunog na inilagay. Ang tanging kasiya-siyang gawin sa laro ay baguhin ang itsura ng iyong vacuum. Maaaring pumili kung nais itong nakangiti, nakasimangot, nakatawa, at marami pang iba. Pwede ring ilagay ang iyong drawing sa ibabaw nitong parte at tingnan ang iyong masterpiece habang naglalaro. Bukod sa mga nabanggit, maaari ding baguhin ang kulay at langkapan ng iba’t ibang armas na iyong makukuha. 

Marahil ang pinakanakadidismayang parte ng laro ay ang walang humpay nitong ads. Naiintindihan ko pa kung paisa-isang ads sa isang laro, ngunit kung tatlo hanggang apat na magkakasunod-sunod at walang option para i-skip ito? Kumbaga, mas mahaba pa ang oras na gugugulin sa panonood ng ads kaysa sa aktwal na paglalaro. Maging sa mga simpleng task na ginagawa kagaya na lang ng pagdo-drawing sa iyong vacuum, mapapasukan pa rin ng ads nang hindi inaasahan. 

Dagdag pa rito, taliwas ang pagiging “cute” at inosenteng graphics na pinapakita ng laro sa aktwal nitong kahulugan. Hindi mairerekomendang laruin ito ng mga bata sapagkat bahagyang marahas ang tema nito. Bagamat pabiro ang dating, hindi pa rin mainam na makita ang mga larong kagaya nito ng mga batang hindi pa marunong tumukoy sa kung ano ang tama at mali. 

Konklusyon

Sa kabuuan, wala masyadong nakakaengganyong aspekto ang Vacuum Killer. Maganda sana itong pampalipas oras dahil hindi naman gaanong komplikado ang gameplay ng laro, ngunit dahil sa sandamukal na ads na makikita ay nakakawala na ng gana maglaro. Sa halip na gugulin ng game developers ang lakas nito sa ads, mainam kung pagtutuunan nila ng pansin ang komento ng mga manlalaro na mag-focus sa aktwal na content ng laro. Sana ay marami kang napulot tungkol sa larong ito gamit ang artikulo ng Laro Reviews. 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...