War & Wonders Review

War & Wonders – Sa dami ng tower defense game na naglipana ngayon sa Play Store at App Store, tiyak kong hindi ka na nagkakandaugaga sa kahahanap kung alin sa mga ito ang magandang laruin. Well, lahat naman ng laro, bagaman may kaparehas na genre, ay may kanya-kanyang unique na istilong taglay na siyang nagiging edge ng mga ito sa iba pa. Kaya kung naghahanap ka ng larong nasa Tower Defense Game genre at nagkataong natagpuan mo ang larong ito na nilikha ng ZealBit, maaari kang tulungan ng Laro Reviews para masuri kung isa nga ba ito sa mga magagandang laruin.

Ang larong ito ay tinatawag na War & Wonders. Simple at tipikal lamang ang gameplay nito kung saan ang bawat manlalaro ay magsisimula sa pagkakaroon ng maliit na lupain. Mayroon lamang din itong dalawang sundalo at ang tanging paraan upang mapalaki at maparami ang mga ito ay ang makipaglaban sa mga kalapit na lupain. Sa oras na manalo, magkakaroon ang bawat manlalaro ng dagdag na lupa o kaya naman ay sundalo at sasakyang pandigma. Marami ring game mode ang larong ito kung saan talagang mapapa-improve mo ang iyong lupain o base at iba mo pang kagamitan sa larong ito. Subukan pa nating pasukin ang laro. Halika na!

War & Wonders - Laro Reviews

War & Wonders – Laro Reviews

Features ng War & Wonders

Maraming features ang nilaan para sa larong ito at kung baguhan ka pa lang ay talagang posible kang malulula sa mga ito. Kaya naman, narito ang Laro Reviews para sa’yo. Aming iisa-isahin ang loob ng War & Wonders upang malaro mo ito nang hindi nalilito sa paggamit ng ilan sa mga feature nito.

Kung pipindutin mo ang iyong profile sa laro ay lalabas ang iba’t ibang klaseng base skin. Kahit baguhan ka pa lang naman ay mayroon ka nang ganito ngunit kung dumating ang pagkakataong nais mong palitan, mayroon ka ritong labimpitong pagpipilian. Mayroon itong kaakit-akit na disenyo at unique na theme na maaaring pumukaw ng interes mo. Mayroon ding iba’t ibang klase ng queue skin na siyang makikita mo kung magtutungo ka sa World Map. Mayroon ding base decor kung nais mong lagyan ng kaunting palamuti ang base na mayroon ka rito.

Kung pipindutin naman ang world map button, mapagtatanto mong malawak ang mundong mayroon ang War & Wonders. Makikita mo ang dikit-dikit na base na pagmamay-ari ng iba’t ibang manlalarong mula pa sa iba’t ibang bansa. Sa bandang gilid sa kaliwa ay mayroon pa ritong nilagay na mini map kung saan malaya mo talagang masisilip ang iba pang base sa tubig man o sa lupa.

May iba’t ibang klase ng battle mode sa larong ito na maaaring mangyari sa loob at labas ng iyong base. Ang totoo niyan ay mayroong nilagay na anim na klase ng battle rito gaya ng Expedition Base, Defensive Position, Beheading, Warzone Action, Island Battle, at Global Strikes na maaari mo pang malaro. Ilan sa mga ito ang may mga requirement na kailangan mo munang ma-meet bago mo ito magamit.

Bukod sa hero na ibibigay sa’yo ng laro sa simula ay may kalayaan ka na ring mamili ng iba pang hero na maaari mong magamit dito. Sa kabuuan, mayroong labing-walong hero ang mayroon dito na maaari mong gamitin depende sa kanilang specialization. Ang iba sa kanila ay nangangailangan ng pag-unlock o pag-purchase. Mayroon ding tinatawag na recruitment dito, standard at elite pagdating sa navy, army, at air force na hero.

War & Wonders - Laro Reviews

War & Wonders – Laro Reviews

Gayundin syempre, dahil isang tower defense game ang War & Wonders, mainam na magawa ito nang may kasama. Kaya naman, mayroong alliance na nagaganap din sa larong ito na maaari mong maging katulong sa mga laban. Sila ang maaari mong lapitan kung kailangan mo ng back up sa bawat laban na iyong kahaharapin. Isa ring kagandahan sa alliance dito ay may mga item kang maaaring ma-access sa oras na pumasok ka sa isang alyansa at siguradong magagamit mo sa bawat laban. 

Mayroon din ditong inventory kung saan organisadong nakalagay ang bawat item, unit, decor, hero at iba pang kagamitan sa larong ito na mayroon ka na. Mayroon ding mail button kung saan makikita mo ang mga mensahe patungkol sa alliance, event, sa system ng laro, sa iyong mga battle report, nakalap mong resources, dark forces at maging ang favorite kung saan ipinaaalam sa’yo kung anong maaari mong gamiting mga reward gaya ng gold at iba pang may kinalaman sa ikauunlad mo sa laro.

Bukod pa sa mga ito ay mayroon ding listahan ng event na maaari mong salihan sa laro. May button din kung saan maaari mong palitan ang tile ng iyong lupain, kung nais mo itong lagyan ng flag o ng kahit ano pa. Hindi rin nawawala ang overall ranking at chat system para sa lahat ng manlalaro ng War & Wonders.

Saan Maaaring I-download ang War & Wonders?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 153MB sa Google Play para mai-install. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba.

Download War & Wonders on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.jlgame.znb.topdefense

Tips at Tricks sa Paglalaro ng War & Wonders

War & Wonders - Laro Reviews

War & Wonders – Laro Reviews

Maraming features ang nilagay para sa larong ito ngunit iilan lamang dito ang pwede mo lang magamit lalo na kung baguhan ka pa lamang sa laro. Gayunpaman, hindi ito problema dahil maaari mo namang ma-unlock ang mga ito oras na patuloy mong gawin ang bawat basic ng laro gaya ng pagpapalaki ng iyong base gamit ang pakikipaglaban sa kalapit mong mandirigma at pagmi-merge ng iyong mga sundalo at sasakyang pandigma. Mainam ding kasabay nito ang pag-a-upgrade mo ng iyong base gaya ng pagtatayo rito ng iba’t ibang gusali upang makapag-train ang iyong mga sundalo. Repetitive ang gameplay ng laro sa simula ngunit ang daan upang hindi mabagot dito ay ang i-challenge ang sariling makipaglaban nang makipaglaban. 

Related Posts:

Ottoman Wars Review

Random Hero Review

Pros at Cons ng War & Wonders

Noong unang beses itong laruin, may isang pagkakataong hindi ko lubos na maunawaan ang takbo ng labanan. Mapapansin kasing tanging ang mga sasakyang pandigma lamang ang makikita rito, naka-set sa gitna ng dagat at tanging ang isang nagliliwanag na linya lamang ang siyang naghihiwalay sa dalawang magkalaban. Magkaharap lamang ang mga iyon at sa tuwing magpapalitan na ng atake, bagaman nagkakatamaan, ay nakapagtatakang sa kung saan-saan ito tumitira. Marahil nasa magkalayong pwesto talaga ang magkalaban at ang nakikita natin sa bawat labanan sa laro ay ang mga pwesto lamang kung nasaan sila. Wala namang problema rito dahil masasabing ito ang bagay na mayroon ang War & Wonders sa iba pang laro ngunit patunay itong hindi epektibo ang ginawa ng developer pagdating sa labanan. 

Ngunit sa kabila ng maituturing na kahinaan ng larong ito, masasabi pa rin namang taglay ng War & Wonders ang klase ng graphics kung saan talagang mapapasabi ka sa simula na mukhang hindi ito bayolente gaya ng ibang larong nasa ganitong genre. Nakatutuwa, nakakaakit at kahit papaano ay sapat na upang kagiliwan, partikular na ng mga bata. Simple lamang din ito ngunit nagawa ng developer nitong magbigay ng kakaibang dating partikular na sa bawat disenyo ng bawat sasakyang pandigma para sa iyong base, maging ang open world nitong map na posible mong libutin dahil sa angkin nitong detalye at ganda. Dagdag pa rito ang bawat tunog na nilagay sa bawat feature, partikular na sa maririnig mong audio kapag nagmi-merge ka ng dalawang sasakyan upang makalikha ng isa pa.

Konklusyon

Para sa Laro Reviews, tila mahirap kumbinsihin ang bawat manlalaro ng larong ito kung strategic game nga bang maituturing ang War & Wonders. Lumalabas kasing hindi nito focus ang bawat labanan dahil kailangan mo lang naman mag-deploy ng iyong mga tauhan para lumaban at wala ka nang ibang gagawin kundi panoorin na lamang iyon. Maari mo rin itong i-skip at bumalik sa kung ano pang pwede mong pagkaabalahan sa laro. Sabihin na nating mas marami ang oras na magugugol mo sa pagmi-merge ng bawat sundalo upang makalikha ng mas malakas pang sundalo na siyang i-memerge mo rin sa katulad niya upang makalikha naman ng isang sasakyang pandigma. Ngunit nasa sa’yo pa rin kung susubukan mo ito o hindi. Sa huli, wala rin namang mawawala dahil walang dudang ilang beses mo muna itong lalaruin bago ka dumating sa pagdedesisyon kung ipagpapatuloy mo pa ba ito o hindi na.

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...