West Game Review

Ang West Game ay isang strategy game na binuo ng Lexiang Co. Ltd. Ang layunin ng larong ito ay bumuo ng base, gumawa ng hukbo, i-upgrade ang mga itinayong gusali, at magdeklara ng giyera sa ibang mga manlalaro. Ang setting ng laro ay nagsimula noong 1865 na kung saan ay katatapos lamang ng Civil War. Subalit, hindi pa natatapos dito ang sakuna at nagsimula na naman ang panibagong digmaan. Bitbit ang pag-asang mabuhay, ang mga tao ay tumungo pakanluran papunta sa Frontier. Ito na ang simula ng Wild West era! Upang mabuhay, mapipilitan kang magnakaw, manloko, at magtaksil. Sa madaling sabi, matira ang matibay rito. Handa ka na bang suungin ang lahat upang mabuhay lamang? 

Features ng West Game

Bounty – Ang bounty ay ginagamit kung nais maghiganti sa isang manlalaro. Maaari din itong gamitin bilang pagpapakita ng pagkairita sa sinabi o ginawa ng iyong ibang kalaro. Wala rin namang problema kung na-tripan mo lang din magbigay sa ibang manlalaro. Hindi ka malilimitahan dahil posibleng maglagay ng bouty sa ulo ng sinuman. Oras na iyong mapagdesisyunang maglagay ng bounty, may kakayahan kang piliin ang dami ng salaping gagamitin bilang pabuya sa kung sinumang makakolekta ng bounty. Ang napiling halaga ay mababawas sa iyong bank account o sa kasalukuyang hawak na pera. Siyam na porsyento ay mapupunta sa laro bilang fee at ang natitirang 91% ay mapupunta sa manlalarong nakatalo sa pinatawan mo ng bounty. 

West Game - Laro Reviews

West Game – Laro Reviews

Duel Battle System – Ito ay ang labanan sa pagitan ng dalawang manlalaro. A duel ay nahahati sa walong rounds. Sa madaling sabi, ikaw ay may walong pagkakataon upang atakihin ang kalaban at walong pagkakataon din para maiwasan ang nakaambang tira ng kalaban. Hindi kailangang maging online ng defending player upang makipagdwelo. Ngunit, hindi maaaring hamunin ang mga manlalarong natutulog sa barracks o hotel. Maging ang mga naghihintay ng labanan sa fort gate ay hindi rin pwedeng anyayahan sa isang duel. Tipikal sa lahat ng laro, kung sino ang nakapagbigay ng mas mataas na damage ang siyang tatanghaling panalo sa duel. Upang matamaan ang kalaban, kailangang pataasin ang iyong attack value. Para naman makaiwas nang tuluyan, ang defense value ang kailangan pagtuunan ng pansin. 

Towns – Malaki ang papel ng towns sa West Game. Dito maaaring bumuo ng isang matibay na ugnayan sa pagitan ng ibang manlalarong may layuning magtayo ng makapangyarihan at malakas na town. Bawat gusaling itatayo ay magkakaroon ng advantage sa lahat ng kasapi nito. Hindi maaaring sumali sa dalawa o higit pang towns. Kung nais itong gawin, kailangan munang umalis sa kasalukuyang town at maghintay ng ilang oras upang makalipat sa napupusuang town. Kapag nawala na ang pinakahuling kasapi sa isang town, magiging ghost town na ito. Ang mga bangko, hotel, merchants, at iba pang gusali ay hindi na maaaring muling magamit. 

Premium Users – Para makakuha ng premium account, kailangan ng gold nugget na matatanggap lamang kung gagatos ng aktwal na pera. Mayroong limang premium accounts na kung saan apat dito ay may pangmatagalang kapakinabangan sa iyong karakter. Ito ay ang Automation, Character Bonus, Higher Income, at More Energy. Samantalang ang natitirang premium na may agarang epekto ay ang Reset Inventory Trader. Maaapektuhan ang lahat ng account na mayroon ka sa tuwing gumagastos ng gold nugget. 

Real-time Chat Channels – Makipag-usap sa mga manlalaro mula sa iba’t ibang parte ng daigdig! Gamit ang feature na ito, bumuo ng estratehiya upang mapagtibay ang inyong samahan. Pagbigkisin ang alyansa at pakikipagkaibigan gamit ito. 

Saan Pwedeng I-download ang West Game? 

Gamit ang iyong mobile device, buksan ang App Store para sa mga iOS user at Google Play Store para naman sa mga Android user. I-type ang West Game sa search bar at pindutin ang app. Dahil Free To Play (F2P) ang laro, hindi na kailangan magbayad bago magsimula. I-click ang Install o Get button at hintayin itong ma-download. Matapos mabuksan ang app, ilagay lang ang sign-in details at simulan na ang paglalaro!

West Game - Laro Reviews

West Game – Laro Reviews

Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro: 

Download West Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=leyi.westgame

Download West Game on iOS https://apps.apple.com/us/app/west-game/id1453356737

Download West Game on PC https://www.bluestacks.com/apps/strategy/west-game-on-pc.html

I-download at i-install ang https://www.bluestacks.com kung sa PC mo napiling maglaro nito. Kumpletuhin ang Google sign-in details upang ma-access ang Playstore. Matapos nito, ilagay ang West Game sa search bar. Hanapin at pindutin ang app mula sa search results at i-install. Hintayin ma-download at pindutin ang icon ng laro na makikita sa iyong home screen. Ayan, pwede ka nang maglaro sa iyong PC! 

Tips at Tricks 

Bigyang importansya ang Research dahil ito ang magiging pundasyon ng iyong base. Kung wala ito, madaling malulusob ang iyong Town Center. Oras na mapatibay ang pagri-research, may kakayahan ka ng ma-unlock ang troops, mapataas ang iyong combat stats, maparami ang produksyon ng resources, patibayin ang mga gear na pwedeng i-forge, at mapatatag ang pag-atake sa outlaws. May dalawang gusali kung saan ito maaaring gawin, ang Academy at Research Institute. Sa Academy gagawin ang karamihan ng iyong research, samantalang sa Research Institute naman mapapalawig ang iyong Mercenary Troops at conversion rate para sa panibagong resources. 

Related Posts:

Empire: Rising Civilization Review

Stormbound: Kingdom Wars Review

I-prioritize ang pag-max sa research na gagawin para sa Combat at Traps bago mag-upgrade sa panibagong level. Mainam din kung susuotin ang akmang gear sa lahat ng pagkakataon. Malaki ang epekto sayo kapag namali pagdating dito dahil maaari nitong mabawasan ang iyong oras at gold. Kapag suot-suot na ang tamang gear, magsanay nang magsanay kasama ang tamang skills at boosts. Upang matiyak kung epektibo nga ba ang ginagawang diskarte, mas mainam kung magsasanay ka sa non-kill events dahil oras na mayroong kill events, magiging handa ka na dahil nalikom mo na ang sapat na mga karanasang kinakailangan upang magtagumpay. 

Bukod sa mga nabanggit, matutulungan ka upang mag-advance pa sa laro kung ikaw ay sasali ng alyansa. Mahalaga na kumportable ka sa sasalihang alyansa dahil mas magbibigay ito ng kasiyahan habang naglalaro. Kapag parte ka na ng isang grupo, dapat alam mo sa lahat ng pagkakataon ang iyong posisyon at gagampanang responsibilidad bago sumuong sa labanan. Makatutulong ito upang hindi masira ang binuong estratehiya. 

West Game - Laro Reviews

West Game – Laro Reviews

Pros at Cons ng West Game

Marahil ang isa sa mapapansing positibong katangian ng West Game ay ang kahanga-hanga nitong art style. Mula pa lang sa simula ng tutorial hanggang sa pagpili ng mga karakter na gagamitin, mabubusog ang iyong mata sa bawat detalye na iyong makikita. Masasabing pinaglaanan ng matinding pansin ng mga game developer ang parteng ito ng laro. Kapansin-pansin din ang diversity ng mga karakter na available mula sa kulay ng kanilang balat, facial features, at istilo ng buhok. Pagdating naman sa pagbuo ng alyansa, nakatutuwa na pwede ring magtayo ng isang maliit na siyudad na magkakasamang pinagtulung-tulungan ng iyong mga kaalyado. Kapag ang base ng mga manlalaro ay matatagpuan sa radius ng mga sumulpot na hub, makatatanggap ng iba’t ibang pabuya. Bukod pa rito, maaari pang magbigay ng dagdag na resources upang mas lumawak ang radius at pati bonuses. Sa puntong ito madadama ang pag-usbong ng espiritu ng pakikipagkapwa at pagbibigay dahil tulungan ang bawat isa rito. 

Ngunit sa kabila ng magagandang katangian ng laro, mayroon din itong cons na nakakabawas sa kasiyahang dulot nito. Isa na ang matindi nitong pay to win na mentalidad. Oras na tumuntong ka sa level 15, padami nang padami ang requirements na kakailanganin para makapag-upgrade at makapag-train. Kung sinuman ang hindi gumastos ng limpak-limpak sa laro ay wala masyadong mararating sa West Game. Wala ring limitasyon sa kung gaano kababa ang maaari mong atakihin na force. Halimbawa, ang isang bilyong force ay pwedeng tibagin ang defensive shield ng isang 300 milyon. Lahat ng pinagpaguran mo ng ilang buwan ay mawawala na lamang ng isang iglap dahil hindi ka lang gumastos ng aktwal na pera para mapalakas ang iyong hanay. Ang ending, patuloy ka lang mabu-bully dahil hihina ang iyong pwersa. Ito ang dahilan kung bakit maraming maliliit na forces ang umaayaw sa paglalaro ng West Game dahil walang pagkakataong makabawi at mapatatag ang defensive shield. 

Konklusyon

Bilang pagbubuod, bagamat kahanga-hanga ang art style ng laro, mas nangingibabaw pa rin ang pagiging pay to win nito. Maraming ibang mga laro ang nag-o-offer ng mga in-app purchases na naglalayong magbigay ng bonuses, coins, at resources sa mga manlalaro. Ngunit kasabay nito ang pagiging playable rin para sa mga free to play. Sa pamamagitan ng sipag at tiyaga sa pag-grind ay makukuha pa rin ang mga award na nabili ng ibang manlalaro – at ito ang kulang sa West Game. Nawawala na ang kasiyahan sa paglalaro dahil walang masyadong usad ang mangyayari kung hindi ka magbabayad ng aktwal na pera. Base sa verdict ng Laro Reviews, worth it pa rin bang laruin ito? Masasabi nating hindi. Kung pag-iibayuhin ng game developer ang kabuuang balanse ng laro, maaari pang mabago ang pananaw ngunit sa ngayon, hindi muna. 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...