Wild Castle TD – Grow Empire Review

Ang Wild Castle TD – Grow Empire ay isang 3D arcade at strategy tower defense (TD) game mula sa Funovus LLC. Ito rin ay isang castle defense sa loob ng empire kaya naman maaari mong palaguin ang castle upang maging malaking fortress. Sinamahan din ito ng role-playing game (RPG) elements dahil sa kakaibang heroes na mayroon ito. Nakasentro ang gameplay sa pagtatayo ng towers at pagbuo ng malalakas na heroes bilang depensa sa iyong castle. 

Makakaharap mo rito ang walang katapusang pagsalakay ng mga kalabang nais wasakin ang iyong castle. Dahil dito, mahalaga ang paghahanda ng defenses gamit ang heroes, towers, at archers. Hindi mawawala sa mga kakailanganin ang kakayahan ng manlalaro sa pagbuo ng mabisang estratehiya para malagpasan ang bawat wave.

Features ng Wild Castle TD – Grow Empire

Build Castle and Town – Hindi limitado sa pagtatayo ng castle ang mga gawain dahil maaari ka ring magsimula ng sarili mong town. Unti-unti mong maa-unlock ang bawat structure nito habang tumataas ang naaabot mong wave kung saan pwede mo rin itong i-level up. Halimbawa, ang pinakauna mong maa-unlock ay ang Gold Mine. Nagbubunga ito ng partikular na dami ng coins kada minuto. 

Hundreds of Waves – Kasalukuyang nasa mahigit 400,000 waves ng monsters ang nakaabang para iyong depensahan ang sariling castle. Hindi mabibitin ang mga mahihilig sa castle at tower defense games dahil napakaraming waves ang naghihintay sa kanila upang kumpletuhin. 

Leaderboard – Habang tumataas ang nilalaro mong wave, mapapansin na tumataas din ang iyong ranking sa leaderboard. Ipamalas sa buong mundo ang iyong kagalingan sa larong ito at manguna sa leaderboard at mapabilang sa top 50 players.

Offline Mode – Hindi nangangailangan ng internet connection ang laro. Kahit nasaan ka man at hindi konektado sa Wi-Fi o mobile data, malaya kang makapaglalaro nito. Kaya tamang-tama ito bilang pampalipas ng oras habang naghihintay ng matagal sa pila.

Saan pwedeng i-download ang Wild Castle TD – Grow Empire?

Sa bahaging ito ng artikulo, ituturo ng Laro Reviews kung saan at paano i-download ang Wild Castle TD – Grow Empire. Kasalukuyang available lamang ang laro sa Android at iOS users. Kaya hindi pa ito posibleng mai-download sa PC. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman kung ikaw ay iOS user. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro at kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button tsaka hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Kapag natapos ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Wild Castle TD – Grow Empire on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.wildsky.wildcastle&gl=PH

Tips at Tricks sa Paglalaro

Importante ang defense sa larong ito. Sa simula ng laro, magkakaroon ka ng tatlong heroes at ilang archers para depensahan ang castle. Nahahati ang laro sa daang libong waves kung saan mas nagiging mahirap habang pataas nang pataas ang wave na iyong nararating. Kasabay nito, kailangan mo ring i-upgrade ang heroes, archers, at ang castle gamit ang nakuhang coins nang sa gayon ay magkaroon ka ng sapat na kakayahang matalo ang mga kalaban sa bawat wave. Patuloy ang pag-upgrade ng mga ito, kung saan ang upgrade sa castle ay dapat gawin para magkaroon ng mas malakas na defense at dapat ding ma-upgrade ang  archers para matulungan ka sa pagsupil sa atake ng kalaban. Kapag napansin mong hindi kaya ng iyong heroes na malagpasan ang isang level at paulit-ulit kang natatalo, nangangahulugan ito na kailangan mo nang mag-upgrade. 

Mayroong natatanging skill ang bawat heroes. Pwede mong magamit ang kanilang skill para patumbahin ang mga kalaban at higanteng boss, ngunit kailangan mong gumastos ng Mana para magamit ito. Dahil mayroon ka lamang tatlong heroes sa umpisa, kailangan mong mag-unlock ng iba pang heroes sa susunod na waves. Nakakalito mang mamili kung aling heroes ang pinakamainam na gamitin, maganda kung susubukan at aalamin mo agad ang paraan ng kanilang pakikipaglaban matapos ma-unlock ang mga ito. Sa ganitong paraan, malalaman mo kung paano sila makakakilos upan matalo ang kalaban. Kaya mas magiging madali na sa iyong mamili ng pinakamabisang kumbinasyon ng heroes na babagay rin sa istilo ng iyong paglalaro. Siguraduhin lang na ang bubuuing kumbinasyon ng team ay may malakas na damage. Bukod sa pagli-level up ng heroes para tumaas ang kanilang stats, maaari mo rin silang i-promote para lalong lumakas ang kanilang abilities. 

Matatagpuan sa magkabilang gilid ang dalawang tower spots pagtapos ma-upgrade ang castle. Dito ilalagay ang towers na iyong bibilhin. Maaari kang mamili kung Cannon, Frost Tower, Tesla Tower, Repeater, Flame Cannon, Barracks, Battle Tent, Old Tree, o Monolith. May natatanging kakayahan ang bawat tower at magkakaiba ang presyo at halaga ng mga ito. Karamihan dito ay mabisang gamitin bilang damage sa battles. Samantalang ang Battle Tent at Old Tree ay magagamit upang magkaroon ka ng karagdagang coins at XP sa labanan. Importante ang kanilang papel lalo na kapag nagpa-farm ka para sa upgrades. Huwag ding kalilimutang i-level up at i-promote ang towers na iyong ini-equip.

Makikita mo sa kanang bahagi ng screen ang pinakahuling icon – ang talent tree. Habang nadadagdagan ka ng XP sa paglalaro, nakakakuha ka rin ng talent points at boosts. Maaari mong gastusin ang talent points dito sa pamamagitan ng pagpili kung aling talent ang iyong ili-level up. Mahalagang pag-isipang mabuti kung saan mo gagastusin ang talent points. Ang tip ko para sa iyo ay simulan ito sa pag-level up ng Bonus Gold at Bonus Experience para makatulong sa iyong panimulang progreso sa laro.

Pros at Cons ng Wild Castle TD – Grow Empire 

Maganda ang graphics ng laro at ang kumbinasyon ng mga kulay na ginamit nito ay maaliwas tingnan. Madali lang ang mechanics nito kaya naman maiintindihan agad ito ng kahit sino, anuman ang edad. Bagaman simple ang gameplay, challenging pa rin itong laruin. Hindi ito nagiging boring dahil kailangan ng manlalarong mag-isip nang maigi sa pagbuo ng mabisang estratehiya para malampasan ang bawat level. Dahil hindi basta-basta ang pagpapalakas ng defense, nahahasa ang pag-iisip ng manlalaro. Hindi ka rin maiinip sa paghihintay ng matagal habang nasa battles dahil pwedeng mai-fast forward ang laban ng 2x na speed. Bukod pa rito, hindi limitado ang manlalaro sa pagtatayo ng castle dahil dinagdagan ito ng town na kasabay mong palalawakin. 

Sa kabilang banda, isa sa cons ng laro ay ang pag-crash ng app sa kalagitnaan ng battle o habang nag-uupgrade. Nagiging sagabal ito sa paglalaro dahil hindi smooth ang animations at nauudlot ang enjoyment ng manlalaro. Bagaman maganda ang graphics nito, may mas mai-improve pa ito, partikular na sa itsura ng mga karakter kapag sila ay napo-promote at sa sound effects habang naglalaro dahil pare-pareho lang ang naririnig sa tuwing may natatanggap na damage at sa tuwing titira ang bawat karakter.

Konklusyon

Ano ang hatol ng Laro Reviews sa larong ito? Habang isinasaalang-alang ang features, gameplay, pros, at cons ng laro, masasabing simple ngunit challenging ito laruin. Kaya naman nakakaengganyo lalo ang paglalaro nito, partikular na sa mga taong hindi hilig ang mga larong masyadong kumplikado at hindi rin nakakatagal kapag sobrang nakaiinip nang laruin. Kung ang hanap mo ay tower defense game, mairerekomenda ko sa iyo ang Wild Castle TD – Grow Empire. Bagay rin itong laruin habang nagpapalipas ng oras, lalo na’t isa sa features nito ang pagkakaroon ng offline mode.

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...