Two Dots Review

Two Dots: Ang Pinakamadaling Paraan para Mag-relax at Magsaya 

Ang Playdots, Inc. ay isang American game developer na naglabas ng larong Two Dots noong Mayo 2014. Ang larong ito ay isang sequel ng Dots game, isang hit na laro noong 2013. Katulad ng Dots, ang Two Dots ay mayroong minimalist na disenyo upang ang mga manlalaro ay makapagrelaks habang naglalaro. Isa itong uri ng puzzle game na kinagigiliwan ng lahat. Kung ikukumpara sa naunang bersyon nito, mas marami itong mga hamon na dapat malampasan, at mas maraming power-ups na talaga namang makakatulong upang manalo. 

Ang layunin ng laro ay napakasimple lamang. Kailangang mawala ang lahat ng mga dots o tuldok sa pamamagitan ng pagkonekta sa magkakakulay na mga dots. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagguhit ng sari-saring mga linya at hugis. Kapag nakagawa ka ng hugis parisukat gamit ang apat na dots, ang lahat ng mga kaparehong kulay nito ay awtomatikong mawawala. Kailangan mong bumuo ng estratehiya at hanapin ang bawat pagkakataon na makakonekta ng higit na maraming magkakulay na dots para sa mas mataas na puntos! Marahil ay iniisip mo na ito ay napakadali ngunit, sasabihin ko sa iyo na hindi ito kasingsimple ng iyong akala. Isang bagay lang ang masisiguro ko, hindi mo mapipigilan na ma-hook sa mapanghamong larong ito. Maaaring i-download ang Two Dots application sa mga Android at iOS mobile devices. Hindi mo na kailangang mahirapan pa, i-click lamang ang mga sumusunod ayon sa uri ng mobile device na gamit mo:

  • Download Two Dots game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.weplaydots.twodotsandroid&hl=en&gl=US.
  • Download Two Dots game on iOS https://apps.apple.com/us/app/two-dots/id880178264

Kung gusto mo naman na maglaro gamit ang computer o laptop, kailangan mong gamitin ang BlueStacks app.

Two Dots

Two Dots

Two Dots – Gabay para sa mga Bagong Manlalaro

Bagama’t maaari mo itong malaro offline, dapat munang magparehistro at gumawa ng isang account. Pagkatapos i-install ang app, kailangan mong mag-sign up o i-sync ang iyong Facebook account. Sa ganitong paraan, makatitiyak ka na hindi mawawala ang game progress at pwede kang maglaro sa iba’t ibang mga devices. Maaari mo ring hamunin ang iyong mga kaibigan na magpataasan ng iskor sa partikular na level.

Ito ay swak para sa mga baguhan pa lang dahil napakadali lang matutunan ang non-linear gameplay nito. Mayroong mabilis na tutorial bago magsimula ang aktwal na laro na makakatulong para makapagpraktis. Marami kang paraan o diskarteng magagawa para maikonekta ang mga tuldok. Habang naglalaro, dapat mong paganahin ang iyong imahinasyon. Maraming nakahandang mga hamon para sukatin ang pagiging malikhain mo. Ang pabagu-bagong mga balakid at hindi inaasahang mga hamon ang isa sa mga dahilan kung bakit nagiging masaya at kapana-panabik ito.

Sa pagpasok mo sa bawat bagong mundo, isang postcard ang sasalubong sa iyo. Ang mga tanawin ay nag-iiba, may payapang tanawin ng kabundukan at mayroon ding magagandang anyong tubig. Mayroon itong 3,700 na nakakahumaling at makapigil-hiningang levels. Sa itaas ng screen, makikita mo ang bilang ng mga dots na kailangan mong ma-eliminate.  Awtomatikong babaguhin ng board ang pagkakaayos ng mga dots kung sakali mang wala nang maaaring mapagdugtong. Ang reward system ng laro ay nagbibigay-daan para makakuha ng mga game coins at stars. Ang bawat tuldok na mapag-uugnay ay may katumbas na iskor. Pwede ka ring makakuha ng bronze, silver o gold na medalya at maaari mong ibahagi at i-display ito sa iyong Facebook account.

Sa bawat araw, ang isang manlalaro ay may limang lives o mga tsansa. Kung nagkataon mang magamit mo itong lahat, kinakailangan mong maghintay ng 20 minutes para magkaroon ng bagong pagkakataong makapaglaro ulit. Kung may ekstra ka namang budget, pwede kang magbayad para mas mapabilis ang iyong pagbabalik sa laro. Marami ka ring mga power-ups na magagamit dito, nakakatulong ang mga ito upang malampasan mo ang mga hamon. Maging matalino sa paggamit nito, mas mabuting gamitin lamang ito kapag hindi ka na talaga makaalis sa isang level. Makakakuha ka rin ng mga power-up kapag nakumpleto mo ang isang hamon. Isa sa mga ito ay ang bomba na may kakayahang pasabugin ang anumang uri ng hadlang. 

Two Dots

Two Dots

Reviews mula sa mga Manlalaro

Upang mabigyan ng mas malalim na kaalaman tungkol sa larong Two Dots, narito ang mga kalamangan at kahinaan nito ayon sa mga nakaranas nang maglaro nito. Marami ang mga humahanga sa kakaibang gameplay nito. Ang progresibong mga hamon at mga balakid ay nagdudulot ng labis na excitement at hamon. Bukod pa dito, pwede kang maglaro ng libre o kaya naman bumili ng mga karagdagang game coins o items. Ang mga features at graphics nito ay simple ngunit kaakit-akit naman. Ang mga animation at larawan ay makukulay, ang background ng game screen ay nagbabago sa bawat level. Ginagawa nitong mas kasiya-siya ang laro kaya hindi ito nakakabagot kahit sa katagalan. 

Talakayin naman natin ang mga bagay na maaari pang pagbutihin o kaya ay baguhin. Maaaring malaktawan ang mga advertisement nito ngunit, puno pa rin ito ng mga nakakalitong  side-games. Bagama’t ang pagkakaroon ng maraming updates ay nakakatulong sa laro, ang walang humpay na pagdaragdag ng mga bagong features ay maaaring magdulot sa mga manlalaro ng pagkalito. Ang daily reward system ay hindi rin pare-pareho. May mga pagkakataong hindi nakakatanggap ng reward ang mga manlalaro. Ito pa naman sana ang pinakamadaling paraan para madagdagan ang mga game coins. Ang pinakabagong update  ang maaaring dahilan ng problema sa base camp system nito. Naging kakaunti na lamang ang pwedeng makuha na mga power-ups at booster. Sa kabuuan, ang Two Dots ay isang sulit na laro. Okay lang na gumastos ng kaunti para masulit ang paglalaro dahil ang libreng bersyon nito ay may ilang limitasyon. 

Related Posts:

Bus Simulator: Ultimate Review

Pubg Mobile: Resistance Review

Two Dots

Two Dots

Konklusyon

Sa loob ng pitong taon, ang larong Two Dots ay nakapukaw ng atensyon ng marami at nakakuha pa ito ng magagandang reaksyon mula sa mga sumubok nito. Isa ito sa mga  kinikilalang puzzle games. Hindi rin nakakapagtaka na nakatanggap ito ng mga magandang reviews sa Play Store at AppStore. Sa katunayan, nanalo din ito ng Editor’s Choice Award mula sa mga platforms na ito. Sa Play Store ay mayroon itong 4.3 average star rating mula sa 986,000 reviews at mahigit 10 milyon na mga downloads. Kung titingnan sa App Store, nakakuha ito ng nakakamanghang 4.6 average star ratings mula sa 87,400 reviews. Malaki pa rin talaga ang potensyal ng Two Dots na mas maging patok pa. At kung mabibigyang-solusyon lamang ang mga isyu nito sa lalong madaling panahon, siguradong mas magugustuhan pa ito ng mga manlalaro.

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...