Pascal’s Wager Review

Pascal’s Wager – Nakalakhan na ng mga Pilipino na may Diyos na pinaniniwalaan. Tinatayang lampas sa 90% ang kabilang sa anumang relihiyon at patuloy na isinasagawa ang mga paniniwala ng kanya-kanyang simbahan. Kilala ang argumento ni Blaise Pascual, isang French Mathematician bilang karaniwang panghamig sa mga walang pinaniniwalaang Diyos. Ayon sa kanya, para sa pinakamataas nating pansariling interes, mas nararapat na maniwala sa Diyos sapagkat ang posibilidad ng walang hanggang kaparusahan sa impyerno ay mas matimbang na kabayaran sa kahit anumang uri ng kapakinabangan.  

Hindi ito nalalayo sa istorya ng ating pangunahing karakter na si Terrence, isang kabalyerong pinatalsik ng kanyang simbahan dahil sa atrasado nitong paniniwala. Mula rito, patuloy ang kanyang internal na pakikibaka para panatilihin ang kanyang pananampalataya. Naglakbay siya upang mahanap ang kanyang nawawalang asawang si Teresa, habang unti-unti niyang natutuklasan ang misteryong bumabalot sa kanyang katauhan. 

Ang Pascal’s Wager ay isang third-person action role playing game (RPG) na ginawa ng TipsWorks. Kung pamilyar ka sa Dark Souls, makikita mo na malakas ang naging nito impluwensya sa laro. Nagsimula ang kwento nang mangyari ang isang hindi inaasahang sakuna na nagdulot ng pagbagsak ng araw sa karagatan. Dahil dito, nabalot ang mundo sa makapal at maitim na usok na tinatawag na Sendril. Ang colossi ay mga nilalang na tumulong upang magbigay liwanag sa mundo, ngunit kalaunan ay bumagsak din ang mga ito. 

Paano laruin ang ? 

Gamit ang iyong smartphone, pumunta sa Google Play para sa mga Android user at sa App Store naman para sa Apple users. Ilagay sa search bar ang Pascal’s Wager. Bilang isang premium game, kailangang bayaran muna ang $6.99 na halaga ng laro bago makapagsimula. Matapos ito, hintaying mai-download at kumpletuhin ang sign-in details.

Pascal’s Wager

Pascal’s Wager

Features ng Pascal’s Wager 

Five Playable Characters – Isa sa kakaiba sa larong ito ay ang kawalan ng opsyon sa pagpapalit ng sandata ngunit kapalit naman nito ay mga karakter na may magkakaibang play style. Nakatakda na ang sandata at abilidad ng iyong karakter na maaaring pagpalit-palitin sa tuwing ikaw ay hindi nakikipaglaban. Ang mga karakter na ito ay ang mga sumusunod:

  1. Terrence – Mayroong dalawang hawak na espada. Bagama’t may pagkamabagal ang bawat hampas, binawi naman niya ito sa pag-ilag at madaliang pagpapalipat-lipat ng pwesto.
  2. Viola – Pinakamahusay sa pangmalayuang atake. Isang gunslinger na may hawak ding six-shot musket. Sa kabila nito, maaari rin siyang isabak sa mga pangmalapitang labanan sapagkat may bayoneta ang kanyang musket. 
  3. Norwood – Malakas at mabigat ang kanyang bawat suntok. May hawak din siyang kabaong na hinahampas sa mga kaaway. Itinuturing na Tank dahil malakas ang kanyang damage. Ngunit mag-ingat sa mabilisang pag-atake ng mga kalaban dahil hindi siya maliksi. 
  4. Benita – Isang madreng nangunguha ng dugo ng mga kalaban upang ibalik ang kaniyang HP. 
  5. Jerold – Makukuha lamang siya matapos bilhin ang DLC (downloadable content) na The Tides of Oblivion. Isang swordman na may kakayahang gamitin ang kapangyarihan ng Sendril. 

Controller Support – Para sa mga hindi masyadong sanay o nasisiyahan sa touch gameplay, maaaring ikonekta ang iyong smartphone sa kahit anong MFi controllers.

Sanity – Habang tumataas ang bilang ng iyong mga napapatay na kaaway, patuloy na bababa ang lebel ng iyong sanity na magdudulot ng pagbawas sa iyong HP. Kung patuloy na bumaba ang iyong sanity habang nasa boss fights, papasok ka ngayon sa tinatawag na “lunacy stage” na nagdudulot ng mas agresibong galaw ng kaaway at pagkakaroon nito ng panibagong galaw. Kung iisipin ay puro negatibo ang dulot ng feature na ito, ngunit ang benepisyo naman nito ay mas mataas ang crit rate ng ng iyong atake, kaya lalakas din ang damage at mas gaganda ang drop rate ng mga kalaban. 

Pascal’s Wager

Pascal’s Wager

Saan pwedeng i-download ang Pascal’s Wager?

Upang mai-download ang laro, gamitin ang sumusunod:

  • Download Pascal’s Wager on Android here
  • Download Pascal’s Wager on iOS here

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Pascal’s Wager

May mga paraan upang i-level up ang altar. Sa tuwing nagagapi ang kalaban, makakakuha ka ng bone fragments – isang uri ng currency sa laro. Kung kaya’t mainam na huwag iwasan at subuking kitilin ang lahat ng kalaban na iyong madaraanan. Magagamit ang bone fragments upang mapataas ang lebel ng iyong altar at mga karakter. Kapag nag-level up ang iyong altar, makakatanggap ka ng level point na magagamit upang mapaganda ang iyong character stats. Ang altar din ay lugar kung saan maaaring mag-craft at mag-reforge ng trophies. Ito ay may tatlong kategorya: nightmare, resistance, at scars. Bukod pa rito, maaari ring gugulin ang iyong rare immune dust materials upang ma-unlock ang abilidad at kapangyarihan ng iyong Skill Tree. 

Ang mga manlalaro ay maaaring mag-level up at ipamahagi ang natatanggap na attribute points batay sa pangangailangan ng mga karakter. Ang mga attribute ay strength, dexterity, vigor, intellect, at endurance. Araling maigi ang passive benefits ng mga attribute at angking abilidad ng mga karakter. Halimbawa na lamang, si Terrence ay magandang mapataas ang kanyang strength, samantalang kay Viola naman ay ang kanyang dexterity attribute. Dahil may lamang siya sa ranged attacks, mas magandang i-maximize ito. Bukod dito, ang mga trophy na iyong na-craft ay maaari ring magamit upang makapagbigay ng dagdag passive benefits. Mapapataas din ang antas ng iyong mga trophy habang umuusad sa laro. Isa pang salik na maaaring makaapekto sa paglakas ng iyong karakter ay ang talent. Mayroong apat na Talent Trees sa Pascal’s Wager: Alchemy, Attack, Sanity, at Special. 

Related Posts:

Five Nights at Freddy’s 2 Review

O2Jam – Music & Game

Ang sanity ang isa sa mga feature ng Pascal’s Wager na nagbibigay ng karagdagang hamon sa mga manlalaro. Maaaring manumbalik sa normal ang iyong sanity sa pamamagitan ng pag-inom ng mga espesyal na elixir at pamamahinga sa altar. Ngunit pakatandaan na sa tuwing ikaw ay magpapahinga, ang iyong mga katunggali naman ay magre-respawn. Kaya magandang planuhin nang maigi kung kailan magpapahinga o iinom ng elixir. Bukod dito, kung ikaw ang tipo ng tao na mahilig i-challenge ang sarili sa mahirap ngunit rewarding na gameplay, subuking laruin ang mga boss fight ng nasa lunatic status. 

Pascal’s Wager

Pascal’s Wager

Pros at Cons ng Pascal’s Wager 

Pag-usapan muna natin ang magagandang katangian ng Pascal’s Wager. Masasabing katangi-tangi ang graphics at ang kabuuang vibe ng laro. Kinakaya rin ang 60 fps at walang nakikitang drop frames maliban na lamang sa ilang pagkakataon. Kapuri-puri din ang disenyo at touch play. Dagdag pa rito, walang makikitang anumang ads sa laro at mga microtransaction. 

Sa kabilang banda, ang mga kailangang pag-ibayuhin ay ang voice acting ng mga karakter. Oo nga’t gloomy o madilim ang kalakhang atmospera ng laro ngunit sana ay mas dinagdagan ng buhay ang paghahatid ng emosyon sa bawat linya. Hindi rin tugma ang subtitles sa kung ano ang binibigkas ng mga karakter. Sa usapin ng gameplay, may posibilidad na mahirapan ang mga baguhang manlalaro lalo na sa mga hindi pa sanay sa ganitong uri ng genre. Bagamat swabe ang touch play, mas mainam pa rin na gumamit ng controller lalo na sa mga boss fight. 

Konklusyon

Sa kabuuan, nakakaengganyo at tunay na maganda ang Pascal’s Wager ngunit kinakailangan pang pag-ibayuhin ang audio at voice acting nito. Dagdag pa rito, ang karagdagang hamon na dulot ng sanity feature ay nakalilibang. Kaya kung sa tingin mo ay kakayanin mo ang ganitong uri ng gameplay, i-download na ang Pascal’s Wager!

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...