Critical Ops: Multiplayer FPS Review

Ang Critical Ops: Multiplayer FPS ay dinevelop ng Critical Force, isang video game developer na mula sa bansang Finland. Ang larong ito ay may modern warfare na temang may iba’t ibang modes at armas na nagpapakita ng isang makatotohanang labanan. Ito rin ay halaw sa isang pinagpipitaganang laro, ang Counter Strike. Maraming manlalaro ang nakakita ng pagkakatulad sa pagitan ng dalawang laro. Tinuturing din itong lite version ng sikat na naturang prangkisa. 

Features ng Critical Ops: Multiplayer FPS

Two Factions – Kagaya ng Counter Strike, ang larong ito ay may dalawang namamayagpag na factions: ang Coalition at Breach. Ang Breach ay mga attacker sa laro, samantalang ang Coalition ang itinuturing na mga defender. Bawat faction ay may kanya-kanyang layuning kailangang mapagtagumpayan depende sa mode ng laro. Halimbawa sa Defuse Mode, ang pangunahing layunin ng Coalition team ay pigilan ang Breach sa pagtanim ng C4s na bomba sa nakatakdang mga lugar. Gayunpaman, isang pamamaraan para masiguro ang pagkapanalo ay maubos ang kalabang grupo. 

Critical Ops: Multiplayer FPS - Laro Reviews

Critical Ops: Multiplayer FPS – Laro Reviews

Defuse Mode – Ang mga Breach ay ang mga terorista, samantalang ang mga Coalition naman ay ang counter-terrorist. Aatakihin ng Breach ang Coalition para makapagplanta ng bomba alinman sa A o B na lugar sa mapa. Matapos maitanim ng Breach ang bomba, kailangang hanapin ito ng Coalition at i-defuse bago matapos ang itinakdang oras. Kahit na lahat ng miyembro ng Breach ay napatay, kailangan pa ring mahanap ng Coalition ang bomba para sabihing matagumpay ang kanilang mission. Binubuo ito ng 15 rounds at itinuturing na pinakasikat na mode.

Deathmatch Mode – Kahalintulad ng Defuse Mode, ang Deathmatch Mode ay ginaganap sa isang komplikadong mapang may makikitang iba’t ibang terrain. Ang katangi-tangi lang sa mode na ito ay may walong minuto itong countdown, at kung sinong grupo ang may pinakamataas na bilang ng napatay ang tatanghaling panalo at makakakuha ng rewards.

Practice Mode – Gamit ang feature na ito, maaaring makipag-alyansa sa ibang manlalaro at kalabanin ang system ng laro. May kakayahan kang baguhin ang skill level ng mga kalaban, ang kanilang kabuuang bilang, at maging ang mga kakamping bots. Bukod pa rito, nasa iyo rin kung gaano katagal ang bawat match na magaganap. Gayunman, hindi nito sa anumang pamamaraan madaragdagan o mababawasan ang estado at karanasan ng mga manlalaro. 

Saan pwedeng i-download ang Critical Ops: Multiplayer FPS?

​​Sundin ang mga sumusunod na hakbang sa pagda-download ng laro. Pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para iOS users. I-type ang Critical Ops: Multiplayer FPS sa search bar. Pagkatapos ay i-click ang icon nito at ang Install o Get button. Hintaying makumpleto ang pagda-download, tsaka buksan ang app at kumpletuhin ang sign-in details. Ayan, pwede ka nang makapagsimula ng paglalaro! Kung interesado kang malaman pa ang tungkol sa laro, patuloy na basahin ang artikulo. Inihanda ng Laro Reviews ang tips, tricks, pros, at cons nito para makatulong sa iyo. 

Critical Ops: Multiplayer FPS - Laro Reviews

Critical Ops: Multiplayer FPS – Laro Reviews

Narito ang link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Critical Ops: Multiplayer FPS on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.criticalforceentertainment.criticalops

Download Critical Ops: Multiplayer FPS on iOS https://apps.apple.com/us/app/critical-ops-online-pvp-fps/id1017717218

Download Critical Ops: Multiplayer FPS on PC https://criticalops.onl/download/

Kung napili mong maglaro ng Critical Ops: Multiplayer FPS sa PC, pumunta lang sa kanilang https://criticalops.onl/. Matapos mai-download ang laro, pindutin lang ang “Play for Free”. Hintaying matapos ang installer at sundin ang instruksyon sa pagse-set up. Ilang minuto lamang ang itatatagal nito depende sa bilis ng iyong internet connection. Matapos nito, automatic nang mai-install ang Critical Ops: Multiplayer FPS sa iyong PC. 

Tips at Tricks sa Paglalaro

Bilang parte ng Breach

Kung ikaw ay na-assign sa Breach, maaaring ikaw o iba mong mga kamiyembro ang maaatasang hawakan ang bomba. Random ito at kung sinuman ang napili ay may option na bitawan ang bomba at ipasa ang tungkulin sa ibang iplanta ang bomba. Simple lang ang layunin ng laro – ang maitanim ang bomba alinman sa A o B na lugar sa mapa at huwag hayaang ma-defuse ito ng Coalition. Ngayon, importanteng laging may nakaagapay at pumprotektang kagrupo sa kung sinuman ang may hawak ng bomba. Gawin ito sa lahat ng pagkakataon dahil kung sakaling mamatay siya, agarang makukuha pa rin ang bomba at maipagpapatuloy pa rin ang objective ng laro. Isang tip para sa iyo ay ipain ang Coalition kapag nahanap na nila ang lokasyon ng bomba at tibagin sila patalikod. Dapat laging may nakaabang na isang kagrupo bilang sniper at magpapatumba sa kalaban. 

Related Posts:

ONE PIECE Bounty Rush Review

DEAD TRIGGER 2: Zombie Games Review

Bilang bahagi ng Coalition 

Kung ikaw ay na-assign naman bilang Coalition, kailangang depensahan ang A o B na lugar. Nasa inyo na ng iyong mga kasamahan kung sino ang maaatasan sa A o B. Ang susi rito para manalo ay magapi ang lahat ng kasapi ng Breach. Mula rito, mawawalan sila ng pagkakataong maitanim ang bomba. Ang pinakamainam na pamamaraan dito ay magtalaga ng tig-dalawang miyembro sa A at B, at isang tagahanap ng lokasyon ng kalabang grupo. Importante ring makinig sa tunog ng yapak ng kalaban para malaman kung naglatag ba sila ng patibong o hindi. 

Critical Ops: Multiplayer FPS - Laro Reviews

Critical Ops: Multiplayer FPS – Laro Reviews

Pros at Cons ng Critical Ops: Multiplayer FPS

Tinatayang nakakawalang-gana ang karamihan ng mga free-to-play na FPS na laro dahil tahasang makikita ang kalamangan ng mga nagbabayad na manlalaro kumpara sa mga hindi naglalabas ng anumang pera. Dahil dito, maraming manlalaro ang nagdadalawang-isip bago sumubok ng panibagong laro dahil sa mga ganitong practice. Subalit ang Critical Ops: Multiplayer FPS ay nagpapatunay na hindi lahat ay nakaangkla sa isang pay-to-win na estruktura. Bawat manlalaro, nagbayad man ng aktwal na pera o hindi, ay magsisimulang mag-unlock ng lahat ng attachments at armas. Dagdag pa rito, hindi rin matatawaran ang audio-visual na presentasyon ng laro. Bukod sa swabeng gaming experience sa isang modern warfare na laro, hinaluan pa ito ng akmang sound effects na mas nagbigay ng dagdag-karanasan sa mga manlalaro. 

Pagdating sa usapin ng armas, masasabing disente lamang ang koleksyon ng mga armas at gears nito. Hindi ganoon karami ang mga mapagpipilian ngunit masasabing pwede na. Kung nakapaglaro ka na ng ibang FPS na laro, masasabing kulang ang larong ito sa weapons department. Subalit kung ikaw naman ay panibagong manlalaro at sumusubok na laruin ang ibang genre, hindi na rin naman ganung magiging kapansin-pansin. Ang mga manlalaro ay may option na pumili mula sa anim na uri ng melee na armas, pistols, at assault rifles. Kasama rin sa arsenal ang limang uri ng SMGs, apat na klase ng sniper rifles, tatlong uri ng shotguns, at anim na klase ng gears. Kaunti man ito sa paningin ng mga beteranong manlalaro, gayunpaman, mas nabibigyan ng ganitong pamamaraan ang mga manlalarong maging eksperto sa napiling armas. Nagreresulta ito na mas nakabatay ang gameplay sa skills kaysa sa firepower. Bukod pa rito, mas mapagtutuunan ng pansin ng mga grupo ng manlalaro ang pagbuo ng epektibong taktika kaysa sa walang habas na pagbaril. 

Subalit sa kabila ng mga positibong aspetong nabanggit, may mga bagay pa ring kailangang pag-ibayuhin sa laro. Talamak diumano ang mga kaso ng hacking sa laro. Posibleng may access ang hackers sa aimbot na kahit isang putok lang ng baril, tatlong tao na ang maaaring matamaan. Sa Deathmatch Mode, imposibleng magtamo ng humigit kumulang na 50 kill counts sa loob ng walong minuto. Wala pang balita mula sa game developers patungkol sa isyung ito. 

Konklusyon

Hindi man kasing enggrande ng tanyag na Counter Strike ang Critical Ops: Multiplayer FPS, ngunit itinuturing pa rin itong isa sa pinakanakakaengganyong multiplayer FPS sa free-to-play na genre sa merkado. Kung gusto mong makaranas ng isang FPS multiplayer na nakabatay at pawang sa kakayahan lamang ng manlalaro at walang pay-to-win na estruktura, ito ay para sa iyo. Ano pang hinihintay mo? I-download na ang Critical Ops: Multiplayer FPS! 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...