AirAttack 2 – WW2 Airplanes Shooter Review

Mahilig ka bang mag-travel? O kaya naman ay mag-explore sa iba pang mga lugar? Madalas ginagamit ang eroplano bilang pamamaraan ng transportasyon para mapuntahan ang ating mga dream destination. Subalit noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig, malaki ang naging ambag ng mga eroplano para palakasin ang pwersa ng isang bansa. Dahil panghimpapawid kung umatake ang mga ito, hindi ito madaling mapatumba ng tangke o anumang panlupang armas. Madalas ding makita sa mga palabas kung gaano kaangas ang mga pilotong nagpapalipad ng mga nasabing eroplano. Kung fan ka ng mga shoot ‘em up (shmup) games, abangan ang larong susunod na tatalakayin at hihimayin ng Laro Reviews. 

Ang WW2 Airplanes Shooter ay isang larong nilikha ng Colya. Ito ay may nakakamanghang 3D graphics na halaw sa isa sa pinakamakasaysayang pangyayaring naganap noon – ang WWII. Sa larong ito, mararanasan mo kung paano maging piloto ng isang combat airplane para iligtas ang iyong mga kasamahan. Kaya huwag palampasin ang tips, tricks, pros, cons, at kabuuang verdict ng WW2 Airplanes Shooter sa artikulong ito!

Gameplay ng AirAttack 2 – WW2 Airplanes Shooter

Kung pamilyar ka na sa ibang shmup games, mas magiging madali para sa iyong laruin ang AirAttack 2 – WW2 Airplanes Shooter dahil malaki ang kanilang pagkakatulad. Simple lamang ang pangunahing konsepto ng laro. Kailangan mo lang i-swipe ang combat airplane gamit ang iyong daliri. Tuloy-tuloy at automatic na itong magpapaulan ng bala kaya ang iyong pangunahing gampanin ay iwasan ang atakeng isinasagawa ng kalabang combat airplanes. Kailangan din bumuo ng estratehiya para hanapin ang pinakaepektibong posisyon at pamamaraan para mapatumba ang pwersa ng kalaban. Bukod pa rito, maaari ka ring magpahulog at magpasabog ng bomba. I-tap lamang ang iyong screen at pwede mo nang ma-target ang mga katunggaling nasa lupa na nagtatangka ring pigilan ka. May pagkakumplikado ang gameplay nito lalo na’t kung pagsasabayin ang pag-iwas at paglalag ng bomba, ngunit sa madalas na pagsasanay ay makukuha mo rin ang teknik dito. 

Bilang iyong pangunahing gampanin, kailangan mong epektibong maiwasan ang tuloy-tuloy na pag-atake ng kalaban. Tingnan at obserbahang mabuti ang lokasyon ng combat airplane at posibleng projectile ng kanilang bala. Dahil iba-iba ang kanilang hugis at porma, maaari kang malito dahil magulo ang mga kaganapan sa giyera. Maaari ding i-tilt nang bahagya ang iyong airplane para maiwasan ang mga nagaping airplane. 

Saan pwedeng i-download ang AirAttack 2 – WW2 Airplanes Shooter?

Dahil hindi ito available sa PC, malalaro lamang ito gamit ang iyong mobile device. Buksan ang App Store para sa mga iOS user at Google Play Store para naman sa mga Android user. I-type ang AirAttack 2 – WW2 Airplanes Shooter sa search bar at pindutin ang app. Dahil Free To Play (F2P) lamang ito sa Google Play Store, hindi na kailangan magbayad bago magsimula. Samantalang para sa Apple users, kinakailangan mo munang magbayad ng $0.99. Sunod na i-click ang Install o Get button at hintayin itong ma-download. Matapos mabuksan ang app, ilagay lang ang sign-in details at simulan na ang paglalaro!

Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download AirAttack 2 – WW2 Airplanes Shooter on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.ArtInGames.AirAttack2f

Download AirAttack 2 – WW2 Airplanes Shooter on iOS https://apps.apple.com/us/app/airattack-2/id842617644

Download AirAttack 2 – WW2 Airplanes Shooter on PC https://www.gameloop.com/game/arcade/com.ArtInGames.AirAttack2f

Tips at Tricks sa Paglalaro 

Bukod sa pagsasanay sa mechanics ng laro, mahalagang pagtuunan ng pansin ang upgrades na malaki ang maiaambag sa iyong playstyle. Isang halimbawa ng magandang ikabit sa iyong combat airplane ay ang Tail Gunner na binabago ang iyong perspektibo papuntang first-person point of view. Binibigyang-diin nito ang engines na tunay ngang makakatulong sa iyong pakikipaglaban. Bukod pa rito, isa ring equipment na maaari kong i-suggest sa iyo ay ang Wingmen na patuloy ka lang susundan saan man ang iyong paroroonan. Nagbibigay ito ng karagdagang attack damage lalo na sa brigada ng kalaban. 

Mag-umpisa munang lumagay sa gitnang bahagi ng battlefield. Timplahin muna ang magiging takbo ng laro lalo pa’t inaasahang magmumula sa iba’t ibang direksyon ang kalaban. Tiyaking tatama ang iyong firepower sa anumang parte ng kanilang combat airplane para matalo ang mga ito. Dagdagan ang pag-iingat sa mga bumabagsak na debris mula sa nagaping mga combat airplane dahil maaari kang tamaan nito at makabawas sa iyong HP. May iba ring katunggali na kung saan pabilog ang kanilang pamamaraan ng pag-atake kaya ang teknik dito ay gumitna sa pagitan ng dalawang bala. I-tilt din nang bahagya ang iyong combat airplane para hindi dumaplis ang bala sa iyong pakpak. 

May mga makakaharap ding dambuhalang combat airplane na nagtataglay ng mas malakas na firepower. Mas malaki rin ang kanilang HP kumpara sa ibang maliliit na katunggali. Kapag nakaharap ang mga ito, ituon ang buong pag-atake sa kanila dahil kakailanganin ng ilang bala bago ito magapi. Pagmasdan ang kanilang health bar para matukoy kung gaano pa katagal bago ito tuluyang magapi. Tiyaking iwasan din ang kanilang counterattack para sa mas epektibong labanan. Huwag mo ring kakaligtaang kunin ang rewards matapos magapi ang unit. Magagamit ang mga ito bilang pang-upgrade at pambili sa mas malalakas na units. 

Pros at Cons ng AirAttack 2 – WW2 Airplanes Shooter

Isa sa pinakamagandang aspeto ng AirAttack 2 – WW2 Airplanes Shooter ay ang nakakamangha nitong visual design. Ultimo ang pinakamaliit na detalye ay binigyan ng matinding pansin. Kung maoobserbahan habang ikaw ay nasa himpapawid, makikitang makulay ang kapaligiran kung saan nagaganap ang kaguluhan. Ang mga poste, basurahan, puno, at sasakyang madalas ay inilalagay lamang ng ibang mga laro bilang extra sa background ay pinaganda at masasabing binigyang-buhay ng AirAttack 2 – WW2 Airplanes Shooter. Kung paano nasira, nasunog, at nawarak ang mga ito ay malinaw na naihahayag ng laro. Swabe at malinis ang pagkakagawa ng graphics kaya talagang matutukoy mo ang mga kaganapan habang nakikipagdigma. Makikita ring nawawasak ang mga establisyemento kapag ito ay iyong binomba. Hindi lamang sa teknikal na aspeto ito nakakamangha, kundi maging sa takbo ng kwento na kung saan may epekto ang iyong isinagawang pag-atake. Bukod pa rito, pinalawig din ang gaming experience ng mga manlalaro ng mga nakakahumaling nitong official soundtrack. 

Sa kabilang banda, inaangal ng ibang manlalaro ang kakulangan ng mas malakas at mas magagandang armas na maaaring gamitin. Malaki rin diumano ang hitbox na ginagamit kaya asahan ang posibleng madalas na pagtama ng kalaban. Hindi rin masyadong malinaw ang tutorial para sa mga baguhang manlalaro kaya madalas ay mangangapa muna para magamay ang laro. Wala namang masama sa pagkakaroon ng learning curve, ngunit mas mainam kung ilalatag ang pundasyon ng laro bago pa man tuluyang magsimula. 

Konklusyon

Ang AirAttack 2 – WW2 Airplanes Shooter ay isang magandang halimbawa kung paano dapat patakbuhin ang mobile games. Nakaka-enganyo ang visual design, physics model, at musikang ginamit sa laro. Mapapansing talagang pinagsumikapan ng game developers mula sa pinakamaliit nitong detalye. Maganda rin ang balanseng ipinakita sa kalabang makakaharap dahil nakabase ito sa aktwal na aircrafts noong ikalawang digmaang pandaigdig at mga boss na nilangkapan ng sci-fi na elemento. Hindi rin nakakasagabal ang panonood ng ads at nirerespeto nito ang desisyon ng mga manlalaro kung nais ba nilang makita ito o hindi. Sa kabilang banda, mas mainam kung gagawin din itong libre sa App Store kagaya ng kanilang ginawa sa Google Play Store. Gayunpaman, ikaw na mismo ang magkukusang bilhin ang kanilang in-app purchases para ipakita ang suporta dahil sa tunay nitong de-kalidad na laro. Kaya ano pa ang iyong hinihintay? Mairerekomenda ito ng Laro Reviews lalo na sa mga mahihilig sa shmup games. Kaya ano pang hinihintay mo? I-download na ang AirAttack 2 – WW2 Airplanes Shooter! 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...