Alice’s Resort – Word Game Review

Sawa ka na ba sa pangkaraniwang word games na enjoy lang sa simula ngunit nagiging boring naman sa kalaunan? Ang Alice’s Resort – Word Game ay isang larong may pinagsamang resort management, dress up at crossword puzzle gameplay. Nagtatampok din ito ng kakaibang storyline na may nakakaengganyong game characters. Ito ay inilabas ng WePlay Word Games noong 2021. 

Ang pangunahing layunin ng mga manlalaro rito ay gampanan ang papel ng isang manager. Kinakailangan nilang ayusin at pagandahin ang dating marangya at tanyag na island resort. Upang magawa ito, kailangan nilang lutasin ang crossword puzzles sa bawat game levels upang makakuha ng game resources, makabili ng mahahalagang items, makapag-unlock ng themes at marami pang iba. Habang nagpapatuloy sila sa laro ay unti-unti rin nilang matutuklasan ang kwento ng island resort at makikilala ang iba pang game characters. 

Paano I-download ang Laro?

Ang game app na ito ay libreng maida-download sa Play Store at sa App Store. Maaari mong laruin ito gamit ang Android o iOS devices na may OS na katumbas ng Android 4.4 o mas mataas pa. Samantala, kung gusto mo namang maglaro gamit ang computer, maaari mong i-download ang app sa laptop o desktop at i-run ito gamit ang isang lehitimong emulator. Kung nais mong subukan ito kaagad, maaari mo ring gamitin ang sumusunod na links mula sa Laro Reviews: 

Download Alice’s Resort – Word Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.wordgame.puzzle.resort.story&hl=en&gl=US

Download Alice’s Resort – Word Game on iOS https://apps.apple.com/ph/app/alices-resort-word-game/id1579813745

Download Alice’s Resort – Word Game on PC https://www.gameloop.com/ph/game/word/alice-s-resort-word-puzzle-game-on-pc

Ultimate Guide para sa mga Manlalaro

Ang storyline ng Alice’s Resort – Word Game ay tungkol sa isang lumang island resort. Sa tulong ng management team na kinabibilangan nina Alice, ang chief assistant, at Grace, isang gourmet chef, sisimulan ninyo ang isang kapanapanabik na pakikipagsapalaran upang muling mabigyang-buhay ito. Bilang manager, kinakailangan mong lutasin ang crossword puzzles at gumawa ng mga desisyon  kung paano pagagandahin ang island resort. 

Bago ang lahat, narito ang mga mahahalagang bagay na dapat mong malaman tungkol sa laro: 

  • Walkthrough 

Sa kaliwang-ibabang sulok ng gaming screen ay makikita ang task panel. Dito nakasulat ang tasks na kailangan mong tuparin tulad ng pagkumpuni sa pavilion, pagbili ng bagong lounges, pag-set up ng bagong wallpaper at marami pa. Kung nais mo namang sumabak sa paglutas ng crossword puzzles, i-click ang Play button. Dito ay magagawa mong mag-level up at manalo ng in-game resources na magagamit mong pambili ng items, game character outfits at boosters.

Samantala, ang Settings icon naman ay matatagpuan sa kanang-itaas na sulok ng gaming screen. Dito ay maaari mong i-on o i-off ang game music at sounds, magpadala ng email sa developers at ibahin ang language setting ng laro kung kinakailangan. Tandaan lang na maaaring hindi gumana ang ilang features kapag gumamit ka ng ibang game language maliban sa English. Samantala, katapat naman ng settings ay matatagpuan ang player’s profile. Kung gusto mong magpalit ng username o avatar, i- click lang ito. 

  • Gameplay

Upang makapag-level up, dapat mong lutasin ang bawat crossword puzzles. Kailangan mong bumuo ng words sa pamamagitan ng pag-connect sa letters na bumubuo rito. Kapag nakumpleto mo ang puzzle grid ay makakakuha ka ng game rewards at makakapagtuloy sa susunod na level. 

May tatlong pangunahing in-game currencies na tampok sa laro: coins, shells at diamonds. Ang coins ay ginagamit para makabili ng boosters, habang ang shells naman ay maaaring ipambayad para sa furnitures at decorative items. Samantala, ang diamonds ay ginagamit bilang pambili ng outfits ng game character. 


  • Game Boosters

Lightning – Sa tuwing gagamitin mo ito ay may limang random letters na lilitaw sa crossword puzzle. 

Firecracker – Ang booster na ito ay ginagamit upang mailantad ang isang letter sa napili mong grid cell. Sa pamamagitan nito ay magkakaroon ka ng clue tungkol sa word na kailangan mong mabuo. 

Bulb – Sa pamamagitan nito malalantad ang isang word sa puzzle kaya mababawasan ang bilang ng kailangan mong mabuo.

Tandaang kahit maaari kang makakuha ng libreng boosters, kadalasan ay kinakailangan mo talagang magbayad ng coins para magamit ang mga ito. Kaya maging madiskarte at gamitin lang ang mga ito kung talagang kinakailangan. 

  • Features

Nagtatampok ang larong ito ng libu-libong crossword puzzles, iba’t ibang game items at makukulay na outfits para sa game characters. Magkakaroon ka rin ng pagkakataong mangolekta ng mga sangkap at i-unlock ang mga putahe para sa menu ng resort. Bukod pa sa mga ito, makikilala mo rin ang ibang game characters at matutuklasan ang kanilang kwento. 

Maliban sa regular rewards may Combo Bonus din sa larong ito. Makakakuha ka ng diamonds kapag magkasunod na nakabuo ng words. Sa tulong ng Daily Gifts ay magkakaroon ka rin ng libreng items bawat paglipas ng 24 oras. Samantala, pwede mong ayusin ng paulit-ulit ang letters gamit ang unlimited na Shuffle tool. Huwag ding palampasin ang pagkakataon na makakuha pa ng bonus rewards sa pamamagitan ng pagbuo ng extra words. 

Pros at Cons ng Alice’s Resort – Word Game

Marami ang humahanga sa laro dahil sa iba’t ibang game activities na pwedeng ma-enjoy dito. Hindi lang ito tungkol sa paglutas ng crossword puzzles, maaari ka ring maglaro ng dress-up at design games at pati na rin maglakbay sa island resort. Kahanga-hanga rin na talagang pinag-isipang mabuti ang iba’t ibang game character representation. Ang graphics at animations nito ay nakakaakit at may mataas na kalidad. Marami rin ang nasisiyahan dahil hindi ito gumamit ng kahit na anong energy o health points system kaya nagagawang makapag-enjoy ng mga manlalaro hangga’t gusto nila. Nakakatuwa rin ang album feature nito kung saan makikita ang mga larawan ng espesyal na sandali sa laro.

Sa kabilang banda, ang game app na ito ay mayroon ding ilang cons na natuklasan ng mga manlalaro. Walang paraan para mai-link ang email address o Facebook account sa laro at mai-save at iyong game data at progress. Ang words na ginagamit sa puzzle ay simple at pangkaraniwan lang. Maraming umaasang makakatagpo ng mas challenging at mahihirap na words sa mataas na levels subalit nadismaya lamang sila. Nahalata rin ng mga manlalaro na sa katagalan ay nagkakaroon na ng technical issues ang app tulad ng biglaang pagka-crash dahil sa hindi malinaw na mga dahilan. Nagiging mahirap ding makakuha ng sapat na game resources dahil unti-unting nagiging maramot ang reward system nito. Ito ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit natatagalan ang karamihan na makausad pa sa mas matataas na level ng laro. 

Konklusyon

Para sa Laro Reviews ang Alice’s Resort – Word Game ay isang mahusay at nakakalibang na single-player game app. Marami itong inaalok na kakaiba at kapanapanabik na game activities. Gayunpaman, bago subukan ang larong ito, dapat isaalang-alang ng mga manlalaro ang cons na nabanggit. May malaking posibilidad kasi na sa kalaunan ay madismaya lamang  sa technical problems at issues sa reward system nito. Sa ganitong paraan, mas makakapagpasya  ng maayos kung sulit pa rin ba itong subukan sa kabila ng lahat.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...