Boom Karts Multiplayer Racing Review

Boom Karts Multiplayer Racing – Nae-enjoy mo ba ang pagmamaneho ng mga sasakyan? Pati ang masayang pakiramdam na ikaw ang nauunang makapunta sa finish line? Kung oo ang sagot mo sa isa rito, para sa iyo ang larong tatalakayin dito ng Laro Reviews.

Sa Boom Karts Multiplayer Racing, mararanasan mong maglaro ng online multiplayer player-versus-player (PvP) kart racing game. Ang larong ito ay nilikha ng gaming company na Fingersoft, na siya ring may likha ng classic na 2D physics-based racing video game na Hill Climb Racing. Pasukin ang mundo ng Boom Karts at kalabanin ang ibang kart racers sa buong mundo. I-maximize ang kagamitan ng bawat item at boost na madaraanan para manguna sa race!

Features ng Boom Karts Multiplayer Racing

Two Modes – Mamili kung alin sa dalawang modes ang nais mong laruin. 

  • Race mode – Kalabanin ang ibang manlalaro mula sa iba’t ibang parte ng mundo sa real-time multiplayer match.
  • Adventure mode – Sa paglalaro nito, maaari kang makakuha ng trophies sa kasalukuyang season. Ang trophies na malilikom ang basehan para sa rankings ng Top Players.
Boom Karts Multiplayer Racing - Laro Reviews

Boom Karts Multiplayer Racing – Laro Reviews

Join a Team – Sumali ng racing team ayon sa iyong kagustuhan! Pwede kayong magsagawa ng sariling race, mag-request o magbigay ng upgrade parts, at makipag-usap sa isa’t isa sa pamamagitan ng chat system nito. Bukod dito, maaari ka ring bumuo ng sarili mong team na may hanggang 30 miyembro. Pwede kang magtakda ng requirements para sa mga manlalarong sasali rito. Kabilang dito ang paglalagay ng required trophies, mula 0 hanggang 25,000 trophies, pati na rin ang type ng team na Open, Closed, o Invite Only. Maaari mo ring limitahan ang lokasyon nito sa partikular na kontinente o i-open ito sa buong mundo.

Custom Games – Gumawa ng sariling lobby kung saan pwede mong i-invite ang iyong mga kaibigan sa isang race! Sa Custom, mamili kung saan ang magiging lokasyon ng inyong race. May opsyon kayo kung sa City Speedway, Moai Mountain, Castle Circuit, Gold Rush, Meltdown, Antarctica, Sewer, Construction, Fort Royale, o kung Random ang pagpili. Maaari mong i-customize ang item mode na lalabas sa race at mamili kung Normal, Nitro only, Bombs only, Random, o None. Ikaw rin ang bahala kung ilan ang magiging laps ng race. Bukod pa rito, pwede ka ring sumali sa lobby na ginagawa ng ibang manlalaro. Makakatulong ang Filters sa pagpili mo kung aling race ang nais mong salihan.

Saan pwedeng i-download ang Boom Karts Multiplayer Racing?

Ang larong ito ay free-to-play (F2P) kaya wala nang babayaran para i-download ito. Pagdating sa ratings, nakakuha ang laro ng 4.2 out of 5 stars sa Google Play Store, samantalang 4.6 out of 5 stars naman sa App Store. 

Para i-download ang laro, pumunta sa Google Play Store para sa Android users, at sa App Store naman para sa iOS users, gamit ang iyong mobile phone. Ilagay sa search bar ang Boom Karts Multiplayer Racing at hanapin ang laro sa search results. Pindutin ang Install o Get button at hintaying makumpleto ang pagda-download. Pagkatapos nito, buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Kapag nagawa mo nang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Boom Karts Multiplayer Racing on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.fingersoft.boomkarts

Download Boom Karts Multiplayer Racing on iOS https://apps.apple.com/vn/app/boom-karts-multiplayer-racing/id1553445732

Hindi available ang Boom Karts Multiplayer Racing para sa mga nagnanais itong laruin sa PC. Kaya i-click na lang ang mga link sa itaas para ma-enjoy ang larong ito sa iyong mobile devices. 

Tips at Tricks sa Paglalaro

Boom Karts Multiplayer Racing - Laro Reviews

Boom Karts Multiplayer Racing – Laro Reviews

Mayroong apat na slots para paglagyan ng chest rewards. Kahit na ilang oras ang aabutin at paisa-isa lang ang pagbubukas nito, mainam pa ring hangga’t maaari ay punuin mo ang lahat ng slots ng race mode chests. Makakatulong ito para magkaroon ka ng tuluy-tuloy na pagkukuhaan ng resources. May pagkakataong sunud-sunod ang pagkatalo dahil mas magagaling ang mga naging kalaban, posibleng hindi ka makakuha ng chest rewards sa susunod na races. Kaya mainam na kahit hindi ka nananalo ay patuloy pa ring dumadaloy ang timer ng reward chests. Siyempre, huwag kalilimutang i-unlock ito pagkatapos. Siguraduhin ding malagyan agad ng panibagong reward chest ang available slot.

Pagdating sa mismong race, ang tip ko sa’yo ay kunin ang bawat boost tuwing may pagkakataon. Makakatulong ang boost sa iyong performance sa race dahil anumang klase ng boost ang makuha, mapapabilis nito ang iyong kart ng ilang segundo o kaya magpapabagal sa takbo ng kalaban. Ang unang boost na pwede mong magamit ay ang starting line boost. Mainam na sanayin ang sarili kung paano i-rev ang engine habang nanatiling nasa parteng kulay berde ang tachometer gauge sa pagsapit ng countdown sa zero. Bukod dito, makakakita ka rin ng boost strips sa daanan, magkakaroon ang kart ng mabilisang speed boost kapag dumaan ito sa ibabaw nito. Mayroon ding dalawang klase ng nitro boosts ang pwede mong matanggap sa item boxes na matatagpuan sa race track. Samakatuwid, magiging malaking kalamangan ang boost para maunahan mo ang ibang manlalaro. Malaki ang tsansang manguna ang manlalarong gamay ang paggamit ng boosts para maunahan ang kanyang mga kalaban.

Related Posts:

Cyberpunk Hero: Epic Roguelike Review

War After: PvP Shooter Review

Bukod pa rito, makikita rin ang lightning gauge sa kaliwang itaas ng screen. Nadaragdagan ito ng energy kada may lightning bolts kang makukuha sa daan. Makakatulong din ito sa iyo sa race. Sapagkat kahit anong klaseng kart ang gamit mo, kapag mas maraming energy ang nasa lighting meter, pabibilisin nito lalo ang iyong speed. Kaya hangga’t maaari ay kunin ang lighting bolts na makikita sa race track.

Dahil random ang maaari mong makuhang laman ng item boxes, mainam na alamin ang gamit ng bawat isa nang sa gayon ay mai-maximize mo ang kanilang gamit sa laro. Kapag ang nakuha mo ay bomb, sa harap ito maihahagis para sumabog. Gamitin mo lang ito kapag ang dinaraanan ninyo ay diretso dahil ang galaw nito ay vertical lamang. Pagdating naman sa bar of soap, inilalaglag ito para magsilbing patibong sa mga kalabang nasa likod. Kapag nadaanan ito ng manlalaro, ang mangyayari ay hindi mapipigilang magpaikut-ikot ang kart kaya babagal ito ng ilang saglit. Ang maipapayo ko sa iyo ay gamitin ang soap sa mga alanganing lugar para mahirapan ang kalabang maiwasan ito. Halimbawa, ilagay ito sa dulo ng ramp para mas maging epektibo bilang patibong. Hindi lamang ito, magagamit mo rin ang soap bilang proteksyon kapag tumira ng projectile ang kalaban papunta sa iyo. Kapag ginamit mo ito matapos magkaroon ng square na nakatutok sa iyo, indikasyon ito na tinarget ka ng kalaban, mapapatigil nito ang projectile kapag nilagay ito sa direksyon ng atake.

Boom Karts Multiplayer Racing - Laro Reviews

Boom Karts Multiplayer Racing – Laro Reviews

Dagdag pa rito, kapag nakuha mo ang tesla, makagagawa ito ng wave ng energy sa paligid ng iyong kart kung saan maaapektuhan ang ibang racers at masisira ang items na kasalukuyang hawak nila. Kaya naman pwede mo itong gamitin bilang depensa sa projectiles na papunta sa iyo, pati na rin ang mga patibong sa iyong harap na hindi mo maiiwasan. Mayroon ka ring makikitang dalawang klase ng rockets, ang kulay pula at asul. Kapag pula ang rocket, ibig sabihin ay tatargetin nito ang racer na nasa harap mo at patuloy na hahabulin nito ang target hanggang maabot ang kanyang kart at saka ito sasabog. Kung asul naman, lalaktawan nito ang ibang racers dahil automatic na ang target nito ay ang pinakanauunang racer. Katulad ng naunang rocket, sasabog lang ito kapag naabot na ang nangunguna sa race. Pagdating naman sa dynamite, ito ay kumbinasyon ng soap at bomb. Pwede mo itong iwan sa daan para sa mga nasa likod at mapapasabog ito kapag pinindot ulit ang item button sa pangalawang beses.

May items naman na makukuha mo lang kung nasa kalahating ibaba ka na ng racing rank. Kabilang dito ang chili kung saan magbibigay ito sa kart ng karagdagang speed sa ilang sandali. Mayroon ding remote control na may kakayahang i-bolt ang lahat ng racers. Sa paggamit nito, mabibigyan ka ng pagkakataong maungusan ang marami sa kanila. 

Ang susunod na tip ko sa iyo ay ang pagiging dalubhasa sa paggamit ng technique na drifting. Kapag kumaliwa o kumanan ka sa kurbang daanan, nagreresulta ito sa speed boost kapag naging matagumpay at smooth ang pag-drift. Kinakailangan ng ibayong pagsasanay sa paggawa nito dahil kadalasang kapag baguhan ang manlalaro ay nawawala ito sa balanse pagkatapos mag-drift at nagreresulta sa pagbangga sa gilid.

Pros at Cons ng Boom Karts Multiplayer Racing

Nakakaengganyo ang Boom Karts Multiplayer Racing at tunay na nakapupukaw ng atensyon ang paglalaro nito. Dahil sa pagiging challenging ng laro, madadala ka talaga habang nakikipag-unahan sa kart racing. Kakaiba ang sayang dulot kapag ikaw ang nanguna sa race dahil kadalasang dikit ang labanan. Maganda rin ang graphics at background music na ginamit sa laro. Gayunpaman, mayroong mga isyu tulad ng bugs dahil kadalasang nagkakaroon ng lagging at network problems sa kalagitnaan ng laro kahit na stable naman ang internet connection mo, kung saan ay nagiging sanhi ito para ma-disconnect sa laban at matalo ang isang player. 

Dahil ito ay real-time multiplayer na laro, iba-ibang klase ng manlalaro ang makakalaban mo, kaya sa bawat race ay may panibagong hamon ang naghihintay sa iyo. Hinahasa rin nito ang iyong kakayahan sa pagiging matalino at mahusay sa kart racing. Gamitin ang mga natutunang tips at tricks sa artikulong ito at simulan na ang paglalaro!

Konklusyon

Mairerekomenda ng Laro Reviews ang paglalaro ng Boom Karts Multiplayer Racing lalo na kung ang hanap mo ay exciting na mga laro. Marami itong features na hindi lang ikaw ang makaka-enjoy, sapagkat maging ang iyong mga kaibigan ay pwede mong makasamang maglaro ng kart racing. 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...