Cake Art 3D Review

Bukod sa libangang hatid ng mga computer at app games, may mga laro ring nakatutulong para lumago ang kaisipan ng bawat indibidwal. Katulad na lang ng mga puzzle games, word games, strategic games at iba pang laro na magpapalago ng iyong kaisipan. Kaya kung nais mong lumawak ang iyong imahinasyon at ilabas ang iyong pagiging malikhain, subukan mo ang larong ito. Ang Cake Art 3D ay opisyal na inilabas noong taong 2020 ng CrazyLabs LTD.

Ang Cake Art 3D ay isang simulation game. Ibig sabihin ang larong ito ay malapit sa reyalidad. Alam naman natin na ang pagdidisenyo na cake ay talagang nangyayari sa tunay na buhay. Kaya naman sa larong ito maaari mong ipakita ang iyong talento at husay sa paggawa ng isang cake.

Ipamalas ang iyong pagiging malikhain at gamitin ang iyong imahinasyon upang bumuo ng iba’t ibang disenyo para sa iyong produkto. Diskubrehin ang iyong sarili at talento bilang isang cake artist dahil sa larong ito malaya kang gawin kung ano ang iyong nais.

Para mas lumawak pa ang iyong kaalaman tungkol sa larong Cake Art 3D, basahin ang buong artikulo para sa iba pang detalye. Narito ang ilang features, tips at tricks, pros at cons ng larong ito na sigurado akong makatutulong sa iyo.

Features ng Cake Art 3D

3D Graphics – Ang larong ito ay isang 3D game. Kung hindi ka pa pamilyar sa mga larong 3D, ito ay mga graphic styles na may tatlong dimensyon ng taas, lapad at lalim na naka-set sa loob ng tila totoong mundo. Maaari kang gumalaw ayon sa nais mo at umikot hanggang 360 degrees. Ito rin ang dahilan ng mabilis na pagkilos at pagkontrol mo sa laro. Ang mga disenyo sa larong ito ay naka-3D kaya maganda itong laruin.

Iba’t ibang uri ng cake – Sa larong ito, mayroong iba’t ibang uri ng disenyo sa mga cake. Gagayahin mo ang nasa larawan at ikaw mismo ang magdidisenyo ng cake. Hindi lang isang uri, kundi maraming cake pattern ang iyong makikita.

Makulay na disenyo – Alam naman natin na ang pagbuo ng mga cake design ay kinakailangan maging makulay. Ang mga kagamitang pandisenyo na iyong gagamitin sa laro ay may iba’t ibang kulay. Kaya naman hindi ito masyadong plain o simple.

Offline game – Bukod sa libre mo itong makukuha sa Google Play Store at App Store, ang Cake Art 3D ay maaari mo ring laruin ng offline. Ibig sabihin hindi mo na kailangan ng data o internet connection para malaro ito. Kaya kahit nasaan ka man o anong oras mo ito nais laruin ay pwede mong gawin.

Sorpresang regalo – Ang Cake Art 3D ay mayroon ding mga surpresang regalo na naghihintay sa iyo kapag nagawa mo ang iyong misyon. Subalit para ma-claim ang items kailangan mo ng internet connection at manood ng mga ads. Bukod sa mga items na ito, makakakuha ka ng pera sa laro bilang premyo sa bawat pagtatapos ng task na gagawin mo.

Saan pwedeng i-download ang Cake Art 3D?

Kung nais makuha ang larong ito, narito ang links ng laro. I-click lamang ang mga nasa ibaba para ma-download ang laro depende sa ginagamit na device:

Download Cake Art 3D on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.nama.cake.art 
Download Cake Art 3D on iOS https://apps.apple.com/us/app/cake-art-3d/id1508950943
Download Cake Art 3D on PC https://www.gameloop.com/ph/game/simulation/com.nama.cake.art

Para ma-download ang laro, kailangan mo ng data o internet connection. Pagkatapos, i-click lamang ang link, pindutin ang install at hintayin umabot sa 100% ang pag-download. Kapag tapos na ito, maaari mo na itong buksan at laruin ang Cake Art 3D.

Kung nagkakaroon ng problema sa pag-download, maaaring magpadala ng mensahe sa email account ng developer. Maaari ring mag-iwan ng komento tungkol sa laro upang malaman ng mga creators ang problemang iyong nararanasan at matulungan ka nila.

Tips at Tricks kung nais Laruin ang Cake Art 3D

Para sa mga bago at nagnanais na laruin ang Cake Art 3D, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na siguradong makakatulong sa iyo. 

Kung ikaw ay bagong manlalaro, mayroong gagabay sa iyo kung ano ang mga dapat mong gawin. Sundin lamang ang itinuturo at basahin ang sinasabi sa direksyon. Ito ay para mas mabilis mong maunawaan ang daloy ng laro at maging pamilyar ka rito. Kapag nalagpasan mo na ang tutorial stage, magkakaroon ka na ng ideya kung paano ito laruin.

Simple at madali lang matutunan ang Cake Art 3D. Kung paano gumawa ng cake sa tunay na buhay ay ganoon lang din ang proseso sa paglalaro nito. Ang kaibahan lang, kailangan mong sundin ang disenyong ibinigay sa laro. Kapag nagawa mo ang hinihinging disenyo ng cake, makakakuha ka ng tatlong star at mataas na premyo. Subalit kung hindi mo ito masyado nagaya, mayroon ka lang dalawa o isang star na makukuha at mas mababang premyo. Kaya dapat mong sundin ang cake na nasa larawan. 

Ang isa sa tips na dapat mong tandaan sa paglalaro nito, kailangan mo lang na eksaktong tularan ang disenyo ng cake na hinihingi sa laro. Para magawa ito dapat nakapokus ka sa paggawa ng cakes. Sa ganitong paraan, mabilis mong maisasakatuparan ang misyon mo sa pagbuo ng cake.

Sa paglalaro nito, sundan lang ang nasa larawan na disenyo ng cake at gamitin ang mga sangkap na kailangan sa pagbuo nito. Ibibigay naman ng laro ang mga sangkap na kailangan mo para magawa ang cake na hinihingi sa laro. Subalit nasa iyo ang kontrol kung paano mo ito magagawang gayahin. Katulad ng mga tunay na cake artist kailangang nakapokus ka sa pagdidisenyo, pulido ang iyong gawa at hindi masyadong magalaw ang iyong kamay upang hindi kumalat ang cake designs. Ibigay ang iyong makakaya at maging isang cake artist.

Pros at Cons sa paglalaro ng Cake Art 3D

Para sa Laro Reviews, ang Cake Art 3D ay isa sa magandang laro na makatutulong sa paglago ng iyong pagkamalikhain. Simple at madali lang intindihin ang larong ito kaya maaari itong laruin ng mga bata, kabataan at pati ng matatanda. Hindi ka mahihirapan intindihin ang mechanics ng laro dahil simple lang ito tulad ng paggawa ng cake sa tunay na buhay.

Ang larong ito ay nakatanggap rin ng iba’t ibang reviews sa Google Play Store. Ayon sa mga komento ng manlalaro, nilalaro daw nila ang Cake Art 3D kung nais nila ng libangan. Saad naman ng ibang manlalaro, ito raw ang nakakapagpakalma sa kanila tuwing sila ay stressed at naghahanap ng malalaro. Bagamat nakakuha ito ng mga magagandang reviews, mayroon ding mga problemang nararanasan ang mga naglalaro nito. Ang pangunahing problema raw nila ay ang dami ng ads na lumalabas sa laro kahit hindi naman nila pinipindot ang panonood ng ads. Hindi rin daw nila maranasan na magdisenyo ng sariling cake dahil ang mechanics ng laro ay kailangang sundin ang cake designs sa larawan na medyo nakakadismaya.

Ang larong ito ay mayroon lang 60MB na kasya sa anumang mga device. Ito rin ay pwede sa mga batang edad tatlo pataas dahil wala itong nilalaman na nakakaapekto sa isipan. Mayroon din itong mga in-game purchases para sa mga nais bumili ng produkto gamit ang tunay na pera.

Konklusyon

Sa ngayon, mayroon itong 4.2 stars out of 5 na ratings sa Google Play Store. Umabot na rin sa mahigit 10 milyong downloads ang larong ito simula noong taong ito ay inilabas at patuloy na tinatangkilik ng mga manlalaro hanggang ngayon. Ito ay isa mga patunay na marami na ang nakakaalam at nasubukan ang larong ito. Kaya kung gusto mong masubukan ang kanilang bagong update at malaman ang iba pang impormasyon tungkol dito, i-download mo na sa iyong devices ang Cake Art 3D!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...