Defender III Review

Itinuturing na pinakamahahalagang elemento sa ating mundo ang Tubig, Lupa, Hangin at Apoy. Gaya ng mga napapanood natin sa mga palabas sa telebisyon, ang bawat isa sa mga elementong ito ay nagtataglay ng mga espesyal na katangian. Sinisimbolo ng kulay luntian ang elemento ng tubig, kulay pula ang para sa apoy, kulay kayumanggi ang elemento ng lupa, habang kulay asul naman ang simbolo ng Hangin. Sa larong Defender III, ang mga makapangyarihang elementong ito ang siyang tutulong sa iyo upang ipagtanggol ang iyong kastilyo mula sa iba’t ibang uri ng halimaw.

Sa karagdagan, sa larong Defender III, ikaw ang may control ng pana na siyang nagsisilbing pangunahing sandata upang patayin ang mga halimaw na may balak wasakin ang iyong kastilyo. Itutok ang pana direkta sa mga kalaban upang kusang lumabas ang mga palaso papunta sa kanila. Sa kabuuan,mayroong apat na game modes sa larong ito, ngunit kailangan mong mag-umpisa sa Stage mode upang marating ang mga kinakailangang level at mabuksan ang natitirang tatlong game mode.

Layunin mo rin sa larong ito na masigurong hindi makakalapit ang mga kalaban sa pader ng iyong kastilyo dahil kapag nagkataon, mabilis nilang masisira ito na magiging dahilan upang matalo ka sa laro. Maliban sa mga karaniwang halimaw gaya ng mga higanteng mga anay, mga ibon, at mga higanteng mga lamok, sa bawat dulo ng round ay makakaharap mo rin ang itinuturing na mga big boss ng mga kalaban.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro handog sa inyo ng Laro Reviews.

Upang maipanalo ang mga laban sa larong ito, kailangan mong maging mabilis sa pag-atake sa mga kalaban dahil ang mga kalabang may kakayahang lumipad ay higit na mas mabilis kumilos. Hindi rin sapat ang isang palaso upang mapatay ang isang halimaw: malaki man ito o maliit kaya kailangan mong patamaan ng tatlong beses o higit pa ang bawat isa sa kanila.

Huwag ding kalimutang gamitin ang kapangyarihan ng apat na elementong nabanggit, dahil bawat isa sa kanila ay lubhang makakatulong sa’yo upang pigilan ang paglusob ng batalyon ng mga kalaban. Tandaan din na mayroong mga kalaban na may kakayahang umatake mula sa malayo at sila ang kadalasang magiging sanhi ng iyong pagkatalo kaya hayaan mong ang kapangyarihan ng iyong Tower ang tumapos sa mga karaniwang halimaw at itutok mo na lang ang iyong atensyon sa mga shooting enemy. Gayundin, huwag na huwag mong kakalimutan na i-upgrade ang iyong mga palaso, bow, at tower nang sa ganun ay hindi ka basta-bastang malulupig ng mga kalaban.

Sakaling maabot mo na ang required level sa Stage mode upang mabuksan ang Battle, maaari mo nang harapin ang ibang players mula sa iba’t ibang panig ng mundo para sa isang one-on-one na labanan. Sa game mode ring ito, kailangan mong tumagal sa laro para masigurong ikaw ang tatanghaling panalo. Huwag ding manghinaying na gamitin ang ilan sa iyong power-ups at in-game currency upang matapatan ang lakas ng mga malalakas na uri ng mga kalaban.

Gayundin, maaaring manood ng mga video advertisement kapalit ng ilang upgrades, o bumili sa shop ng coins, minerals, power-ups at iba pang uri ng defense weapon.

Features ng Laro

  • Elements – Gamit ang kapangyarihan ng Apoy, Tubig, Lupa at Hangin, magagawa mong malupig ang lupon ng mga halimaw.
  • Quest – Sa ibang laro, karaniwan itong tinatawag na mission kung saan mo matatagpuan ang mga task na kailangan mong magawa sa laro upang makatanggap ng libreng mga reward kagaya ng mga currency, mga yamang mineral, palaso at marami pang iba.
  • Honor – Sa feature naman na ito ng laro matatagpuan ang mga karangalan na iyong natatanggap mula sa laro kapag napagtagumpayan mo ang mga goal na ipinapagawa ng laro.
  • Battle – Sa game na ito mo makakaharap ang ibang manlalaro ng Defender III, ngunit upang mabuksan ang mode na ito, kailangan mong magkaroon ng internet access.
  • Stage – Dito naman nagsisimula ang lahat ng laban kung saan dito mo rin unang makakaharap ang iba’t ibang halimaw at magawang i-upgrade ang iyong mga sandatang ginagamit.
  • Arena and World Raid – Ang dalawang game mode na ito ay mananatiling naka-lock hanggat hindi mo pa nararating ang round 200 sa stage mode.
  • Tower – Bukod sa mga palaso, tutulungan ka rin ng iyong tower sa pag-atake ng mga kalaban. Kadalasan, ito na rin ang bahala sa mga kalabang hindi natatamaan ng iyong palaso.
  • Magic Power – Ang pangunahing layunin mo sa laro ay masigurong hindi matitibag ng mga halimaw ang iyong kastilyo kaya gamit ang magic power, mahihirapan ang mga kalaban na wasakin ang pader ng iyong kastilyo.
  • Roulette – Isa sa mga bonus feature ng laro, kung saan maaari kang makatanggap ng mga libreng reward gamit lamang ang panonood ng 30 second-ads.

Saan maaaring i-download ang Laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user at i-download ang BlueStacks Android emulator sa PC para malaro ito. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Defender III on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.droidhen.defender3

Download Defender III on iOS https://apps.apple.com/us/app/defender-iii/id1131557212

Download Defender III on PC https://appsplayground.com/defender-iii-pc/

Pros at Cons ng Laro

Marahil ay hindi na bago sa’yo ang paglalaro ng mga shooting game dahil hindi maikakailang isa ito sa mga pinaka-tinatangkilik na laro na napapabilang sa genre ng action game. Sakaling baguhan ka naman sa uri ng larong ito, lubos pa ring naniniwala ang Laro Reviews na madali lamang sa’yo na matutunan ang mechanics ng Defender III lalo pa at wala kang mairereklamo sa control panel ng larong ito. Bukod pa rito, paniguradong sa larong ito mo lamang makakaharap ang mga namumukod-tanging mga kalaban, dahil bawat round ng laro ay mayroong itinatampok na mga bagong halimaw. Gayundin, nagkakaroon ng pagbabago sa pinagdadausan ng laban kaya imposibleng mabuburyo ka sa mga makikitang bagay sa iyong screen.

Sa karagdagan, tunay na nakakamangha rin ang apat na elemento sa larong ito lalo na kapag ipinapamalas ng mga ito ang kani-kanilang mga kapangyarihan na siyang nagbibigay ng dagdag kulay at sigla sa graphics ng laro. Kung pag-uusapan naman ang visual effects ng laro, walang duda na mapapanganga ka rin sa iyong masasaksihan lalo na kapag naglalabas ng kapangyarihan ang Wind bow, Earth bow, Water bow, at Fire bow.

Sa kabilang banda, halos wala ka nang mairereklamo sa larong ito dahil bukod sa optional ang mga ads, madalang ding magkaroon ng lag sa laro. Ngunit, sa kasamaang palad, sa ngayon ay tila kinalimutan na ng developer na i-update ang larong ito dahil madalas nang magkaroon ng bugging sa Defender III at ang mas nakakadismaya ay kapag narating mo na ang lampas 300 rounds sa Stage mode at nabuksan mo na rin ang natitirang game mode, hindi na tuluyang nabubuksan ang larong ito.

Konklusyon

Maituturing na sanang “to die for” ang larong ito kung hindi lamang pinabayaan ng game developer ang larong ito. Sakali namang magkaroon ng update ang larong ito, paniguradong dudumugin pa ng mga manlalaro itong Defender III at tiyak na mas marami pang maitatalang downloads ang larong ito.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...