DIY Joystick Review

Huwag sayangin ang iyong talento! Simulan na ang iyong kauna-unahang DIY Joystick na negosyo at tumanggap ng mga controller mula sa mga sikat na kliyente! Hayaang palawakin ang iyong imahinasyon at tuklasin ang iyong tunay na talento sa sining. Tutulungan ka ng DIY Joystick na gamitin ang iyong mga kasanayan sa pamamagitan ng paggamit ng mga makukulay na spray paint, magkakaibang disenyo ng mga pattern, at iba pang paraan ng pag-customize. May kalayaan kang pumili ng sarili mong pamamaraan sa pagdidisenyo. Gumawa ng pinaka-astig na Playstation joystick at controller na ngayon lang nila makikita! Kunin na ang smartphone at maghanda upang laruin ang nakakaaliw na larong ito!

Ano ang Layunin ng Laro?

Ang pangunahing layunin ng laro ay magdisenyo ng nasa uso at makabagong PS4 controller, gamepad, o Nintendo Switch para sa iyong mga kliyente. Maaari mong subukan ang iba’t ibang paraan katulad na lamang ng paggamit ng spray paint, stencil painting, magagandang sticker, at marble dipping method! Ang kailangan mo lang gawin ay maging malikhain at hayaan ang iyong imahinasyon na magkaroon ng mga kakaibang ideya. Maaari mong ibase ang disenyo ng kanilang mga controllers sa pamamagitan ng pagpili ng mga pattern na tumutugma sa kanilang mga personalidad o kasuotan!

Paano Ito Laruin?

Tutulungan ka ng DIY Joystick na subukan ang iyong imahinasyon pagdating sa pag-customize ng iba’t ibang controller, gamepad, o switch. Bibigyan ka ng opsyong ayusin o pagandahin ang controller sa iba’t ibang paraan gamit ang iba’t ibang klase ng sticker at nauusong pattern! Narito ang mga pangunahing hakbang na dapat mong malaman upang makapagsimula:

  1. I-tap ang button na “accept” o “next client” para tanggapin o tanggihan ang customer.
  2. Unang hakbang ay linisin ang controller.
  3. Ang susunod ay pipili ka ng paraan kung anong klaseng istilo ng pagdidisenyo ang nais mo. Maaari mong gamitin ang alinman sa mga sumusunod na pamamaraan: stencil, hydro dripping, sticker, o marble.
  4. Pagkatapos ay pipili ka ng mga pattern, disenyo, kulay, o sticker na ilalapat sa controller.
  5. Ang susunod na hakbang ay ang pagpili ng disenyo ng button para sa controller.
  6. Sa wakas, tapos ka na! Maaari mo na ngayon ibalik at ipakita sa customer ang bagong itsura ng kanyang controller.

Ganyan kadaling laruin ang DIY Joystick. Walang kahirap-hirap; kailangan mo lang mapabilib ang iyong mga customer sa pamamagitan ng iyong magandang serbisyo. Maaari mong i-unlock ang mga karagdagang feature gamit ang pera at mga susi na makukuha mo mula sa mga customer. Sikapin mong bumili ng mga bagong disenyo o layout, at sticker upang marami kang magpagpipilian. 

Paano I-download ang Laro?

Ang mga kinakailangan para matagumpay na ma-download ang DIY Joystick sa Android devices ay dapat Android 6.0 o mas mataas pang bersyon ang gamit. Para sa iOS users naman, makukuha ito gamit ang iPhone 6s o mas mataas na iOS sa 12.0. Ang makukuhang space ng app para sa Android ay 127 MB at 218.7 MB naman para sa iOS.

Maaari ring i-click ang mga link sa ibaba upang mag-download:

Download DIY Joystick on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.opszzy.sl097

Download DIY Joystick on iOS https://apps.apple.com/us/app/diy-joystick/id1603173408

Download DIY Joystick on PC https://www.bluestacks.com/apps/simulation/diy-joystick-on-pc.html

Hakbang sa Paggawa ng Account sa DIY Joystick

  1. Hanapin ang anumang app store na makikita sa inyong mga device.
  2. Hanapin ang bersyon ng larong DIY Joystick. Pagkatapos ay i-download at i-install ito.
  3. Buksan ang app at direktang dadalhin ka nito sa laro. Hindi na kailangang i-link ang laro sa anumang mga account. Sa oras na inalis na ito sa mga device, hindi na masi-save ang progress ng laro.
  4. Maaari mo na ngayong umpisahan ang paglalaro ng DIY Joystick!

Tips at Tricks sa paglalaro ng DIY Joystick 

Ang laro ay sobrang dali at simple lamang. Gayunpaman, ang Laro Reviews ay gumawa pa rin ng listahan ng mga ideya kung paano mo mapapahanga ang iyong mga customer at kumita ng mas maraming pera. Patuloy lang na basahin ang artikulong ito para malaman mo!

  1. May ilang customer na kinakailangang manood ka muna ng advertisement bago tanggapin ang kanilang mga controller. Maaari mo silang tanggihan at tanggapin ang susunod na customer kung ayaw mong maabala sa paglalaro.
  2. Laruin ito nang walang Wi-Fi para maiwasan ang mga advertisement na lumalabas sa screen.
  3. Palaging maglaro para makakuha ng mga reward at ma-unlock ang mga bagong feature.
  4. Maaari kang manood ng mga advertisement para makakuha ng mas maraming reward at makakuha ng iba pang mga disenyo, sticker, at iba pa.
  5. Maaliw ka lang sa pag-customize ng iba’t ibang controllers. Ang paglalaro nito ay hindi nagdudulot ng anumang stress. Wala kang anumang disenyo na kailangang sundin. Walang limitasyon pagdating sa pagiging malikhain!

Pros at Cons sa Paglalaro ng DIY Joystick 

Sa larong DIY Joystick, maranasan mo ang gamitin ang iyong talento sa pagiging malikhain sa malayang pamamaraan. Lubos na humanga ang Laro Reviews sa simpleng mekaniks ng larong ito na nagbibigay sa mga manlalaro ng maraming libangan at walang limitasyong saya sa paglalaro. Ang mga disenyo o layout ay natatanging nilikha, na nagbibigay sa iyo ng maraming mapagpipilian upang lumikha ng iyong sariling personal na istilo. Ito ay kasiya-siya dahil hindi mo kailangang matugunan ang anumang partikular na disenyo o kagustuhan ng customer. Maaari mo ring piliin kung gusto mong tanggapin o tanggihan ang isang customer.

Isa sa magandang bahagi nito ay maaari itong laruin nang offline. Sa katunayan para maiwasan ang mga nakakainis at nakakaabalang advertisement, kinailangan naming mag-disconnect sa Wi-Fi o laruin ang laro nang walang internet na koneksyon. Kung mayroon kang isang customer na nangangailangan munang manood ng advertisement upang tanggapin ang kanilang controller, tanggihan lamang ang mga ito at kunin na lamang ang susunod na customer. Bilang resulta, hindi mo na kailangang manood ng mga nakakaabalang advertisement habang naglalaro. Maaaring makatulong ang mga advertisement sa ilang sitwasyon, gaya ng pagkuha at pag-unlock ng iba pang mga feature. Maaari kang makakuha ng mga bagong sticker, button, at disenyo nang libre kung tatapusin mo ang panonood ng mga advertisement.

Syempre, walang perpektong laro. Natuklasan namin ang ilang mga kakulangan o problema sa larong ito. Medyo hindi komportable kapag paulit-ulit na lumalabas ang mga advertisement. Lumalabas na lamang bigla ang mga ito anumang oras at sobrang dalas lalo na kapag nakakonekta ka sa internet. Iyon ang dahilan kung bakit lubos naming inirerekomenda na idiskonekta ang iyong device mula sa Wi-Fi upang maiwasan itong lumabas. Ito ay lubos na nakakaabala para sa mga manlalaro sa gitna ng kanilang paglalaro. Dapat isipin ng mga developer na maglagay ng mga mini-game para sa karagdagang entertainment. Maaaring mainip ang mga manlalaro habang nagtatagal sila sa paglalaro nito. Ang proseso ng pag-customize ay paulit-ulit at karamihan sa mga feature ay maaaring makuha lamang sa pamamagitan ng panonood ng mga advertisement.

Konklusyon

Sa pangkalahatan, ang DIY Joystick ay isang napakahusay na time-killer app na perpekto para mahasa ang iyong malikhaing isip na ipahayag ang mga ideya nito para sa pag-customize ng iba’t ibang controllers. Naglalaman ito ng magagandang sticker at iba’t ibang disenyo na maaaring ilapat gamit ang iba’t ibang paraan o method, tulad ng spray paint, stencil painting, cool na sticker, at marble dipping!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...