Dragon Hunters: Heroes Legend Review

Kung hindi ka pa nakapaglaro ng RPG o nahihirapan kang intindihin ang mekanismo nito, para sa iyo itong laro. Ang Dragon Hunters: Heroes Legend ay isang online na larong ginawa ng TTHmobi at mayroong itong napakasimpleng mechanics. Kung handa ka nang maglakbay, halika at kilalanin natin itong laro rito sa artikulong ginawa ng Laro Reviews.

Ang Tampok ng Laro

Napakadali lang nitong laruin. Kailangan mo lang tapusin at kumpletuhin ang mga task at quest na ibibigay sa’yo. Hindi nakakalito ang paghahanap ng mga objective dahil mayroong itong auto path-finding feature. Ibig sabihin, kusang maglalakad ang iyong character kapag pinindot mo ang quest. Simple lang din ang setup ng mga control, upang gumalaw pakaliwa, pakanan, paatras at paabante, i-swipe lang ang screen. Ang mga skill at attack button ay makikita lamang sa kanang bahagi ng screen. Napakasimple lang, hindi ba? Sigurado akong makakabisado mo itong laro sa lalong madaling panahon.

Ngayon ay talakayin naman natin ang pinakamagandang katangian nitong laro, ang mga character. Mayroong itong apat na pangunahing mga character na maaari mong pagpilian nang naaayon sa iyong istilo ng gameplay. Ito ay ang warrior, priest, rangers at hunters. Maaari ka ring magkaroon ng cute na pets tulad ng bluish parrot, icy bear at fire wyvern na makukuha sa star island. Huwag mag-alala kung nahihirapan kang mag-level up dahil mayroong itong mentor-disciple feature na kung saan ay maaari kang magkaroon ng mentor at makatanggap ng exclusive na task at quest na magbibigay sa’yo ng malaking EXP points. Tandaang maaaring madagdagan ang iyong mga quest kung mayroong special event na isasagawa ang laro kaya tiyaking updated sa mga balita tungkol sa laro.

Paano i-download ang Dragon Hunters: Heroes Legend?

Hindi mo na kailangang gumawa ng login accounts upang makapagsimulang maglaro nito, ngunit kung nais mong hindi mawala ang development record ng iyong laro, mas mainam na i-bind ang iyong Facebook o Gmail account. Para i-download ito sa Android, buksan ang iyong Google Play Store app at pagkatapos ay i-type sa search bar ang pangalan nitong laro at i-click ang Install button. Pareho lamang ang proseso sa pagda-download nito para sa iOS ngunit sa halip na Google Play Store ay maaari mo itong i-download mula sa App Store. Para naman sa PC, i-download at i-install muna ang Bluestacks emulator pagkatapos ay hanapin itong laro rito at i-click ang Download button. Para sa mas mabilis na pag-access, maaaring i-click ang mga link sa ibaba.

Download Dragon Hunters: Heroes Legend on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.slsm.an.en

Download Dragon Hunters: Heroes Legend on iOS https://apps.apple.com/my/app/dragon-hunters-heroes-legend/id1581941519

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Medyo kumplikado ang RPG lalo na para sa mga baguhan dahil sa napakaraming gawaing kailangang gampanan tulad ng pagtupad ng mga quest at task at ang pinakamahirap na responsibilidad na kailangan mong gampanan ay ang pagpapaunlad ng iyong character. Ngayon ay ibabahagi ng Laro Reviews ang mga mahahalagang bagay na kailangan mong tandaan sa pagsisimulang maglaro nito.

Hero roles – Nabanggit sa itaas na mayroong apat na uri ang character na maaari mong piliin. Ano nga ba ang mga role nitong mga hero at ano ang kanilang kahinaan at kalakasan? Suriin nating mabuti. 

Ang warrior ay isang close-combat character. Mayroong itong malakas na defense at health points ngunit mababa ang kanilang damage per second. Ang pinakamainam at epektibong role para sa warrior ay ang maging frontliner ng team at absorber ng damage na ibibigay ng kalaban. Ang role na ito ay mas kilala sa tawag na Tank. Maaaring gampanan ng priest ang dalawang roles bilang support o DPS depende sa kung paano pinaunlad ng manlalaro ang kanyang character. Halimbawa, kung ang priest ay mayroong maraming healing buffs at debuff skills, mainam na role para rito ay ang maging support ngunit kung mas nakatuon naman ang mga skill nito bilang nagbibigay ng damage skills. Maaaring maging DPS provider ito ng magic damage. Ang ranger naman ay kayang magbigay ng malalaking damage sa pamamagitan ng mabilis na pag-atake ngunit napakababa ng defense points nito at madaling mamatay kaya mainam sa character nito ay maging backliner na DPS provider. Ang hunter naman ay kaya ring magbigay ng malalaking damage sa pamamagitan ng critical damage at mayroon din itong mataas na evasion percent kaya mahihirapan ang kalabang patayin ito ngunit tulad ng ranger, mayroon din itong mababang defense point kaya nararapat lamang sa character na ito ang maging frontliner ngunit nasa likod lamang ng warrior.

Kalamangan at Kahinaan

Napakaganda ng graphics design nitong laro na nasa 3D kaya tiyak na magugustuhan ito ng mga manlalarong pihikan sa pagpili ng mga laro. Nagustuhan ko rin ang auto-attack feature nito at mayroon din itong red flag indicator na kung saan ay makatatanggap ka ng signal kapag magbibitaw ng isang malakas na atake ang kalaban at dahil sa tampok na ito, maaari mong mailagan ang mga paparating na special attacks ng kalaban kung ikaw ay mayroong matalas na pakiramdam at mabilis na reflexes. hindi gaanong kakaiba ang konsepto nitong laro ngunit mapagbigay naman ito pagdating sa rewards dahil maaari kang makakuha ng mga magagandang pet at equipments kahit mababa pa lamang ang iyong level. Tiyak na hindi mo pagsasawaan itong laruin dahil sa dami ng mga quest at task na maaari mong gawin bukod sa main task at quest.

Kung mayroon man akong hindi nagustuhan sa larong ito, ito ay ang napakalaking file size ng laro at dahil dito ay maaaring hindi ito ma-enjoy ng mga manlalarong mayroong mababang specs ng phone. Matakaw din ito sa internet connection kaya hindi mo ito pwedeng laruin gamit ang mobile data dahil mabilis itong mauubos. Medyo pay-to-win din itong laro dahil kapag umabot ka na sa level 60, kakailanganin mo na ng mas malalakas na mga item na mas mahirap hanapin sa level na ito kaya mapipilitan kang bumili ng mga premium item upang makausad nang mas mabilis. Ngunit kahit na ganito, maganda pa rin naman itong laruin dahil kung sisipagan mo ang paghahanap ng mga item at pagda-grind, siguradong makakukuha ka rin ng mga malalakas na item.

Konklusyon

Sa kabuuan, ang laro ay nakatanggap ng star rating na 4.5 sa Google Play Store at 4.7 naman sa App Store. Ito ang pinakamainam na panimulang laro na dapat matutunan ng mga manlalarong gustong pasukin ang mundo ng RPG dahil ang konsepto nito ay halos walang pinag-iba sa ibang RPGs at napaka-user-friendly nito dahil sa auto-attack at auto path-finding features nito. Kaya kung gusto mong subukan ang RPG, i-download na ang Dragon Hunters: Heroes Legend ngayon!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...