European War 6: 1914 – WW1 SLG Review

Ang World War I ay ang isa sa mga digmaan sa kasaysayan ng daigdig kung saan marami ang napaslang at nasawi. Ayon sa tala ng mga historyador, siyam na milyong sundalo ang namatay sa gitna ng labanan at limang milyong sibilyan naman ang namatay sa gutom, sakit, naging biktima ng digmaan at pagpaslang mula sa mga mananakop. 

Ang World War I ay nagsimula noong Hulyo 28, 1914 at natapos noong Nobyembre 11, 1918. Isa ang kontinente ng Europa sa mga nakasama sa madugong digmaang ito. Para sa larong pag-uusapan natin ngayon dito sa Laro Reviews, aalamin natin ang mga detalye tungkol sa larong European War 6: 1914 – WW1 SLG at kung maipapadama ba ng larong ito na isa kang heneral sa gitna ng giyera. 

European War 6: 1914 – WW1 SLG

Ang European War 6: 1914 – WW1 SLG ay isang strategy game kung saan kailangan mong isabuhay ang mga labanan na nangyari noong World War I at American Civil War. Sa larong ito, magsisilbi kang isang commander upang maipanalo mo ang mga digmaan at masakop ang Old World. Kailangan mong gumamit ng military strategy at tactics sa larong ito. 

Ayon sa trailer ng laro, ang European War 6: 1914 – WW1 SLG ay ginawa ng EasyTech bilang pag-alala sa ika-100 na anibersaryo ng World War I. May tatlong game modes ang European War 6: 1914 – WW1 SLG; ang Campaign, Conquest, at Multiplayer. Tatalakayin natin ang game modes nito at iba pang features ng laro. 

Game features ng European War 6: 1914 – WW1 SLG

Ang unang game mode ng European War 6: 1914 – WW1 SLG ay ang Campaign kung saan kailangan mong i-reenact ang mga makasaysayang labanan na nangyari noong World War I at American Civil War. May 150 na laban sa Campaign ng European War 6: 1914 – WW1 SLG at nahahati ito sa sampung kabanata. 

Ang mga kabanatang ito ay ang Civil War, Attack of Eagle, Eastern Front, Decline of the Ottoman, Marine Overlord, Dual Monarchy, European Powder Keg, Balkan Lion, Dawn of Victory, at Rise of Apennines. Sa larong ito, maaari ka ring makakuha ng generals at princesses na makakatulong sa iyong pagsalakay sa mga teritoryo ng kalaban. 

Sa Conquest, may pagkakataon kang mamili ng isang bansa sa isang timeframe noong World War I. Sa mode na ito mo mararamdaman na isa kang namumuno sa isang bansang nasa gitna ng digmaan. Sa game mode na ito, maaari mong pataasin ang iyong national technology, diplomacy, trade, at city buildings gaya ng mga larong Rise of Nations at Civilization. 

Ang mga bansang maaari mong gamitin sa Conquest Mode ay nahahati sa one-star, two-star, at three star countries at lahat ito ay nakadepende sa laki ng bansa at lakas nito. Mas kaunti ang stars, mas mahina ang initial strength. Ang mga manlalarong makakapanalo gamit ang one-star na mga bansa ay magkakaroon ng mas malaking rewards. 

At panghuli, ang Multiplayer Mode. Sa game mode na ito, maaari kang makipaglaro ng 1v1 gamit ang iyong Wi-Fi o Bluetooth para sa iOS users. Sa kasamaang palad, makakapaglaro lang ng multiplayer ang Android users gamit ang Bluetooth. Sa game mode na ito, maaari kang makipagtagisan ng galing gamit ang iba’t ibang mga bansa. 

Saan maaaring i-download ang European War 6: 1914 – WW1 SLG 

Gamitin ang sumusunod na links mula sa Laro Reviews upang mai-download ang laro:

Download European War 6: 1914 – WW1 SLG on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.easytech.android.ew6w

Download European War 6: 1914 – WW1 SLG on iOS https://apps.apple.com/us/app/european-war-6-1914/id1489276662

Download European War 6: 1914 – WW1 SLG on PC https://www.microsoft.com/en-us/p/european-war-6-1914/9msqfcp7w2s3?activetab=pivot:overviewtab

Tips at Tricks para sa European War 6: 1914 – WW1 SLG

Ang flanking ay isang military strategy na hanggang ngayon ay ginagawa. Sa larong European War 6: 1914 – WW1 SLG, ang pag-flank ay isang magandang diskarte rin upang matalo ang mga kalaban. Para gawin ito, maglagay ka ng dalawang units sa magkabilang gilid ng iyong mga kalaban. 

Ang mga heneral ay mahalaga sa European War 6: 1914 – WW1 SLG. Ang pagpuksa sa heneral ng kaaway ay dapat na maging pangunahing layunin kaysa sa pag-ubos ng units. Ang pagpaslang ng mga heneral sa lalong madaling panahon ay magpapababa sa tsansa ng pinsala na maaaring idulot ng mga kalaban sa iyong hukbo at sa ilang mga laban sa Campaign Mode, maaari ring mabawasan nito ang moral ng kalabang hukbo.

At gaya ng totoong digmaan, ang terrain ay isa sa mga pinakamahalagang dapat isaisip kapag bubuo ng strategy. Sa European War 6: 1914 – WW1 SLG, isipin mo kung saan nakapwesto ang iyong mga units dahil maaaring makadagdag o makabawas ito sa kanilang damage. Halimbawa, nababawasan ang pinsala ng cavalry at cannots kapag sila ay nasa kabundukan. 

Pros at Cons ng European War 6: 1914 – WW1 SLG

Ang pinakamagandang katangian ng European War 6: 1914 – WW1 SLG ay ang pagiging historically accurate nito. Mula sa mga kabanata sa Campaign hanggang sa military strategy na kailangan mong gawin upang manalo, masasabi mong ginawa talaga ng developers ng laro ang lahat ng makakaya nila upang mabigyan ng tamang depiksyon ang kasaysayan. 

Pagdating sa graphics, masasabi mong sobrang ganda ng graphics nito sa pangkalahatan. Sa title screen pa lang, halata nang pinagpaguran ang artwork para rito. Oo, medyo basic ang graphics sa mismong gameplay pero bumawi ito sa seleksyon ng mga heneral at prinsesa. Sobrang makatotohanan ng portraits ng mga heneral sa European War 6: 1914 – WW1 SLG. 

Kung lalaruin mo ito, isipin mo na para kang may ginagalaw na chess pieces sa isang malaking mapa ng mundo. Pagkatapos noon, makikita mong binabaril at inaatake ng iyong units ang units ng kalabang bansa. Hindi ko ito pwedeng ikumpara sa game mechanics ng mga larong gaya ng Command and Conquer dahil magkaibang genre naman ito. Subalit, masasabi kong parehas na pakiramdam ang naibibigay ng dalawang larong ito. 

Akala ko ay magiging nakakasawa na ang paglalaro nito kapag nakumpleto na ang Campaign, pero mali ako. Una, sobrang tagal bago mo matapos ang buong Campaign ng laro. At pangalawa, sobrang daming posibilidad sa Conquest at Multiplayer. 

Konklusyon

Kung gusto mo ng isang historically-accurate na turn-based strategy tungkol sa World War I, ang larong European War 6: 1914 – WW1 SLG ang dapat mong masubukan. Sa paglalaro nito, parang ikaw mismo ang sundalong nakikipaglaban sa digmaan. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...