Fashion Universe Review

Pinangarap mo ba minsan na magkaroon ng isang Fashion Empire? Paano ang pagiging isang Fashion Tycoon? Sa larong ito na hatid sa inyo ng Laro Reviews, maaari kang magkaroon ng Fashion Empire at maging isang Fashion Tycoon! Ang Fashion Universe ay isang simulation game na dadalhin ka sa mundo ng fashion at gagawin kang isang fashion expert. Bumuo ng iyong rags to riches tale sa pamamagitan ng pagpapatakbo ng isang maliit na boutique at i-upgrade ang iyong laro ng paunti-unti hanggang sa ikaw ay kumita ng milyon hanggang bilyon-bilyon. I-manage lamang ang iyong sariling boutique at i-develop ito gamit ang mga upgrade, para maisakatuparan ang iyong pangarap na Fashion Empire at maging isang Fashion Tycoon.

Gameplay 

Masyadong basic ang gameplay. Ibenta mo lang ang iyong mga produkto at pagsilbihan ang iyong mga customer. Papasok ang mga customer sa iyong boutique at maglalakad-lakad upang pumili ng mga damit. Kolektahin ang kanilang mga bayad sa cashier pagkatapos nilang kumuha ng mga damit sa rack. Ang bawat rack ay may tamang capacity, kung kaya’t kailangan mong mag-restock. Upang gawin ito, kunin ang mga stock mula sa mga shelf-stacker at ilipat sa mga rack. Siguraduhin na hindi ka mauubusan ng mga stock ng damit para mapanatili ang mga customer. Kung nakapag-ipon ka nang sapat na halaga, maaari mong i-upgrade ang espasyo at bilang ng mga rack ng iyong boutique. Para mabilis, mahusay at mas produktibo mong mapamahalaan ang iyong boutique, maaari kang mag-recruit ng mga tauhan tulad ng cashier at mga assistant upang tumulong sa shop. Bukod dito, maaari mong i-upgrade ang kanilang mga stats, at ikaw rin bilang manager upang dagdagan ang iyong mga katangian, tulad ng bilis at capacity mong mag stock. Ang iyong kita ay ipam-babayad para sa pag-upgrade. Makikita sa susunod na mga level ay ang iba pang mga produkto at upgrades. Maaari mo itong mai-download ng libre o kaya ay mag-avail ng in-app purchase para walang mga ads.

Paano i-download ang Fashion Universe?

Hindi kailangan ng account para maglaro. I-install lamang ito at pagkatapos ay simulan na ang pagpapatakbo ng iyong sariling boutique. Ang Fashion Universe ay available sa parehong iOS at Android o kung ang gamit mo naman ay PC, kailangan mo munang mag-download ng Bluestacks tapos ay i-download ang larong ito sa Bluestacks.

Download Fashion Universe on iOS https://apps.apple.com/us/app/0/id1597104322

Download Fashion Universe on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.hypnocatstudio.fashionuniverse

Download Fashion Universe on PC https://www.bluestacks.com/

Tips at Tricks Para sa mga Baguhan

Kakailanganin ang iyong tiyaga sa paglalaro nito. Ang mga bagay ay kailangang pagsikapan mula sa simula ng laro ngunit, habang umuusad ang laro ito ay nagiging mas madali na lamang itong laruin. Sa simula, kaunti lamang ang mga rack ng damit kaya kailangan mong mag-restock paminsan-minsan para patuloy na dumating at dumagsa ang mga customer. Dagdag pa, ikaw din ang tumatanggap ng mga bayad bilang cashier, ito ay isang magandang tip sa pattern rounds. Bumuo ng ruta na magdadala sa iyo mula sa pick-up station hanggang sa cashier, sa paligid ng mga rack, at pabalik. Magtrabaho at kumilos para hindi masayang ang iyong oras na nakatayo lang. Bagama’t maaari kang mag-upgrade at kumuha ng mga empleyado para sa iyong boutique, mas mainam parin na kusa mong tulungan ang shop upang higit na mas maging produktibo ang iyong negosyo. Gaya ng nabanggit sa itaas, maaari kang mag-recruit ng mga tauhan, iyon ay isang cashier at mga assistant. Ito dapat ang iyong unang i-upgrade. Ang isang cashier ay malaki ang maitutulong dahil ito ang papalit sa iyo upang kumolekta ng pera nang sa ganun ay maigugol mo ang iyong panahon para pagsilbihan ang mga customer. Para makatulong na matiyak na laging may available na damit, magdagdag ng mga karagdagang shelf-stacker. Gayundin, huwag kalimutan na i-upgrade ang iyong mga empleyado. Ang pag-upgrade sa mga ito ay makakatulong upang sila ay maging mas produktibo at mas mabilis kumilos. Bukod dito, tantyahin ang mga kakailanganin mong rack at magdagdag lamang kung kinakailangan. Ito ay kung makikita mo ang iyong character na may bitbit na sandamakmak na mga kamisetang hindi na kasya sa iyong boutique. Nakakatuksong bumili ng mga racks sa sandaling marami-rami na ang iyong kinikita, subalit kailangan mong maging wais. Bilhin lamang ang mga racks kapag kinakailangan, ipunin ang iyong pera at siguraduhin ang mga kailangan ay ma-upgrade.

Ang isa pang tip ay ang pagsubaybay sa mga tips mula sa mga customers. Makakarating ka sa isang level kung saan pumapasok ang mga VIP na customer sa iyong boutique. Mag-iiwan sila ng mga tambak na pera bilang tip pagkatapos mamili. Karaniwan, ang mga ito ay dolyar-dolyar ang halaga. Lubos na mapapakinabangan ito upang magamit para sa isang malakihang pag-upgrade. Dagdag pa, malaking tulong ang mga video upang patuloy na makapag-upgrade nang hindi gumagastos ng pera. Para sa tuloy-tuloy na pag-upgrade ng mga stats, kailangan mong manood ng mga videos paminsan-minsan. May mga pagkakataong maraming mga alternatibong video na magagamit sa pag-upgrade ng mga stats, ngunit kailangan mo lamang panoorin nang paisa-isa para ang ibang videos ay magamit sa pag-upgrade ng iba pang mga stats.

Pros at Cons

Nakakaaliw ang  larong ito dahil magkakaroon ka ng ideya kung paano ang pagpapatakbo ng negosyo habang naglalaro. Mararanasan mo at makakagawa ka ng mga diskarte at pamamaraan na kailangan sa pagpapalago ng iyong negosyo sa laro, na maaari mong mai-apply sa totoong buhay. Nakakaadik din ito dahil habang tumataas ang level, tumitindi ang mga challenges at susubukin ang iyong kahusayan at kaalaman sa mga business strategies. Aabutin ng oras sa pag level-up kaya’t kailangan mong punan ang iyong oras sa ibang bagay sa halip na walang gagawin. Ginagawa nitong nakakahumaling ang laro sapagkat kailangan mong maglaro nang husto para dumaloy ang pera. Bukod dito, ang simpleng graphics ay nagpapagaan sa laro, at ang laro mismo ay napakadaling laruin na hindi mo na kailangan ng tutorial. Sa kasamaang palad, ito ay puno ng maraming mga ads, tulad ng hindi ka makakapaglaro nang wala pang isang minuto na walang lumalabas na ads. At, kahit na binayaran mo ito para maglaro nang walang sagabal, kailangan mo pa ring manood ng ilang mga ad para mas makausad sa laro. Isa pa, hindi tulad ng ina-advertise, hindi mo talaga madidisenyuhan ang mga damit na ibinebenta mo, pati narin ang mga dekorasyon sa iyong boutique at ang iyong boutique ay mananatiling puno ng mga dilaw na kamiseta. Gayundin, pare-pareho lamang ang itsura ng iyong mga customer sa bawat level. Para silang mga clone na nag-spam sa iyong boutique. Isa pa, hindi mo mababago ang taong nilalaro mo at ang pananamit nito. Hindi ba kabalintunaan para sa isang fashion tycoon na hindi magpalit ng damit? Isa pa, sa kabila ng pagiging isang perpektong laro kapag nagpapalipas ng oras, hindi mo maaaring laruin ang larong ito offline.

Konklusyon

Sa pangkalahatan, ito ay maayos at nakakalibang na laro. Ito ay angkop kapag wala kang ginagawa ngunit dahil ito ay nakakahumaling, mapapansin mo na lamang na mas gumugugol ka ng maraming panahon sa paglalaro sa halip na mag-palipas oras lamang. Minsan, magsasawa ka dahil sa paulit-ulit lang ang mga gagawin mo sa laro. Idagdag pa rito ang maraming mga ads na biglang sumusulpot kapag ika’y naglalaro. Gayunpaman, ito ay sapat na nakakaaliw upang panatilihin mong abala ang iyong sarili sa larong ito. Ang artikulong ito na hatid sa iyo ng Laro Reviews, ay nagsasabing akma sayo kung ikaw ay mahilig sa mga simulation games. Kaya, i-download ang Fashion Universe at simulan ang paglikha ng iyong sariling Fashion Empire!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...