Forest Knight Review

Ang Forest Knight ay isang turn-based strategy mobile game na nilikha ng game developer na Chrono Games. Sa larong ito, ang mga manlalaro ay bubuo ng kanilang sariling mga koponan upang sumabak sa isang paglalakbay sa mundo ng RPG fantasy. Sa karagdagan, ang larong ito ay sinasabing nagtatampok din ng Non-Fungible Token (NFT) isang digital asset na encrypted at verified ng BlockChain Technology kung saan maaari itong gamitin upang i-equip ang iyong mga ginagamit na hero, o makipag-trade sa ibang mga manlalaro at posibleng kumita sa tulong ng NFT tokens.

Pagkatapos mapalabas ang Forest Knight cutscene, agad kang mapupunta sa isang battlefield kung saan mo makikilala ang iyong unang hero na si Brish na kilala rin sa tawag na Forest Knight. Ang bawat hero mo ay mayroong health bar at mana bar sa itaas ng kanilang mga ulo. Ang kulay berde ay nangangahulugan ng health bar at ang kulay asul naman ay para sa mana bar. Sa karagdagan, ang unang misyon mo sa laro ay kalabanin at paslangin ang kalabang barbarian. Kailangan mo munang i-tap ang iyong hero para gumalaw ito papunta sa kinaroroonan ng kalaban at dahil ang hawak na sandata ni Brish ay isang espada, kailangan niyang makapunta sa pinakamalapit na distansya mula sa kalaban. Subalit kagaya ng iyong hero, may kakayahan rin ang iyong kalaban na mag- strike back at kung sino ang mauunang maubusan ng life bar ay siyang matatalo.

Bukod sa tulong ng mga sandata ng iyong hero, bawat isa rin sa kanila ay mayroong itinatagong abilidad na magagamit mo lamang sa oras na mapuno ang mana bar. Upang maipalabas ang ultimate ability ng isang hero, kailangan mo lamang pindutin ang kanyang icon upang ma-activate ang kanyang kapangyarihan. Sakali naman na matapos mo na ang tutorial fight ng laro, makakatanggap ka ng iba’t ibang resources at makakausad ka na sa next level.

Ang basic resources naman na maaari mong makuha sa laro ay ang mga sumusunod: Gems, Runes, Gold at Food. Ang gems ay itinuturing na premium currency sa laro na magagamit upang makabili ng equipment, ang runes ay ginagamit upang i-level up ang mga hero, ang gold ay ginagamit upang i-upgrade ang mga hero, bumili ng mga item sa laro at iba pa, habang ang Food naman ay nagsisilbing regenerative resource kapag naglalaro sa adventure mode ng laro.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Sa paglalaro sa Arena, awtomatikong maghahanap ang Find Opponent button na iyong equal rank upang iyong maging katunggali. Tandaan na pwede mong suriin dito ang iyong team formation at baguhin ito kapag sa tingin mo ay hindi ay magiging dehado ang iyong mga hero sa kanilang makakatapat na mga kalaban. Maaari ka ring maghanap, mag-upgrade, o bumili ng iyong mga hero sa Travern at dito rin mahahanap ang statistics ng iyong mga hero kagaya ng kanilang attack, defense, at health. Kaya naman mahalaga na mabisita mo itong feature ng laro upang kayang matapatan ng iyong mga hero ang mga malalakas na kalaban. Sa pag-upgrade naman ng mga hero, kakailanganin mo ang dalawa sa basic resources: ang rune at gold upang pataasin ang kanilang stat at i-level up ang kanilang mga ability.

Ang Adventure Mode naman ng laro ay binubuo ng anim na stages na mayroong 11 misyon bawat isa kung saan sa panghuling misyon ay makakaharap mo ang napakahirap na patumbahin na mga boss ng kaaway. Subalit kagaya nga ng lagi nating naririnig, “high risk, high rewards,” kaya sa halip na panghinaan ng loob, isipin mo na lamang ang limpak-limpak na loot na iyong makukuha. Mas mainam na gamitin mo ang pinaka-malalakas mong mga hero upang makaya nilang paslangin ang boss.

Ang bilang ng natitira mong hero bawat labanan ay siya ring sukatan kung gaano karaming stars ang iyong makukuha. Makakakuha ka ng tatlong stars kapag naka-survive ang tatlo mong heroes, dalawang stars kapag naka-survive ang dalawa mong hero at isang star naman kung isa lang din ang natira sa iyong tatlong heroes na isinabak sa labanan.

Isa pa sa PvE mode ng laro ay tinatawag na Mines kung saan ang labanan dito ay walang katapusan at laging nare-reset tuwing linggo. Kung ikukumpara ito sa Adventure, masasabi ng Laro Reviews na higit na mas mahirap ang mga hamon sa game mode na ito kaya kailangan mo talaga ang tulong ng iyong equipped heroes para magawa mong mag-level up.

Bawat hero mo ay may iba’t ibang range of movement. Ang mga pangkaraniwang hero ay may kakayahan lamang na lumakad ng hanggang sa dalawang tiles, ngunit ang mas upgraded naman ay kayang lumakad ng hanggang sa tatlong tiles. Gayundin, mayroong pagkakaiba sa attack ranges ng iyong mga hero. Ang iyong mga Melee ay dapat na itapat katabi mismo ng kalaban, subalit ang mga ranger naman at caster ay may kakayahang umatake kahit pa mula sa malayo. Ngunit kung ikukumpara ang Melee sa ranger at casters, higit namang mas mataas ang defense stat nito.

Huwag din kalimutan na i-upgrade ang weapons ng iyong mga hero dahil malaki ang tulong na naibibigay nila upang magbigay pinsala sa mga kalaban lalo na at ang iba sa mga weapon ay nagtataglay ng healing, poison, mana at iba pa.

Sa karagdagan, nahahati rin sa apat na kategorya ang iyong mga hero. Una ang tinatawag na support heroes na may kakayahang lumikha ng utility spells sa mga kalaban. Pangalawa, ang Damage Dealer Heroes na itinuturing na pinakamalakas sa lahat ng uri ng heroes. Pangatlo, ang Hybrid Heroes na nabubuo gamit ang pag-combine sa dalawang uri ng hero. Ang pang-apat at panghuli naman ay tinatawag na Tank Heroes na mayroong pinakamaraming health pool at nagsisilbi ring shield ng lahat ng mga hero.

Sa karagdagan, mayroon ding tinatawag na Fungible Tokens (FT) at Non-Fungible tokens (NFT) sa larong ito. Ang FT ay mga common items sa laro, samantalang ang NFT naman ay itinuturing na Unique at walang mga katulad kaya itinuturing din silang valuable items na kadalasan ay makikita sa skin, weapon at accessory items

Saan maaaring i-download ang Laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user. I-download naman ang laro sa GameLoop para malaro ito sa PC. Samantala, hindi pa available ang larong ito para sa mga iOS user. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Forest Knight on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.ChronoGames.Forest.Knight

Download Forest Knight on PC https://www.gameloop.com/game/strategy/com.ChronoGames.Forest.Knight

Mga Feature ng Laro

  • Arena – Ito ang nagsisilbing PvP game mode ng Forest Knight kung saan makikipagtunggali ka sa ibang players para sa ranking points at mga treasure chest.
  • Underworld – Ang bagong game mode namang ito ay nagtatampok ng isang custom puzzle scenarios kung saan sasabak sa mga laban ang iyong knights. Isa rin itong PvE na ang mga game level ay ma-a-unlock lamang gamit ang Orbs na makukuha sa Arena Chests.
  • Town Shop – Dito ka naman makakabili ng mga skin, o iba pang skins, maging ng mga NFTs para gawing mas malakas ang iyong mga hero.
  • Town Quest – Kilala rin sa tawag na Guildhall, ito ay isa sa mga feature ng laro kung saan maaaring gawin ng mga manlalaro ang daily quest para makatanggap ng mga reward.

Pros at Cons ng Laro

Kung walang katapusang aksyon ang hinahanap mo sa isang laro, walang pag-aalinlangan na nirerekomenda ng Laro Reviews ang Forest Knight para sa iyo. Walang duda na magugustuhan mo ang mga itinatampok na game modes sa larong ito partikular na sa Mining kung saan tunay na masusubok ang iyong galing sa larangan ng RPG. Hindi ka rin bibiguin ng laro pagdating sa gameplay nito lalo pa na ang bawat game mode ay ay nagtatampok ng iba’t ibang hamon at karanasan para sa mga manlalaro.

Pagdating naman sa graphics ng laro, hindi rin pwedeng ipagkaila ang katotohanan na sobrang ganda at pulido ng bawat detalye na makikita mo sa screen ng iyong device na paniguradong hindi mo mapipigilan ang iyong sarili na humanga sa mga power-ups activation ng mga hero, maging sa kanilang mga gear at costumes na sinusuot. Gayundin, isa pa sa magandang katangian ng laro ay wala itong pop-ads kahit pa naglalaro ka ng online at higit sa lahat hindi rin problema ang glitching, bugging, o lagging sa laro kaya naman mas nakakadagdag gana ito sa paglalaro.

Sa kabilang banda, masasabi rin ng Laro Reviews na malayo pa sa pagiging perpekto itong laro sapagkat hanggang sa ngayon, marami pang bagay na dapat i-update at i-upgrade sa laro, kagaya na lamang ng karagdagang game modes, mas maraming NFT items, karagdagang heroes na pagpipilian at special abilities para sa mga hero.

Konklusyon

Marahil kagaya ng karamihan, ang tanging habol mo lamang sa Forest Knight ay ang makakuha ng NFT upang ipagbili sa ibang manlalaro, o i-trade, ngunit lubos na naniniwala ang Laro Reviews na kapag nasimulan mo na ang paglalaro ng Forest Knight, imposibleng hindi mo magugustuhan ang laro, lalo pa na bukod sa paglalaro sa mga game mode, marami ka pang pwedeng gawin sa larong ito.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...