Frostborn: Action RPG Review

Marahil hindi na bago sa iyong pandinig ang survival games. Malaki rin ang posibilidad na maaaring ang ilan sa mga halimbawa nito ay nabasa mo na sa internet, o nakita mo na sa iba’t ibang social media platform, o kaya naman baka ay na-download at nalaro mo na mula sa mga app market. Ang isa sa mga halimbawa nito ay ang Frostborn: Action RPG. Kung nalaro mo na, kumusta naman ang iyong naging karanasan? O baka isa ka sa mga hindi pa pamilyar sa Frostborn: Action RPG, at ni minsan ay hindi pa nasubukang laruin ang mga kagaya nito? 

Tulad ng una kong nabanggit, ang Frostborn: Action RPG ay isang survival game na ang developer ay ang Kefir studio na siya ring creator ng unang bersyon ng larong ito na Last Day on Earth. Ang Frostborn: Action RPG ay may isang layunin sa umpisa ng laro – ang mapanatiling buhay ang gaming character sa gitna ng nararanasang lamig sa paligid at gutom sa paglalakbay at habang kasabay nito ay pangongolekta ng mga bato, bakal, sanga, balat, karne, prutas, at iba pang mga bagay-bagay upang mabuhay at makabuo ng mga kagamitan tulad ng work tables, axes, backpacks, at marami pang iba. Subalit habang patagal ng patagal at pataas ng pataas ang level ng iyong laro, lalong humihirap ang mga challenge na iyong makakaharap. Kailangan mong depensahan ang iyong base camp mula sa mga atake ng mga malalakas na kalaban, at tungkulin mo bilang isang Viking character na huwag hayaang masira, maagaw, o maangkin ng mga raider player ang iyong sariling teritoryo. 

Bukod sa mga nabanggit sa itaas, ang Frostborn: Action RPG ay isang adventure role-playing game na kung saan bibigyan ka ng pagkakataon na makapag-pasya kung gusto mong maglaro ng mag-isa o mas pipiliin mong may iba ka pang manlalarong kasama upang bumuo ng malakas na alyansa na handang magsugal ng buhay para manalo. Kaya naman kung ito ay nagbibigay ng interes sayo ngayon, ihanda na ang iyong sarili para sa isang adventure tungo sa pagiging ganap na magaling na Viking, at nang maitala ang iyong pangalan sa kasaysayan ng Scandinavia, sa mundo ng Frostborn. 

Paano laruin ang Frostborn: Action RPG?

  • Pagtibayin at palakasin pa ang pundasyon ng iyong Defense Base, at protektahan ito mula sa mga raider player.
  • Labanan at sugpuin ang mga zombie enemy at iba pang kalaban na makakaharap mo sa gitna ng paglalaro.
  • Bumuo ng panibagong alyansa at kaharian para sa mga Viking na tulad mo, at ito ay magagawa sa pamamagitan ng pangongolekta ng mga kakailanganing kagamitan na makikita sa laro tulad ng mga bato at kahoy.

Features ng Frostborn: Action RPG

Malupitang graphics at animation – Tatlong palakpak para sa kamangha-manghang graphics ng Frostborn: Action RPG na isa sa mga pinakamagandang feature ng naturang laro. Mula sa mga gaming character o class, mga hayop, mga lawa, puno, bahay at iba pa, mistulang perpektong mga clone ito mula sa totoong mundo. Sa katunayan, kung izo-zoom in mo ang larong ito, makikita mo na high definition (HD) ang graphics ng bawat detalye sa laro.

Walang iwanan, hindi ka nag-iisa – Dahil ang larong ito ay isang cooperative survival game, bibigyan ka ng pagkakataon para makipag-team up sa iba pang mga Vikings sa larong ito upang makatulong mo sa pagbubuo ng matibay, malakas, at matatag na base camp at maging kasangga para harapin ang mga kalabang nasa panig ng kasamaan at kalabanin ang sinumang magtatangkang sirain at sakupin ang iyong distrito, kapital, o teritoryo.

Nasa sa iyo ang desisyon – Tulad ng ibang mga survival game, ang larong ito ay may feature na “Character Creation” na kung saan ay may kalayaan kang pumili ng nais mong character. Maaari mong makontrol ang appearance ng iyong gaming character tulad ng pagbibigay atensyon sa iyong gender preference, skin color, hairstyle, hair color, at beard style. Gusto mo ba ‘yung gaming character na may mabibigat na armor at magandang ipangtapat para sa harap-harapang labanan? Pwes! Pumili ka kung sino kina Protector, Berserk o Thrasher ang gusto mo. Kung wala sa kanila, dahil ang gusto mo ay iyong character na mas magaling umatake mula sa malayo. Nariyan sina Pathfinder, Sharpshooter, o Hunter na laging handa at kung wala pa rin, nariyan din sina Bandit, Robber, o Assassin na may mga angking galing sa pagtatago at pag-atake ng palihim.

Saan maaaring i-download ang laro?

Maaari mong magamit ang sumusunod na links upang masimulan ang paglalaro:

Download Frostborn: Action RPG on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=valhalla.survival.craft.z&hl=en_US&gl=US

Download Frostborn: Action RPG on iOS https://apps.apple.com/us/app/frostborn-coop-survival/id1477237220

Frostborn: Action RPG on PC https://now.gg/apps/kefir/3265/frostborn-action-rpg.html

Pros at Cons ng Frostborn: Action RPG

Siguradong hindi rin maitatanggi ng mga manlalaro ng Frostborn: Action RPG ang ganda at lupit ng graphics ng laro na sadyang lutang na lutang sa screen. Hindi rin binigo ng Kefir Developer ang mga manlalaro nito sa pambihirang ganda at ayos ng gaming controls ng Frostborn: Action RPG. Tunay na madaling gamitin ang mga ito.

Sa kabilang banda, masasabi ng Laro Reviews na ang Frostborn: Action RPG ay mayroon ding mga problemang dapat bigyang solusyon. Mayroong mga pagkakataon na nakakaranas ng bug o lag issues na kadalasan ay nagreresulta ng pagkatalo at pagkamatay ng gaming character. Ganoon din sa kung paano madalas na hindi nababasa ang mga text o chat ng lider sa sinalihang clan. Kung dumating man ay delayed na kahit malakas ang gamit na internet connection at mataas pa ang phone storage. Kapansin-pansin din na ang mga item ay bigla-bigla na lamang nawawala nang walang dahilan, o kaya naman ay ‘yung mga weapon ang nawawala kapag nag-repair sa distrito. Panghuli, sa mga hindi magandang katangian ng larong Frostborn: Action RPG ay ang hindi pantay na matching ng mga player at kalaban. Mayroon mga sitwasyon na makakalaban mo ang mga high level players, samantalang ikaw ay newbie, o beginner player pa lamang. Isa itong maituturing na unfair battle kung saan kahit maliit na tsansa ay wala ka upang magawang matalo ang mga malalakas na players sa laro.

Konklusyon

Gayunpaman, ang larong Frostborn: Action RPG ay isa pa rin sa mga mairerekomenda ng Laro Reviews sa mga survival game na dapat mong subukang laruin. Hindi matatawaran ang ganda ng features ng larong ito, lalo na sa usaping graphics, character customization at multiplayer mode. Bukod pa rito ay isa itong free adventure game na may pagkakataon kang ma-unlock ang mga new character or class sa pamamagitan ng paglalaro lamang nito. Maaaring maranasan ang lag issue, subalit ang ganitong problema ay hindi na rin bago sa atin. Ang kailangan ay magbaon ng pasensya, kung sakali mang makaranas nito. Para naman maipanalo ang mga laro, kailangan ay laging handa ka sa mga kalaban na mas malalakas at mas makapangyarihan, kaya kung nais mong subukan ang iyong galing at talino sa mapanghamong larong ito, huwag ng magsayang pa ng oras at panahon dahil baka ikaw na ang hinihintay sa mundo ng Frostborn upang tanghaling pinakamagaling na Viking sa buong kasaysayan nito.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...