​​Hidden Hotel: Miami Mystery Review

Magsisimula ang laro sa pagpapasiya mong muling buksan ang hotel ng iyong lolo. Ngunit nakapagtataka sapagkat sinabi rito na hindi ito isang ordinaryong hotel. Ano kaya ang ibig sabihin nito? Alamin sa article na itong mula sa Laro Reviews.

Ang Hidden Hotel: Miami Mystery ay isang puzzle adventure game na nilikha ng WhaleApp. Ito ay kumbinasyon ng search, detective, hotel, at design games kaya naman marami kang pwedeng ma-enjoy sa paglalaro nito. Bilang manlalaro, ikaw ang magsisilbing tagapagmana ng minsan nang kinilala bilang natatanging hotel. Gayunpaman, naging mahina na ang pundasyon ng hotel dahil sa tagal ng panahon. Kaya naman para maipagpatuloy ang pagpapatakbo nito, tungkulin mong maiayos ito sa lalong madaling panahon. Maaari mo itong magawa sa pamamagitan ng paghahanap ng hidden objects sa laro. Ipamalas ang iyong talento sa pagde-decorate ng lumang hotel at pagandahin ito para ibalik ang dati nitong ganda.

Features ng Hidden Hotel: Miami Mystery 

Various Search Modes – Marami kang pwedeng ma-enjoy sa paglalaro nito, sapagkat parte rito ang iba’t ibang mysterious hidden object, seek, at find modes, katulad ng word search, cobweb, silhouette, reverse words, spot the difference, at coins. 

Decorate Your Hotel – Kaakibat ng pagiging tagapagmana mo ng hotel, tungkulin mong ayusin at muling pagandahin ito. Maaari mong ibalik ang 1970s style ng interior nito o kaya nama’y pumili ng modern o classic na disenyo. Gumawa ng sariling style at piliin ang disenyo sa bawat lokasyon batay sa iyong kagustuhan. 

Interesting Storyline – Tunghayan ang nakakaakit na istorya ng laro. Sundan ang kwento sa likod ng hotel na iyong mamanahin mula sa iyong lolo. Alamin kung bakit ito itinuring na nakakatakot ng ibang tao. Habang patuloy ang nagiging progress mo rito, iba’t ibang clues ang iyong madidiskubre tungkol sa nakaraan ng hotel, tulad ng mga kwento ng dating guests nito.

Gameplay ng Hidden Hotel: Miami Mystery 

Kailangan mong hanapin ang items na nakalista sa lokasyon. Makikita ang listahan ng kailangan mong hanapin sa ibaba ng screen. Para makita ang mga gamit sa lokasyon nang mas maayos, i-zoom in lang ito sa pamamagitan ng pag-pinch ng screen gamit ang dalawang daliri.

Buksan ang iyong Tablet na nasa kaliwang ibaba ng screen. Dito mo makikita ang iyong to-do list sa laro. Pindutin lang ang partikular na task na iyon upang malaro ito. Tandaang kailangan mo ng star para magawa ang mga ito. Makikita naman sa bawat task kung ilang stars ang kailangan nito. Maaari kang makakuha ng stars sa paglalaro ng Hidden Object scene kung saan ang rewards na iyong natatanggap ang nagdadagdag sa star na iyong makukuha.

Para makapaglaro ng Hidden Object scene, kailangan mo ng energy. Ito ay nababawasan sa tuwing magsisimula ang partikular na level na iyong nilalaro. Huwag mag-alala dahil nagre-regenerate naman ito sa paglipas ng ilang minuto. 

Saan Pwedeng I-download ang Hidden Hotel: Miami Mystery?

Dito ituturo kung paano i-download ang Hidden Hotel: Miami Mystery. Maaaring i-download ang laro sa Android, iOS, at PC devices. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pagda-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Ayan, pwede ka nang magsimula sa paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Hidden Hotel: Miami Mystery on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.whaleapp.hiddenhotel

Download Hidden Hotel: Miami Mystery on iOS https://apps.apple.com/us/app/hidden-hotel-miami-mystery/id1415774287

Download Hidden Hotel: Miami Mystery on PC https://gameshunters.com/hidden-hotel/

Tips at Tricks sa Paglalaro

Maaari kang gumamit ng Lantern kung saan madali mo nang makikita ang natitirang items na kailangan mo pang hanapin. Hina-highlight nito ang nakatagong objects sa pamamagitan ng pag-sparkle ng partikular na item na hinahanap sa loob ng ilang segundo. Limitado nga lang ang objects na pwedeng i-highlight ng Lantern sa bawat stage dahil hanggang tatlong objects lamang ang maitutulong nito sa iyo. 

Gayundin, makakatulong ang paggamit ng boosters para mapadali ang iyong paghahanap. Makikita mo sa kaliwang ibabang bahagi ng screen ang boosters na maaari mong pagpilian. Ang Keys ay may kakayahang sabay-sabay na tanggalin ang tatlong items sa iyong listahan. Sunod naman ang chronometer kung saan maa-unlock ito kapag naubusan ka ng oras sa paglalaro ng hidden object mission. Nagbibigay ito ng karagdagang oras sa iyong paghahanap, nang sa gayon ay makumpleto mo ang lahat ng items sa listahan. Ang pangatlong booster ay ang Radar. Kailangan mo munang kumolekta ng limang stars sa Reception para ma-unlock ito. Sobrang mabisang gamitin ang radar dahil may kakayahan itong i-highlight ang lahat ng items na kailangan mong hanapin. Kapag na-detect ito ng radar, tila ba’y kumukurap ang object para madali mo itong mahanap at saka mo ito pipindutin. 

Sa umpisa, habang kinakapa mo pa kung paano ito laruin, mapapansing infinite ang time na pwede mong gugulin sa paghahanap ng hidden objects. Ngunit ang lahat ng stages sa Hidden Hotel: Miami Mystery ay may limited duration. Kaya naman kailangan mong mahanap ang lahat ng objects na nasa listahan bago pa maubos ang oras. Makikita mo ang timer sa kaliwang itaas na bahagi ng screen. Palagi itong antabayanan para alam mo kung ilang oras na lang ang natitira sa iyo. 

Maipapayo ko rin na panatilihing mabilis ang paghahanap ng objects hangga’t maaari dahil makakukuha ka ng mas maraming points. Mayroong bonus system ang laro kung saan magkakaroon ka ng mas maraming bonus points kapag mas mabilis ang pag-tap mo ng items na kailangang mahanap. Mapapansin mong may bonus scale sa itaas na bahagi ng screen. Ito ang magiging batayan mo kung gaano karaming bonus points ang maaari mong makuha. Nahahati ang scale na ito sa siyam na parte. Kapag magkasunod ang pagpindot mo sa dalawang items, mapupuno ang x2 sa scale. Mapupuno naman ang x3 kapag sinundan mo agad ito ng isa pang item habang hindi pa nauubos ang naunang level. Kaya mas mainam na mabilis ang paghahanap mo sa items para sunud-sunod ang pag-tap mo sa mga ito, nang sa gayon pataas nang pataas din ang level na maaabot mo sa scale. Ibig sabihin ay mas mataas din ang bonus points na matatanggap mo batay sa kung saan ito tumama sa bonus scale. 

Isa pang paraan upang paramihin ang makukuhang points, magandang gamitin ang Max Combo booster. Sa pamamagitan nito, mapupuno ang bonus scale sa kabuuan ng iyong paglalaro. Ibig sabihin ay palagi itong nasa x10 kaya hindi mo na kailangang pagsunud-sunurin ang pagta-tap ng objects dahil awtomatiko nang malaki ang makukuha mong bonus points sa bawat item na nahahanap mo. 

Pros at Cons ng Hidden Hotel: Miami Mystery 

Maayos ang graphics ng laro at marami kang disenyong pwedeng piliin para sa pagpapaganda ng hotel. Nakakaakit din ang storyline ng laro kaya mananatili ka sa paglalaro upang malaman kung ano bang mayroon sa nakaraan ng hotel na ito. Paniguradong lagi kang masusorpresa sa magiging daloy nito. Madali mong maaayos ang bawat bahagi ng hotel dahil isang star lang ang kakailanganin para rito. Gayunpaman, para makakuha ng isang star, kailangan mong makakumpleto ng hidden objects scene kung saan 15 energies ang magagastos sa kada stage. Ibig sabihin ay madali lamang maubos ang iyong energy kapag tuluy-tuloy ka lang sa paglalaro.

Iniaangal din ng mga manlalaro ang isyu sa pag-sync ng kanilang progress sa laro sa ibang device. Pagkatapos nilang mag-install ng laro gamit ang ibang device, panibagong account ang nagagawa at hindi iyong luma. Bukod pa rito, nahihirapan din ang ilang manlalaro sa pagkuha ng isang star na kakailanganin para makapag-renovate ng hotel. Kailangan munang makapaglaro ng mga dalawa hanggang tatlong beses sa hidden object mission para lamang mabuo ang isang star. Nakakaranas din ng pagfi-freeze sa laro bago magsimula ng panibagong stage. Kaya naman nasasayang ang ginamit na coins at energies para sa stage na iyon dahil walang ibang choice ang manlalaro kundi i-restart ang app.

Konklusyon

Sa paglalaro ng Hidden Hotel: Miami Mystery, nagmimistulang dalawang gameplays ang iyong nilalaro rito. Pareho mong mararanasan ang paglalaro ng hidden object game at ang renovation-focused game. Importante ang makakumpleto ng stage sa hidden object game para maipagpatuloy mo ang pagre-renovate ng hotel na iyong minana sa iyong lolo. Bukod pa rito, magkakaroon ka rin ng pagkakataong idisenyo ang buong hotel nang naaayon sa iyong kagustuhan. Gayunpaman, may ilang mga isyu pa ring nararanasan ang mga manlalaro kagaya ng nabanggit ng Laro Reviews sa cons section ng article.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...