Iron Suit: Superhero Simulator Review

Isa si Iron Man sa pinakasikat at pinagpipitaganang superheroes sa Marvel movies franchise. Marami ang natuwa sa kanyang angking talino at husay lalo na sa usaping teknolohiya. Bagamat mayabang at maangas, hindi pa rin maikakailang marami pa rin ang sumusuporta sa kanya dahil sa kagustuhan niyang isalba ang sangkatauhan kahit na siya ay tao lamang. 

Ang Iron Suit: Superhero Simulator ay larong ginawa batay sa katangian at itsura ni Iron Man. Bilang manlalaro, naatasan kang iligtas ang mundo laban sa mga alien. Tanging ikaw na lamang ang huling pag-asa at nasa iyong mga kamay ang susi upang magapi ang mga kaaway na nagtangkang sakupin ang daigdig. Handa ka na ba? 

Features ng Iron Suit: Superhero Simulator

Elemental Stones – Gamitin ang feature na ito upang makita ang iba’t ibang moves at paraan ng pag-atake ni Iron Man laban sa mga kaaway. Iba-iba rin ang kulay at elementong mapapansin dito kaya nasa iyo na kung ano ang iyong magugustuhan. Maaaring ibahin ang elemental stone na gagamitin bawat level. 

Iron Suit: Superhero Simulator - Laro Reviews

Iron Suit: Superhero Simulator – Laro Reviews

Customizable Superhero Suit – Bago simulan ang paglalaro, i-customize ang itsura ng iyong iron suit. Baguhin mula katawan, braso, hita, ulo, at piliin din ang napupusuang elemental stone. Nahahati ito sa tatlong klase, ang VIP na makukuha mo kung manonood ka ng ads. Sa Epic naman ay kailangang gamitin ang iyong coins at bilhin ang suits na nakapaloob dito. Dito rin matatagpuan ang suit ng Squid Game. Bilang panghuli, ang Rare ay maa-unlock bilang pabuya sa bawat level na iyong natapos.

Build a Megabot – Matapos ang pakikipaglaban sa mga kaaway, makikita sa finish line ang isang higanteng robot na kung saan ibibigay mo ang mga natirang parte mula sa suot na iron suit. Tutukuyin nito ang damage na natamo at idadagdag sa kasalukuyang armor ng higanteng robot. Kapag mas mababa ang damage na nakuha, mas mataas ang dagdag na porsyento at mas bibilis ang pagbuo ng armour suit ng iyong Megabot. 

Saan Pwedeng I-download ang Iron Suit: Superhero Simulator?

Basahing maigi sa artikulong itong mula sa Laro Reviews kung paano. Pumunta sa Google Play Store para sa mga Android user at App Store naman para sa mga iOS user. I-type sa search bar ang Iron Suit: Superhero Simulator at pindutin ang icon ng app. I-click ang install o get button at hintaying mai-download. Matapos nito, pindutin ang app at simulan nang maglaro! 

Narito ang mga link kung saan pwedeng ma-download ang laro: 

Download Iron Suit: Superhero Simulator on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=battle.iron.suit

Download Iron Suit: Superhero Simulator on iOS https://apps.apple.com/cv/app/metal-suit-superhero-simulator/id1597114984

Iron Suit: Superhero Simulator - Laro Reviews

Iron Suit: Superhero Simulator – Laro Reviews

Tips at Tricks sa Paglalaro

Sa umpisang bahagi ng laro, ikaw ay papipiliin kung anong suit ang ilalagay kay Iron Man. Mula katawan, hanggang braso, hita, ulo, at elemental stone ay may kalayaan kang piliin kung ano ang iyong gusto. Walang masyadong pinagkaiba ang iba’t ibang mga elemental stone maliban na lang sa disenyo ng pag-atake. Sa simula ay marami pang iron suits ang ‘di pa na-unlock. Makukuha ito sa tatlong pamamaraan: gamitin ang iyong coins sa pagbili, manood ng ads, o matanggap mula sa mga nilarong level. 

Mahirap tantiyahin sa una ang gameplay ng laro. Upang gawin ang iyong atake, kailangan mong i-swipe ang iyong daliri sa screen. Huwag mag-alangan na baka mahulog sa gilid ng platform, dahil hindi ito mangyayari. May invisible barrier na tutulong sa iyo upang hindi malaglag. Mula rito, ang layunin ay magapi ang mga kalaban hanggang sa makarating sa dulo ng platform. Para maging matagumpay ang bawat level, siguraduhing kunin ang lahat ng coins at tools na iyong makikita. Ang coins ay ang currency ng laro na iyong magagamit upang makabili ng iba pang iron suits sa shop. Sa kabilang banda, ang tools naman ang nagsisilbing healing potion ng laro. Sa tuwing ikaw ay matatamaan ng mga patibong at mga kalaban, unti-unting nababawasan ang iyong iron suit. Mahalaga ang tools upang agarang ma-replenish ang damage na nakuha sa kalaban. Dagdag pa rito, huwag ding kakaligtaang kunin ang mga parte ng suit na makikita kada level. 

Related Posts:

War Z Slim Review

Hunter Assassin Review

Sa usaping gameplay, maging mapagmatyag sa mga kalabang may bitbit na palaso. Mainam kung uunahan mo sila bago pa man manlaban. I-swipe lang ang iyong daliri at mabilisang paikut-ikutin si Iron Man dahil madalas ay isang batalyon ang mga kalaban kung umatake. Kaya para masira ang kanilang hanay, mabilisang tumakbo papunta sa kanila at gawin ang cool moves ni Iron Man. 

Sa finish line makikita ang Megabot, isang higanteng robot, na kung saan ibibigay mo sa kanya ang iyong suit kada level. Kaya kung marami ang damage na iyong nakuha, maliit na porsyento lang ang madadagdag sa kanya. Oras na mapuno hanggang 100% ang iron armour ng iyong higanteng robot, kakalabanin nito ang isa pang malaking robot. Upang manalo, kailangan mo lang mabilisang i-tap ang iyong screen. 

Iron Suit: Superhero Simulator - Laro Reviews

Iron Suit: Superhero Simulator – Laro Reviews

Pros at Cons ng Iron Suit: Superhero Simulator

Masasabing simple ngunit kasiya-siya ang gameplay ng laro. Nakakatuwa ang pose na ginagawa ni Iron Man bago magsimula ang bawat level matapos maipasuot sa kanya ang napiling iron suit. Dagdag pa rito, nakaka-enjoy bihisan si Iron Man dahil bukod sa sikat na niyang pulang iron suit, available din ito sa ibang kulay gaya ng blue, green, at yellow. Bukod pa rito, kung pamilyar ka sa palabas na Squid Game ay tiyak na masisiyahan ka dahil magiging pamilyar sa iyo ang ilang epic skins na available. 

Sa kabila ng mga nabanggit, isa sa mga nakakasagabal sa laro ay ang dami ng ads na makikita rito. Sa tuwing matatapos ang bawat level, may mapapanood na ad. Bagamat tolerable ito kumpara sa ibang laro, mainam kung babawasan pa rin ito ng mga game developer. Paulit-ulit din ang kabuuang content ng laro kaya hindi ito mairerekomendang laruin sa mahabang oras. Maganda ito kung ikaw ay nagpapalipas-oras lang. 

Konklusyon

Bilang pagbubuod, masasabing nakaka-enjoy laruin ang Iron Suit: Superhero Simulator. Simple ang gameplay kaya mairerekomenda ko ito sa lahat ng edad, bata man o matanda. Kasiya-siya rin ang iba’t ibang disenyo ng iron suits na maaaring ipasuot kay Iron Man. Idagdag mo pa ang iba’t ibang power effects mula sa elemental stone na makikita sa kanyang atake. Ngunit sa kabila ng mga nabanggit, ang nakadidismayang bahagi ng laro ay ang bilang ng ads na makikita rito. Sa tuwing natatapos ang bawat level, may ipapalabas na video ad. Kailangan pang maghintay ng ilang segundo bago makita ang close button. Dahil bigla na lang itong sumusulpot, wala ring option na makikita upang i-skip ito. Bagamat tolerable pa rin ang dami ng ads kumpara sa ibang mga laro, mainam pa rin kung mas pagtutuunan ng pansin ng mga game developer ang kabuuang content ng laro. Malaki ang potensyal na lumago ito dahil huli na nila ang patok sa popular na kultura gaya ng Squid Game. Kailangan lang pag-ibayuhin pa lalo na makapagbigay ng iba pang content upang hindi ma-bored ang mga manlalaro. 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...