Jungle Marble Blast Review

Pamilyar ka ba sa paglalaro ng marble shoot games? Sa Jungle Marble Blast na ginawa ng KuYou, mararanasan mong maglaro ng marble shooting game na may temang Egyptian mythology. Napakaraming levels ang nakaabang sa mga manlalaro rito kaya tuluy-tuloy lamang ang challenge at enjoyment na iyong mararanasan sa laro. Bukod sa kakaibang tema nito, marami rin itong features na nagbibigay-daan upang makakuha ng iba’t ibang rewards. Basahin ang article na ito mula sa Laro Reviews para malaman ang detalye tungkol dito.

Features ng Jungle Marble Blast

Thousands of Levels – Napakaraming levels ang nag-aabang sa iyo sa laro! Kasalukuyang mayroong 144 scenes na binubuo ang bawat isa ng maraming levels. Ang ilan sa scenes na una mong mapupuntahan ay ang Jungle, Rain Forest, Flower Bush, Volcano, at marami pang iba. Kailangan mo munang makumpleto ang lahat ng levels sa bawat scene para ma-unlock ang kasunod nito.

Champion Levels – Pagkatapos maipanalo ng manlalaro ang lahat ng levels, may pagkakataon na siyang makapasok sa Champion levels. Makikita sa kaliwang ibabang bahagi ng homepage ang Champion button. Dito makikita ang rankings sa Champion levels, kung saan nakabatay ito sa dami ng trophies na nakuha ng mga manlalaro. Ang top 50 nito ay makakatanggap ng iba’t ibang klase ng treasure chest bilang reward.

Orchard – Mag-harvest ng prutas para manalo ng rewards! Sa tuwing nananalo ka ng level, mayroon kang matatanggap na water na gagamitin mo para sa itinanim mong puno. Pumunta sa Orchard button para mai-check ang progress ng iyong puno. Tignan kung dapat na ba itong diligan ng tubig o pwede na bang mag-harvest ng prutas. Bukod pa rito, pwede ring i-upgrade ang puno para mas maraming prutas ang makuha mo.

Gameplay ng Jungle Marble Blast 

Sa unang level, isa-isang ituturo ang mechanics ng laro na gumagabay sa iyong paglalaro. Tulad ng karaniwang marble shoot game, ang layunin ng manlalaro ay ubusin ang lahat ng marbles bago ito makaabot sa dulo. Sa simula ng laro, ipapakita sa screen kung ano ang target mo sa level na iyon. Ang pagsasagawa ng target ang susi upang matapos mo ang bawat level. Nag-iiba ang target ng laro kaya sari-saring challenge ang kakaharapin mo. Ilan sa mga halimbawang target sa laro ay mai-clear ang lahat ng ice balls, makolekta ang lahat ng kulay asul na ibon, maubos ang lahat ng marbles, at iba pa.

Simple lang ang mechanics ng laro. Kailangan mong i-click ang target mong marbles para tirahin ito. Magagawa mo lamang iyon kung ang kulay ng marble na nasa shooter ay kapareho ng titirahin mong marble. Dapat makabuo ka ng tatlo o higit pang marbles na may magkakaparehong kulay upang mai-clear ang mga ito.

Para makapag-switch ka ng marble, i-click lamang ang shooter na matatagpuan sa gitna. Bukod pa rito, matatapos mo na ang level sa oras na makumpleto mo na ang hinihinging target ng level. Kung natapos mo ang target habang may natitira pang mga marble, tuluyan itong mawawala at maco-convert bilang puntos na dadagdag sa iyong total score.

Saan Pwedeng I-download ang Jungle Marble Blast?

Sa bahaging ito ng article ituturo kung paano i-download ang Jungle Marble Blast. Kasalukuyang available ang laro sa Android, iOS, at PC devices. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos nito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Jungle Marble Blast on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.cooyostudio.marble.blast

Download Jungle Marble Blast on iOS https://apps.apple.com/us/app/jungle-blast-bubble-shooter/id1257633769

Download Jungle Marble Blast on PC https://appsonwindows.com/apk/41425/

Tips at Tricks sa Paglalaro

Iwasan mong tirahin ang marble kapag magkaiba ito ng kulay sa nasa shooter. Dahil kung hindi, mapupunta lamang ang marble na iyon sa gitna at mas hahaba pa lalo ang linya ng mga marble na kailangan mong ubusin. Ikaw rin ang mahihirapan na tapusin ang level kung wala kang mahahanap na magkakatabing marbles na may iisang kulay.

Kung ang target ng level ay makakuha ng ibon, kailangan mong tirahin ang mga marble sa magkabilang paligid nito. Dahil kung hindi, ang matatanggal lang ay ang marbles at matitira pa rin ang ibon kaya kailangan mong maging partikular sa pagtira para siguradong makuha ang ibon.

Bukod pa rito, kung ang target naman ng level ay ubusin ang lahat ng ice balls, ang dapat mong gawin ay tirahin mismo ang marble na mayroong ice. Dahil kapag ang katabi lang nito ang iyong tinira, iyon lamang ang mawawala at matitira pa rin ang ice ball. 

Mayroong treasure chests na lalabas sa laro sa loob ng ilang segundo. Kapag may nakita kang lumitaw na treasure chest, siguraduhin mong tirahin ito agad sa pamamagitan ng pag-click mismo sa treasure chest. Nang sa gayon ay makakatanggap ka ng rewards mula sa treasure chest pagkatapos makumpleto ang level. Dapat mabilis mo itong tirahin dahil kung hindi ay mawawala lamang ito at makakaligtaan mo ang pagkakataong makuha ng rewards.

Importanteng alamin mo kung ano ang target sa nilalaro mong level dahil nag-iiba ito palagi. May mga pagkakataon kung saan ang hinihingi nito ay maabot ng manlalaro ang partikular na score sa loob ng ilang minuto. Dahil limitado ang oras nito, kailangan mong doblehin ang bilis sa iyong paglalaro para makuha ang hinihinging score. Makakatulong din ang paggamit ng boosters para mas maging epektibo ang iyong paglalaro. Ilang sa mga ito ay ang Orbital Bomb, Frozen, Energy Collector, at marami pang iba. Alamin kung saan sila ginagamit para hindi masayang ang paggamit mo sa mga ito

Pros at Cons ng Jungle Marble Blast 

Simple at maganda ang gameplay ng Jungle Marble Blast kaya bukod sa nakakalibang itong laruin, madali pang matutunan ang mechanics nito ng kahit sino. Hindi rin kumplikado ang interface ng laro kaya madali itong i-access at i-explore. Marami rin itong features na nakakadagdag sa pagiging nakakaaliw ng laro tulad ng Orchard at pagkakaroon nito ng maraming boosters. Habang pataas nang pataas ang level na iyong nilalaro, mas nagiging mahirap din ito. Kaya walang duda na maibibigay ng laro ang pagiging challenging na hinahanap mo rito. Gayunpaman, may ilang mga manlalaro ang umaangal na sobrang hirap ng mahihirap na levels.

Mayroon itong pop-up ads na lumalabas pagkatapos maglaro ng level. Kailangan mo munang tapusin ang ad bago mo ipagpatuloy ang paglalaro. Gayundin, ang isa pang problema pagdating dito ay hindi gumagana ang ads kung saan makakakuha ka ng libreng rewards. Kahit na subukan mong i-reinstall ang app, wala pa ring improvement na nangyayari. Bukod pa rito, may isyu ang pag-save ng progress sa laro kapag nagpalit ka ng device at nag-download itong muli. Ang nase-save lang kapag ini-download mo ulit ang app ay kung saan ang level na naabot mo ngunit hindi kasama rito ang perks na nakuha mo noon. Dahil dito, masasayang lang ang pinaghirapan mo noon.

Konklusyon

Kung nae-enjoy mo ang marble shoot games, magandang subukan mo ang Jungle Marble Blast. Bukod sa simple at magandang gameplay nito, nakakadagdag din ng dating ang tema nitong Egyptian mythology. Sa larong ito, marami kang pwedeng gamitin na boosters na makakatulong sa iyong laro. Bukod pa rito, sa dami ng levels nito, hindi ka kaagad mabibitin sa paglalaro. Kung ida-download mo ang laro, huwag kalimutang basahin at i-apply ang tips at tricks sa article na ito mula sa Laro Reviews.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...