Lophis Roguelike-Card RPG game, Darkest Dungeon Review

Naimbento ang larong Rogue noong taong 1980s pa at magmula ng panahong iyon, patuloy na namayagpag ang mga larong may pagkakatulad sa Rogue. Sa hindi pa pamilyar sa larong ito, hayaan ninyong ipaliwanag ko ng simple kung ano nga ba ang larong Rogue at paano ito nilalaro. Sa larong Rogue, gagampanan mo ang karakter ng isang knight na gagalugad sa mga dungeon upang bawiin ang isang agimat. Bago magawa ang misyon, dadaan muna sa maraming pagsubok ang knight – kailangan niyang matalo lahat ng mga kalaban. Ngunit hindi basta-basta ang kanyang makakatunggali – mga iba’t ibang uri ng halimaw at ilang uri ng malalakas na nilalang.

Sa karagdagan, ang larong Lophis Roguelike-Card RPG game, Darkest Dungeon naman ay pinagsamang laro na deck building at Rogue kaya litaw na litaw ang pagkakaiba nito sa iba pang uri ng Rogue games kagaya ng mga kilalang Binding of Isaac, Risk of Rain 2, Hades, Enter the Gungeon at Desktop Dungeons sapagkat imbes na mga action figure characters ang ginamit, sa loob ng mga card makikita ang mga characters ng laro kagaya ng mga nakikita sa mga deck building game.

Paano nilalaro ang Lophis Roguelike-Card RPG game, Darkest Dungeon?

Katulad ng mga typical na laro sa Rogue-like, magsisimula ang larong ito sa pagpapakilala ng bidang karakter at sa adhikain niyang ipaghiganti ang kanyang master mula sa kalaban na tumalo rito. Upang matagpuan ang kinaroroonan ng kalaban, susundan nito ang ilaw ng Lophis kung saan una siyang dadalhin sa isang masukal na kagubatan at doon na nga magsisimula ang kanyang pakikidigma laban sa mga kalaban. Makakaharap niya ang iba’t ibang uri ng kalaban – mayroong mahihina at mayroon ding malalakas na tila imposibleng talunin.

Saan pwedeng ma-download ang Lophis Roguelike-Card RPG game, Darkest Dungeon

Gamitin ang sumusunod na links upang ma-download ang laro:

Download Lophis Roguelike-Card RPG game, Darkest Dungeon on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=me.dream.lophisroguelike

Download Lophis Roguelike-Card RPG game, Darkest Dungeon on PC https://www.fibonair.com/en/games/download-20333-lophis-roguelikecard-rpg-gamedarkest-dungeon/pc

Tips at tricks sa paglalaro ng Lophis Roguelike-Card RPG game, Darkest Dungeon

Upang manalo sa mga labanan, dapat na malaman ng manlalaro ang mga kalakasan at kahinaan ng mga kalaban maging ang mga katangian ng mga card na gagamitin laban sa mga ito. Narito ang ilan sa mahahalagang card na dapat gamitin: Una, ang Poison dagger, kaya nitong bawasan ang lifespan ng kalaban ng pitong puntos at karagdagang dalawang bawas pa para sa lason na ipinahid sa patalim. Ang Secret Power naman ay kayang lumikha ng anim na physical damage sa kalaban na piniling atakihin at magbabawas rin ng tig-isang puntos mula sa lifespan ng iba pang kasamahan nito. Sa karagdagan, ang Energy Sword naman ay nagtataglay ng walong magic damage. Mainam itong gamitin sa kalabang may pinakamaraming lifespan at ang huli ay ang Secret Heal, na kayang magbalik ng isang puntos na Heal power sa dalawang card na iyong gagamitin sa deck.

Sa kabilang banda, narito naman ang listahan ng ilang mga halimaw na makakaharap mo sa laro: Goblin king, Earth elemental, Two-face frog, Forest child, Elf archer, Vampire elvis, Ooze at Green python. Lahat ng mga ito ay may matataas na health status; ibig sabihin higit na mas mataas ang lifespan ng mga ito kumpara sa mga pangkaraniwang kalaban na mayroon lamang mula siyam hanggang 25.

Bago gumamit ng card, kailangan munang tandaan na may katumbas na mga diamond ang mga card maliban sa stab card. Ang bawat diamond ay katumbas ng isang energy kaya ang tanging mga card na magagamit mo ay yung sakto sa bilang ng pagmamay-ari mong diamond o mas mababa pa. Pwede mong ilagay sa Discard Pile ang mga card sa deck na ayaw mong gamitin, o pwede mo ring pindutin ang end turn para magkaroon ng panibagong set ng mga card sa deck at para madagdagan ang diamond mo.

Higit sa lahat, dapat mong siguruhing maipapanalo mo ang lahat ng laban dahil sakaling matalo ka sa laro kahit na isang beses ay muli kang uulit mula sa pinaka-umpisa, maliban na lamang kung bibili ka ng power-up upang muling buhayin ang iyong karakter sa laro.

Features ng Lophis Roguelike-Card RPG game, Darkest Dungeon:

  • Has different types of enemies – Hindi nauubusan ng mga game character itong laro dahil halos hindi mo mabilang ang dami ng mga characters na makakaharap mo at magiging kakampi mo sa laban
  • Has different game plots – Dadalhin ka ng laro sa iba’t ibang battlefield kung saan doon mo makakasagupa ang iyong mga kalaban.
  • Can be played both online and offline – Walang problema kung wala kang internet access dahil pwede mo pa ring malaro ito ng naka-offline mode.
  • Two-in-one game – Hindi lamang isang Rogue game ang malalaro mo rito dahil mararamdaman mo rin na tila naglalaro ka ng deck building game.

Pros at cons ng Lophis Roguelike-Card RPG game, Darkest Dungeon

Kung mahilig ka sa mga adventure game at card game, natitiyak ng Laro Reviews na magugustuhan mo itong laro dahil kombinasyon ito ng Rogue at deck building. Pwede ka ritong bumuo ng sarili mong set ng card sa deck, makasagupa ang kakaibang mga nilalang at maka-diskubre ng mga sinaunang mahahalagang bagay. Hinango rin sa DBG ang paraan sa paglalaro ng cards. 

Sa karagdagan, kapuri-puri rin ang graphics ng laro sapagkat nasunod nito ang tema ng plot sa laro- makulimlim na kapaligiran na binabagayan din ng mabagal na melody ng musika. Detalyado rin ang pagkakalatag ng bawat bagay na makikita sa game screen dahil ultimo maliliit na bagay ay pwedeng ma-zoom-in. Kakaiba rin at kahanga-hanga ang istilo ng laro sa pagpapalabas ng ads dahil mapapanood mo lamang ito kapag pinindot mo ang watch button na maaaring matagpuan sa ilang plot ng laro. Hindi sapilitan ang panonood sa ads, ibig sabihin may kalayaan ang mga manlalaro na hindi  itong panoorin.

Kung pag-uusapan naman ang mga negatibong katangian ng laro, kapansin-pansin dito ang mali-maling paggamit ng mga salita sa wikang English kaya naman nakakalito at mahirap maunawaan ang ilang dayalogo at instruction sa laro. Bukod pa rito, palagi ring nagkakaroon ng technical problem sa laro. Isa sa mga halimbawa nito ay kapag narating mo na ang Guardian’s castle. Hindi nakikita sa screen ang Guardian at wala ring mga card na nakalagay sa deck at kahit pa pindutin mo ang surrender button, hindi ka pa rin makakaalis sa laro hanggang hindi mo nire-restart ang iyong device.

Konklusyon

Sa kabuuan, lubos na naniniwala ang Laro Reviews na ang larong Lophis Roguelike-Card RPG game, Darkest Dungeon ay isa sa mga dapat na masubukan ninyong laruin kung mahilig kayo, hindi lang sa card game, kundi pati maging sa mga Rogue na laro. Bubusugin ka rin ng larong ito ng walang katapusang aksyon at higit na susubukin ang iyong galing sa taktika para makamit ang misyon ng hindi nakakaranas ng kahit isang talo. Ngunit nararapat na pagtuunan ng pansin ng developer ang mga nabanggit na loophole sa laro at makaisip pa ng panibagong mga game feature na pwedeng idagdag sa laro upang lalo itong umani ng maraming download at positibong feedback mula sa mga manlalaro.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...