Monster Storm Apoiion (New Ver.) Review

Ang Monster Storm Apoiion (New Ver.) ay isang adventure game na ginawa ng SharpenPlay Entertainment. Ito rin ay role-playing game (RPG) na sinamahan ng elements ng strategy at monster trainer. Tunghayan sa laro ang adventure games, level puzzles, monster battles, skill strategies, at iba pa. Upang maging pinakamahusay na monster trainer dito, kailangan mong libutin ang buong mundo at bihagin ang sandamakmak na malalakas na monsters. Ngunit ang pinakaimportante sa lahat ay ma-enjoy mo ang journey sa Monster Storm Apoiion! Alamin ang masasabi ng Laro Reviews sa larong ito.

Features ng Monster Storm Apoiion (New Ver.) 

Different Types of Monsters – Nahahati ang monsters sa 10 types: Grass, Earth, Fighting, Fire, Steel, Electricity, Flight, Water, Light, at Ghosts. Sa kasalukuyan, mayroong kabuuang bilang ng 226 monsters. Alamin ang katangian ng bawat monster! Maaari itong makita sa Monsters button sa Menu. Palakasin lalo ang iyong monster para maging handa sa pagsabak sa monster battles!

Monster Battles – Binubuo rin ang laro ng monster battles. Bilang monster trainer, pipili ka ng iba’t ibang monsters para i-cultivate sila batay sa kanilang hobbies at needs. Sari-saring monsters ang maaaring piliin ng manlalaro. Nahahati ito sa iba’t ibang klase kung saan mayroong strengths at weaknesses ang bawat isa. Sila ang gagamitin mo sa mga labanan kaya naman nararapat lang na palakasin sila. Kabilang na rito ang pag-eensayo sa monsters nang naaayon sa interes at estratehiya.

Vast World Map System – I-enjoy ang paglilibot sa buong siyudad ng Monster Storm Apoiion! Tanawin ang iba’t ibang lokasyon tulad ng cave, lake, town, at iba pa. Siguraduhing makumpleto ang bawat quest na makikita sa kaliwang-itaas na bahagi ng screen. Alamin ang istorya ng ibang mga karakter sa pamamagitan ng Quest System ng laro. Tapusin itong lahat para makakuha ng rewards. Importante ito sapagkat mas magiging magaling kang trainer habang parami nang parami ang iyong naa-achieve. 

Saan Pwedeng I-download ang Monster Storm Apoiion (New Ver.)?

Sa bahaging ito ng article ituturo ng Laro Reviews kung saan at paano i-download ang Monster Storm Apoiion (New Ver.). Ito ay kasalukuyang available lamang sa Android devices. Kaya hindi pa ito posibleng mai-download sa iOS at PC users. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store at ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Monster Storm Apoiion (New Ver.) on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.sharpen.myluna

Tips at Tricks sa Paglalaro

Sa simula ng laro, iwe-welcome ka ni Dr. Celine sa kaakit-akit na siyudad ng monsters. Siya ang magsisilbing instructor mo upang madagdagan ang kaalaman tungkol sa monsters. Kailangan mong pumili ng karakter na gagamitin. Ilagay kung babae o lalaki ang magiging karakter, pati na rin kung anong pangalan ang nais mong itawag dito. Importanteng magkaroon ka ng kahit isang monster para maging monster trainer. Kaya naman pagkatapos mong mamili at pangalanan ang karakter, magkakaroon ka ng pagkakataong pumili ng isang monster na makakasama mo mula sa mga ipapakita ni Dr. Celine. Iba-iba ang kanilang mga katangian kaya maganda kung babasahin mo ang deskripsyon ng bawat isa. Nang sa gayon, alam mo kung alin sa mga ito ang tugma sa iyong kagustuhan. Isa sa mga halimbawa ang Greeake kung saan mayroon itong dilaw na armor na tumutubo sa taas ng kanyang ulo, at may kakayahang malabanan ang karamihan sa mga atake.

Dadako naman tayo sa tips kung paano i-operate ang laro. May tatlong paraan para pagalawin ang karakter. I-swipe ang screen kung saang direksyon mo ito nais papuntahin. Ang isa pang paraan ay i-tap ang screen kung saang lugar mo gustong mapunta ang iyong character at kusa na itong  tutungo roon. Pwede mo rin namang gamitin ang arrow keys na nasa kaliwang gilid ng screen. Napaka-convenient nito sa manlalaro sapagkat maaari niyang iayon ang paglalaro kung saan siya pinakakumportable.

Makikita ang OK button sa kanang ibaba ng screen. Pipindutin mo ito kapag kailangan mong i-confirm ang iyong kasalukuyan operation. Bukod pa rito, pindutin lang ang button na may plus sign sa kanang itaas ng screen kapag gusto mong buksan ang Menu. Nasa loob nito ang mga sumusunod: MIX, SkillBook, Lottery, Save, ACHV, Help, Shop, You, Monster, Bag, at Map. May sari-sariling icon ang bawat isa kaya pindutin mo lang ito para magamit ang kanilang katumbas na function.

Pros at Cons ng Monster Storm Apoiion (New Ver.) 

Nakakuha ng 3.9 star-rating ang Monster Storm Apoiion sa Google Play Store Dahil binibigyan nito ng  pagkakataong gumawa ng sariling karakter ang mga manlalaro. Bukod pa rito, mabilis lang magiging pag-evolve ng iyong monster. Ito ang features na nagustuhan ng mga manlalaro. May save option din ito kaya tiyak na mapapanatili ang progreso sa laro kahit na umalis ka muna rito at magpahinga. 

Bagaman maganda ang gameplay nito, napakaraming mga isyu ang nararanasan sa paglalaro nito. Ilang minuto pa lang sa paglalaro, bigla na lamang itong magka-crash. Kaya ang tanging opsyon kapag nag-crash ito ay i-restart ang app. Pagkatapos mong bumalik muli sa laro, mapupunta ka kung saan mo huling sinave ang laro. Ang malaking problema rito ay kapag hindi mo na-save ang iyong progress bago ito mag-crash. Dahil hindi mo maaaring malaman kung kailan muling magka-crash ang laro, wala kang choice kundi i-save ito nang madalas. Kung hindi, uulitin mo na naman ang lahat ng iyong ginawa kapag nag-crash ito nang hindi ka nakapag-save. Madalas ding nagkakaroon ng problema sa laro kung saan hindi ito gumagana. 

Pagdating naman sa minimal na mga isyu, mapapansing maraming grammatical error sa English kapag nag-uusap ang mga karakter. Napakabilis din ng paglitaw ng mga salitang nagpa-pop up sa laro kaya napakahirap nitong basahin dahil bigla itong mawawala. Halimbawa kapag tumapat ka sa sign na nakalagay sa tapat ng mga bahay, may lalabas na deskripsyon nito sa baba ng screen ngunit mawawala rin ito kaagad. Bukod pa rito, available lamang ang laro sa Android devices kaya limitado lamang ang mga pwedeng makapaglaro nito. Mairerekomenda ko sa game developers na magkaroon din sana ng bersyon para sa iOS at PC devices.

Konklusyon

Mayroon itong maayos na graphics ngunit mayroon pang mai-improve ang game developers kung sakali. Kung ganito ang genre ng larong hilig mo, maganda sanang subukan ang Monster Storm Apoiion. Ngunit napangibabawan ito ng napakaraming isyung nararanasan ng mga manlalaro. Kaya kung ida-download mo pa rin ito, asahan ang glitching, crashing, at ilan pang mga isyu sa laro tulad ng nabanggit ng Laro Reviews sa pros at cons section ng article. Siguraduhin lang na ang gamit mo sa pag-download mo nito ay Android device sapagkat dito pa lamang ito available sa kasalukuyan.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...