Oil Tanker Truck Driving Games Review

Oil Tanker Truck Driving– Nasubukan mo na bang magmaneho? O kaya naman ay nagbabalak na mag-apply ng driver’s license? Sa pagda-drive, kinakailangan ng ibayong pag-iingat hindi lang para sa iyo, pati na rin sa kaligtasan ng ibang sasakyan at kapwa mo nagmamaneho. Maging alerto at dapat ay nakatuon ang buong atensyon sa dinaraanan dahil sa isang simpleng mali ng pagtantya o desisyon, maaari itong magdulot ng aksidente. Buhay ang nakasalalay sa tuwing nasa byahe at nagpapatakbo ng sasakyan. Dahil dito, mayroong pagsusulit na magiging batayan kung karapat-dapat bang bigyan ng lisensya ang isang tao o hindi. Mahalaga rin na gamay mo ang lapad at haba ng sasakyang minamaneho lalo na kapag nagpa-park. Ngunit naisip mo na ba kung paano ang dapat gawin kapag truck ang iyong dina-drive? Kakayanin mo kaya?  

Ang Oil Tanker Truck Driving Games ay isang strategy game na dinevelop ng TW Games Studios at naglalayong magbigay karanasan sa mga manlalaro kung paano magmaneho ng malaking oil tanker at cargo tanker. Susubukin nito ang iyong kakayahan sa pagtantya, ang talas ng pag-iisip, at bilis ng reflex. 

Features ng Oil Tanker Truck Driving Games

Oil Tanker Truck Driving - Laro Reviews

Oil Tanker Truck Driving – Laro Reviews

Mode Selection – May pitong mode ang laro kung saan iba’t ibang ang karanasan ibinibigay sa mga manlalaro. Ito ay ang mga sumusunod: 

  1. Career Mode – Ang mode na ito ang pangunahing quest ng laro. Makikita rito ang iba’t ibang kwento ng mga taong nangangailangan ng iyong tulong. Tulungan ang mga nasiraan ng sasakyan, i-refill ang kanilang oil, magtungo sa itinakdang destinasyon, at marami pang iba. 
  2. Stunts Mode – May mala-futuristic ang tema ng mode na ito. Maaaring gumawa rito ng iba’t ibang stunts tulad ng paglipad at pag-slide gamit ang iyong truck. Bukod pa rito, posible ring umikot habang nasa ere ang gamit na sasakyan. 
  3. Parking Mode – Isa ang pagpa-park sa pinakamahirap na dapat matutunan sa pagmamaneho. Gamit ang feature na ito, sanayin ang iyong abilidad sa pagpa-park! May lokasyon kung saan kailangan mai-park ang truck at tiyaking hindi mabubunggo sa makitid na daanan. Dalawang beses lang pwedeng madikit ang iyong truck sa gilid kundi ay uulitin kang muli sa kasalukuyang level. 
  4. Zigzag World – Magmaneho ng walang humpay sa isang zigzag na daanan! Nakabatay ang puntos na makukuha sa bilang ng cash na nalikom habang maingat na umiiwas upang hindi mabangga ang iyong truck. Masusukat ang bilis ng iyong reflex gamit ang mode na ito.  
  5. Driving Wild – Takasan ang mga pulis na kasalukuyang humuhuli sa iyo! Sumabak sa isang mapanganib na habulan na sariling buhay ang nakataya. 
  6. Flying Mode – Maa-unlock lang ito sa oras na makatuntong sa Level 40 ng Parking Mode. Base sa pangalan ng mode, papaliparin ang iyong truck sa himpapawid at dapt lagpasan ang mga balakid na kakaharapin. 
  7. Free Roam –  Malalaro lang ito kapag natapos na ang Level 8 ng Stunts Mode. Sa mode na ito mararanasan ang patuloy na pagmamaneho sa isang walang katapusang daanan. Walang tiyak na layunin ang mode na ito. 
  8. Varieties of Trucks – May anim na truck na pagpipilian na may iba’t ibang kulay at stats. Ito ay ang Classic Tanker, Muscle Phantom, Kenworth T600, Freightliner, Semi Trailer, at Flatbed. Ang stats ng mga ito ay Handling, Acceleration, at Top Speed. Ang default na gagamitin sa unang bahagi ng laro ay ang Classic Tanker. Habang patuloy ang progreso sa paglalaro, maaari nang bilhin ang iba pang trucks gamit ang perang nalikom mula sa iba’t ibang mga natapos na level. 
  9. Offline Mode – Gamit ang feature na ito, maaari itong laruin nang walang mobile data o kahit anumang uri ng internet connection. 

Saan Pwedeng I-download ang Oil Tanker Truck Driving Games?

Oil Tanker Truck Driving - Laro Reviews

Oil Tanker Truck Driving – Laro Reviews

Kasalukuyang available pa lang ito sa Android devices. Gamit ang smartphone, ilagay ang Oil Tanker Truck Driving Games sa search bar. Pindutin ang icon nito at isunod naman ang Install button. Dahil free-to-play (F2P) ang laro, direkta na itong maida-download. Kapag natapos ang pag-download, buksan ang app at simulan na ang paglalaro! Kung nais mo pang matutunan ang tips, tricks, pros, at cons sa laro, patuloy na basahin ang artikulong ito ng Laro Reviews para tulungan ka. Narito ang link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Oil Tanker Truck Driving Games on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.TopWinGames.OilTanker.TruckSimulatorGames

Tips at Tricks sa Paglalaro

Kung ikaw ay marunong magmaneho, malamang ay may ideya ka na kung paano pagalawin ang iyong sasakyan. Bahagyang kumplikado ang game controls ng laro dahil kailangan tantyado mo ang laki at haba ng truck para maging epektibo ang pagmamaneho. Gamit ang iyong kaliwang hinlalaki, kontrolin ang manibela. Ito ang tutukoy sa direksyon kung saan nais papuntahin ang truck. Sunod naman ang mga button na makikita sa kanang bahagi ng iyong screen. Nandito ang accelerator, brake pedal, gear selector level, levers, at headlights. Maaaring ma-overwhelm sa umpisa lalo na ang mga wala pang karanasan sa pagmamaneho. Subukin lang ang iba’t ibang buttons para makabisado kung anu-ano ang kanilang mga gamit. 

Related Posts:

Craft City Lucky Game 2021 Review

Ragdoll Ninja: Sword Fight Review

Matapos ang tutorial sa Career Mode, maaaring bahagyang nagamay mo na kung paano kontrolin ang iyong sasakyan. Ngunit para mas maging pamilyar sa game controls, mainam kung tumungo sa Stunts Mode at laruin ito hanggang Level 8. Oras na magtagumpay ka rito, sunod na pumunta sa Free Roam upang dito magsanay ng kakayahan sa pagmamaneho. Walang itong time limit kaya walang pressure na agarang matapos. Bukod pa rito, wala rin itong kongkretong layunin kung kaya’t ito ang pinaka-swak na lugar para ma-practice ang iyong pag-park, paggamit ng signal lights, pagbusina, at pag-ikot ng manibela. 

Sa Driving Wild, tipunin ang mga pulis na nanghahabol sa iyo at mabilisang umikot pabalik. Magba-backfire sa kanila ang tulin ng kanilang mga sasakyan. Samantalahin ito habang sila ay nagkakagulo at gumawa ng malaking distansya. Gamitin din ang mga bato sa iyong kapakinabangan sa pamamagitan ng matulin na pagpunta rito sabay i-swerve para mabunggo ang mga sasakyan ng pulis. 

Samantala, ang layunin naman sa Zigzag World ay makalikom ng pera. Ang mode na ito ay hindi masyadong kumplikado kumpara sa ibang mode dahil kailangan mo lang i-tap ang iyong screen sa tuwing kakanan o kakaliwa ang iyong truck. Pabilis nga lang nang pabilis ang magiging takbo ng sasakyan kaya dapat alerto ka na hindi madikit sa gilid at mabangga ang iyong sasakyan. Magandang gawin dito ay sundan ang linya ng highway. Magsisilbi itong gabay sa iyo sa bawat turn na kailangan gawin. Mas mahalagang nasa gitnang bahagi ka ng highway kaysa bigyang prayoridad ang pagkuha ng pera dahil may mga pagkakataong nagiging alanganin ang iyong pag-ikot na magdudulot ng iyong pagkatalo. Bagamat ang tutukoy ng iyong kabuuang score sa mode na ito ay ang perang nalikom, mas mainam kung mas bibigyang focus ang kaligtasan. Ang pagdami ng iyong pera ay susunod na lamang oras na maging tuluy-tuloy ang iyong pagmamaneho. 

Oil Tanker Truck Driving - Laro Reviews

Oil Tanker Truck Driving – Laro Reviews

Pros at Cons ng Oil Tanker Truck Driving Games

Dahil sa iba-ibang modes ng laro, nagbigay ito ng sari-saring karanasan para sa mga manlalaro. Kung mahilig ka sa pagmamaneho o balak matutong magmaneho, nakatitiyak akong magugustuhan mo ang larong ito. Magkakaroon ka ng ideya kung gaano kahirap magtantya tuwing nagpa-park o kaya naman ay magtiyak na walang kasunod na sasakyan kapag balak na mag-u turn. Ang maganda pa rito, hindi nakulong sa ideyang ang trucks ay para sa land travels lang. Ini-level up pa nila ito at gumawa ng trucks na may kakayahang makalipad.  

Dagdag sa mga nabanggit na positibong aspeto, masasabing tolerable ang bilang ng ads sa larong ito. Naiintindihan ko ang kahalagahan ng ads sa mga game developer at nabigyan ng larong ito ang tamang balanse sa pagitan ng kagustuhan nilang kumita at ang desisyon ng mga manlalaro. Bagamat may susulpot na ads matapos ang isang level, maiksi lamang ito at maaari pang i-skip. Bibigyan ka rin ng option na manood ng ads kung gustong makakuha ng perang pandagdag na iyong magagamit bilang pambili ng iba pang mga truck. 

Subalit sa usapin ng kabuuang visual, masasabing malaki pa ang maaari nitong ma-improve. Pixelated ang ibang tanawin at hindi rin ganoon ka-crisp ang pag-render ng graphics. May pagkakataon din na hindi swabe ang touch gameplay ng laro. Kahit patuloy na pinipindot ang manibela, nawawala ang kontrol dito kaya nalilihis ang direksyon na tinatahak ng truck na nagdudulot ng pagbangga o pagkahulog. 

Konklusyon

Masasabing kasiya-siya laruin ang Oil Tanker Truck Driving dahil sa iba’t ibang content na ino-offer nito sa mga manlalaro. Hindi rin nakulong sa ideya ang game developers na panlupa lang ang pagmamaneho ng truck. May feature din ito na kung saan posibleng makalipad ang mga truck sa himpapawid. Bahagyang kumplikado rin ang gameplay kaya nakatitiyak akong mag-eenjoy ang mga manlalarong mahilig sa kaunting challenge. Angkop din itong laruin anuman ang iyong edad. Sa kabilang banda, malaki ang potensyal ng larong ito kung pag-iibayuhin pa nila ang graphics at kabuuang visuals ng laro. Hindi ito gano’n kaswabe kumpara sa ibang larong may similar na genre. Sana ay marami kang natutunan tungkol sa larong ito na inihandog ng Laro Reviews! 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...