Soccer Stars: Football Kick Review

Mahilig ka ba sa larong soccer? Kung gayon, tiyak na magugustuhan mo itong bagong laro. Ang Soccer Stars: Football Kick ay isang offline game na ginawa ng Miniclip.com. Mayroon itong makabagong istilo ng gameplay at strategy. Halika at kilalanin pa natin itong laro sa artikulong mula sa Laro Reviews.

Mga Tampok ng Laro

Ang mekaniks nitong laro ay katulad ng sa tunay na soccer. Kailangan mong maipasok ang bola sa goal post ng kalaban. Ang kakaibang feature nito ay imbes na mga tao, pegs ang ginagamit bilang player. Ang gameplay nito ay turn-based, ibig sabihin salitan ang pagtira ng dalawang makalabang team.

Mayroon itong apat na mode na maaaring laruin online at offline. Sa 1-on-1 mode ay makakalaban mo ang iba’t ibang mga manlalaro online. Kapag nanalo ka ay makakatanggap ng reward ngunit walang ranking ang mode na ito. Sa street master mode ay mayroong ranking at tulad ng 1-on-1, online players din ang iyong makakalaban. Ito ay isang mode na may time limit. Ang rewards na iyong makukuha ay nakabatay sa iyong rank pagkatapos ng itinakdang oras. Ang special events mode naman ay mayroong tatlong uri; ang trickshots and penalties, tournament, at championship. Kung sawa ka na sa paglalaro ng mga nabanggit na mode, huwag mag-alala dahil mayroon itong minigames. Ang mode na ito ay mayroong apat na uri; Golden goal, Surprise packs, Spin and win at Scratch and win. 

Ngayon ay talakayin naman natin ang mga pangunahing tampok nitong laro. Ang Teams, Formation, Friends, Competition at Agents:

Teams – Dito ay maaari mong i-customize at i-upgrade ang iyong mga team. Mayroong apat na uri ng mga pegs. Ang; collection, mystery, official at countries. Lahat ng pegs ay upgradable at maaari mo itong i-level up upang tumaas ang accuracy nito.

Formation – Dito ay maaari mong i-edit ang formation ng iyong team. Mahalaga itong feature dahil makakapili ka dito ng posisyon kung saan ka kumportableng ilagay ang bawat isa.

Friends – Sa feature na ito ay maaari mong hamunin ang iyong online friends sa isang 1-on-1 na laro.

Competition – Ang mode na ito ay time-limited. Dito mo makikita ang iyong overall global ranking at kapag natapos ang itinakdang oras, makakatanggap ka ng reward base sa iyong rank.

Paano i-download ang Soccer Stars: Football Kick?

Hindi mo na kailangan gumawa ng login account upang makapagsimulang maglaro nito ngunit kung gusto mong bumili ng premium items sa laro, mainam na i-bind ang iyong gmail o Facebook account upang sakali mang mawala ang laro sa iyong phone, makukuha mo pa rin ang iyong mga biniling premium items. Ngunit kung ayaw mo namang gawin ito, maaari mong gamitin ang guest account ng laro. Para i-download ito sa Android, buksan ang Google Play Store at i-type sa search bar ang pangalan nitong laro. Pagkatapos ay i-click ang install. Pareho lang ang proseso ng pag-download para sa iOS ngunit sa halip na Google Play Store, maaari mo itong i-download sa App Store. Para naman sa PC, pumunta sa http://gameloop.com at i-type sa search bar ang pangalan nitong laro at i-click ang download. Para sa mabilis na pag access, maaaring i-click ang mga link sa ibaba.

Download Soccer Stars: Football Kick on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.miniclip.soccerstars

Download Soccer Stars: Football Kick on iOS https://apps.apple.com/us/app/soccer-stars-football-kick/id826523703

Download Soccer Stars: Football Kick on PC https://www.gameloop.com/game/sports/soccer-stars-on-pc

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Medyo mahirap itong laruin lalo na kung hindi ka sanay sa mga larong nangangailangan ng mataas na accuracy skills. Ngunit huwag mag-alala dahil ibabahagi ngayon ng Laro Reviews ang ilang kaalaman kung paano mapapaunlad ang iyong accuracy skills.

Ang gameplay nitong laro ay katulad ng billiards ngunit ang pinagkaiba ay isang bola lang ang dapat mong maipasok sa goal o net. Ngayon ay tatalakayin natin kung ano ang pwede mong gawin upang mas maging epektibo ang iyong strategy. Pag-aralan na kontrolin ang lakas ng iyong pag-shoot sa pamamagitan ng mahaba at maikling swipe. Halimbawa, kung gusto mong hinaan ang iyong pag-shot, dapat maikli at mabilis na swipe ang gawin at kung gusto mo namang lakasan ang iyong tira, dapat habaan mo ang iyong pag swipe. Bago tumira, subukang hulaan kung saan eksaktong titigil ang bola pagkatapos mong tirahin ito dahil sa ganitong paraan, malalaman mo kung pabor ba sa iyo ang posisyon ng bola o hindi.

Huwag galawin ang peg na nasa iyong goal post dahil ito ang magsisilbing depensa mo upang mahirapang maka-score ang kalaban. Ngunit kung kinakailangan, pwede mo naman itong gamitin basta tiyakin na magiging pabor sa iyo ang posisyon ng bola. Pag-aralan din ang trajectory ng bola at ng peg upang mas epektibong makabuo ng strategy sa laro. Sa kabuuan ng tips at tricks, kailangan mo lang talagang patalasin ang iyong accuracy skills.

Kalamangan at Kahinaan

Para sa mga manlalarong mahilig sa sports at naghahanap ng larong may makabagong gameplay, tiyak na hindi ka bibiguin nitong laro. Mayroon itong 3D graphics at napaka-smooth na animation at transition ng bola kaya hindi ka mahihirapan na hulaan ang trajectory nito. Tumutugma rin ang physics nitong laro sa totoong pangyayari. Halimbawa, kapag tinira mo ng malakas ang bola, tatalbog din ng maraming beses ang bola sa gilid ng court. Dahil sa realistic na gameplay nito, hindi ka mahihirapan na bumuo ng mga strategy at tactics para sa laro. Halimbawa, kung gusto mong iposisyon ang bola malapit sa goal post, maaari mo itong gawin sa pamamagitan ng pagtira ng bola papunta sa goal post. Tiyak na ma-eexecute mo ng maayos ang iyong mga plano dahil sa makatotohanang reaksyon ng mga elemento sa loob nito. Sa usapin ng resource gathering, tiyak na magugustuhan mo ito dahil mayroon itong daily reward na magbibigay sa iyo ng cash. Nagustuhan ko rin ang konsepto ng paglalagay ng advertisements nito dahil imbes na pop-up ads, ginawa nila itong rewards. Halimbawa, sa daily rewards ay pwede kang makakuha ng cash nang limang beses kung papanoorin mo ang mga ads. Ibig sabihin, wala itong mga nakakainis at nakakaistorbong pop-up ads, bagkus ay bibigyan ka ng laro ng reward kung manonoon ka ng ads.

Konklusyon

Itong laro ay nakatanggap ng star rating na 4.0 sa Google Play Store at 4.8 naman sa App Store. Talagang makabago ang gameplay nitong laro. Bukod sa wala itong pop-up ads, pwede kang makakuha ng rewards kung pipiliin mong manood ng piling patalastas. Kaya kung naghahanap ka ng isang nakakaaliw na bagong laro, i-download na ang Soccer Stars: Football Kick ngayon!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...