Titan Rush Review

Handa ka na bang harapin ang malalaking nilalang o maging katulad ng mga ito? Bibigyan ka ng Titan Rush ng pagkakataon na maging isa sa mga pinakanakakatakot na titan sa mundong ibabaw. Kunin ang isa sa mga kakayahan ng siyam na titan. Mayroon kang kakayahang maging isang beast, cart, war hammer, armored, colossal, o isang founding titan! Iwasan ang mga bagay na pumipigil sa iyong lumakas, mangolekta ng mga power-up upang madagdagan ang iyong kapangyarihan, at panghuli ay harapin ang huling boss nang buong tapang. Susubukin ng Rush Titan ang iyong lakas at kakayahan sa mga matitinding pagsubok.

Ano ang layunin ng laro?

Ang layunin ng laro ay harapin at labanan ang boss titan. Magsisimula ka sa isang anyo ng tao. Magagawa mong gampanan ang isa sa mga kilalang karakter mula sa manga at anime series na Attack on Titan. Pagkatapos, kapag nalampasan mo na ang mga pagsubok at hamon ay makakaharap mo na ang boss at kusa kang magpapalit ng anyo bilang isang titan din. Kapag matagumpay mong natalo ang boss, maaari mo siyang ihagis patungo sa multiplier distance para makolekta ang iyong reward.

Paano Ito Laruin?

Gusto mo na bang magsimula? Kung gayon, patuloy lamang na basahin ang artikulong ito. Ang Laro Reviews ay magbibigay sa iyo ng pangkalahatang-ideya ng mekaniks ng laro. Dadalhin ka ng laro patungo sa pangunahing feature sa oras na matapos mong ma-download at ma-install ang app sa iyong smartphone. Magsisimula ka bilang si Eren. Ayon sa anime series, namana niya ang kanyang titan powers sa kanyang ama, na siya ring founding titan.

Si Eren ay isang miyembro ng survey corps na ang layunin ay direktang labanan ang mga titan, at dito sa Titan Rush, tatakbo ka hanggang sa maabot mo ang huling boss. Pagkatapos ay magkakaroon ng mga bagay na hahadlang sa iyo at mga kalaban. Kaya, dapat mong iwasan ang mga ito at lumaban. Maaari mong kunin ang mga item o power-up na maaaring magpalakas ng iyong kapangyarihan. Sa sandaling maabot mo ang huling destinasyon, ikaw ay magbabago ng form at magiging isang titan. Ang huling boss ay maaaring isang beast titan, colossal titan, warhammer titan, o isang ordinaryong titan lamang. 

Igalaw mo lamang ang iyong karakter sa pamamagitan ng pag-drag ng iyong hinlalaki. Mag-swipe lang pakaliwa o pakanan para makaiwas sa mga hadlang. Maaari ka ring makakuha ng mga bagong karakter. Maaaring pataasin ng mga glove at hat ang iyong damage at speed na nagbibigay sa iyo ng lakas. I-upgrade ang iyong kapangyarihan at taasan ang multiplier distance para mas makakuha ng mga reward. Patuloy lang na manalo sa bawat laban para magkaroon ka ng pagkakataong i-unlock ang iba pang mga karakter at item. Maaari kang manood ng mga ad upang mapataas ang multiplier o mag-claim ng premyo nang libre.

Paano I-download ang Laro?

Ang mga kinakailangan para matagumpay na ma-download ang Titan Rush sa Android devices ay dapat Android 5.1 o mas mataas pang bersyon ang gamit. Para sa iOS users naman, makukuha ito gamit ang iPhone 6s o mas mataas na iOS sa 11.0. Ang makukuhang space ng app para sa Android ay 104 MB at 365.2 MB naman para sa iOS.

Maaari ring i-click ang mga link sa ibaba upang mag-download:

Download Titan Rush on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.titan.rush.game

Download Titan Rush on iOS https://apps.apple.com/us/app/titan-rush-3d/id1607305728

Download Titan Rush on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-com.titan.rush.game-on-pc.html

Hakbang sa Paggawa ng Account sa Titan Rush

  1. Hanapin ang anumang App Store na makikita sa inyong mga device.
  2. Hanapin ang bersyon ng larong Titan Rush. Pagkatapos ay i-download at i-install ito.
  3. Buksan ang app at direktang dadalhin ka nito sa laro. Hindi na kailangang i-link ang laro sa anumang mga account. Sa oras na inalis na ito sa mga device, hindi na mase-save ang progress ng laro.
  4. Maaari mo na ngayong umpisahan ang paglalaro ng Titan Rush!

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Titan Rush

Sa totoo lang, ang laro ay sadyang madali at hindi kumplikado. Hindi ito nangangailangan ng anumang mga diskarte. Ang kailangan mo lang gawin ay mag-enjoy sa buong laro. I-drag at i-slide lang iyong karakter sa screen upang maiwasan ang mga hadlang at atakihin ang kalaban. Hindi mo na mapipigilan ang iyong karakter na gumalaw kapag nagsimula ka nang tumakbo. Patuloy ka lamang tatakbo habang sinasalubong ang maraming mga kalaban at mga hadlang na maaaring makaapekto sa iyong buhay.

Kaya, ang iyong layunin ay iwasan ang lahat ng mga bagay na ito upang makakuha ng lakas at kapangyarihan sa sandaling harapin mo na ang huling boss. May opsyon kang pataasin ang iyong kapangyarihan pati na rin ang multiplier distance. Maaari kang makakuha ng mga karagdagang reward nang mabilis at epektibo sa ganitong paraan. Nagbibigay-daan sa iyo ang mga panalong laban na makapag-unlock ng mga bagong karakter, ngunit maaari mong makuha ang mga ito ng libre sa pamamagitan ng panonood sa mga advertisement. Maaari kang gumamit ng mga power-up na makakatulong sa iyong palakasin ang iyong damage at speed.

Pros at Cons sa Paglalaro ng Titan Rush

Ang Titan Rush ay naghahatid ng kasiyahan at libangan para sa mga manlalaro. Maaari mo itong laruin sa bahay, sa opisina, o kung saan mo gusto kasama ang iyong mga kaibigan o pamilya. Ito ay isa sa mga pinakamahusay na application na pampalipas ng oras at siguradong ito ay tiyak mong kahuhumalingan. Ipinagmamalaki nito ang mga pangunahing kontrol at madaling gameplay na kahit isang baguhan ay maaaring matuto nang hindi nangangailangan dumaan sa tutorial. Ito ay isang mahusay na mapagkukunan ng kasiyahan at libangan.

Pagdating sa visual graphics, ito ay lubos na pangkaraniwan lamang at wala kang dapat masyadong asahan pagdating dito. Ito ay tipikal na graphics para sa mga ganitong klase ng laro. Ang mga sound effect ay ang mga simpleng sigaw ng mga titan na iyong tanging maririnig sa buong laro. Ang lahat ng mga karakter ay batay sa isa sa pinakasikat na serye ng anime at manga, ang Attack on Titan. Maaari mong makita ang iyong mga paboritong karakter tulad ni Eren, Mikasa, at Levi, pati na rin ang iba pang mga titan form kabilang ang beast, cart, female, colossal, cart, at iba pang uri ng titan.

Magkakaroon ng mga hadlang sa iyong daraanan na dapat mong iwasan. Ang mga balakid na ito ay may masamang epekto sa iyong karakter, at ito ang tanging bagay na nagpapahirap sa laro. Bukod doon, walang ibang kapansin-pansing aspeto sa laro. Oo, maaari kang makakuha ng iba’t ibang mga item, makakuha ng mga bagong karakter, at magagawa mo ring taasan ang iyong kapangyarihan at multiplier distance. Gayunpaman, ang tunay na ikinadidismaya ng Laro Reviews sa larong ito ay sobrang dami ng mga advertisement na lumalabas sa oras ng paglalaro. Ito ay paulit-ulit at inaalis nito ang iyong atensyon sa laro. Labis din itong nakadepende sa panonood ng mga ad para makakuha ng mga bagong karakter at booster. Dapat gumawa ng paraan ang mga developer tungkol sa isyu nito ng laro kung gusto nilang panatilihing interesado ang mga manlalaro.

Konklusyon

Ang laro ay mainam para sa mga free-to-play na manlalaro at available para sa lahat ng Android, iOS, at PC. Maaari kang maglaro nito gamit ang smartphone device kahit na hindi nakakonekta sa internet. Kunin ang iyong mga device at maghanda upang tuklasin ang mundo ng mga titan kasama ng iyong mga paboritong karakter sa Attack on Titan!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...