To the Moon Review

Ang original version ng To the Moon ay inilunsad ng Free Birds noong 2011. Sa mga panahong iyon, ito ay may limitadong gameplay at features pa lamang. Pagkatapos ng anim na taon, taong 2017, inilabas ng X.D Network ang remastered version ng story-driven game na ito. Hindi tulad noon, ito ay mas pinahusay at pinaganda pa. Bukod sa makabagbag-damdamin nitong storyline, dinagdagan pa ito ng bago at kapanapanabik na mga paandar.

Ang pangunahing layunin ng mga manlalaro rito ay tulungan sina Dr. Rosalene at Dr. Watts na tuparin ang huling kahilingan ni Johnny Wyles, isang matandang lalaki na malapit nang mamatay. Sa pamamagitan ng kanilang artificial memory machine, maaari nilang mabigyan ito ng mga alaala tungkol sa pagpunta sa buwan. Gayunpaman, hindi ito madali dahil kinakailangan munang maghanap ng mga bagay at gumawa ng iba’t ibang tasks upang maibalik ang mga nawawalang bahagi ng kanyang alalala.

Paano I-download ang Laro?

Ang To the Moon ay hindi isang free-to-play game. Kung gusto mong i-download ang app sa iyong mobile device ay kinakailangan mong magbayad. Gayundin, dapat mong tiyakin na ang device na gagamitin mo ay may OS na katumbas ng Android 4.0, pataas. Available ito sa Play Store at sa App Store at pwedeng i-download sa mga Android at iOS device. Kung nais mo namang maglaro gamit ang laptop o desktop, i-download lang ang APK file nito at gumamit ng Android emulator. Sa kabilang banda, maaari mong gamitin ang mga sumusunod na link:

Download To the Moon on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.xd.tothemoon&showAllReviews=true

Download To the Moon on iOS https://apps.apple.com/us/app/to-the-moon/id1159700098

Download To the Moon on PC https://pcmac.download/app/1159700098/to-the-moon

Ultimate Guide ng mga Manlalaro

Sa mga nakaraang taon, nakita natin ang pagtaas sa bilang ng strory-based games na nakatuon sa pagpukaw ng emotional at psychological na aspeto ng mga manlalaro. Saklaw din ng mga ito ang iba’t ibang paksa tulad ng motivations, katatawanan at pagtalakay sa mga napapanahong social issues tulad ng bullying, depression at iba pa.

Kung sawa ka na sa action at strategy games at nais mo namang sumubok ng mas nakaka-relax at nakakalibang na laro, may nais ipakilalang bagong casual role-playing game ang Laro Reviews. Alamin ang mahahalagang bagay tungkol dito at suriin kung dapat mo nga ba itong subukan o hindi. 

  •  Storyline

Ang gameplay ng To the Moon ay nakabatay sa isang natatanging storyline. Bibigyan ka nito ng isang gaming experience na pupukaw sa iyong damdamin. Magkakaroon ka ng pagkakataon na tulungan ang dalawang doktor na buuin at baguhin ang alaala ng isang taong malapit nang mamatay. Ang kwento ay naka-focus kina Dr. Rosalene at Dr. Watts at sa kanilang hindi pangkaraniwang trabaho. Sila ay nagbibigay ng mga artificial memories sa kanilang mga kliyente. Gamit ang special machine, naa-access nila ang mga alaala ng pasyente at nabibigyang katuparan ang kanilang kahilingan. Sa larong ito, kinakailangan mong hanapin ang mga bagay na may kaugnayan sa nawawalang alaala ni Johnny. 

  • Gameplay 

Isa sa mga kakaibang katangian ng larong ito ay ang kawalan nito ng battle system. Hindi ka sasabak sa mga labanan dito. Ang layunin mo lang sa laro ay maibalik ang mga nawalang alaala ni Johnny at matupad ang kanyang hiling. Ito ay gumagamit ng linear gameplay kung saan maaari lamang manalo ang mga manlalaro kapag nagawa nila ang layuning naka-set. 

Upang makapagpatuloy sa laro, dapat mong kumpletuhin ang tasks na kinakailangan sa bawat game level. Pagkatapos tukuyin kung ano talaga ang nais ng kliyente, kailangan mong bigyang katuparan ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng artificial memory tungkol sa pagpunta niya sa buwan. Subalit, dapat mo munang hanapin ang items na may kaugnayan sa kanyang nawawalang alaala. Pagkatapos nito, magkakaroon ka ng pagkakataong baguhin ang mga karakter, bagay at kaganapan sa buhay niya.

  • Game Controls

Simple at napakadali lang ng game controls ng To the Moon. Kailangan mo lang i-point ang direksyong nais puntahan ng game characters. Sa mga pagkakataon namang kailangan mong mamili, i-click ang iyong napiling option. Bukod sa mga ito, may mga karagdagang control icons din sa laro na lumalabas kapag kinakailangan tulad ng mga sumusunod:

  • Pwede kang gumamit ng magnifying glass upang suriin ang isang tao o isang bagay.
  • I-click lang ang Footprints icon kung nais mong tumalon sa mga harang. 
  • Sa pamamagitan ng pag-tap ng Hourglass icon, magagawa mong maglakbay sa mga alaala ni Johnny.
  • Game Features

Ang larong ito ay nagtatampok ng character dialogues kung saan unti-unting mahahayag ang kabuuan ng kwento. Mayroon din itong Music Box feature kung saan maaari kang mag-download ng in-game musics at i-play ang mga ito sa background habang ikaw ay naglalaro. Sa tulong din ng DIY QR Code feature nito, hindi mo na kailangan pang mag-log in nang paulit-ulit upang ma-access ang iyong game data at progress sa ibang gaming device. 

Pros at Cons ng To the Moon

Marami ang nagkagusto sa nakaka-relax ngunit emosyonal na dating ng larong ito. Kahanga-hanga ang bago nitong konsepto at talagang kakaiba ito kung ikukumpara sa mga pangkaraniwang action at battle games. Ang Music Box feature at ang mga musikang ginamit dito ay de-kalidad at bagay sa konsepto ng laro. Sa katunayan, ang mga dati nang manlalaro ay muli na namang nahumaling dito. Higit sa lahat, ang storyline nito ay nakakapukaw ng damdamin. Ang simpleng game controls at mechanics nito ay madaling maintindihan. 

Sa kabilang banda, may mga negatibong puna rin ang larong ito. Puno ito ng pop-ups na nakakaistorbo sa paglalaro. May ilang manlalaro na hindi nagustuhan ang gameplay nito dahil hindi ito challenging at mga simpleng puzzles lamang ang kinakailangang lutasin. Marami rin ang nadismaya dahil hindi pwedeng laktawan ang character dialogues na masyadong mahaba at nakakaubos ng oras. Kinakailangan mo ring maghintay ng matagal para matapos ang screen shiftings nito. May iilang hindi makapaglaro ng maayos dahil puno ito ng bugs na nagiging sanhi ng madalas na pag-crash ng app. Marami ring negatibong feedback tungkol sa game controls nito dahil madalas itong hindi gumagana ng maayos. Ang pixelated graphics at animations ng laro ay masyadong simple at hindi maganda ang kalidad. 

Konklusyon

Ang To the Moon ay may average rating na 4.9 stars sa Play Store at 4.6-star rating naman sa App Store. Hindi maipagkakailang isa itong nostalgic at kakaibang uri ng RPG. Gayunpaman, para sa Laro Reviews, ito ay overrated lalo na at kinakailangan mong magbayad para rito. Ang konsepto at storyline nito ay bukod-tangi, subalit ang game execution nito ay medyo sablay dahil na rin sa mga isyung nakakaapekto sa gaming experience ng mga manlalaro. Sa kabuuan, ang larong ito ay hindi para sa lahat, lalo na sa mga maiikli ang pasensya. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...