UNO!™ Review

Isa sa pinakasikat na card game sa buong mundo ang UNO. Maaaring nalaro mo na ito noon o kung hindi pa ay malamang na narinig mo na ito mula sa iba. Matanaw mo pa lang ang matingkad na kulay ng cards nito, makikilala mo na agad na UNO ito. Kung noon ay kailangan ng pakete ng UNO cards bago makapaglaro nito, ngayon ay pwede na itong laruin gamit ang iyong mobile phone! Basahin ang artikulong ito mula sa Laro Reviews para malaman ang tungkol dito. 

Ang UNO!™ ay isang mobile card game na ginawa ng game developer na nagngangalang Mattel163. Mula sa sikat na UNO card game, ginawa itong mobile game at pumatok pa rin sa masa. Sa katunayan, nakakuha ito ng kabuuang bilang na 1,237,799 reviews sa Google Play Store kung saan ang average user rating ay 4.6 out of 5. Samantalang sa App Store, ito ang nangungunang laro sa kategoryang Card. 

Features ng UNO!™ 

Two Game Modes – Pumili kung Classic Mode o Go Wild ang lalaruin. May option ka sa parehong mode kung maglalaro ng Single Player o 2v2. Nahahati ang Classic sa anim na bahagi depende sa dami ng coins na matatanggap mo sa battles. Halimbawa, maa-unlock lamang ang x4 kung ang coins mo ay nasa 400 pataas, at para naman sa x8, kailangang manalo muna ng sampung trophies para ma-unlock ito. Sa kabilang banda, ang Go Wild naman ay nahahati sa walong bahagi. Samakatuwid, kapag mas mataas ang multiplier, mas malaki rin ang mapapanalunan. 

UNO! - Laro Reviews

UNO! – Laro Reviews

Invite Friends and Family – Sa Room Mode, maaaring imbitahin ang mga kaibigan o pamilya upang maglaro nito. Dito, may pagkakataon kang magtayo ng sariling house rules, kabilang na ang mga sumusunod: Stack, 7-0, Forced Play, Discard All, Total Time na 3:00, 6:00, 10:00, o Unlimited, Double Discard All, Wild Trick, Time Balloon, Wild Punch, at Force a Turnover. Ikaw rin ang bahala kung hanggang ilan ang rounds na nais. Ngunit tandaang hanggang anim lamang ang bilang ng rounds na posibleng gawin. Gayundin, maaari ding baguhin ang Battle Mode at gawing single o 2v2. Pwede mo ring i-lock at i-unlock ang Room Type ng gagawing room. Bukod pa rito, mayroon ding Party Mode kung saan gumagamit ito ng GPS para makipaglaro sa mga manlalarong malapit sa iyong lokasyon. 

2v2 Battle Mode – Maghanap ng iyong partner na magsisilbing kakampi sa 2v2 na labanan! Magtulungan para manalo ang inyong team sa laban. Ang kailangan lang gawin ay paunahang maubos ang cards. Ang pares na siyang mauuna ang tatanghaling panalo sa labanan.

Real-Time Matches – Manalo ng rewards kapag nakipaglaban sa tournaments at special events! Galingan sa bawat laban para manguna sa leaderboards!

Saan Pwedeng I-download ang UNO!™?

Hindi na kailangan pang magbayad para mai-download ang laro dahil ito ay free-to-play (F2P). Sundin ang mga sumusunod na direksyon sa pag-download ng UNO!™. Una, gamit ang iyong smartphone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users, at sa App Store naman sa iOS users. Ikalawa, ilagay sa search bar ang UNO!™. Ikatlo, hanapin ang UNO!™ sa search results at pindutin ang Install o Get button. Ika-apat, pagkatapos mai-download ang laro, buksan ang app at kumpletuhin ang sign-in details. Kapag natapos mo ang lahat ng ito, pwede ka na magsimula sa paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download UNO!™ on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.matteljv.uno

Download UNO!™ on iOS https://apps.apple.com/us/app/uno/id1344700142

Download UNO!™ on PC https://www.bluestacks.com/apps/card/uno-on-pc.html

Kung nais mo namang sa PC maglaro ng UNO!™, kailangan munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator na kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Pagkatapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play. 

UNO! - Laro Reviews

UNO! – Laro Reviews

Tips at Tricks sa Paglalaro

Nakaka-overwhelm ba ang paglalaro ng UNO sa dami ng cards nito? Huwag nang mag-alala dahil narito ang Laro Reviews para magbigay ng tips at tricks. Magsisilbi itong gabay sa iyong paglalaro. 

Mayroong 108 cards ang isang UNO deck. Binubuo ito ng 76 na number cards, 24 na Action cards, at 8 Wild cards. Mapapansing magkakaiba ang kulay na mayroon ito pula, dilaw, asul, at berde. Mayroong 19 na cards sa bawat kulay, kung saan binubuo ito ng dalawang set ng 1-9 cards at isang 0 card. Sa game mechanics, kapag nagbaba ng card ang manlalarong sinundan mo, kailangan mong itugma ang ilalapag mong card sa kulay o sa numero nito. Paunahang maubos ang cards para manalo sa laro. Bukod sa mga cards na may numero, may mga karagdagang cards din na maaaring gamitin sa laban. 

Related Posts:

Case Hunter: Brain Funny Cases Review

Flag Painters Review

Ano ang Action Cards? 

Ang action cards ay binubuo ng tatlong klase ng cards, ang Draw 2, Reverse, at Skip. Ginagamit ang Draw 2 kapag gusto mong mag-draw ang susunod na player ng dalawang cards at malalaktawan din ang kanilang tira. Ang Reverse naman ay para baliktarin ang direksyon ng paglaro, at ang Skip naman ay para laktawan ang susunod na titira. Mayroong tig-dalawang piraso ang bawat isa kada kulay. 

Ano ang Wild Cards? 

Ang Wild Cards ay binubuo ng Wild at Wild Draw 4. Pareho nitong binabago ang kasalukuyang kulay ng card at ang manlalarong naglagay nito ay may oportunidad na pumili ng panibagong kulay na gagamitin sa laro. Samantala, ang ipinagkaiba nito sa Wild Draw 4 ay kailangang mag-draw ng apat na cards ang susunod na manlalaro at hindi rin siya makakatira pa. Mayroon itong tig-apat na piraso, at maaaring itira ang mga ito kahit kailan mo gusto. Bukod pa rito, kapag nabigyan ka ng Draw 4, pwede mong i-challenge ang manlalarong tumira nito kung sa tingin mo ay mayroong card na tugma ang kulay sa nakalagay sa screen. Kapag tama ang iyong hula, siya ang magdo-draw ng apat na cards imbis na ikaw. Kung hindi, madadagdagan pa ng dalawang cards bukod sa apat na iyong ido-draw.

Paano mag-stack? 

Maaaring i-stack ang +2 at +4 cards. Kapag nag-stack ka, ang bisa ng draw card na mapupunta dapat sa’yo ay papatungan mo ng karagdagang draw card at mapapasa sa susunod na manlalaro. Makakapag-stack ka kapag ang ang tinirang card bago sa’yo ay +2 o +4. Kailangang +2 card ang ilalagay mo kapag +2 card ang itinira bago sa’yo. Pwedeng tuluy-tuloy ang pag-stack hanggat umabot sa manlalarong ‘di na kayang magdagdag sa stack. Ang manlalarong iyon ang makakatanggap ng kabuuang bilang ng cards na ido-draw. Bukod dito, ang maipapayo ko sa iyo ay huwag munang itira agad ang +2 o +4 cards mo dahil baka maubusan ka ng gagamitin kung sakaling malagyan ka ng draw card. Siguraduhing ipunin ang mga ito para may pang-stack ka kapag naglapag ng draw card sa iyo. Nang sa gayon, ang susunod na manlalaro ang makakatanggap nito imbis na ikaw. 

Mayroon ding house rule na 7-0 kung saan kapag naglapag ng 7 ang manlalaro, kailangang makipagpalit siya ng kamay o ang lahat ng cards nito sa isa pang manlalaro. Kapag naman ang nilapag ay 0, lahat ng manlalaro ay ipapasa ang kanilang kamay o ang lahat ng cards sa kasunod na manlalaro depende sa direksyon ng laro. Dagdag pa rito, mayroong Force Play kung saan kapag nakapag-draw ka ng playable card, maaari itong ilapag agad.

UNO! - Laro Reviews

UNO! – Laro Reviews

Huwag na huwag ding kalilimutang pindutin agad ang bilog na button na nakalagay ay “UNO” sa kanang ibaba ng screen kapag may dalawang cards ka na lang na natitira. Bago mo ilapag ang ikalawang huling card, kailangan mong pindutin ang UNO button. Dahil kung hindi, pwede kang i-challenge ng kalaban mo sa hindi pagtawag ng UNO at kailangang mag-draw ka ng dalawang cards kapag ikaw ay nahuli.

Pros at Cons ng UNO!™

Mas naging accessible ang paglalaro ng UNO card game dahil hindi na nangangailangan ng aktwal na deck ng cards nito para makapaglaro ng sama-sama sa iisang lugar. Sa UNO!™, gamit lamang ang mobile phone, posibleng makipaglaro sa iba’t ibang tao nasaan man sa mundo. Nakakatuwa rin ang mga animation habang labanan pati na rin ang background music nito. Bukod dito, isa sa feature ng laro ang opsyon na manood sa laban ng iba habang kasalukuyan silang naglalaro. Kahit na pareho ito ng tradisyunal na UNO card game, marami pa rin ang idinagdag ng mobile game nito na kawiwilihan ng mga manlalaro.

Gayunpaman, maraming kaso ng biglaang pagka-crash at pagla-lag ng app. Ang mahirap pa rito ay kapag nag-crash ito habang nasa kalagitnaan ka ng laro, at kadalasan ay medyo natatagalan pang ma-reconnect sa laban. Kahit na wala namang problema sa internet connection, nangyayari pa rin ang ganitong mga issue. 

Konklusyon 

Tiyak na masisiyahan ka sa paglalaro ng UNO!™ kahit na beterano ka man sa tradisyunal na UNO card game o baguhan ka lamang sa larong ito. Mas nagkakaroon ng pagkakataon ang lahat na maglaro ng UNO kahit walang aktwal na cards nito at kahit na hindi kayo magkakasama sa iisang lugar. Bukod dito, maganda ring maging praktis ito para mahasa sa paglalaro ng mismong UNO game at maging pamilyar sa rules nito. Kaya kung ako sa iyo ay ida-download ko na ang app para subukan itong laruin!

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...