WitchSpring3 Review

Ang Witch Spring ay isang tanyag na game series mula sa Kiwiwalks Co. Ltd, isang South Korean game developer. Sa kasalukuyan, mayroong apat na mga larong kabilang sa series na ito. Ang WitchSpring3 ay ang pangatlong installment na inilabas noong 2017. Tulad ng dalawang naunang installments, ito ay nagtatampok din ng pinagsamang konsepto ng pantasya, magic at witchcraft. 

Ang mga manlalaro ng premium RPG na ito ay gagampanan ang papel ni Eirudy, isang marionette witch na may kakayahang bigyang-buhay ang mga manika. Mararanasan nila kung papaano mabuhay at makipagsapalaran bilang isang witch. Ang larong ito ay may natatanging storyline pati na rin iba’t ibang game events na pwedeng salihan at i-enjoy. 

Paano I-download ang Laro?

Bago ang lahat, kailangan mong gumastos para mai-download ang game app na ito. Kailangan mo ring siguraduhin na ang iyong gaming device ay may free storage space na hindi bababa sa 900MB para gumana ito ng maayos. Maaari mong i-download ito mula sa Play Store o sa App Store, gamit ang Android at iOS devices. Kung nais mong maglaro sa iyong laptop o desktop, i-download ang app sa iyong computer device at gumamit ng lehitimong emulator upang i-run ito. Para hindi ka na masyadong maabala pa, maaari mong i-click ang mga link sa ibaba:

Download WitchSpring3 on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.kiwiwalks.witchspring3&fbclid=IwAR28DndkzsFny5YnJ_9eQ1GBrY1X6pJ40n6ZpgtsO_NWUdDOWAWTmwEC4YM

Download WitchSpring3 on iOS https://apps.apple.com/ph/app/witchspring3/id1298366657

Download WitchSpring3 on PC https://pcmac.download/app/1298366657/witchspring3

Ultimate Guide para sa mga Manlalaro

Ang larong ito ay tungkol sa kwento ni Eirudy na isang witch. Siya ay nabubuhay mag-isa sa Misty Forest. Ang kadalasan n’yang pinagkakaabalahan ay ang paggawa ng magic at magical tools. Naglalakbay din siya sa kagubatan at naghahanap ng mga mahiwagang sangkap. Madalas siyang nakakatagpo ng mga mandirigmang gusto s’yang hulihin. Sa kabutihang palad, nagagawa n’yang ipagtanggol ang kanyang sarili gamit ang magic.

Sa pamamagitan ng pag-summon ng kanyang mga manika, nagagawa niyang makipaglaban at matalo ang mga kaaway. Subalit, dumating ang araw na hindi niya nagawang i-summon ang mga manika sa hindi malamang kadahilan. Samahan si Eirudy sa kanyang paglalakbay at pakikipagsapalaran para maghanap ng paraan para muling gumana ang koneksyon niya sa kanyang mga manika. 

May balak ka bang subukan ang larong ito? Nais ng Laro Reviews na mas ma-enjoy mo ang paglalaro kaya tutulungan ka naming malaman ang mahahalagang bagay tungkol dito.

  •  Gameplay 

Hindi tulad ng ibang story-based games, ang WitchSpring3 ay may non-linear gameplay. Ibig sabihin, iba-iba ang pwedeng maging kalabasan ng kwento. Kinakailangang kumpletuhin ang bawat game level upang unti-unting mabunyag ang ang mga mangyayari sa kwento. Ito ay may limang kabanata at ang bawat isa ay nakatuon sa buhay ni Eirudy at mga hamong dapat niyang kaharapin sa tulong mo. Kapag nakumpleto na ang bawat antas, makakakuha ka ng in-game resources tulad ng special items at golds. Maaari mong gamitin ang items upang mas palakasin pa ang iyong game character at ang gold naman ay para makabili ng karagdagang game items. 

  • Game Routes

May tatlong game routes sa larong ito: Light Route, Dark Route at True Routes. Dito nakasalalay ang pagtatapos ng kwento ni Eirudy. Maaari siyang maging isang mabuting witch o kaya ay maging isang masamang witch. Kailangan mong mamili ng mabuti sa mga route na ito dahil malaki ang epekto nito sa Chapters 4 at 5. Ito ang magiging batayan ng outfit ni Eirudy, side events na maaari mong salihan, ending illustration at ang nilalaman ng post-game contents na available lamang kapag pinili mo ang Light o kaya ay True Routes.

  • Training List

Isa sa pinakamahalagang feature ng larong ito ay ang Training features. Tandaan na ang gameplay nito ay nakasalalay sa physical at magic swordsmanship ng game characters. Ang Training feature ay nagsisilbing stats booster na nagpapalakas sa game characters para manalo sa mga labanan. Sa kabuuan, may 8 trainings na maaari mong gamitin. Ang bawat isa rito ay nagpapahusay sa isang partikular na skill o ability. Gayunpaman, hindi mo maaaring i-access ang lahat ng ito nang sabay-sabay. 

  •  Combat System

Ang larong ito ay gumagamit ng turn-based combat system. Ang kapasidad ng iyong mga atake ay nakasalalay sa skills na iyong maa-unlock. Si Eirudy ay may tatlong defense skills – burn, freeze at stun. Kailangan mo ng partikular na spell element para sa bawat isa. Bukod pa rito, meron rin s’yang attack skills na kinabibilangan ng swordsmanship, magic swordsmanship at spells. Ang swordsmanship skills ay binubuo lamang ng physical skills samantalang ang magic swordsmanship naman ay gumagamit ng magic upang mas pataasin ang pinsala ng sandata. Maaari kang mag-summon ng hanggang sa tatlong manika upang matulungan si Eirudy sa labanan. Kailangan mo rin silang bigyan ng iba’t ibang uri ng attack skills tulad ng fire magic, ice magic o lightning magic. Sa kabilang banda, ang healing magic naman ay pinakamainam na gamitin bilang defense o support skills dahil magagamit ito upang madagdagan ang iyong life points. Kung kinakailangan, maaari ka ring mag-teleport pabalik sa iyong bahay. 

Pros at Cons ng WitchSpring3

Ang gameplay ng larong ito nakakahumaling at nakakaengganyo. Maging ang kakaiba at nakakaaliw nitong storyline ay talagang kapanapanabik din. Madaling maunawaan ang game mechanics kahit na ang features nito ay kakaiba. De-kalidad at nakakamangha ang graphics at animations na ginamit dito. Simple lang ang dating nito ngunit nakakaaliw at kahangahanga ang detalyadong storyline. Nakakapukaw kasi ito ng iba’t ibang emosyon at nanghihikayat sa mga manlalaro na bigyan ng magandang katapusan ang kwento ng main game character na si Eirudy. Bagama’t hindi libre ang pag-download ng app, abot-kaya naman ang presyo nito at sulit ang halagang ibabayad mo. 

Sa kabilang banda, ang story-based game na ito ay may iilang kahinaan din at kinakailangang mapagbuti pa. Maraming manlalaro ang nais sanang madagdagan ang customization features ang laro. Sa pamamagitan kasi nito mas magiging nakakaaliw at personalized ang kanilang gaming experience. Ang progression ng storyline ay madaling mahulaan. Maraming mali sa scripts at dialogues na kailangang ayusin. Bukod dito, ang difficulty level nito ay hindi gaanong challenging para sa iba lalo na sa huling chapters. Ang app ay nagtataglay din ng bugs na lubos na nakakaapekto sa paglalaro. Bukod dito, marami rin ang naiirita dahil walang option para i-skip ang mahahabang dialogues nito. 

Konklusyon

Hindi kataka-taka na ang WitchSpring3 ay nakaagaw ng pansin ng maraming manlalaro. Marahil ay dahil na rin ito sa tagumpay ng dalawang naunang installment ng series. Mayroon itong average rating na 4.8 stars mula sa halos 14,000 reviews sa Google Play Store. Samantala, 5.0-star rating naman ang nagmula sa 24 reviews sa App Store. Sa kabuuan, inirerekomenda ng Laro Reviews na kung okay lang naman sa iyong gumastos para sa laro, kailangan mong subukan ang isang ito. Hindi ito gaanong mahal tulad ng iba at sulit din naman ang kalidad nito. Ang storyline nito ay kakaiba at isa rin ito sa itinuturing na may pinakamahusay na konsepto sa adventure-fantasy game genre.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...