World War Defense Review

Minsan ay naisip mo na bang maging sundalo? Pinangarap mo rin bang maging isang pinuno ng hukbong sandatahan? Kung ganon, bakit hindi mo subukan itong laro upang maranasan mo ang maging isang mandirigma. Sa artikulong itong ginawa ng Laro Reviews ay makikilala mo itong larong kahuhumalingan mo. Narito ang mga tampok na dapat mong malaman.

Mga Tampok ng Laro

Ang World War Defense ay isang offline tower defense game na ginawa ng sterio7 games. Mayroong itong 1000 levels na maaari mong hamunin. Kailangan mo ring i-develop ang iyong base upang mapalakas ang iyong opensa at depensa. Upang laruin ito, kailangan mong i-deploy ang iyong mga unit sa isang transportation vehicle at siguraduhing hindi ito mawawasak ng kalaban. Ang kundisyon para manalo ay dapat maubos mo lahat ng kaaway at dapat hindi masira ang iyong transport. Ngayon, talakayin naman natin ang mga pangunahing tampok ng laro na dapat mong malaman.

Transport – Dito ay maaari kang bumili ng mga unit at mag-upgrade. Maaari mong i-upgrade ang iyong transport upang lumakas ang depensa nito at madagdagan ang slot na maaaring paglagyan ng unit. Ang modules naman ay mga equipped weapon na nakakabit sa iyong transport. Maaari ka ring maglagay ng towers dito para sa dagdag na depensa at opensa kapag umabot na ng level 50 ang iyong transport.

Map – Dito mo makikita ang lokasyon ng mga base ng kalaban. Kapag nasakop mo ang base ng kalaban, magbibigay ito ng gold coins sa bawat segundo. Maaari mong i-upgrade ang mga base na iyong nasakop upang lumaki ang gold na ibinibigay nito.

Camp – Ito ang iyong base. Dito ay maaari mong palakasin ang iyong kabuuang stats. Sa headquarters ay maaaring i-upgrade ang mga stat na makakatulong sa iyong pabilisin ang pag-produce ng gold at palakasin ang kabuuang damage output ng iyong mga unit. Maaaring i-upgrade ang mga stat dito sa pamamagitan ng stars na nakukuha sa tuwing may maipapanalo kang laban o kapag napuno na ang star EXP bar. Ang storage naman ay ang lugar kung saan maaari mong makolekta ang mga gold na pino-produce ng gold mine bawat limang segundo. Maaari mong doblehin ang mga reward na makukuha sa pamamagitan ng panonood ng ads. Mayroon din itong training ground na maaaring magamit kapag umabot ka na sa wave 20. Kung gusto mong palakasin ang iyong unit, ito ang tamang lugar.

Paano i-download ang World War Defense?

Hindi mo na kailangang gumawa ng login account o mag-bind ng facebook o Gmail account upang makapagsimulang maglaro nito. Upang i-download ito sa Android, buksan ang Google Play Store o App Store at i-type sa search bar ang pangalan nitong laro, pagkatapos i-click ang Install button. Para naman sa PC, pumunta lang sa Gameloop.com at hanapin itong laro sa nasabing website at i-click ang Download button. Para sa mabilis na pag-access, maaaring i-click ang mga link sa ibaba.

Download World War Defense on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.stereo7games.wwd

Download World War Defense on iOS https://apps.apple.com/us/app/world-war-defense-battle/id1217021870

Download World War Defense on PC https://www.gameloop.com/game/strategy/com.stereo7games.wwd

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Hindi naman gaanong kumplikado ang gameplay nito. Sa katunayan, hindi mo na kailangan ng magarbong mga strategy at tactics upang maipanalo ang bawat level. Ngunit kung gusto mong mapaunlad ang iyong base nang mas mabilis, sundin itong mga payong ibabahagi ng Laro Reviews.

Dahil hindi mo kailangan mag-isip ng strategy, ang dapat mong pagtuunan ng atensyon ay ang pagkolekta ng mga gold coin upang mas palakasin pa ang iyong mga unit. Ngayon ay tatalakayin natin kung saan pwedeng makakuha ng resources at paano mapabilis ang pagkolekta nito.

Maps – Kailangan mong maglaan ng malaking halaga ng gold coin dahil mabilis magbigay ng gold coins ang mga base rito. Tiyakin ding marami kang base sa map hangga’t maaari upang mas marami kang mapagkukunan ng gold coins.

Base – I-upgrade rin ang iyong storage at gold mine. Kapag mas mataas ang level ng iyong storage, mas malaki rin ang maiimbak nitong gold mula sa gold mine at kapag mas mataas ang level ng iyong gold mine, mas malaki rin ang ibibigay nitong gold coins sa bawat limang segundo.

Ads – Kung mayroon kang internet connection, mas mainam na samantalahin ito. Sa bawat level na maipapasa mo ay mayroon kang option na manood ng ads upang doble ang makuhang gold. Maaari mo ring doblehin ang makokolektang gold mula sa map at base kapag nanood ka ng ads kaya huwag palampasin ang pagkakataong ito.

Kalamangan at Kahinaan

Napakaganda ng konsepto ng laro. Nakakaaliw ito dahil sa simplistic na gameplay ngunit habang tumatagal ang paglalaro ay nagiging nakakabagot ito dahil sa paulit-ulit na mga character ng kalaban. Nawawala rin ang challenge ng laro kapag na-upgrade na sa level 100 ang iyong transport. Nagustuhan ko ang pagiging offline nito dahil magagamit mo ang laro bilang pampalipas-oras at maaari mo itong laruin kahit saan. Magandang katangian rin ng laro ang pagiging mapagbigay nito ng rewards, dahil bukod sa murang halaga ng pag-a-upgrade ng units, maaari mong doblehin, at kung minsan ay triplehin, ang iyong nakuhang rewards sa pamamagitan ng panonood ng ads.

Kung sa usapin ng design, halatang pinag-isipan nang maigi ang bawat detalye nito. 2D lamang ang graphics ng laro ngunit malalim at malinis ang detalye at special effects ng laro kaya kahit magulo na ang screen dahil sa dami ng kalabang lumalabas ay malinaw pa ring nakikita ang mga detalye ng laro. Wala itong masyadong lags at bugs kaya asahan ang smooth na gaming experience. Bukod sa optional na ads, wala itong pop up ads kaya hindi ka maiirita habang naglalaro. Sa tingin ko, mas magiging mainam itong laro kung dadagdagan ito ng iba pang features tulad ng mini games at mga bagong map.

Konklusyon

Sa kabuuan, itong laro ay nakatanggap ng 4.4 stars rating mula sa Google Play Store. Kung naghahanap ka ng larong pampalipas-oras, may nakakaaliw at mapanghamong gameplay, maaaring ito na ang hinahanap mo. Kaya ano pa ang hinihintay mo? I-download na ang World War Defense ngayon!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...