Rogue Adventure: Card Battles & Deck Building RPG Review

Ang Rogue Adventure: Card Battles & Deck Building RPG ay nilikha ng SharkLab Mobile. Ito ay isang nakakaaliw na turn-based CCG na kung saan gamit ang iba’t ibang cards, talunin ang elite at mini bosses na makakaharap! Retro style pixel graphics din ang ginamit na istilo kaya nakatitiyak akong muli ka nitong dadalhin sa iyong pagkabata. Huwag magpapaloko dahil bagamat mukhang simple ang gameplay, kailangan ng ibayong pag-iisip at matinik na diskarte para mapagtagumpayan ang iyong paglalakbay. Kaya para madagdagan ang iyong kaalaman tungkol sa Rogue Adventure: Card Battles & Deck Building RPG, basahin hanggang dulo ang artikulong itong mula sa Laro Reviews!

Gameplay ng Rogue Adventure: Card Battles & Deck Building RPG

Sa mapa makikita ang mga Room na pwedeng bisitahin. Ang mga ito ay: 

  1. Treasure Room – Matatagpuan dito ang coins at gems. 
  2. Merchant Room – Maaaring bumili rito ng mga card, skills, at iba pang magagamit na service. 
  3. Enemy Room – Kalabanin ang Normal, Elite, o Boss enemy sa silid na ito. 

Matatalo mo ang mga kalaban gamit ang mga card na hawak. May dalawang uri ng card. Ang mga ito ay ang Combat Card at Magic Card. Base sa pangalan ng card, ang Combat Card ay naka-focus sa iyong pag-atake at pag-depensa. Samantalang ang Magic Card naman ay para sa passive skills tulad na lamang ng buffs, debuffs, heal, at marami pang iba. Pindutin lamang ang icon na may espada at kidlat upang mabasa ang iba pang detalye sa card. Ang espada ay nagsisimbolo para sa mga Combat Card at kidlat naman para sa Magic Card. Ang mga card na iyong nilalaro ay binubuo ng draw pile, discard pile, at exiled pile. 

May katumbas na isang Mana sa kada card na nilalaro. May tatlong nakalaang Mana kada tira. Nangangahulugan lamang itong tatlong cards lamang ang pwedeng itira. Kapag umabot ito ng 0, kinakailangan mo nang tapusin ang iyong tira. Matapos magamit ang card, mapapalitan ito ng panibagong card galing sa draw pile. Kapag sinubukan ng manlalarong mag-draw sa isang walang lamang deck, ang mga hindi nagamit na card o discard pile ay babalik muli sa draw pile. Sa huling bahagi ng bawat tira, matatapon ang natitirang card sa kamay ng mga manlalaro. 

Saan pwedeng i-download ang Rogue Adventure: Card Battles & Deck Building RPG? 

Dahil hindi ito available sa iOS users at PC, pumunta sa Google Play Store para sa mga Android user. I-type sa search bar ang Rogue Adventure: Card Battles & Deck Building RPG at pindutin ang icon ng app. Dahil free-to-play (F2P) ang larong ito, hindi mo na kailangang magbayad para makapagsimula. I-click lang ang install o get button at hintaying ma-download. Pagkatapos nito, pindutin ang app, kumpletuhin ang sign-in details, at simulan nang maglaro! 

Narito ang link kung saan pwedeng ma-download ang laro:

Download Rogue Adventure: Card Battles & Deck Building RPG on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=it.sharklab.rogueadventure

Tips at Tricks sa Paglalaro

Pindutin ang kalaban para makita ang dagdag na impormasyon tungkol dito. Mapapansin ang Intent ng kalaban na makikita sa kanilang itaas.Tatlo ang karaniwang Intent ng kalaban: umatake, dumepensa, o mag-skip ng tira. Makikita ang icon na sumisimbolo sa kanilang Intent. Nakadepende rito ang iyong mga hakbangin kada round, dahil dito mo matutukoy kung poprotektahan mo ba ang iyong sarili o sasamantalahin ang kanilang pag-skip. Nakalagay rin ang posibleng damage na iyong matatanggap sa Intent. Makikita mo ang espadang may katabing numero sa kanilang ulunan. Halimbawa, 6 ang nakaulat na atake para sa dalawang kalabang kinakaharap. Ngayon, dahil alam mo nang balak ka nilang atakihin, nararapat lamang na maglagay ng shield sa iyong hanay. Basahin nang maigi ang deskripsiyon ng bawat card para malaman mo kung may shield bang maibibigay ang card na pipiliin. Dahil 12 ang kabuuang damage na matatanggap, maglagay ng 13 o higit pang shield para hindi mabawasan ang iyong kabuuang HP. Gayundin ang iyong gagawin kung nakita mo namang balak ng kalaban na dumepensa. Malalaman mo kung gaano kalakas ang iyong magiging pag-atake mula sa deskripsiyon ng mga card. Kaya kung makikitang 7 ang shield na inilaan ng kaaway, nararapat lamang na mas mataas pa rito ang gagawin mong atake para mabawasan ang kanilang HP. Dagdag pa sa mga nabanggit, kung napagdesisyunan na ng kaaway na mag-skip ng kanilang tira, samantalahin ito at i-plot ang pinakamalaking damage na posible mong magawa. 

Mahalaga ring bigyang-pansin ang pagkakasunud-sunod ng mga card na plano mong itira. Halimbawa, may mga card na may passive skill na may dagdag-damage sa kalaban batay sa kasalukuyang bilang ng combat card sa iyong kamay. Dahil napapalitan agad ang mga natirang card, mainam kung agaran mo nang gagamitin ang naturang card dahil may posibilidad na ang susunod na card na papalit ay Magic Card na. Mantakin mo, kung mayroon kang apat na combat cards at ang damage ng nasabing card ay nagkakahalaga ng lima, 20 na agad ang damage na posibleng matanggap ng iyong kaaway. Kaya ang isang napakahalagang tip na maibibigay ko sa iyo ay basahin ang deskripsiyon ng bawat card na mayroon ka para mabuo ang pinakaepektibong pamamaraan para mapagtagumpayan ang bawat silid. 

Pagpili ng cards

Matapos manalo sa kalaban, makatatanggap ka ng card bilang reward. Siguraduhing basahing maigi ang passive skills ng iyong card dahil ito talaga ang tutulong sa iyo para mas madaling matalo ang mga kalaban, lalo na sa mga boss. Mainam kung pipiliin ang mga card na may tsansang madagdagan ang Mana oras na ma-meet ang criteria na hinihingi. Dahil ang Mana ang tumutukoy ng bilang ng tira kada round, mahalagang iprayoridad ito. Dagdag pa rito, piliin din ang cards na bukod sa may kakayahang umatake sa kaaway, ay may naibibigay rin itong shield. Mayroon ding mga card na kayang bigyan ng damage ang lahat ng kaaway kahit na naka-target lamang sila sa isang kaaway. Makakakuha ng rare cards kapag nagapi mo ang Boss. Kung sa tingin mong hindi sulit ang mga nakalaang cards, maaari itong i-skip para makatanggap ng isang gem. 

Terminologies na ginagamit sa laro 

May iba’t ibang salitang ginamit ang Rogue Adventure: Card Battles & Deck Building RPG na maaaring maging teknikal para sa ibang manlalaro. Kaya narito ang Laro Reviews upang tulungan at bigyang kahulugan ang ilan sa mga terminong ginagamit. 

  • Resistance – Mapapalakas nito ang iyong shield. 
  • Strength – Madaragdagan nito ang iyong attack damage na gagawin sa kalaban
  • Weak -Ang mga nilalang na naaapektuhan nito ay mababawasan ang kanilang attack power batay sa nakalagay na porsyento. 
  • Overcharged – Malilimitahan ang iyong kakayahang makatanggap ng dagdag na Mana. 
  • Poison – Nagdudulot ito ng kabawasan sa HP sa simula ng bawat tira. 
  • Burn – Katulad ng poison, nababawasan din nito ang HP ng naapektuhang card.

Pag-invest sa skills at services

Makikita ang skills at services sa Merchant Room. Mahalagang iprayoridad ang mga ito bukod sa cards na mayroon ka dahil nagbibigay ito ng karagdagang kapakinabangan. Halimbawa na lamang ang Toxic Wall na skill. Gamit ang skill na ito, nagkakaroon ng Poison ang lahat ng labanan bago pa man magsimula ang combat. Isa pang halimbawa ng skill na pwede mong bilhin ay ang Multishot. Sa bawat tira ng iyong card, may dagdag na damage sa lahat ng kalaban. 

Pros at Cons ng Rogue Adventure: Card Battles & Deck Building RPG

Kung titingnan sa simula, mukhang simple at wala masyadong hamong maibibigay ang larong ito. Ngunit, diyan kayo nagkakamali. Sabi nga nila, “don’t judge a book by its cover.” Isa sa kagandahang tinataglay ng larong ito ay ang pagiging kumplikado ng game mechanics. Kinakailangan ng ibayong pag-aaral at pagiging pamilyar sa iba’t ibang mga termino para maging epektibo ang atakeng gagawin. Hindi lang ito basta-basta pagtira ng mga card, bagkus mahalagang gamitan ng diskarte dahil limitado lamang ang HP at tirang pwedeng gawin. Dagdag pa rito, wala ring video ads na biglang sumusulpot. May pagkakataon lamang na tatanungin ka ng laro kung gusto mo bang buksan ang chest sa pamamagitan ng panonood ng ads kapalit ang laman nito. Ngunit bukod dito, walang pop-up ads na masisilayan. Makikitang nirerespeto ng Rogue Adventure: Card Battles & Deck Building RPG ang kagustuhan at kalayan ng mga manlalaro patungkol sa usaping ads. 

Subalit sa kabila ng mga positibong nabanggit, hindi pa rin maikakailang may mga kailangang pag-ibayuhin sa laro. Isa na rito ang graphics ng laro. Make or break siya para sa karamihan dahil hindi lahat ay gusto ang makaluma at pixelated na temang ginamit. Hindi ito masasabing may pinakamagandang graphics kung ikukumpara sa mga larong may kaparehas na genre. Ngunit hindi rin naman maiisip na nakadidismaya ang graphics nito dahil nagdudulot ito ng nostalgia lalo na sa mga matagal nang parte ng gaming community. Ang tanging tiyak lang na kailangang pag-ibayuhin ng laro ay ang kawalan ng access ng mga iOS user na mai-download at malaro ito. Dahil tanging sa Google Play Store lamang ito available, hindi nagiging malawak ang naaabot na audience ng laro. 

Konklusyon

Ang Rogue Adventure: Card Battles & Deck Building RPG ay hindi para sa lahat. Kung mahilig ka sa mga larong simple ang gameplay ngunit ginagamitan ng ibayong pag-iisip, nakatitiyak akong magugustuhan mo ito. Mahalaga sa larong itong maintindihan ang nababasang deskripsyon sa bawat card dahil dito nakasalalay ang pagkapanalo ng isang manlalaro. Bukod pa rito, mainam din kung ilalagay rin ang larong ito sa App Store para ma-maximize ang bilang ng mga manlalarong maaabot nito. Kaya kung ikaw ay Android user at mahilig sa pagbuo ng diskarte, i-download na ang Rogue Adventure: Card Battles & Deck Building RPG! 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...