Bubble Wings: Bubble Shooter Review

Kung babalikan natin ang mga taong nakalipas, paniguradong isa sa ating gustong balikan ay ang mga panahon kung saan wala na tayong iba pang inatupag kung hindi ang paglalaro. Marami nga ang nagsasabi na kaysarap balikan ang ating pagkabata lalo pa na sa mga panahong iyon ay malaya pa tayo sa mga problema sa buhay. Sa ngayon hanggang pagbabalik-tanaw na lang ang ating magagawa at dahil nabanggit na nga rin natin ang nakaraan, ating balikan ang isa sa mga naging paborito nating laro noong nakaraang dekada- ang bubble shooter games.

Ayon sa kasaysayan, ang bubble shooting games ay sinasabing unang naimbento noong 1994 bilang isang computer game at noong taong 2012 ay tuluyan na ngang napasok ang mundo ng online gaming. Ang konsepto ng paglalaro ng isang shooting game ay simple lamang, kailangan mo lang paputukin, o tanggalin ang tatlo, o higit pang mga bubble na magkakapareho ang kulay sa loob ng board. Simula nang pumatok ang bubble shooter games, halos hindi na mabilang ang dami ng mga ito sa digital marketplaces. Sa artikulong ito, hayaan ninyong isalaysay ng Laro Reviews ang isa sa mga larong bubble shooter. Kagaya ng mga klasikong bubble shooter game, ang Bubble Wings: Bubble Shooter ay pwede ring malaro ng online o offline. Sa pag-uumpisa ng laro, mayroon din itong tutorial at hints upang tulungan ang mga manlalaro sa mga dapat nilang gawin habang naglalaro. 

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Pangkaraniwan nang maituturing ang pagkakaroon ng power-ups, o booster, sa isang bubble shooter game kung saan madalas ay magkakaroon ka ng tinatawag na fireball, bomb ball, lightning bubble at iba. Napakahalaga ng mga ito lalo na sa oras kung saan malapit nang maubos ang iyong shooting bubbles.

Kung pakikinggan, madali lamang laruin ang isang bubble shooter game, ngunit mahirap makakuha ng mataas na puntos lalo na kung baguhan ka pa lamang sa paglalaro. Taliwas sa ibang uri ng mobile game, hindi mo kailangang laging mag-isip ng taktikang gagawin para malampasan ang mga hamon. Ang tanging kailangan mo lamang sa larong ito ay maging kalmado at matalino sa paglalaro.

Maraming paraan upang makapagtala ng score ng hindi mo kailangang ma-stress. Alamin lamang ang tamang technique at kailangan mo rin ng tamang anggulo upang magawa mong maihulog, o mapaputok, ang malaking cluster ng mga bubble sa loob ng board.

Bago bitawan ang shooting ball, isaisip muna kung tama ba ang iyong tinatarget. Tandaan na mas malaki ang tsansa mong manalo sa laro kung lagi kang nakakagawa ng combo kaya iwasan ang paisa-isang pagtanggal ng mga bubble hangga’t maaari upang bukod sa matitipid mo ang iyong shooting balls, maiiwasan mo rin na madagdagan pa ang bilang ng mga bubble sa loob ng board. Gamitin din ang mga booster kung kinakailangan lamang, ngunit kung hindi naman, mas mainam na i-reserba ito upang magamit sa tamang panahon. Bukod sa mga booster, may ilang pagkakataon din na kakailanganin mo ang tulong ng mga sisiw sa ibaba ng board. Sakali kasing napuno na ang tiyan nila ng mga bubble, bibigyan ka nila ng bonus power-ups na iyong magagamit upang madali mong maubos ang mga bubble sa board.

Huwag rin kalimutang gamitin ang wall ng laro upang magpa-bounce ng ball papunta sa target na nakalagay sa matataas na pwesto. Ang pagpapa-bounce ng shooting ball ay mainam upang tanggalin ang tinatawag na “hanging bubbles” na siyang kinakapitan ng malalaking cluster. Ang mga natitirang shooting balls na hindi mo pa nagagamit ay magbibigay rin sa iyo ng bonus points, kaya sikapin na marami pa ang iyong matitirang shooting balls dahil kapag nangyari ito, nangangahulugan din ito ng mas maraming puntos.

Mayroong dalawang main objectives sa larong ito. Una, kailangan mong i-rescue ang mga sisiw ng manok na nakakulong sa loob ng mga bubble. Pangalawa, kailangan mong ubusin ang lahat ng bubbles sa loob ng board. Ngunit sa ilang pagkakataon, may misyon ka ring iligtas ang mga inahin na manok.

Paminsan-minsan, may misyon ka rin na itaboy ang isang weasel mula sa cluster ng bubbles. Ngunit hindi magiging madali para sa iyo na gawin ito sapagkat ang cluster ng bubble na hugis hexagon ay umiikot kapag natatamaan. Sa ganitong sitwasyon, kailangan na asintado lahat ng iyong tira upang hindi matalo sa laro.

Maliban sa main game ng laro, sa ibabang bahagi ng iyong screen ay may makikita kang icon ng isang bahay kung saan pwede mong ipamalas ang iyong galing pagdating sa interior design. Pwede kang magkumpuni ng mga sirang kagamitan, magtanim ng mga halaman, magpinta ng mga pader at marami pang iba. Sa pamamagitan naman ng paglalaro araw-araw, makakatanggap ka ng libreng rewards mula sa daily sign in ng laro. Ilan sa mga reward na pwede mong matanggap ay in-game currency, boosters at iba pang power-ups.

Saan maaaring i-download ang Laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user, at i-download naman ang laro sa GameLoop para malaro ito sa PC. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Bubble Wings: Bubble Shooter on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.neongame.bubblewings

Download Bubble Wings: Bubble Shooter on iOS https://apps.apple.com/us/app/bubble-wings-bubble-shooter/id1419467042

Features ng Laro

  • Leaderboard – Kapag pinili mong maglaro online, pwede kang makipagpaligsahan ng pataasan ng score kasama ang iyong mga kaibigan at iba pang manlalaro mula sa ibang panig ng mundo.
  • Over 1000 levels – Kung ang pinaka-ayaw mo naman sa lahat ay mabitin sa paglalaro, hindi iyan isyu sa larong ito, dahil mayroon itong mahigit sa 1000 levels na kailangan mong malaro.
  • Cute In-game Characters – Bata man, o matanda ang maglalaro ng larong ito, walang duda na mapapangiti sila sa mga cute ng sisiw sa larong ito.
  • Online or Offline game – Kung ang ikinakabahala mo sa paglalaro ng isang mobile game ay internet connection, pwes, sa larong ito, hindi mo na kailangan na mangamba pa sapagkat may internet connection man, o wala, malalaro mo pa rin ang Bubble Wings: Bubble Shooter.
  • Daily Challenge – Isa ito sa mga game mode ng laro na kapag iyong nilaro ay maaaring makapagbigay sa iyo ng limpak-limpak na mga reward.
  • Money box – Sa anumang uri ng laro, mahalaga ang mga in-game currency kaya sa tulong ng feature na ito ng laro, mas lalo mo pang mapapalago ang iyong coins.

Pros at Cons ng Laro

Kapag nababagot ka sa iyong bahay, o nais mong libangin ang maliliit na bata, pwedeng-pwedeng ipalaro ang larong ito sa kanila lalo pa at walang bahid ng kahit anong karahasan ang larong ito. Mainam rin laruin ang Bubble Wings: Bubble Shooter kapag nasa byahe upang kahit paano ay maiwasan mong makaramdam ng pagkabagot. Sa karagdagan, ang isang bagay pa na mas lalong nagpapaangat sa larong ito kung ikukumpara sa iba pang shooting games ay ang napakagandang gameplay nito at kamangha-manghang house decoration bilang karagdagang feature nito.

Sa kabilang banda, alam naman nating lahat na kailangan ng mga game developer ang ads upang kumita ng pera, ngunit sobra-sobra naman ata ang dami ng ads mayroon ang Bubble Wings: Bubble Shooter lalo na kapag naglaro ka ng naka-on ang iyong mobile data o wifi. Bukod pa sa mga pop-ad, mayroon ding permanenting advertisement sa ibaba ng screen na hindi nawawala kahit pa maglaro ka offline. May ilang pagkakataon rin na ang mga reward kapalit ng panonood ng video advertisement ay hindi naibibigay ng laro gayung ilang minuto rin ang ginugol mo sa panonood ng mga ito.

Bukod sa mga nabanggit, malaking problema rin sa larong ito ang madalas na pagkakaroon ng glitching kung saan hindi napupunta sa iyong target ang iyong mga shooting ball gayung tama naman ang iyong pag-asinta.

Konklusyon

Kung naghahanap ka ng isang bubble shooting game na mayroong upgraded na mga feature, walang bahid ng pag-aalinlangan na masasabi ng Laro Reviews na para sa iyo ang Bubble Wings: Bubble Shooter. Muling balikan ang isa sa masasayang alaala ng iyong nakaraan sa pamamagitan ng larong ito.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...