Burning Sky: Aircraft Combat 3D Review

Noong panahon ng 90s, ang isa sa mga sikat na laro na kinagigiliwan ng mga bata ay ang mga arcade video game. Kabilang dito ang Tekken, Silent Scope, The Punisher, Lucky and Wild, Run and Gun, Top Skater at marami pang iba. Maraming mga laro noon ang naging bahagi ng masayang alaala ng mga batang 90s. Subalit kahit nasa moderno na tayong panahon, mayroon ka pa ring malalaro na mga arcade game na may 90s na istilo. Kung isa ka sa naghahanap ng simple ngunit nakakaaliw na 90’s arcade style na game shooter subukan mo ang larong nilikha ng SHMUP Games, ang Burning Sky: Aircraft Combat 3D.  

Ang Burning Sky: Aircraft Combat 3D ay isa ring 3D na laro. Kung hindi ka pamilyar sa larong ganito, ang 3Day mga graphic styles na may tatlong dimensyon ng taas, lapad at lalim. Maaari kang gumalaw ayon sa nais mo at umikot hanggang 360 degrees. Ito rin ang dahilan ng mabilis na pagkilos at pagkontrol mo sa iyong karakter. Ang mga elemento rin sa loob nito ay mas maganda kumpara sa 2D. Ang larong ito ay may 90s at retro vibe na may 3D na istilo.

Sa larong ito ikaw ay isang piloto. Ikaw ang kokontrol ng sasakyang panghimpapawid na ginagamit sa isang labanan. Kailangan mong patayin ang mga kaaway at sansalain ang mga banta ng pagsalakay na iyong makakasalubong sa daan. Iwasan ang kanilang mga pag-atake at paulanan ng bala ang kanilang mga sasakyan para manalo. 

Bumuo ng iba’t ibang estratehiya para matalo ang kalaban at makarating sa iyong destinasyon. Mangibabaw sa lahat ng mga piloto at talunin ang mga kaaway. Handa ka na bang maging pinakamagaling na piloto? Subukan ang larong ito.

Features ng Burning Sky: Aircraft Combat 3D

Kamangha-manghang 3D graphics – Ang larong ito ay may mahusay na graphics. Bukod sa 90s arcade style, raiden style at retro vibe na dala nito, ito rin ay naka-vertical scrolling shooter na istilo. Ang kabuuan ng laro ay naka-3D graphics.

Maraming yugto ng labanan – Mahigit sa isang daang level ng laro ang maaari mong laruin sa Burning Sky: Aircraft Combat 3D. Mas mataas na level, mas mahirap na kalaban. Sa bawat yugto ng labanan ay may haharapin ka na mga boss na dapat mong matalo. Palakasin ang iyong sasakyan at kagamitan sa pamamagitan ng pag-upgrade ng mga items.

Upgrade items – Sa pamamagitan ng mapapanalunan na pera kada level, gamitin ito upang i-upgrade ang iyong sasakyan. Bumili ng mga items at armas para palakasin ang iyong aircraft. Sa ganitong paraan, mas mabilis mong matatalo ang kalaban.

Leaderboard – Ipanalo ang bawat laban para makakuha ng pwesto bilang isa sa pinakamagaling na piloto sa Burning Sky: Aircraft Combat 3D. Gawin ang iyong misyon at makipaglaban sa mga manlalaro saan mang panig ng mundo.

Daily Mission at Rewards – Sa larong ito, may misyon kang dapat kumpletuhin araw-araw. Kapag naisakatuparan mo iyon makakakuha ka ng gantimpala. Bukod pa riyan ang iba’t ibang papremyo na naghihintay sa iyo sa paglalaro ng Burning Sky: Aircraft Combat 3D. Maaari kang makakuha ng coins, diamonds, at mga item na magagamit mo sa iyong laban.

Saan pwedeng i-download ang  Burning Sky: Aircraft Combat 3D?

Kung nais makuha ang larong ito, narito ang mga links ng laro. I-click lamang ang links sa ibaba para ma-download ang laro depende sa ginagamit na device:

Download Burning Sky: Aircraft Combat 3D Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.livezen.BurningSky
Download Burning Sky: Aircraft Combat 3D iOS https://apps.apple.com/us/app/burning-sky/id1491888416
Download Burning Sky: Aircraft Combat 3D on PC https://apps.apple.com/us/app/burning-sky/id1491888416

Para ma-download ang laro, kailangan mo ng data o internet connection. Pagkatapos, i-click lamang ang link, pindutin ang install at hintayin umabot sa 100% ang pag-download. Kapag tapos na ito, maaari mo na itong buksan at laruin.

Tips at Tricks kung nais Laruin ang Burning Sky: Aircraft Combat 3D

Para sa mga bago at nagnanais na laruin ang Burning Sky: Aircraft Combat 3D, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na siguradong makakatulong sa iyo. 

Kung ikaw ay bagong manlalaro, mas mainam kung dadaan ka muna sa tutorial stage. Sundan lamang ang itinuturo at basahin ang sinasabi sa direksyon. Ito ay para mas mabilis mong maunawaan ang daloy ng laro at maging pamilyar ka rito. Kapag nalagpasan mo na ang mga ito, magiging madali na sa iyo kung paano laruin ang Burning Sky: Aircraft Combat 3D.

Para magkaroon ng account at ma-save ang iyong paglalaro sa Burning Sky: Aircraft Combat 3D, mag log-in lamang gamit ang Google Play account. Subalit kung ayaw mo naman gumamit ng account, pindutin ang guest mode. Pagkatapos nito ay maaari ka ng maglaro at simulan ang unang level ng laban. Pindutin lang ang iyong sasakyan at kontrolin ito kung saan direksyon mo nais. Siguraduhing tatamaan ang mga kalaban para hindi sila makalapit papunta sa iyo. Iwasan rin ang mga pag-atake upang hindi ka mamatay. Kolektahin rin ang mga coins na makikita at ipunin ito. Sa pinakadulo ng level ay haharapin mo ang isang boss. Iwasan ang mga bala na ilalabas nito at paulanan ng bala hanggang sa mamatay. Kapag nagawa mo ito, ikaw ang magkakamit ng tagumpay. 

Simple, subalit kapanapanabik ang bawat eksena sa larong ito. Ibigay ang iyong makakaya para matalo ang kalaban at makapunta sa susunod na yugto ng labanan. Mangolekta ng mga coins upang mabuksan ang mga items. 

Pros at Cons sa paglalaro ng Burning Sky: Aircraft Combat 3D

Matagal na rin magmula ng opisyal na ilabas ang larong ito sa Google Play Store. Kaya naman mayroon silang bagong update ngayong taong 2022. Mas pinagbuti nila ang kabuuan ng laro at inayos ang mga errors at bugs na nararanasan ng mga manlalaro. 

Kung pag-uusapan ang tema ng larong ito, maganda ang konsepto nitong 90s arcade style na laro. Ang retro vibe at 3D graphics na ginamit sa laro ay ang nagdagdag ng kakaibang dating sa laro kumpara sa iba. Tiyak akong nakahihikayat ito sa mga manlalaro lalo na sa mga mahilig sa ganitong istilo.

Ang larong ito ay pwede rin sa mga batang edad tatlo pataas dahil wala itong nilalaman na bayolente o karahasan na nakakaapekto sa isipan. Kaya mae-enjoy ito ng bata, kabataan at maging ng matatanda. Madali lang din matutunan ang larong ito kaya maaari itong magustuhan ng lahat.

Nakatanggap din ito ng magagandang reviews sa Google Play Store. Marami ang nagustuhan ang laro dahil naalala nila ang 1942 arcade game. Nasiyahan din sila sa dami ng opsyon na pagpipilian sa laro. Pinuri rin nila ang graphics ng laro at ang mismong gameplay nito. Kahit na nakakuha ito ng magagandang komento, mayroon ding mga review na hindi nila nagustuhan ang ilang bahagi rito. Nagiging paulit-ulit na ang mga level at nagkakaroon ng lag habang naglalaro.

Sa larong ito, maaari ka ring bumili ng mga in-app na produkto gamit ang tunay na pera. Ang mga item na ito ay nagkakahalaga ng ₱15 hanggang ₱499 kada item. Subalit pwede mo naman i-disable ang feature na ito at i-off sa iyong setting ang in-app na pagbili kung ayaw mong gumastos. Sa ganitong paraan, maiiwasan mong gumamit ng tunay na pera.

Konklusyon

Para sa Laro Reviews, isa sa magandang arcade game ang larong ito. Ngayon, mayroon itong 4.4 stars out of 5 rating sa Google Play Store, at umabot na sa mahigit 500,000 downloads. Kaya kung gusto mong masubukan ang kanilang bagong update at malaman ang iba pang impormasyon tungkol dito, i-download mo na sa iyong devices ang Burning Sky: Aircraft Combat 3D!

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...