Jackal Squad – Arcade Shooting Review

Kung isa ka sa naghahanap ng kakaibang aksyong laro na may temang World War II, pwede mong subukan ang Jackal Squad – Arcade Shooting. Ang larong ito ay nilikha ng OneSoft Global PTE. LTD at opisyal na inilunsad noong taong 2021. Tiyak akong magugustuhan mo ang mga larong may klasik vibe at magandang arcade game na ito. 

Ang Jackal Squad – Arcade Shooting ay isang laro tungkol sa jackal. Kung hindi ka pamilyar sa salitang jackal pahapyaw muna nating alamin ang bagay na ito. Ang Jackal ay isang sasakyang pandigma na ginagamit sa giyera. Ito ay naglalaman ng mga baril at kagamitang panlaban. Ang sasakyang ito ay dinisenyo at binuo ng Supacat Ltd sa pabrika ng Honiton Devon sa United Kingdom. Ang jackal ay ginawa upang gamitin ng mga militar ng Britanya. 

Sa larong Jackal Squad – Arcade Shooting, ikaw at ang iyong squad ay makikipaglaban. Ang jackal ang gagamitin mong sasakyan upang wasakin ang base ng kaaway at iligtas ang mga bilanggo sa panahon ng World War II. Ang grupo niyo ay tatawaging Jackal Squad, ang samahan ng mga sundalong tagapagligtas.

Ipamalas ang iyong galing sa pakikipaglaban at iligtas ang naaapi. Bumuo ng mga estratehiya at pamamaraan upang mabilis na matalo ang kalaban. Ito na ang panahon upang tapusin ang patuloy na kaguluhan. Nasa iyo nakasalalay ang tagumpay ng labang ito. Handa ka na bang iligtas ang mga taong nangangailangan?

Features ng Jackal Squad – Arcade Shooting

Classic Theme at Pixel Graphic – Ang larong ito ay may klasikong vibe at tema na maganda para sa isang arcade game. Mayroon din itong pixel graphic na disenyo katulad sa mga larong arcade kaya mas nakakahikayat lalo ito sa mga manlalaro. 

Maraming level – Ang Jackal Squad – Arcade Shooting ay mayroong mahigit sa isang daan na level. Habang tumataas ang level ay mas humihirap ang bawat misyon na kailangang isakatuparan.

Offline at Online Mode – Maaari mo ring laruin ang Jackal Squad – Arcade Shooting kahit offline. Ibig sabihin hindi mo na kailangan ng data o internet connection para malaro ito. Kahit nasaan ka man o anong oras man ay pwede mo itong laruin. Subalit kung nais mong imbitahan ang iyong mga kaibigan at makipaglaro sa kanila kailangan mo ng internet para makakonekta sa kanila. 

Daily Quests – Mayroon kang misyon araw-araw na dapat gawin upang makakuha ng kakaibang items at papremyo. Mas marami kang magawang quests, mas malaki ang gantimpalang naghihintay sa iyo. Kunin ang mga papremyo upang makabili ng mga kagamitan para sa laro.

Modern Gameplay – Ang larong ito ay isang idle run ’n gun-style shooting jeep game at may auto-aim na makatutulong sa iyo upang bumaril sa kalaban ng tuluy-tuloy. Ang kailangan mo lang gawin ay umiwas sa mga pag-atake, iligtas ang mga nakakulong na kasama, mangolekta ng mga item at sirain ang mga base ng kaaway. 

Saan pwedeng i-download ang Jackal Squad – Arcade Shooting?

Kung nais makuha ang larong ito, narito ang mga links ng laro. I-click lamang ang mga links sa ibaba para i-download ang laro depende sa ginagamit na device:

Download Jackal Squad – Arcade Shooting on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.rocket.jackal.squad

Download Jackal Squad – Arcade Shooting on iOS https://apps.apple.com/us/app/jackal-squad-classic-shooting/id1601945004

Download Jackal Squad – Arcade Shooting on PC https://www.ldplayer.net/games/jackal-squad-tank-hero-amp-pixel-world-war-on-pc.html

Para mai-download ang laro, kailangan mo muna ng data o internet connection para makuha ito. Pagkatapos, i-click lamang ang link, pindutin ang install at hintayin na umabot sa 100% ang pag-download. Kapag tapos na ito, maaari mo na itong buksan at laruin.

Tips at Tricks kung nais Laruin ang Jackal Squad – Arcade Shooting

Para sa mga bago at nagnanais na laruin ang Jackal Squad – Arcade Shooting, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na siguradong makakatulong sa iyo. 

Kung ikaw ay bagong manlalaro, mayroong gagabay sa iyo kung ano ang mga dapat mong gawin. Sundan lamang ang itinuturo at basahin ang sinasabi sa direksyon. Ito ay para mas mabilis mong maunawaan ang daloy ng laro at maging pamilyar ka rito. Kapag nalagpasan mo na ang tutorial stage, magkakaroon ka na ng ideya kung paano laruin ang Jackal Squad – Arcade Shooting.

Sa pagsisimula ng laro, mayroong maikling kwento kung saan umiikot ang laro. Mas mainam kung ito ay iyong panonoorin at babasahin para maintindihan mo kung ano ang layunin ng Jackal Squad. Sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng inspirasyon para lumaban at gawin ang misyon na kailangan mong isakatuparan. 

Para sa pagkontrol ng laro, pindutin lamang ang screen at i-drag kung saang direksyon papunta ang iyong sasakyan. Pagdating naman sa pag-atake pindutin lamang ang iyong armas. Hindi mo kailangang pindutin ito ng marami dahil dinisenyo nila ang laro ng may auto-aim. Ibig sabihin, tuloy-tuloy ang labas ng bala mula sa armas. Kapag napatay mo na ang mga kalaban, iligtas ang mga bilanggo o bihag at dalhin sila sa ligtas na lugar.

Simple at madali lang laruin ang Jackal Squad – Arcade Shooting. Subalit kailangan mo ring bumuo ng estratehiya at pamamaraan sa pakikipaglaban. Ito ay makatutulong sa iyo upang mas mabilis mong matalo ang kalaban at makuha ang inaasam na tagumpay.

Pros at Cons sa paglalaro ng Jackal Squad – Arcade Shooting

Kung pag-uusapan ang tema ng larong ito, mayroon itong kakaibang konsepto kumpara sa mga karaniwang arcade game. Ang klasikong vibe at tema nito ang isa sa nakakadagdag sa magandang kabuuan ng laro. Sa pamamagitan ng larong Jackal Squad – Arcade Shooting, para tayong bumalik mula sa ating pagkabata dahil sa tema ng laro. 

Dagdag pa rito, ang magandang pixel graphic, visual at sound effects na ginamit sa laro. Mahusay ang pagkakagawa at nakaka-engganyo ito sa mga manlalaro. Ang mga jeeps, guns, explosions, pistols, military bases at iba pa ay may klasikong vibe. Kaya naman marami ang nahihikayat at nasisiyahan sa larong ito.

Maganda rin ang mga review na natatanggap ng laro sa Google Play Store. Marami ang nagsasabi na nagustuhan nila ang tema ng laro. Masaya at kapanapanabik raw ang bawat level ng laro. Pinuri rin nila ang creator ng laro dahil sa husay ng graphics, modes at nilalaman nito. Bagama’t may magagandang komento ito, ang karaniwang problema na nararanasan ng mga manlalaro ay ang ads na lumalabas. Ang mga ads at pop-ups daw na ito ay nakakaabala sa kanilang paglalaro. Maaari mo ring gamitin ang panonood ng ads upang makakuha ng coins pambili ng item.

Sa larong ito, maaari ka ring bumili ng mga in-app na produkto gamit ang tunay na pera. Ang mga item na ito ay nagkakahalaga ng ₱20 hanggang ₱2,000 kada item. Subalit pwede mo naman i-disable ang feature na ito at i-off sa iyong setting ang in-app na pagbili kung ayaw mong gumastos.

Konklusyon

Para sa Laro Reviews, masayang laruin ito dahil sa kapanapanabik na mga hamon na naghihintay sa iyo. Ngayon, mayroon itong 4.8 stars out of 5 rating sa Google Play Store, at umabot na sa mahigit 1 milyon downloads kahit noong taong 2021 pa lang ito inilabas. Kaya kung gusto mong masubukan ang kanilang bagong update at malaman ang iba pang impormasyon tungkol dito, i-download mo na sa iyong devices ang Jackal Squad – Arcade Shooting!

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...